Habang nakahiga sa kama, naramdaman ko nanaman ang uhaw na gabi-gabi nalang tumatawag sa akin. Alas dos ng umaga ang sinabi sa akin ng orasan sa taas ng aking tukador at napabuntong-hininga ako. Nagalinlangan akong tumayo, ngunit hindi ko makayanan ang pagkatuyo ng aking labi.

 

            Dahan-dahan akong bumaba sa adobeng hagdanan at iniingatan ko ang aking mga yapak. Nasa harapan lang ng hagdanan ang kwarto ng nanay ko at hindi siya dapat naiistorbo sa kanyang mahimbing na pagtulog. Nung huling beses na nagising ko siya ay sandamakmak na sermon at sigaw ang inabot ko. Ayoko nang maulit pa iyon kaya iniwan kong sarado ang mga ilaw ng bahay upang hindi ako makakuha ng pansin.

 

            Sinulyapan ko ang ilaw sa kwarto ng aking ina at gumaan ang loob ko nang makita kong patay ang ilaw niya sa kwarto. Kahit na mukhang makakaligtas ako, pinilit ko paring maging tahimik dahil ang pridyider ay ilang dipa lang mula sa kwarto ng aking ina.

 

            Malapit na ako sa ref, mapapawi na ang aking uhaw.

 

            Binuksan ko ang ref at binigyan nito ng maputlang dilaw na liwanag ang kapaligiran. Uminom ako sa pulang plastic na sisidlan at binalik ito sa ilalim ng palamigan.

 

            Narinig ko ang langitngit ng pinto sa aking kaliwa.

 

            Ang tunog na ito ay kadalasan ko nang naririnig tuwing bumababa ako ng madaling araw. Dati’y sandali lang ang tunog at hindi ko ito pinapansin. Malakas at matagal ang tunog nito ngayon at narinig ko pang tumama ang tatangnan ng pinto sa pader.

 

            Dumungaw ako sa kaliwa ng ref at tinignan ang kwarto ng aking ina. Sarado parin ito at walang senyales ng buhay. Ang pintuang bukas ay ang sa banyo, pero wala akong inisip ukol dito. Binalik ko ang tingin sa pridyeder at may nakita ako sa gilid ng aking mata.

 

            May pares ng paang nakausli sa pagitan ng banyo. Nakayapak ito at nakapaligid dito ang matigas na putik. Napahinto ako sa aking ginagawa at nanlaki ang aking mga mata.

 

            “Plak… plak… plak…”

 

            Humahakbang ang maliliit na paa sa malamig na marmol na sahig. Nangangatog na ang aking katawan at hindi makagalaw ang aking mga hita sa kaba. Pinanood ko lang na lumabas ang buong katawan mula sa banyo at binati ako ng isang tabingi at kakaibang anyo. Naglakad papunta sa akin ang hindi ko maipintang hugis. Ang bawat tunog ng basang yapak nito sa sahig ay nagdala sa akin ng takot. Tumayo ang buhok ko sa katawan habang siyang mabagal na papalapit sa akin.

 

            “Plak… plak… plak”

 

            Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari, sinubukan kong pumikit, ngunit pag dilat ko’y siya parin ay papalapit. Naramdaman kong naubos ang dugo sa aking ulo at namula ako na parang multo.

 

            “Plak… plak… plak…”

 

            Pinikit ko muli ang aking mga mata at sinubukang magdasal ngunit ang amoy ng malansang dugo sa nabubulok na katawan ay naghahadlang sa mga salita sa aking labi. Nagmanhid ang aking dila at naging imposible ang pagsasalita.

 

            “Plak… plak… plak…”

 

Dalawang dipa na lang ang layo niya sa akin nang natamaan siya ng dilaw na ilaw ng ref. Mas lalo lang napatalon ang dibdib ko sa kasuklam-suklam na nakita.

 

Sugatan ang kalahati at nagnignitim ang kanyang sunog na mukha. Nawawala ang kanyang kanang mata at puro puti lang ang sa kaliwa. Tapyas ang kanyang kaliwang pisngi at nakikita na rito ang berdeng pumipintig na ugat. Luwa ang kanyang kanang balikat dahil sa malaking biyak nito mula sa katawan. Nakangiwi sa gilid ang ulo niya dulot ng isang malaking hiwang sumasabog sa kanyang leeg. Babad sa dugo ang suot nitong puting polo at gutay-gutay ang kanyang khaki na korto. Umaalingasaw sa kanya ang amoy ng kamatayan.

 

            “Itago mo ako kay mama! Itago mo ako kay mama! Itago mo ako kay mama!” sigaw nito sa akin habang hinawakan ng sugatan niyang kamay ang akin’g mga nanginginig na daliri. Isa siyang batang nakauniporme. Pagkasindak ang sinisigaw ng kanyang mukha at may halo itong pag-iyak.

 

            “Si mama! Kailangan kong magtago! Si mama! Kailangan kong…” naputol ang kanyang iyak.. Binitawan niya ang aking mga daliri sabay takbo ng pagiwang-giwang palayo at paakyat ng aking kwarto. Malinaw ang bawat lunday ng hagdan sa bigat ng kanyang hakbang. Nag-iwan din ang kanyang mga paa ng pulang bakas ng dugo sa sahig.

 

            Ang pagkabigla ko sa buong pangyayari ay hindi pa napapawi nang mapansin kong may nakatayo sa likuran ko. Naramdaman ko pa ang mainit nitong hininga sa aking batok. Lumingon ako at nakita kong nakatitig sa akin ang pula at nanlilisik na mata ng ina.

Hosted by www.Geocities.ws

1