|
Huwebes na naman. At hindi pa rin tumitila ang ulan magmula kagabi.
Tulad ng araw-araw kong nakagawian ay kailangan ko pa ring bumangon para lang
pumasok sa paaralan. Alas-sais na ng umaga pero heto ako, nag-uumpisa pa lang
kumilos. Malamang ay alas-otso na naman ako makakarating ng paaralan. Alam mo
naman dito sa Maynila, hindi na nawala ang trapik lalo pa at umuulan.
Sa wakas ay nakarating na rin ako ng mahusay sa aming silid-aralan. At tulad ng dati, huli na naman ako sa klase. Sa araw-araw na lang na ginawa ng Panginoon ay huli ako. Siguro himalang maituturing kung isang araw ay magagawa kong pumasok ng maaga. Palibhasa kasi ay wala pa akong gaanong iniintindi. Ang alam ko lang ay magsaya sa piling ng aking mga kabarkada. Kwentuhan dito, kwentuhan doon. Kantahan diyan, tawanan doon. Pa-ngiti-ngiti. Pero minsan hindi ako mapakali. Ayaw akong patahimikin ng damdamin kong araw-araw ay may samu't-saring ibinubulong. Minsan tuloy ay nagawa kong umiyak. Hindi naman kasi parating saya na lamang ang buhay ko. Tao lang din naman ako at sa murang edad kong ito ay naranasan ko na rin ang masaktan. Masaktan. Dahil minsan akong napagbitiwan ng aking mga magulang ng mga maaanghang na salitang kailanman ay hindi ko magagawang kalimutan. Oo't may ilan akong nagawang pagkakamali ngunit mayroon pa rin akong karapatan sa isang mapagkalingang pamilya. Oo't may obligasyon akong magtapos ng pag-aaral ngunit may karapatan din naman akong magsaya. Hindi ako nabubuhay para sa pag-aaral lamang. Hindi ako isang makina. Tao ako na may pagkakamali at may pakiramdam. Nais kong magkaroon ng mga kaibigan. Nais kong maramdaman ang pagmamahal ng isang kaibigan, hindi lamang ang pagkalinga ng isang magulang. Ngunit nagawa akong talikuran ng isang matalik na kaibigang minahal ko ng lubusan. Nagawa niya akong ipagpalit sa isang kaibigang kasoy. Itinuring ko pa man din siyang kapatid dahil hindi ako nabiyayaan ng isa. Pero niloko niya ako at ginamit para sa sarili niyang karangalan. Hindi niya rin naisip na ako pala ay may damdamin. Nagkubli ako at lihim na nagmahal. Umasa sa kaunting pagmamahal mula sa isang kaibigang kahit kailan ay hindi naman ako magagawang mahalin sa paraan na nais ko. Siguro nga hanggang dito na lang ang kaya ko. Hindi ko naman hawak ang damdamin ng ibang tao. Hindi ko sila maaaring diktahan. Ang magagawa ko na lamang ngayon ay ang magdalamhati at ang magdasal ng taimtim. Malaki rin ang maitutulong nito para huwag akong bumitiw. Kailangan ko pang ipagpatuloy ang aking laban. Malayo pa ako sa aking dapat na kalagyan. Marami pang darating na handang tumulong sa akin. Kahit na sa aking pagkalunod, alam kong may isang bukod tanging darating para ako'y saklolohan. At kapag nakilala ko siya, sasabihin ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Papakiusapan ko siyang huwag niya akong iwan. At mamahalin niya rin ako tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Magiging maligaya kaming dalawa... Dalawa. Dalawang oras na pala ang nakalipas magmula nang ako ay mag-umpisang mangarap. Kay bilis nga naman ng oras. Akalain mo'y uwian na naman. Ni hindi ko na nga namalayan na tumila na pala ang ulan. Hinding-hindi ko nga makakalimutan ang araw na ito. Dahil ngayon, nagawa ko na ring ipagtapat sa kanya ang katotohanan. Nagawa kong labanan ang mga alon na pilit akong dinadala sa kasawian. Masaya na naman ako... | ||||||||