Mga War Zones
ng Asin

ni Tandang Soria

 


SAMPUNG AWITIN (19__?)


Tuldok. Ang egalitaryanismo bilang ethos ay kakaiba sa Pilipinas, mas matinding usapin sa mga walang-kapital at  walang-diplomang mayorya sa ating class-ridden at kunwari Kristiyanong bansa. Dukot sa pagkamulat sa katotohanang ito, umuutot ang Tuldok ng isang kapuri-puring nakagigimbal na totoong amoy ng bayan, at ito'y tila para sa mga ayaw humarap dito o sa, halimbawa, mga Republicanized na Fil-Am balikbayans na maaaring napapangisi lamang sa epistemolohikal na pagkauhaw ng kanta sa pagkakapantay-pantay bilang napaka-Democrat at -corny na mithiin. Mula naman sa anggulo ng lokal na komunista sa kabilang banda, ang country-rock-awitin na ito'y masyadong pasifista sa kanyang pagiging relihiyoso imbis na maging maka-kasaysayan lamang ("maraming nag-aaway, tuldok lang ang dahilan").

Masdan Mo Ang Kapaligiran. Naging bestseller ang kantang 'to sa isang crowd na kadalasan noong Marcos era ay tinuturing na may pagkiling sa mga komunista, at ito'y dahil lamang sa pagiging maka-kapaligiran o environmentalist (basa: laban sa mga pabrika) ng kanta. Ito'y sa kabila ng inaabot ng mga linyang "hindi nga masama ang pag-unlad/ at malayo-layo na rin ang ating narating". Para sa kabataan ngayon, ito po'y dahil ang hit-awit na ito'y lumabas noong ang environmentalism ay hindi pa pang-yuppie na kataga at wala pang celebrity na nag-li-lip-service rito bilang isang sosyal na relihiyon.

Usok. Tila Kristiyano (Rastafaryano?) ang kanyang buod, pero ang reggae-style na kantang ito (salamat sa linyang "tinangay na ng hangin ang masamang panaginip") ay naglalarawan ng isang pag-asang politikal o economic kung ilalagay natin ang konteksto nito sa alaala ng paglipad ng rehimeng Marcos at -- later -- ng rehimeng Estrada (at sa mga sumunod na tila-liwanag sa ating paligid). Ngunit habang kinamumuhian ng ibang bansa at ng iba sa ating mga kababayan ang pagka-mapagpatawad ng Pilipino, ang Usok ay nagbibigay ng positibong pananaw sa karakter nating ito kahit man hindi nito sinasambit ang isyu ng katarungan, sa dahilang baka ayaw niyang (o hindi niya maaaring) sambitin si Marcos o si Estrada man.

Ang Bayan Kong Sinilangan. Narito ang isang elehiya o elegy (pag-awit ng kalungkutan) sa failure of justice sa magkabilang banda ng isang usapin. Set sa Kutabato sa Mindanaw, ang kantang ito ay tila patagilid na mulat sa mungkahi ng fundamentalist Moslems para sa isang Islamic na pamunuan sa isla, sa paghingi ng ilang Mindanawenon ng kapantay ng Luzon na budget appropriation para sa mga intereses ng Mindanaw, at sa pagka-praning ng militar na lumikha ng isang parang-Vietnam na estado kasama na ang nakagawiang "hamletting" at kung anu-ano pa, nang awitin nito ang mga linyang "dahil walang respeto/ sa prinsipyo ng kapwa tao...".

Gising Na Kaibigan. Hindi mahirap i-imagine na ginagamit ang piyesang ito bilang audio material sa ilang maka-kaliwa o aktibistang A-V presentation, bagamat maaaring ito'y simpleng karinyo lamang sa popular na hilig ng iba nating dropout o outcast na kababayan na aralin ang kanilang sarili. Duda ako na intensyon ng awit na ito na maging isa pang dagdag na burgis cum kapitalistang ilustrasyon ng maalamat na si Juan Tamad; mas kiling ako sa paniniwala na sinulat ito upang maging isang awit ng pag-asa lamang para sa mga nawawalan ng pag-asa. 

Magnanakaw. Para sa isang bansa kung saan ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap ay nakapagtayo ng isang klasikong landscape o cityscape ng matataas na bakuran, nagluto ang Asin ng isang awit na nagbigay-bagong-depinisyon sa proudly-Filipino na salitang "magnanakaw": ito'y di eksklusibo sa mabababang-uring mga miserable na matatagpuan natin sa labas ng nagtataasang bakurang yaon.

Pagbabalik. Ito na marahil ang kauna-unahang Pinoy rock-awit para sa mga homesick na kriminal (o pinaratangang kriminal). Nilatag nito sa wikang Tagalog ang naka-iinteres na paghambing ng krimen (nangyari man o hindi) ng isang indibidwal sa kanyang pagnasa na mayakap muli ng kanyang bansa o bayan.

Hangin. Ito'y isang pastoral (pag-awit tungkol sa kagandahan ng purong kalikasan) na may balik-sa-basics na agenda. Masasabi mong talagang kagawian na ito ng folk rock noon pa, ngunit sa piyesang ito ay tila mas may pangangailangan ang kasalukuyang panahon sa pagiging mga dekada ng mga plastic kings.

Ang Buhay Ko. Ang dala-dalang tinik o passion man ng musikero o artist at ang kanyang pagpapakasal sa kahirapan at sa paglalakbay. Isang unibersal na cliché o patuloy na katotohanan sa Ikatlong Mundo? Ang mala-mga-hakbang-ng-kabayo na beat sa kanta ay maaaring maglarawan ng mga kabayo ng sinaunang panahon, ngunit si Heber Bartolome (hindi ng Asin) ay nang-re-recruit pa rin ng mga musikero para sa Japan matapos mapagod sa kalalaban sa sistemang maka-payola (at iba pang isyu) sa industriya ng musika sa Maynila. Maaaring suwerte ka kung si Bartolome ang nang-recruit sa iyo, at kung hindi ay baka nga parang tumaya ka sa kabayo (o camel) na walang kalaban-laban sa Santa Ana. 

Balita. Hindi pagsusulat ng balita ang ginagaya ng pagsasalarawan ng kanta ng mga pighati sa isang salitang-Sebuwanong parte ng ating bansa, isang Lupang Ipinangako. Ipinangako sa mga Kristiyano? Sa mga sumurender na Hukbalahaps? Sa mga Moslem? Sa iba pang mga Pilipino matapos ang Commonwealth? Sa mga ilegal na mangtotroso at minero? Ang isang corollary reading ay magsasaad nito: lahat ng lupaing ipinangako ay sona ng giyerang doon ay ipinako. (4/04)

-------------------------------------------

Himig ng Pag-Ibig. At saan naman tungkol ito? Isang simpleng awit ng pag-ibig sa wikang Tagalog? O ipinahihiwatig ba dine, sa puno-ng-giyera at tumutukoy sa isang nakapitan-ng-kahirapan o di kaya'y pobre-sa-kalayaang kapaligiran ng mga umaligid na awitin dito, . . . pinahihiwatig ba rito ang isang politikal na pagkawala ng isang minahal?

Itanong Mo Sa Mga Bata. At kung tunay ngang nag-iisip ang isang tao tungkol sa isang nawawalang minahal o kaibigan, kanino niya ililingon ang kanyang atensyon? Tama ka, sa pag-aalaga ng mga bata na mas nangangailangan ng pagmamahal niyang iyon. Bagaman magagmit ng mga OFWs na lamog sa kanilang sakripisyo at kailangang-kailangang maalala ang kinabukasan ng kanilang mga anak bilang kawsa ng kanilang paglakbay, ito'y maaari ring maging awit tungkol sa nangasirang pag-asawa, o tungkol sa isang pagkawalay dahil sa isang sakit. Tinamaan ng kanser at pinabayaan sa cancer ward, ano ang gagawin ng isang nilalang? Magpatiwakal? O gumawa ng isang kahuli-hulihang bagay sa buhay para sa mga bata? (6/05)

 

balik sa paboritong Pinoy songs/albums index ni Tanda

 

 


 


Karapatang-ari © 2004 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1