Developmental Rock
ayon ke Mike Hanopol

ni Tandang Soria

 


PITONG AWITIN


Merong apat-na-taong kurso sa Unibersidad ng Pilipinas na ang tawag ay Developmental Communication. Ito'y isang mass communication na kurso na naka-focus sa mga tools at techniques ng komunikasyon bilang media para sa folk-development programs ng pamahalaan, ng mga NGOs, ng pribadong mga foundations, atbp. Sa madaling salita, ito'y yaong "mass comm" na halos kontra sa profit-motivated na "mainstream mass comm" na dinesenyo para sa mainstream mass media -- ang function ng huli ay nasa pagkalap ng kaalaman tungkol sa gusto ng masa upang ang mga himpilan ng radyo at telebisyon at mga dyaryo'y makapagbigay-serbisyo sa mga pangagailangang iyon para sa ikakikita ng mass media, pribado man o hindi.
   Ang pitong kanta ni Mike Hanopol na nilista ko rito ay nagbibigay-serbisyo sa isang pangangailangang developmental mula sa itaas na galing din sa ibaba (dahil ang concerns ng mga awit ay hugot -- at tinanggap bilang iyon sa Bayan ni Juan -- sa "folk" wisdom). Bihirang galawin ang aspetong ito ng masa ng "mass media". Binubuhos ng mass media ang lahat ng oras nito sa pagpapalabas ng tila tubig galing sa dumb dam upang bahain ang masa ng katakot-takot na mga awit at kuwento ng pag-ibig na pinangingitlog ng show & entertainment business sa star system nito. Salamat na lamang at nakapasok sa mainstream music industry noon ang mga artists na tulad ni Mike Hanopol na tila mahirap na makapasok ngayon. Sila (siguro inadvertently), noong dekada '70 hanggang sa early '80s, ay nagpasak sa gap ng kawalan ng naiiba, at itong lahat ay nagawa nang walang pagpupumilit na magtunog na parang programa sa radyo sa umaga para sa magsasaka. Ginamit ni Hanopol ang urban rock and roll sa kanyang developmental rock na para bang alam niyang matatanggap ito ng kapwa taga-lungsod at taga-rural area.
   Ang mga nasyonalistang kanta ni Hanopol tulad ng Awiting Pilipino at Tulungan Natin ay buntis ng mga mensahe (kapwa developmental at folk-philosophical) na di mapapantayan ng mga sigaw ngayong araw tulad ng "hoy, Pinoy ako, buo ang aking loob" (ni Bamboo Manalac, dati ng Rivermaya). Kung ihahambing ang mga sigaw ng mga Mike Hanopol noon, ang mga sigaw ngayon na pinangangalandakan ng recording industry ay tila walang ibang dating kundi ang kawalang-lamang lata ng complaints at pekeng sloganeerings ng mga burgis. Tila ba'y kelangan na natin muli ang isang pobreng Waray na background na tulad ng ke Hanopol upang makita kung sino nga ba ang problema. Ang "akala mo cool ka, wala kang silbi" (Walang Silbi) ng Razorback ay malapit pa ke Hanopol, siguro dahil me impluwensiya ang Juan de la Cruz band sa bandang ito (ang kanilang Pepe the Hepe ay saludo ke Pepe Smith). Sa mga linyang ganito na pasulpot-sulpot lang sa ating dekada ngayon dahil di gaanong nakakakuha ng sign-up deals mula sa mainstream marketing perspectives ng record executives, me echo ng trademark ng palabang pag-sermon ni Hanopol. Sila ang mga tutulad sa ginawa ni Hanopol sa mga klasiko niyang kanta: Kayabangan, Mister Kengkoy, at ang dating hit sa radyo na Laki sa Layaw. (8/04)

 

balik sa paboriotng Pinoy songs/albums index ni Tanda

 

 



Karapatang-ari © 2004 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1