BULONG NG DAMDAMIN



        Sa sandaling panahon na namalagi ako sa mundo, mayroon akong isang mahalagang bagay na natutunan - ang magmahal.

       Sa munting mundong aking ginagalawan, nakatagpo ako ng isang taong aking mamahalin. Iilang bagay lang ang nalalaman ko tungkol sa kanya. Wala kaming masasabing "matibay" na pagkakaibigan ngunit hindi ito naging hadlang para mahalin ko siya. Ni hindi niya nga alam na may tao palang nagmamahal sa kanya. Buong buhay niya kasi nakatuon na sa ibang tao. Sa isang taong mahal niya, hindi naman siya ang mahal. Pero mahal niya. Parang ako, kahit na alam ko yung totoo, nagpapakabulag ako sa pagmamahal na nararamdaman ko. Minsan nga tuloy, hindi ko maiwasan ang magtanong sa aking sarili kung tunay na pag-ibig na nga ba ang aking nararamdaman. Ni hindi ko nga matanto hanggang ngayon kung ano ba talaga ang mayroon siya at biglaan ko na lang siyang minahal. Hindi naman dating ganito ang puso ko. Iba ang nararamdaman ko - hindi ko maipaliwanag.

       Minsan nga gusto kong pagsisihan ang nararamdam ko kasi puro sakit ang kapalit ng bawat tuwa ko kapag kapiling ko siya. Pero kahit ilang luha pa ang idulot ng sakit na nararamdaman ko, mahal ko pa rin siya dahil mas kakayanin ko ang masaktan na lamang kaysa mawala siya sa buhay ko. Gusto kong isipin na mali ito, pero ayon sa aking puso, walang mali sa pag-ibig. Gusto kong isipin na ang tanga-tanga ko, pero sabi ng puso ko nagmamahal lang naman ako. Oo nga't may ilang dahilan para kamuhian ko siya, pero di hamak namang mas marami ang dahilan para mahalin ko pa siya ng lubusan. Gusto kong isipin na sana hindi ko na lang siya minahal para hindi ako nasasaktan. Pero alam mo ba kung ano ang ibinubulong ng damdamin ko? Na hindi naman ako magiging maligaya kung hindi ko siya minahal. Maaaring hindi ako nadadala, pero ang totoo'y hindi ko kaya kapag nawala siya. Hindi magkakaroon ng buhay ang buhay ko kung wala siya. Minsan lang darating sa buhay ko ang pagkakataong makatagpo ng isang katulad niya. At ngayong dumating na ang pagkakataong iyon, hindi ko na ito basta-basta palalagpasin. Dahil kapag nawala pa siya, kukulangin ang habangbuhay para lang makatagpo ako ng isang katulad niya. Kung iisipin ko nga rin naman, nag-iisa lang naman siya - wala siyang katulad.

       Kailanman ay hindi ko ninais na maramdaman ito. Ang buong akala ko ay masaya na ako sa munting mundo ko. Pero bigla na lang siyang dumating - at ang lahat ay nagbago. Hindi ko naman siya minahal dahil mahal niya ako, kundi dahil mahal ko siya. Matatanggap ko ang buong pagkatao niya - kabilang na ang lahat ng kanyang pagkakamali. At kailanman ay hindi niya kinakailangang suklian ang pagmamahal na ibinubuhos ko sa kanya. Basta maligaya siya, magiging maligaya na rin ako. Hindi man niya malaman ang lahat ng saloobin ko para sa kanya, ayos lang. Basta ang mahalaga, mahal ko siya - sapat na iyon.



Hosted by www.Geocities.ws

1