|
* Ring… Ring… *
Dali-dali kong hinalukay ang malabundok na papel at libro para lang masagot ang tawag mo. Mabilis na kumalat ang aking mga gamit sa aking tukador at nagmistulan akong nauulol na hayop na naghahanap ng makakain. Nasira ko ang ilang libro at mga papeles dahil sa aking pagaasam na makausap ka. Sa aking pagmamadali ay lalong hindi ko na nasagot ang pinakahihintay kong tawag. Bumagsak ang loob ko nang huminto ang kiriring ng aking telepono.
Makalipas ang ilan pang sandali, nahanap ko na rin sa wakas ang aking telepono. Nadaganan pala siya ng aking libro sa Physics, kaya pala hindi ko siya mahagilap. Nang Makita ko ang aking telepono, nagulat ako dahil wala namang missed calls, hindi ko naman nakita ang pangalan mo. Pero hindi ako pwedeng magkamali, ang tono na tumunog ay ang tono na para sa iyo at para sa iyo lang. Alam kong tatawag ka, sabi mo tatawag ka.
Hindi na ako nagatubili at tinawagan ko ang iyong numbero. Napangiti ako nang narinig ko ang “ring back tune” mo. Chorus ng “You Were There” ang tumutugtog, ang paborito mo, ang paborito ko, ang kanta natin.
Nakakatatlong ulit na ang chorus pero hindi ka parin sumasagot. Ilalapag ko na sana ang aking telepono nang biglang may buhay na bumati sa akin mula sa kabilang dulo.
“…Vince?”
“Uh, Trish? Si…”
“Vince! It’s three o’clock in the morning! I have a 7:30 class tomorrow and I need my rest!”
“Trish, tumawag siya sa akin…”
“Uh."
“Trish, please, I’ve been waiting for her call.”
“I know.”
“Nasaan siya? Nasaan yung ate mo? She called, I heard her call.”
“Vince…”
“…I’ve waited, I’ve always waited.”
“I know that, we all do. You’ve been waiting for three years now.”
“Trish…”
“Vince, please. I’ll call you in the morning, ok? Get some rest, for both our sakes.”
Iniwan ko ang telepono ko sa aking tenga. Nangangarap. Umaasa. Pero ang tanging sumalubong sa akin ay ang patay na katahimikan. Pinilit kong pigilin ang luha, ngunit mas lalo lang nito napasakit ang aking namumulang mata. Tatlong taon na ang nakalipas. Tatlong taon nga ba talaga?
Pinangako mo sa akin na tatawag ka. Sinabi mo na, pagbalik mo, ako ang unang gusto mong makita. Kasalanan ko ang lahat. Dapat pinigilan kita. Dapat hinila nalang kita. Dapat hindi ko na binitawan ang iyong mga kamay.
Ang tagal ko na palang naghihintay ng iyong tawag. Ang tagal ko nang naghihintay na matupad ang pangako mong binitawan. Talagang ganito katagal ba dapat? Siguro mali ang ginagawa kong paghihintay. Baka dapat ako na ang gumawa ng aksyon, ako na siguro dapat ang magmadali.
Naaalala mo ba yung binigay mo sa aking reglao pagkatapos akong mahold-up sa kalsada? Hindi ko talaga alam kung magagamit ko iyon o hindi, pero ngayon, nakikita ko na kung baket mo sa akin iyon binigay.
Iyon ang magtatapos ng aking paghihintay.
Kinuha ko ang kahoy na lalagyan ng pinakatatago kong regalo. Binuksan ko ang mabigat na kahon gamit ang aking nanginginig na mga kamay. Dahan-dahan kong dinukot ang malamig na bakal at maingat itong nilagay sa aking kamay.
Salamat talaga at binigyan mo ako ng pagasa. Salamat at binigyan mo ako ng isa pang daan para makawala. Salamat at binigyan mo ako ng paraan para matapos na ang matagal ko nang paghihintay.
Gaano nga naman ba kahirap ito? Ilang beses ko na itong nakita sa mga pelikula. Isusubo ko lang ang bakal sabay kalabit. Ganon lang naman ang garantisadong paraan.
Huminga ako ng malalim at tumingin ako sa paligid ng aking madilim na kuwarto. Nakita ko ang mga regalo mong stuff-toys sa akin, nadaanan pa ng mga mata ko ang mga librong pinahiram mo sa akin, nakita ko pa ang litrato mo, ang litrato natin.
Umaagos na ng walang tigil ang aking luha. Hindi ko na makayanan ang paghihintay na ito. Sa wakas at matatapos na rin ang aking paghihintay, maliligtas na rin ako sa pagkakakulong kong ito.
Sinubo ko ang bakal, sabay kalabit,
Tapos na...
Malaya na ako.
* Ring… Ring… * |