ANG LUPA AY GINTO ( Macario Perez )

Pinangyarihan:

A.) Pook: Sa Maynila at Catarman, Samar.

B.} Panahon: Pagsapit ng dekada – 80 nang magumpisa na ang kahirapan ng antas ng ating

pamumuhay.

C.) Pangkalahatang kalagayan: Nagbibigay ng isang pangkaraniwan at normal na pakikipagsapalaran sa

mundo.

Mga tauhan:

Berting – isang binatang lumuwas ng Maynila na nag-aakalang nandoon lamang ang ginhawa at

naghihintay sa kanya.

Mang Pedring – ama ni Berting, isang magsasaka.

Aling Josefa – ina ni Berting, ulirang maybahay.

Ka Sidro at Ate Saling – mga kamag-anak nina Berting sa Kamaynilaan.

 


Kumakalam ang sikmurang inihantong si Berting ng kanyang mga paa sa isang mumurahing restawran. "Kapeng walang gatas at dalawang pandesal", ang wika niya sa lumapit na serbidora. "Ano ho ang palaman ng inyong tinapay?" ang tanong ng babae. "Wala na. Iyon lamang hinihingi ko ang ibigay mo sa akin", ang sagot ni Berting. Ikasiyam at kalahati na pala ng umaga at hindi pa siya nag-aalmusal. Iyon ang inihudyat ng isang lumang orasang nakasabit sa dingding ng restawran.Kailangan niyang magtipid na mabuti. Halos wala nang nalalabi sa perang baon niya rito sa Maynila, sa perang inimpok niya nang paunti-unti. Lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang, ang perang malimitniyang hinihingi sa mga yaon ay iniimpok niya upang maisakatuparan ang malaon na niyang balak.

Sa pagkakatitig ng binata sa umaasong kape ay tuksong nagbalik sa kanya ang nakaraan. Nag-iisa siyang anak nina Mang Pedring at Aling Josefa. Mahirap lamang sila ngunit hindi kinakapos sapagkat masisipag ang kanyang mga magulang. Si Mang Pedring ay may kapirasong bukid na siya rin ang sumasaka. Si Aling Josefa naman ay isang ulirang maybahay. Tumutulong siya sa kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng sari-saring gulay at sapat nang pambili ng kanilang pang-ulam sa araw-araw. Palibhasa'y nag-iisang anak ay sinikap ng mag-asawang huwag mahuli si Berting sa kanyang mga kapwa bata. Pinapag-aral siya ng mga magulang. Ibinigay ang bawa't mahiling basta't kaya rin lamang nila.

Nang makatapos siya ng haiskul ay kinausap siya nang masinsinan ng kanyang ama. Isang gabi, matapos silang maghapunan ay tinawag siya, ng ama at pinaupo sa tabi nito."Berting, anak, ibig man namin ng iyong ina na papag-aralin ka sa kolehiyo ay hindi namin makakaya. Tulungan mo na lamang ako sa bukid at naroon ang ginto."

Hindi niya maunawaan noon ang ibig sabihin ng ama. Hindi siya kumibo ngunit naghihimagsik ang kanyang damdamin. Tapos siya ng haiskul at magsasaka lamang, tutuntong sa maruming putik at masusunog ang balat sa araw. Luluwas siya ng Maynila at maghahanap ng trabaho. Ibig niya'y mamasukan sa isang opisina, "white collar job".

Kailangan niya ng perang mababaon kaya't simula noon ay nag-impok siya nang paunti-unti. Hindi siya nagpahalata sa mga magulang. Tinulungan niya ang ama sa bukid kahit naghuhukot ang kanyang kalooban sa tuwing siya'y lulusong sa putik. Nang inaakala niyang sapat ang kanyang naiipon ay gumawa siya ng isang sulat para sa mga magulang. Isang madaling araw ay iniwan niya iyon sa ilalim ng kanyang unan.

Lumuwas siya ng Maynila nang buung-buo ang pag-asang madali siyang makakakita ng mapapasukan. Nakipanuluyan siya sa isa nilang kamag-anak na tinandaan niya ang tirahan nang minsan siyang isama ng ina sa pagdalaw sa mga iyon.

Inakala niyang madali siyang makakakita ng trabaho sa Maynila ngunit nagkamali siya. Dalawang buwan na siya rito ay hindi pa siya napapasok. Bawat lapitan niyang opisina ay walang bakante ang sagot sa kanya. Ang akala niya ang Maynila ay pook ng ginto at kasaganahan. Marami pala ritong walang hanapbuhay at ang iba'y de-propesyon pa. "Mama, tapos na ho ba kayo?" tanong ng serbedora na pumukaw sa kanyang pagdidili-dili."Marami pa hong ibig kumain."

Binayaran niya ang nakain at wala sa sariling lumabas sa restawran na walang tiyak na patutunguhan. Uubusin na naman niya ang maghapon sa paghahanap ng trabaho upang umuwi lamang sa tinutuluyan niya nang bigo at pagal ang katawan.

Hiyang-hiya na siya sa kanyang Ka Sidro at Ate Saling. Isa pa siyang karagdagan sa anim na bibig na Pinapakain ng mga ito. Noon niya nakilalang nagkamali siya ngunit ano ang sasabihin sa kanya ng kanyang mga magulang.

Ilang gabi siyang hindi makatulog. Pabiling-biling siya sa higaan hanggang isang umaga ay nagpasiya. "Ka Sidro, Ate Saling, magpapaalam na ako sa inyo. Salamat sa inyong tulong sa akin. Uuwi na ako kina Tatang at Inang. Mahirap pala ang buhay rito." Sa kanyang pagkakaupo sa bus sa kanilang lalawigan ay naglalaro sa kanyang balintataw ang nagyukong mga gintong uhay ng palay. Napangiti siya, noon niya lubusang naunawaan ang ibig sabihin ng ama nang sabihing sa bukid naroon ang ginto. Tunay ngang ginto, ang kailangan lamang ay pamumuhanan ng sipag at tiyaga.

Ang mga sumusunod ang tingin ko na mensahe ng istorya.

1. Dapat maging masunurin sa ating magulang, lalo na kung mayroon silang kinakailangan sa atin.

2. Huwag intindihin ang antas o paraan ng ikabubuhay, [ gaya ng pagpili ni Berting na mamasukan sa Maynila kaysa lumusong sa putik at magsunog ng balat sa sakahan...] basta't marangal ang iyong paggawa, masusuklian din tayo balang araw ng ating Ama.

 

BACK

Hosted by www.Geocities.ws

1