Walang Hanggang Pagtangis
color photograph

I am not as competent in writing as I am in visual arts but I was able to make something out of this picture I took during my second year.

Walang Hanggang Pagtangis, the short essay:

Noong ako’y musmos pa lamang ay madalas kong itanong kung bakit maalat ang tubig dagat. Walang nakapagbigay sa akin ng anumang sagot, wala ni isang alamat man lamang. Bagama’t maraming taon na ang nakalipas, nanatiling sariwa ang tanong na iyon sa aking isipan.

Sa dami ng mga taong iyon ay marami na akong nakita’t naranasan. Sa kasamaang palad, hindi ko maikakaila na mas madalas kong nakita at naranasan ang kalungkutan. Dahil dito, natutunan ko nang mahalin ang mga malungkot na tanawing ipinapakita ng kalikasan gaya ng pagbuhos ng ulan, pagbagsak ng mga tuyong dahon, paglubog ng araw, at ng iba pang mga pababang galaw na maihahalintulad ko sa pagpatak ng mga luha.

At dahil sa madalas ko nang maging karamay ang mga tanawing iyon, minsa’y naisip kong sa kalikasan na lamang magtanong kung bakit nga ba maalat ang tubig dagat.

Ito ang kakatwang sagot na sa aki’y dumapo habang pinagmamasdan ko ang takipsilim sa baybaying dagat:

Ang palubog na araw ay ang mata ng langit, habang ang larawan nitong sumasalamin sa katawan ng tubig ay ang luhang nanggagaling dito. Ang lumuluhang langit ay marahang ipinaghehele ng parating na gabi. Pumipikit ang kanyang mata at siya’y tumatahan kapag ang araw ay tuluyan nang nakalubog sa guhit na naghihiwalay sa langit at karagatan.

Dahil walang isang takipsilim na hindi lumuha ang langit sa dagat, nagiging maalat ang tubig dito. At walang kikilalaning katapusan ang pagluha ng langit, hangga’t ang araw na kanyang mata ay patuloy sa maghapong pagmamasid sa mundo nang hindi kumukurap.

Hosted by www.Geocities.ws

1