Mga Sermon
ni Freddie Aguilar

ni Tandang Soria

 


LABINDALAWANG AWITIN


Pulubi. Ang DSWD ang may isa sa pinakamaliit na budget appropriation sa gobyerno, at totoo ring ang pangingempleyo ay may napakaraming rekisitos (kelangan UP grad, babae, 30 taong gulang pababa, maganda o pogi, atbp.). Di ko pa nababanggit ang ayaw paawat na pagtaas ng unemployment rate sa bansa na tila bagay na pinagmamalaki ng bawat rehimeng dumarating. Kaya bagaman totoo ring naglipana ang mga sindikatong nagpapatakbo ng beggary turfs sa Maynila (Metro Manila at karatig-lalawigan), ako rin nama'y may paniniwala na meron pa ring mga totoong pulubi. Kaya, sige, maaari pa akong makapag-empathize sa piyesang 'to sa rush hour, papuntang opisina man o pauwi, at maipagpapaliban na ang country glam na vest at di-mahiyaing sombrero ni Aguilar.

Alaala. Bahagi ng tila malinaw na triptych na kumikilala sa Pilipino at Katolikong pagselebra sa pamilya, ang country-rock-awitin na ito ay isang oda (o saludo) sa tatay.
  Inukopa ng Anak ang tributo sa pagiging magulang sa gitnang panel ng triptych. At ang ikatlong panel naman ay naglalaman ng Ina at ang abstract na paglarawan nito ng -- o pakiusap para sa -- isang gunitang nagmamahal ng isang ina.
  Ang makabagbag-damdamin na kuwento sa Alaala ay umiikot sa isang huling pangaral mula sa isang tatay na nagsabing, "tulungan mo ang iyong sarili" (sa pagsisikap marahil sa eskuwelahan), na tinutukoy ng umaawit bilang pinaka-naaalala niyang oras. Narito ang isang tatay na ang naunang handog sa kanyang anak ay ang tila nakagugulat na "tulungan mo ang iyong sarili". Subalit hindi ito nakaririndi at kailangang basahin sa konteksto ng pananalita ng isang magulang na mapagmahal na nalalagay sa isang panahong kung tawagi'y tag-hirap, isang tatay na nakakikita ng di-madaling makamit na oportunidad para sa kanilang anak na makapagsipag sa pag-aaral. Ngunit sa kabila ng pangaral na ito, ang tatay ay nagbigay, na may pahintulot man o wala, sa kagustuhan ng kaniyang anak na maghanap ng landasin sa larangan ng musika at paglalakbay. Sa kabilang banda naman, ang "Freddie" ng kanta ay nagmistulang bayani sa kanyang pagsaalaala sa katuwiran ng naunang di-sinunod na pangaral ng kanyang ama, bagaman meron siyang nakamit na tagumpay matapos ang kaniyang rebelyon; ito'y umawit ng, "saan man siya naroroon, mga payo niya'y tataglayin ko."

Anak. Masasabing isa itong variation sa kuwento ng prodigal son sa Bibliya. Ang nakayayanig na mga linya ng pagpapatawad ay tunay na nangingibabaw sa tatlong climactic na linya sa naging international hit na kuwento ng awiting ito: "at ang una mong nilapitan/, ang iyong inang lumuluha,/ at ang tanong, 'Anak, ba't ka nagkaganyan?'"

Ina. Maaaring ang dating nito'y nang-exploit sa tagumpay ng Anak, ngunit sa ating maka-Mama Mary na kultura ay may bigat pa rin, bagamat abstracted.

Bayan Ko. Ito na marahil ang pinaka-emosyonal na isinaplakang rendition nitong awiting virtually ay naging second national anthem ng ating bansa. Isantabi na natin ang tsismis (at ironic na konteksto sa pagiging "national hymn" nito) na ang karapatang-ari sa kanta ay hindi nasa kompositor nito.

Buhay. Me pagka-corny ang tunog ng tumitibok na puso sa simula ng kanta, pero narito ang isang awiting nagbigay sa maraming Pilipino ng kaluwagan sa pilosopikal na pag-iisip na ang bawat nilalang ay may dala-dalang kirot ng buhay, mayaman man siya o mahirap lang. Subalit, maaaring na-realize ni Aguilar kung sino ang kanyang primerong audience, kung kaya't sinundan niya ang kanyang sermon ng "kahit ang mga mayaman,/ ay di lubos ang kanilang kasiyahan" ng patawa sa linyang "Sa buhay ng mahirap ay gayundin,/ lalo na't kay dami mong mga utang."

Buhay Nga Naman Ng Tao. Isa pa itong produkto ng Pinoy developmental rock, na nagtulak ng mga social values habang patagilid na nanumbat (consciously man o hindi) sa mga kapalaluan ng rehimeng Marcos.

Bulag, Pipi at Bingi ay maaaring ang pinaka-matalas na kritisismo sosyal ni Aguilar, kung kaya't hiningi ni Imelda Marcos na itakwil ito sa roster ng mga finalists sa Metro Manila Pop Song Festival noong panahon.

Higit Sa Lahat, Tao. Giniling sa panahon na marami ang nagluluto ng sermon-songs, nakabuo si Aguilar (o nag-re-popularize) ng isa sa pinaka-populist na slogans sa kasaysayan ng Pilipinas, at samakatuwid sa kasaysayan ng Philippine political songwriting. Makinig sa lyrics at tanungin, itong uri ba ng atake sa audience ay naka-impluwensiya sa speechwriting ng dalawam-beses naging presidential aspirant na si Raul Roco, halimbawa?

Kinabukasan. Oo nga't para sa maraming walang trabaho ito na marahil ang tila insensitive at di patriyotikong komposisyon ni Aguilar. Ngunit sa pagsusulat tungkol sa katamaran, di niya akalain sigurong makagagawa siya ng nararapat isulat tungkol sa downside ng Pinoy filial tightness na isa sa mga bagay na pumapatnubay sa isang tamad na dependente sa ating lipunan, na kumakapit na tila parasite sa pagka-masipag ng ibang miyembro ng kaniyang pamilya.

Magbago Ka. Bago pa man maglabasan ang ilang miyembro ng industriyang American rock, lumalabas na si Aguilar upang mangampanya laban sa droga sa pagsabi ng "ayoko", at iyon ay sa pamamagitan ng kantang ito. Dito, suot-suot na ng boses ni Aguilar ang sermon-song kontra bisyo para sa kabataang Pinoy. Ang pormula? Balikan lamang ang motif ng Anak.

Problema. "Kaya ang dapat nating gawin, maglibang-libang at ating limutin." Yan ang payo ni Aguilar sa isang naunang piyesa na may pamagat na Buhay. Dudugtungan niya 'to sa isang later na piyesa, at dito ang country-folk artist nating bida ay nakabuo ng isang 'kakatawang kiliti na gayunpaman ay umiwas sa direksyon ng "novelty song" trap. Hindi parati masarap pakinggan, lalo kung manggagaling ka sa isang Marxistang standard, ngunit paminsan-minsan noo'y ito'y nagiging angkop sa panlasa ng oras para sa maraming nalilitong isip at marahil ay nakapagsalba ng ilang patiwakal na kaluluwa sa iskwater. :-) (4/04)

 

balik sa paboritong Pinoy songs/albums index ni Tanda

 

 


 


Karapatang-ari © 2004 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1