AKO



        "Sino ako?" - isang tanong na patuloy na bumabagabag sa aking isipan. Minsan, pakiramdam ko walang direksyon ang buhay ko. Para akong lantang dahong patuloy na nililipad ng hangin o di kaya'y nadadala ng agos ng tubig - walang tiyak na patutunguhan. Naghihintay lang kung kelan titigil o kung saan makakarating.

        Maraming pagkakataon na dumarating. Ang ilan ay nakakamtan ko, ang ilan ay lumilipas na lamang. Marami akong pangarap na gustong tuparin. Ngunit hindi lahat nito ay kaya kong gawin. Tao lamang ako na nagkakamali. Nadadapa sa paglalakbay na kung tawagin ay "buhay". Pero hindi sa pagkakadapa natitigil ang mundo ko. Marunong akong lumaban.

        Ako rin ay may damdamin - marunong akong nagmamahal. At bahagi ng pagmamahal ang masaktan. Subalit heto ako, patuloy pa rin. Bumagsak, madapa, masaktan man o masugatan, patuloy akong lalaban dahil nais kong makamtan ang tunay na kaligayahan. Nais kong tuklasin ang aking halaga at tunay na pagkatao. Nais kong malaman ang aking hangarin para mabuhay.

        Napakaraming tanong sa aking isipan na hanggang ngayon ay wala pa ring kasagutan. At hindi basta-basta masasagot ng kung anong libro ang mga katanungang ito. Hindi rin ito itinuturo sa paaralan. Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay tanging ako lamang ang nakakaalam.

        Ngunit kailan ko pa malalaman ang mga sagot sa mga tanong na ito? Hindi ko rin alam. Walang tiyak na panahon. Maaaring bukas, bukas makalawa, sa isang linggo, sa isang buwan o sa isang taon. Ni hindi ko nga alam kung paano kong matutuklasan ang mga sagot na ito. Basta ang tanging alam ko lang sa ngayon, masaya ako dahil nabubuhay ako at may mga tao na alam kong tunay na nagmamahal sa akin. Dahil tinanggap nila ako - ng buo.



Hosted by www.Geocities.ws

1