| Enero 18, 2003. Isang malamig na Sabado ng umaga, masarap sanang matulog, ngunit kailangan kong bumangon nang maaga at pumasok sa paaralan dala-dala ang isang malaking bag na magdamag kong inayos nang nakaraang gabi. Siniguro kong wala akong naiwan na mahahalagang bagay. Nagdala ako ng dalawang pantalon, walong t-shirt, tatlong pares ng panloob na damit, dalawang pirasong shorts, at isang jaket. May baon din akong tatlong litrong tubig, pananghalian, at pagkaing panawid gutom. Nagdala rin ako ng safety o medicine kit na naglalaman ng ilang pirasong gamot sakaling mahilo, magalusan, o makaramdam ako ng sakit. Sa madaling salita, pinaghandaan ko nang mabuti ang paglalakbay na ito.
Pasado alas-sais nang dumating ako sa paaralan. Marami ng tao sa gym at nag-aayos na sila ng iba pang bagay na aming dadalhin. Mayroong kumukuha ng mga riple sa Marangal Hall at mayroon ding paroo't parito dala-dala ang malalaking imbakan ng tubig pang-inom para sa aming biyahe. Ilang sandali pa'y pinapila na kami at pinasakay sa isang ordinaryong bus (walang aircon). Bago ko pa namalayan, kami ay nasa Munting Buhangin Beach Camp, Batangas na. Tanghaling tapat nang dumating kami sa aming kampo. Pagbaba ng bus ay pinagtabi-tabi namin ang aming mga gamit at naupo kami sa isang tabi upang kainin ang baon naming tanghalian. Pagkatapos ng tanghalian ay nag-umpisa na ang aming kapana-panabik at katakot-takot na pakikipagsapalaran. Unang na-assign ang Charlie Company sa basic rapelling. Ang rapelling ay ang pagbaba mula sa isang mataas na lugar gamit ang lubid. Gaya ng inaasahan, isa-isa kaming bababa mula sa kampo namin papunta sa tabing dagat. Hindi ko makakalimutang muntik na akong ma-disgrasya rito nang nawalan ako ng balanse. Mabuti nalang at malapit na ako sa patag at naroon na ang iba kong kamag-aral para alalayan ako. Ang ikalawa naming aktibiti ay ang river crossing. Ito naman ang pagtawid mula sa isang puno patungo sa isa pang puno, gamit muli ang lubid. Nagmistula kaming mga akrobat na tinutuya ng mga manonood. Hirap na hirap ako sapagkat niyuyugyog ng mga instraktor ang lubid na aking tinatayuan. Pero sa kabila nito, natapos ko naman ang nasabing aktibiti. Bandang alas-singko na ng hapon nang natapos kami sa river crossing. Oras na ng pagpapahinga. Oras na rin ng pagkain. Pagsapit ng alas-otso'y kailangan na naman naming maghanda para sa combat tactics. Sa combat tactics ay per company ang galaw. Magkakalaban ang Alpha, Bravo at Charlie Company; kanya-kanya sa pamamaraan ng pagpasok at pagtatago sa gubat upang mang-ambush ng mga kalaban. Napag-desisyunan ng pinuno namin na hatiin ang balangay (company) namin sa dalawang pangkat. Ang unang pangkat ay pumasok sa gubat habang kami naman (ang ikalawang pangkat) ay naka-antabay sa labas, nag-aabang sa mga kalaban. Wala kaming kamalay-malay na na-ambush na pala yung unang pangkat namin. Nalaman lang namin ito nang pinuntahan kami ng aming CAT Commandant para sabihin na kailangan na ring pumasok ng pangkat namin sa loob ng gubat. Mag-aalas-dyis ng gabi siguro nang pumasok kami sa gubat. Madilim at nakakatakot sa loob. Hindi mo alam kung saan dadaan, susunod ka lang sa officer. Isang maling galaw ay maaari mong ikahulog sa bangin o di kaya'y ikasugat. Dapat maingat ka sa iyong mga kilos. Habang mahimbing na natutulog ang mga tao sa siyudad ay nagpapakahirap naman kaming umakyat ng matarik na bundok. Huli na nang malaman naming mali ang daang aming tinahak. Hindi na kami maaaring bumalik - wala ng iba pang magagawa kundi ang magpatuloy sa pag-akyat. Tatlo lang ang kasama naming officer noon. Hindi ko maiwasan ang matakot. Sa kabila ng aking pagluha't pangamba'y alam kong kailangan kong sumunod at magpatuloy sa pag-akyat. Kanda hulog ang mga batong kinakapitan ko, kanda putol ang mga sanga ng mga puno. Tila ba wala ng katapusan ang paulit-ulit kong pagka-dulas, pagka-gasgas, at pagkahulog. Nakakatakot. Akala ko'y hindi na ako makakauwi ng buhay. Mabuti na lang at nasundan kami ng isang instraktor at nagabayan kami sa daan palabas. Alas-dos na ng umaga nang makabalik kami sa kampo. Tulog na ang karamihan sa batsh namin, may iilan na lang na hindi pa rin dalawin ng antok. Hindi ko na alintana ang sakit ng katawan ko noon, ang mahalaga sa aki'y nakabalik na ako sa patag nang buhay at makakatulog na ako ng mahimbing. Enero 19, 2003. Alas-kwatro y medya pa lang ay gising na ako. Mayroon kasi kaming P.T. (Physical Training) sa tabing dagat. May stretching, jogging, at lahat ng ehersisyong maaaring gawin para mabanat ang aming mga buto. Agahan namin ang kinatay naming buhay na manok. Hinubaran namin ito saka inihaw ng wala man lang asin o pampalasa. At syempre, wala kaming ibang magawa kundi ang pagtiyagaang kainin ang walang kalasa-lasang inihaw na manok na iyon. Pagkatapos naming mag-agahan ay nagtungo kami sa advanced rapelling. Gaya rin ito ng basic rapelling, mas matarik lang ang bundok na binagtas namin. Huli naming ginawa ang land navigation o map reading, kung saan kailangan naming makolekta ang limang kard na ikinabit nila sa paligid sa pamamagitan ng pagsunod sa mga direksyong nakasulat sa mga ito. Nagkanda-ligaw-ligaw ang tilap (squad) namin dito. Hindi namin matagpuan ang ikalawang kard, pero tama naman ang sinunod naming direksyon. Na-disappoint na lang kami sa huli nang malaman namin mula sa isang officer na natagpuan niyang pakalat-kalat sa tabing dagat ang ikalawang kard na aming hinahanap. Kinagabihan ay mayroong misa na inihanda para sa amin. Araw nga naman ng linggo noon, kailangang magsimba. Walang iba kundi si Father Singian, ang aming rektor, ang nagbigay ng misa. Gaya noong unang araw, nagpahinga ulit kami't kumain pagkatapos ng misa, saka naghanda para sa frolics at harboring. Sa frolics ay gagawa kami ng kakat'wang palabas para sa aming Commandant at mga instraktor. Ang balangay na makapagpapa-tawa sa kanila ang mananalo. Maaaring gumawa ng cheer para sa sariling balangay, manuya ng ibang balangay, gumawa ng iskit, manggaya ng mga guro o instraktor sa paaralan, at kung ano-ano pa, siguraduhin lamang na hindi makakasakit ang mga biro sa aming palabas. Ginaya ng balangay namin sina Amy at Dick ng programang MTB, pati na ang guro namin sa Filipino dahil sa kakaibang punto niya sa pagsasalita. Nanalo ang balangay namin sa frolics dahil mas nasakyan daw ng mga instraktor ang palabas namin kumpara sa ibang balangay, sabi ng ilang officer. Pagkatapos ng masayang frolics ay naghanda na naman kami para sa harboring. Magbaon daw kami ng jaket at ng t-shirt na pamalit pagdating namin sa summit, turan ng aming Commandant. Muli kaming aakyat ng bundok ng gabing iyon, at dahil nga sa katakot-takot na karanasan ng pangkat namin noong nakaraang gabi ay tila ayaw na naming umakyat. Kaya lang, kailangan naming sumama dahil kung hindi, hindi kami makakapagtapos sa CAT. Mabuti nalang at hindi na naulit ang pagkaligaw namin sa loob ng gubat nang gabing iyon dahil mismong ang Commandant na namin ang nanguna sa buong talupad (batallion). "Summit" ang tawag sa lugar na aming pinuntahan. Ito raw kasi ang pinakamataas na lugar sa Munting Buhangin. Sa summit kami nagpalipas ng gabi, katabi ang mga dumi ng kalabaw. Hindi nga kaaya-aya ang amoy, pero ubod naman ng ganda ang kalangitan noon. Ang buwan ay mistulang isang malaking lampara na nagbibigay liwanag sa amin sa kabila ng kadiliman. Hindi agad ako natulog noong gabing iyon. Napakaganda ng tanawin para tulugan lamang. Ngunit gustuhin ko mang kunan ng larawan ang buwan, wala naman akong dalang kamera. Enero 20, 2003. Nagising ako mag-aalas-singko ng umaga dahil sa sobrang lamig. Kulang pa ang suot kong t-shirt, long sleeves, at jaket noong umagang iyon. "Ngayon alam ko na kung ano ang pakiramdam ng manok na nasa freezer," ika nga ng isa naming kasama. Maaga kaming bumaba ng bundok. Sinalubong kami ng mga paputok sa daan pababa. May isa kaming kasamahan na naputukan sa binti, mabuti nalang at sumaklolo agad ang aming instraktor at ang mga medic. Pagdating namin sa baba ay pinaghiwalay ang mga lalake at mga babae. Habang kaming mga babae ay walang sawang pinagra-rounds sa may tabing-dagat ay nag-o-oblation run naman ang mga lalake. Maaari na naming gawin ang anumang naisin sa natitirang oras sa buong araw na iyon. Maaari na kaming mag-swimming sa beach, magkuhaan ng picture (kung may dala kaming kamera), at gumawa ng kung ano-ano pa na aming ibigin. Sandali lang akong nagtampisaw sa dagat. Pagkaligo ko'y binanatan ko ang gitara habang ilan sa mga kamag-aral ko naman ang kumakanta. Hinding-hindi ko talaga maaaring makalimutan ang bivouac namin - masaya, malungkot, nakakatakot. Dito ko napatunayan na kaya kong gawin ang mga bagay basta mayroon akong lakas ng loob at pagtitiwala sa aking sarili. Sabi nga, "At the end of every storm is a rainbow." Makakamit ko lang ang magagandang bagay kung ito'y aking paghihirapan at pagsisikapan. | ||||||||