Pagtingala
    Bulong
    Isang Dipa o Higit pa
 

 

 

Pagtingala

 

           Nalusaw na ang inilagay kong pira-piraso ng mga krayola sa bubong ng aming bahay kaninang tanghali. Ngunit hindi pa rin tumulo sa dulo ng bubong ang katas nito. Marahil sa susunod ay dalawang buong piraso na ng krayola ang ilalagay ko para mas mabilis tumulo sa dulo. Ngunit kung tutuusin ay mabilis na nalusaw ang krayola dahil napakainit ng sikat ng araw ngayon. Nakakapaso pa rin ang init ng bubong kahit natatakpan na ng pader at hindi na ito nasisikatan ng araw. Maghihintay pa ako ng ilang sandali upang maka-akyat rito at matulog.


            Araw-araw, pagdating ko sa eskwelahan, papakainin ako ni mama ng panangahalian, tatanungin ng mga takdang aralin at papatulugin para sa siesta. Mas maganda raw matulog muna ng kaunti bago mag-aral. Minsan sa baba ng bahay o sa tindahan na lamang ako pinapatulog para agad magising at makapag-aral. Agad akong nagigising rito dahil hindi ako komportable at dahil na rin sa maraming maririnig na ingay. Sabay-sabay kung mag-ingay ang mga kabitbahay naming may talyer. Rinig ang mga kalampag ng mga bakal na tubo, pinuputol na metal sheets, martilyo at pang-welding. Ang mga sasakyan na dumaraan sa tapat ng tindahan ay nakiki-isa rin sa ingay. Pati ang amoy ng usok, gasolina at langis ng mga ito ay hindi ko natitiis, mas gusto kong matulog sa taas ng bahay o sa aming bubungan.


            Inihanda ko na ang upuan upang tuntungan ko at maka-akyat sa bintana at sa bubungan. Mainit pa rin ng kaunti ang yero, ngunit sandali na lang at pwede na akong umakyat. Habang ako ay nakasandal sa bintana, nagdaraan muli ang mga malalaking pulang langgam sa gilid nito. Ang iba ay may dalang maliliit na butil ng kung anong bagay na napulot nila at ang iba naman ay walang dala at nawawala sa pila. Sinubukan kong sirain ang kanilang pila at ang isang langgam ay napansin kong papalapit sa akin. Huminto at tumingala sa akin habang iginagalaw ang kanyang bunganga na may mga tulis at itinataas ang dalawa sa kanyang mga paa na parang naghahamon ng away dahil sa pagsira ko sa kanilang pila.


            Natakpan na ng pader ng katabi naming bahay ang buong bubong sa sikat ng araw. Malamig na ang yero, pag-akyat ko sa bubungan agad akong humiga at pinagmasdan ang langit. Napakaganda talagang pagmasdan ang buong kalangitan tuwing oras ng siesta. Napakabughaw ng kulay ng langit na nagbibigay sa akin kapayapaan. Kasabay na rin ito ng katahimikan ng buong paligid sa bubong ng aming bahay, dahil sa tapat ay isang malawak na bakanteng lupa at ilang hakbang pa ay ang planta ng yelo. Nasa gitna ng buong compound ang aming bahay at malayo ito sa mga kalsada na gumigitna rito. Wala akong naririnig na tunog ng sasakyan mula rito. Hindi na gaanong nakakasilaw ang sikat ng araw ngunit matingkad pa rin ang kaputian ng mga ulap. Isa rin ito sa mga dahilan ko kung bakit ko pinili ngayong matulog sa bubong kahit na alam kong mahirap matulog rito dahil may mga umbok ang yero.. Sinabi kasi sa akin ng aking kalaro na kaninang umaga ay nakita niya na may hugis ibon na nabuo sa ulap. Umasa ako na sakaling umukit muli ang hangin ng korteng ibon sa ulap o ng anumang bagay. Marami akong nakitang ulap na hugis mukha ng tao. Sa mga panahong iyon, iniisip ko na ang mga nakikita kong mga mukha sa ulap ay ang mga mukha ng mga yumaong tao na parang minamasdan mula sa langit ang mga naiwan nila sa lupa.


            Wala akong nakitang korteng ibon na ulap, ngunit marami akong nakitang mga ibon at nasa isang linya kung lumipad. Iyon ang mga kalapati ni kuya Jun. Katabi lamang ng aming bubong ang tirahan ng kanyang mga kalapati. Ang iba ay bumabalik na sa kanilang tirahan, ang iba ay lilipad pa lamang at ang iba ay patuloy pa rin sa paglipad. Nakaka-aliw panuorin ang mga kalapati kung lumipad, sabay-sabay sila at nasa isang linya. Nakakabuo sila madalas ng korteng triangulo na parang mga aircraft na pang-giyera o isang parada sa langit. Naririnig ko nanamang pumapalakpak si kuya Jun, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit kailangang pumalakpak kapag lumilpad ang mga alagang kalapati. Hindi ako sigurado kung ito ba ay para tawagin ang mga ito upang bumaba ulit sa lupa o isang utos o papuri upang ganahang lumipad ang mga ito at pumorma sa langit.


            Mas lumamig na ngayon ang bubong, pati ang ihip ng hangin ay lumamig. Ang araw ay malapit na ring magtago sa mga bundok. Nadadala na ako sa katahimikan ng buong paligid. Hindi ko na rin napapansin ang mga umbok ng yero. Napakagaan ng pakiramdam kapag nasa bubungan ako. Kung hindi lamang matigas ang yero, madadala ang aking isipan na nasa ulap ako at lumulutang, napakalapit ko sa langit at nais ko nang humimlay habambuhay. Napakalayo ng daigdig ko sa bubungan kumpara sa labas ng bahay na puro ingay ng mga talyer. Kung tutuusin nga ay para akong nananaginip ng gising sa sobrang kaibahan ng dalawang mundong iyon. At nagpapasalamat ako dahil may isa pang maliit na lugar na nagbibigay ng katahimikan.


            Unti-unti nang pumipikit ang aking mga mata at unti-unti na ring nagpapahinga ang diwa ko. Ngunit naririnig ko na ang tawag ni mama at ginigising na ako. Tapos na ang oras ng siesta. Hindi ko man lang namalayan at hindi ko rin tuluyang naipikit ang aking mga mata. Babalik na lamang ako rito bukas, upang pagmasdan muli ang kalangitan, ang paglipad ng mga kalapati ni kuya Jun at ang pag-ukit ng hangin sa ulap.

           Panunuorin ko rin ang mga langgam at hahanapin ang kanilang tahanan nang hindi sila ginagambala. Nag-iwan ulit ako ng piraso ng krayola sa bubungan upang makabalik muli sa lugar na ito. At bukas sa oras muli ng siesta, siguradong aabot na sa dulo ang katas nito.

 

 

Bulong

 

Nais ko lamang maglaho
Kahit ilang saglit
Ang nagdudulot ng sakit
Sa aking kanang kamay
Dahil sa aking kamay nakasalalay
Ang pagbati ko sa iyo aking kaibigan

Kung maririnig mo lamang
Ang aking mga salita
Sa kaunting sambit lang
Hindi na idadaan pa sa papel
Ang mga salitang iniluwal ng aking puso
Sa mga karayom na nakabaon
Pinamanhid ang aking sandata
Ang mga titik ko’y sabog
Wala pang damdamin
Patawad
Patawad sa aking kahinaan

Sa ilang mundong
Nag-astang pader
Ang tinig ko’y hindi mo maririnig
Ipadala ko man ito sa hangin
At ngayon humihiyaw ang aking mga kamay
Lumalaban at buo ang kamao
Pilit na inaalis ang sakit
Kumikilos upang ang bawat salita’y hindi lamang bumulong.

 

 

Isang Dipa o Higit Pa

 


           Katulad ng aking titulo, isang dipa lamang ang layo ng Panginoon para sa akin o marahil para sa iyo ay higit pa.

           Higit pa sa isang dipa ang aking pwesto nang kinuhanan ko ng ritrato ang groto. Sa mga dipang iyon ay ang mga matutulis at magkakaibang taas na mga bato na may malalalim na mga pagitan. Katulad nito ang daan patungo sa kaligayahan at sa Kanyang piling. Tulad ng buhay ang daan patungo sa groto, na hindi sa lahat ng panahon ay nilulubugan ng dagat ang mga matutulis na mga bato upang mas madaling mamangka at makarating sa tuktok nito.                                            

           Ngunit kung tutuusin, ang isang dipa ay labis na kung hahayaan lamang natin ang ating mga sarili na maramdaman Siya sa ating tabi o maging sa ating puso.

                                            
Hosted by www.Geocities.ws

1