ALON
*
“At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.”
- Roberto Añonuevo, Alamat ng Karagatan
*
Dahil siya ang alon, isinilang siyang walang-tigil ang pagtalon at pagtambling sa malawak na pamayanan ng mga agos. Para siyang dolpin sa kaniyang pagtalon at pagtambling. Kahit madalas siyang pinagsasabihan ng mga mas nakatatanda sa kaniya na huwag niyang ubusin ang lahat ng lakas sa ganting pagpapasikat lamang, nagpatuloy pa rin siya sa kaniyang gawain. Kahit pa binalaan siya ng mga nakararami na huwag magpakalayo-layo sa laot at baka siya lamunin ng dambuhalang daluyong. O huwag masyadong maengganyo’t lapitan ang mga taong nanonood sa kaniya sa tuwituwina, at baka mabasag ang kaniyang panga sa hindi niya sinasadyang paghampas sa matitigas at nangangalawang na balikat ng mga barkong bakal na nakadaong sa kanikanilang entradang pantalan.
Maraming siyang naririnig sa hanay ng mga nakatatandang agos na matagal nang sinalungguhitan ang pananaw nila tungkol sa pagbukal ng kanilang kasarinlan sa sandaigdigan.
“H’wag ka kasing masyadong magpapansin at siguradong pagdidiskitahan na naman tayo ng mga taong inggit na inggit sa dagat nating daigdig! Kung ayaw mong makinig sa amin e bahala ka na sa buhay mo! Malaki ka na!”
“Teka, teka! H’wag n’yo namang takutin ‘yung bata. Iho, halika’t umahon ka muna d’yan sa ‘yong paglalangoy at sumampa ka dito sa alimpuyong buhawi ng aming usapan. Makinig ka’t kakaliskisan ka muna namin ng mabuti, iho. Tandaan mo sana, ‘yung buhay dito sa mundong ibabaw ng dagat e pansamantala lamang. Keylangan mong matutuhan ‘yung tahimik na paglangoy sa mundong ilalim. ‘Yung maging low-profile, ‘ika nga. ‘Yung sabay-sabay na pagsisid kasama ang iba’t ibang laman at yamang-dagat, pati na rin ang mga local at foreign tourist na nagda-dive dito sa atin. Upang matuklasan mo ‘yung tunay na buhay natin dito sa dagat. Baka nalimutan mo na ‘yung hirap na pinagdadaanan natin kapag di tayo sumasabay sa agos na gusto ng mga taong ‘yan. Keylangan natin kasing makisama sa mga ‘yan. Kaya h’wag kang masyadong magpasikat at baka maisipan na naman nilang tambakan ‘yung ilang bahagi ng pamayanan natin at gawing reclamation area para sa mga international casino nila. Kaya nilang gawin ‘to! At ipangangalandakan nila sa lahat na ginagawa nila ‘to para sa ikapapayapa at ikauunlad ng lahat! Para masawata kuno ang mga baha, daluyong, buhawi, at buwayang tsunami, na nagiging mapaminsala lamang sa mga taong ‘yan ayon na rin sa kanilang sariling kapabayaan! Di ka kasi nagpatuloy ng pag-aaral mo kaya siguro di mo pa matanto ‘yung tunay na kahulugan ng dalawang saray ng tubig sa karagatan na nilikha ng ating Diyos! Kapag nalaman mo na nang husto ‘yang mga ‘yan, siyento porsiyento sasabay ka na sa agos ng buhay-dagat natin.”
Dahil mababaw pa ang kaniyang pagpapakahulugan sa sarili bilang isang alon, kung ano ang natangay niya sa isang kilapsaw ng pagpapaalala ng mga agos ay agad din niyang ibinuhos sa kabilang kilapsaw ng madaling pagkalimot.
Minsan, nakita niyang nagkukumpulan na naman ang mga nakatatandang agos na ito sa gitna ng laot kung saan halos abot-kamay na ang abot-tanaw. Nilapitan niya na may palukso-lukso at patambling-tambling pa upang may pagtutyang makinig kuno sa kanilang kuwentuhan.
“Totoo ba ‘yung tsismis na may ginawa na namang kalapastanganan ‘yung mga tao sa Maynila? Di ba tayo pwedeng lumipat sa ibang lugar? H’wag lang sa Cavite! Di na rin ‘ata okey dun!”
“Hay, naku, mare, ito pa nga ang nakakatawa. Alam mo naman ang kasabihan sa atin – ang basurang itinapon mo, babalik din sa iyo. Sana kung marunong magtae ng mga perlas iyang mga taong iyan. Kaya, hayun, natamilmil sila sa sarili nilang kalokohan!”
“Bakit?”
“Mantakin mo naman, hinayaan nilang ibuhos ang dumi ng kanilang mga dambuhalang pabrika sa may pasigan. Ay, di siyempre parang dambuhalang sawang-dagat na gumapang agad iyong itim at malansang langis sa pamayanan natin. Ano pa nga bang magagawa natin? Hindi naman tayo mabubuhay nang maayos kung lagi na lang silang ganyan. Ay, di nagtulong-tulong ang buong pamayanan ng mga agos upang ibalik sa mga tao iyong mga basurang inihagis nila sa atin. Sa kasamaang-palad nga lamang…”
“Nyare?”
“Ay, di siyempre, ano pa nga ba ang mangyayari? Ay, di masaker! Namasaker ang maraming laman at yamang-dagat sa kapaligirang direktang naapektuhan! Sa kasamaang-palad, maraming isda na nangingitlog pa nga sa ating pamayanan ang naanod at nangamatay. Tuluyan na silang natangay ng dumi na nanggaling sa mga linsiyak na pabrikang iyon! Buwisit!”
Napatanga ang alon. Hindi pa niya kasi alam kung ano ang ibig sabihin ng salitang masaker. Nahihiya naman siyang tanungin iyong mga nakatatandang agos at baka sabihan na naman siya na huwag siyang makulit at nagpapa-KSP na naman siya, o kulang sa pansin. Ngunit, sa pagkakaalala niya, parang nahapyawan niya ng tingin sa headline ng isang lumulutang na diyaryo na itinapon sa bandang breakwater ng Manila Bay ang salitang iyon. Masaker. Oo, sigurado siyang iyon ang salita na nakita niyang nakasulat sa headline. Iyon nga lamang, may kaunting dumi ng sanggol ng tao na nakapahid sa nilukot na peryodikong ito. Sa loob-loob ni alon ay babalikan niya iyong diyaryo. At, upang mas madali, hahanapin niya ito sa pagtaas ng tubig-dagat mamayang madaling-araw.
Sa totoo lamang, kahit hindi naman siya nakapagpatuloy sa pormal na pag-aaral, nagse-self-study ang alon nang palihim. Kaya nga ngayon ay binuo niya ang isang misyon para bumalik doon sa mapanganib na breakwater ng Manila Bay. Hahanapin niya iyong diyaryong nasulyapan niya sa kaniyang mapangahas na paglalaro’t paglalangoy sa breakwater. Aalamin niya kung ano ang tunay na kahulugan ng masaker.
At tinawag niya ang nabuo niyang plano bilang Oplan Exodos.
*
Tama nga ang hinala ng alon. Nandodoon pa rin iyong diyaryo. Kahit halos gutay-gutay na’t basambasa ay himalang buo pa ang unang pahina na siyang naglalaman ng malalaki’t may kulay na titik ng headline. Nakahandusay kasi ito ngayon doon sa bandang itaas na bahagi ng batuhan sa breakwater. Parang niyebe ang tabsing sa tuwing madaling-araw. Pahinto-hinto at nangangaligkig siyang lumukso na parang palakang bubuka’t iimpis ang hasang papalapit sa batuhan. Halatang nanginginig nang husto ang mga lungtiang pisngi ng alon sa lamig. Hindi niya alam kung excited lamang siya, o baka hindi lamang siya sanay pa sa ganito kasi. Ngunit hindi niya rin alam kung bakit mayroong tumutulak sa kaniya upang gawin ang bagay na ito.
Sa pagkakataong ito ay hindi na magpapabago-bago pa ng daloy ng pag-iisip ang ating bida. Tinimbang na ng alon kung ano ang kailangan niyang gawin. Bumuwelo muna siya. Lumangoy muna siya nang papalayo sa kung saan naroon iyong diyaryong nakalupasay sa batuhan ng breakwater. Alam niyang delikado ang kanyang gagawin; sapagkat, kapag hindi ito nagtagumpay, sasalpok ang buong anyo niya sa matutulis at madudulas na batong ikinamada sa breakwater at tuluyan nang mababasag ang kaniyang panga na wala man lamang kalaban-laban. At siguradong maghahagikhikan ang mga huklubang agos na nakakikilala sa kaniya. Hindi dahil, wika nila, sa kaniyang itinanghal na kadakilaan; kung hindi dahil, wika nila, sa kaniyang ipinakitang katangahan sa buhay. Idadagdag pa ng mga entremedito’t entremedita – ano ‘yung iuukit natin sa lapidang kabibe ng dakilang alon? At may sasagot din naman sa kanilang hanay – e di s’yempre pa, ganito:
Dito nakalibing ang alon –
Nabuhay sa pagtambling at pagtalon.
Namatay nang magtangka nang umahon.
Sasabayan pa ng paghudyat ng budyong, o iyong tambuli na gawa sa kabibe, bilang karagdagang pang-aasar.
Ngunit, sa kasalukyan, ay walang sinuman at anuman ang maaaring gumambala sa pinag-isang layunin ng ating bidang alon.
Bumuwelo muna siya. Sa loob-loob niya, kailangan niyang lumundag nang higit pa sa lahat ng mga nakaraang paglundag niya. Kailangan niyang tumambling nang higit pa sa lahat ng mga nakaraang pagtambling niya. Upang unti-unti niyang masagip at maihatid iyong diyaryo mula sa walang-pakialam na batuhan ng breakwater pababa tungo sa pagkalinga ng kaniyang mundong ginagalawan.
Bumuwelo muna siya at naisipang mag-alay muna ng kahit maikling dasal sa kinikilala ng pamayanan nila bilang Diyos ng mga alon. Iyon si Amansinaya. Ipinalangin ng alon sa Dakilang Amansinaya na pahiramin sana siya ng sapat na lakas at kakayahan upang maisagawa ang kasalukuyang misyon. Katulad na rin ng ipinakitang pambihirang gilas at gilalas ng kanilang Diyos laban sa mga pang-aasar ng Araw at Ulap. Hindi pa ganap na nahihiwatigan ng alon ang alamat tungkol kay Amansinaya at kay Araw; ngunit sa mga kuwentong-dagat ng mga nakatatandang agos, parang napagtanto na rin niya ang mala-epikong pananaig ng kanilang Diyos laban sa nakatunggaliang Hari ng Liwanag. Bukambibig nga sa pamayanan nila, kapag nais ilarawan ng isang nagsasalaysay kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng bathala ng karagatan laban sa Araw, ay ganito, “Parang bulawang ginto na inilubog sa pinilakang asoge. Lusaw!” Kung mayroon nga lamang siyang mga malikhain at makapangyarihang palad katulad ng kay Amansinaya, malamang mas madali niyang magagampanan ang kaniyang misyon ngayon.
Ngunit, ang kawikaan nga ng mga nakatatandang agos – walang hindi naaabot ang alon na umaalimbukay ang sigasig. Naalala niya iyong dilubyo sa panahon ni Noe na laging ikinukuwento sa kaniya dati ng kaniyang matagal nang sumalaot na amain kapag dumarating na ang tag-ulan. Napaisip tuloy siya – totoo kaya ang mga hindi kapanipaniwalang kuwento katulad ng malaking baha noong panahon ni Noe? Nasambit tuloy niya sa sarili – ay, Dakilang Amansinaya, patawarin po ninyo ang kapangahasan ng aking kaisipan. Siya nawa.
Iisang bagay na lamang ang dumadaloy sa kaniyang isipan ngayon.
Walang hindi naaabot ang alon na umaalimbukay ang sigasig.
Walang hindi naaabot ang alon na umaalimbukay ang sigasig.
Ilang sandali pa ay binilisan niya ang kaniyang paglangoy sa palibot ng pinapakay. Para siyang pating sa kaniyang paglangoy at pagligid. Bumuwelo muna siya, bago pa tumalon nang pagkataas-taas na parang dadaigin pa ang tarik ng isang baby tsunami at ang tayog ng isang buhawi. Tumambling nang pagkarami-rami na parang isang dolpin. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima! Limang tambling sa kada lundag! Wow!
Sa hindi na mabilang na paghampas ng alon sa sarili sa batuhan ay unti-unti nang humulagpos, dumulas iyong diyaryo pababa ng tubigan. Kahit hapung-hapo na ang alon sa kaniyang patuloy na paglundag, pagtambling at pagsalpok sa batuhan ay tiniyak pa rin niya na ang bawat paglundag, pagtambling at pagsalpok ay may tamang lakas, tiyempo’t katuturan. Labis niyang pinag-ingatan na hindi mapupunit nang tuluyan iyong papel ng peryodiko, kundi ay hindi niya matutuklasan ang ilang makapagbibigay-liwanag na detalye sa kasalukuyang maintrigang salita; na walang-tigil ang pagpupupulas ng mga palikpik at buntot upang makasisid nang maayos – bagaman kulong – sa animo’y akwaryum ng kaniyang haraya. Ang salitang masaker.
Ito pa. Kahit mapanganib at maaari niyang ikasawi ang ginagawa ay tuloy pa rin siya. Sa loob-loob niya – kung hindi niya paninindigan ito, ano na lamang ang gagawin niya buong maghapon sa malawak ngunit tila may malaking baklad na pamayanan ng mga agos? Ang sumabay na lamang sa “agos ng buhay” ng mga tao na abusado? Dito na lamang ba talaga magpapalutang-lutang ang diwa ng buhay niya? Hindi naman siya nagpapasikat lamang. Ang katuwiran ng alon sa sarili, paminsan-minsan ay kailangan niyang labanan ang kabuuang agos ng mga agos upang matuklasan niya ang kaniyang kasarinlan. Hindi naman siya humihiwalay sa nakararami. Iyon na ba iyon? Ang magsolo? O may iba pang paliwanag? Sa paglalaro ng daloy ng kaniyang diwa habang isinasagawa ang kaniyang misyon, ibinulong niya sa sarili, “Basta! Gagawin ko ito. Kung bakit ay di ko pa lubos na batid. Basta ang alam ko ngayon, kailangan kong gawin ito.”
Sa wakas, kaunting-kaunti na lamang at mahuhulog na ang pumpon ng mga salita sa nakaabang na mga bisig ng tabsing. Hanggang sa mapasapalikpik na nga ng alon ang diyaryo.
Maya-maya pa’y banayad nang sumilip ang Araw upang magbigay-liwanag, at upang pasimpleng makibasa na rin (ang ganitong pakialamerong gawi ng Hari ng Liwanag ang siyang talagang kinaiinisan ng Dakilang Amansinaya!) sa binabasa ng siyang-siya na alon.
*
Maliwanag ang ibinilad na mga salita ng basambasang diyaryo: Mamasapano – masaker, hindi engkwentro – Senator Poe.
Parang naintriga lalo ang alon sa salitang masaker. Parang makapangyarihan ang salitang iyon. Biruin mo – sambit ng alon sa sarili – iyong masaker na nangyari sa mga isda ng kanilang pamayanan noong kailan lamang ay maaari rin palang mangyari sa ibang lugar katulad nang nakalagay sa peryodiko. Mamasapano. Ano ba ang Mamasapano? Alon din ba ito? O bagay o lugar kaya? Wow! Parang rock star pala itong masaker! Sikat na sikat! Nahe-headline! Ikaw na ang maging masaker! Ye!
Ipinagpatuloy ng alon ang kaniyang pagbabasa. Waring pinapaypayan pa siya ng mahinang hanging amihan upang hindi siya abutan nang pagkainip at bigla na namang maglululundag o magtatatambling muli katulad nang ginawa niya kaninang madaling-araw. Sa totoo lamang, may kakaiba siyang naramdaman kanina, noong isinasagawa niya iyong bagay na hindi niya rin buong mawari kung anong dahilan at nagawa niya. Kaya habang binabasa niya ang diyaryo ay mayroon ding dahan-dahang dumadaluyong na bugtong sa kaniyang isipan.
“Ang madugong pangyayari sa Mamasapano, Maguindanao, noong nakaraang Enero 25, 2015 ay maliwanag na isang masaker at hindi isang engkwentro. Ito ay ayon sa Senate Committee on Public Order, Finance and Peace, Unification and Reconciliation na pinamumunuan ng butihing Senadora Grace Poe Llamanzares. Dagdag pa rito, ang isinumiteng 130-pahina na paunang borador ng kanilang committee report ay tahasang nagsasabi na may maliwanag na pananagutan si Pangulong Aquino sa masaklap na pangyayari, gawa nang pinabayaan niyang manghimasok sa pagpaplano ng operasyon ng SAF ang suspendidong PNP Chief Director General Alan Purisima.”
Naghalo ang pambihirang pagkamangha at pagkalito sa tila perlas na mga mata ng alon. Ang nais lamang niyang tuklasin na salita sana ay iyong masaker; ngunit parang mayroon pang higit na mas nakapangyayaring salita kaysa sa masaker. Sa madaling salita, lutang ang diwa ng ating bida’t parang unti-unting may lumalason sa sariling huwisyo.
Maraming umaahon na katanungan sa kaniyang dibdib ngayon – sino si Senator Poe? Pambihirang nilalang tao ito upang matanto niya na ang binabanggit sa diyaryo na pangyayari sa Mamasapano ay isang masaker at hindi engkwentro. Pambihira ang ginawa ng Senator Poe na ito. Hamak namang higit pa sa pang-araw-araw na gawain ng alon na patalon-talon at patambling-tambling lamang sa tubig-dagat. Sino si Senator Poe? At papaano siya nagkaroon ng kakayahang malaman at matiyak kung ang pangyayari nga ba sa Mamasapano ay isang masaker o hindi?
Napailing nang bahagya ang alon. Sana pala ay si Senator Poe ang nilapitan ng mga nakatatandang agos sa kanila. Lalo na noong unang panahon na tinambakan at winasak na ang mga laman at yamang-dagat na minana pa nila sa kanunununuan nila. Sayang. Disin sana’y naagapan ang sadyang pananamantala ng mga abusadong tao laban sa dagat nilang daigdig.
Ito pa. Ano itong tinatawag na Senate? Biruin mo – napailing muli ang alon – maski Pangulong Aquino ay kayang pagsabihan nang tahasan. Ang pangalang Pangulong Aquino ay may pagkapamilyar na sa kaniya. Sa dahilang lagi itong nauulinignigan ng alon sa mga taong namamasyal sa paligid ng Manila Bay; at hindi miminsang nabasa na rin niya sa ilang headline ng mga diyaryong palutang-lutang sa may bandang breakwater, kahalo ang samotsaring basura na itinapon ng mga abusadong tao. Minsan nga, nasubaybayan pa niya ang isang pangkat ng mga tao na nagmamartsa sa isang patag na daanan na ang pangalan ay Roxas Boulevard. Maingay ang pangkat na iyon. Mayroon pa ngang sigaw nang sigaw kahit hawak na iyong tila budyong din. Pilit tinandaan ng alon kung ano iyong tawag ng mga tao sa budyong na iyon. A, oo – sinambit niya sa sarili – naalala ko na kung ano ang tawag nila doon! Iyon ang megaphone! Iyon na marahil – sa pakiwari ng alon – ang budyong ng mga tao. Ang tambuli na hugis-kabibe rin. Kahit tanghaling tapat ay gamit ng grupong iyon iyong megaphone. Mayroon silang walang-sawang isinisigaw, o mayroon silang walang-kamatayang dahilan upang sumigaw. Mukhang nanghihimok pa na samahan sila, iyong grupo nila, noong ibang mga tao na masasayang namamasyal at nagpipiknikan sa Manila Bay. Ibang mga tao na kapag nilapitan ng nagmamartsang grupo na iyon ay nagkikibit-balikat na lamang at waring walang pakialam sa kasalukuyang nangyayari, o sa nais pang mangyari ng grupo.
Sa loob-loob ng alon, napakapalad na nilalang ang mga tao talaga. Mayroon silang mga paa’t kamay. Mga paa upang magmartsa at magpunta sa kung saan-saan. Mga kamay upang iwagayway ang nais nilang ipahayag. Habang ang alon, malalaman mo lamang ang nilalaman ng saloobin sa taas ng kaniyang pagtalon, sa dahas ng kaniyang paglangoy, at sa dami ng kaniyang pagtambling.
Bigla na naman niyang naalala iyong palaisipan na bumabagabag sa kaniya kanina pang madaling-araw. Biglang pinatakan ng matinding lungkot ang alon.
Oo nga – wika ng alon sa sarili – napakaswerte talaga ng mga taong ito! Biruin mo, meron silang mga paa para magmartsa. ‘Yung nakita ko ngang grupo dati at kailan lang sa Manila Bay e may ilang nakataas pa ang mga kamay at may mga ibinabanderang mga tarpolin, kung saan may mga ilang pumpon din ng mga salita na nakatatak. Ano nga ba ‘yung nakasulat dun sa mga tarpolin? A, oo! Natatandaan ko na! PNoy Resign!
Subalit may higit at naunang bagay sa isip ng alon na nais sana niyang matukoy muna. Higit pa sa salitang masaker. Higit pa kay Senator Poe at kung ano ang Senate. Higit pa kay Pangulong Aquino.
At hamak namang higit pa sa kung sinuman ang mga pinatutungkulan ng salitang masaker. Ito na lamang marahil ang masasabi ng alon sa kanila, kung sila man ay naging tulad din niyang isang tunay na anak ng dagat.
Sumalaot nawa sila.
Ilang sandali pa’y pinabayaan na lamang ng alon iyong diyaryo na tangayin ng iba pang alon, na pawang mga estranghero sa kaniya; sa dahilang tinatalunton naman ng mga ito ang daluyan papunta naman doon sa pasigan na kung tawagin ng mga huklubang agos sa pamayanan ng alon ay Baseco. At katulad ng ginto na inilubog sa asoge ay madaling nilulusaw ang basambasang isipan ng alon sa tabsing ng bagabag at kalituhan.
*
Sa kaniyang lumbay ay naisipan nang bumalik ng alon sa kaniyang malawak na pamayanan. Lumangoy na siya pauwi, ngunit naglaho na ang dati niyang sigla. Para siyang pugita sa kaniyang paglangoy na paurong-sulong. Iniisip niya na maaaring tama nga iyong mga nakatatandang agos sa kanila. Nagpasiya siya na pagbalik na pagbalik niya sa kanilang pamayanan ay tahimik na lamang siyang lalangoy sa kagandahan ng ilalim ng dagat, kasama ang iba’t iba’t makukulay na laman at yamang-dagat. Kapiling ang mga isda at mga coral reef at mga talabang nakakapit nang husto sa mga lumang barko na hindi na naiahon sa pagkakalubog mula pa noong panahon ng giyera. Hindi na niya kailangang magpapansin nang kahit isang mumunting kilapsaw man lamang. O kahit isang mapagpalayang bula ng buntong-hininga man lamang.
Maya-maya pa’y parang sinadya pang dagdagan ng Araw ang lumbay ng ating bida at bahagya itong kumulimlim kahit wala namang maliwanag na kadahilanan.
Ilang sandali din na palutang-lutang ang sariling diwa ng alon nang mapansin niyang may mga nagkikislapang butil na bumubuntot sa kaniyang lubhang mabagal na paglangoy pauwi sa kanila. Saglit na umalimpuyo ang alon sa kaniyang kinalulutangan upang matyagan at suriin kung bakit sumusunod ang mga ito sa kaniya. Mas lalo pang binalot ng pagkamangha ang ating bida nang pinaligiran siya ng mga ito na parang mga kiti-kiti ng liwanag na biglang nag-umpukan sa isang nilulumot na morsel ng isang pinagsamantalahang lamang-dagat.
“Hoy, Alon, h’wag kang matakot sa amin!”
Ha?! Nakakapagsalita ka? Sino ka? Sino kayo?
“Hahaha! H’wag kang mag-alala. Kasamahan mo rin kami sa karagatan; di mo lang kami kasi napapansin. Kami ‘yung mga plankton!”
Plankton?
“Oo, saka ko na ipapaliwanag kung saan kami galing at kung ba’t luminous kami. Bonggang-bonggang kukutikutitap kami, di ba? Kasi, Alon, may gusto lang kasi ako – kami – na sabihin sa ‘yo. Kasi kanina ka pa namin inoobserbahan.”
Talaga?
“Oo, kanina pang madaling-araw.”
Ganoon? Bakit?
“E kasi, alam namin ‘yung nararamdaman mo. At, sa katunayan, alam namin kung ano ‘yung palaisipan na bumabagabag sa iyo magmula nang paulit-ulit kang humahampas doon sa mga matutulis at madudulas na bato ng breakwater kanina.”
Nakita n’yo ‘yun?
“Oo naman, masyado ka ngang wild e! Para kang pinihit nang husto. Along pihit! Alumpihit! Hahaha! Joke lang! Pero sulit di ba?”
Hindi nakatugon ang alon. Sa totoo lamang ay parang may nais na siyang itanong sa plankton na mukhang pasimuno ng grupo. Ngunit parang nabasa na ng mga munting butil ng liwanag na nakapalibot sa kaniya’t lulutang-lutang ngayon kung ano ang nasa isipan niya.
“Alam mo, Al, pwede bang Al na lang ‘yung itawag ko sa iyo?”
Sige.
“Alam mo, Al, ‘yung naramdaman mo kanina sa batuhan sa breakwater, di na iba ‘yun. Lahat tayo sa mundong ginagalawan natin, dumadaan sa ganyang stage.”
Tahimik lamang ang alon habang sabik na pinakikinggan ang pinakapasimuno na plankton na patuloy pa rin ang pagkisap ng kakaibang liwanag.
“Tinutubuan ka na ng puso. Iyong totoong puso na pumipintig!”
Ha? Ngek! May puso ba ang alon?
“May pusod ba ‘yung dagat, tulad ng nakasulat sa Alamat ng Karagatan natin? Hahaha! Hay, Al, marami ka pang keylangang malaman sa mundong ginagalawan natin.”
Ako? Alon? Mayroong puso?
“Opo! At di lang puso na parang puso ng saging ha. Tinutubuan ka na ng puso na may pagmamalasakit, na may kakayahang tumuklas ng mga bagay-bagay na walang takot. Na may pagpapadakila na sa kasaysayan ng iyong sariling pamayanan, sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran, sa kapakanan ng iba pang mga nilalang bukod sa inyo – tulad ng mga tao. Kusa ka nang tinutubuan ng tunay na puso na nais nang makisangkot sa mga usapin ng mga mas nakatatanda sa iyo. Kaya pagbalik mo sa inyo, pag-igihan mo ‘yung pasya mo.”
Anong pasiya?
“Kung maglo-low profile ka na lang at sumisid sa kariktan ng mga coral reefs at iba’t iba’t makukulay na isda ng inyong pamayanan, kasama ‘yung mga lokal at banyagang divers.”
O?
“O kung di ka man magpapaagos sa mentalidad ng nakararami, ay patuloy pa rin ‘yung pakikisangkot mo. ‘Yung ginagawa mong pagtalon at pagtambling para mapansin ka, lalo na ng mga tao. Lalo na ‘yung mga abusado. Para malaman nila na may likas na lakas at kapangyarihan din ‘yung mga katutubong nilalang na nakatira’t nananahan sa malawak na pamayanan ng karagatan! At kaya nating ibalik sa kanila ‘yung basurang ‘tinatapon nila sa atin nang walang pakundangan! At kung di pa sila titigil sa balikong gawain na ito e nasa kamay mo, Al, ‘yung pasyang lipulin ‘yang mga abusadong tao na ‘yan! Tulad ng dating kuwento ng dilubyo – baha at daluyong – nung panahon ni Noe! Tulad ng mga napapanahong kuwento ng mahiwagang buhawi at buwayang tsunami ngayon! Tulad ng salitang hinahanap mo kanina pang madaling-araw. Masaker! Gera na kung gera! At alam mo ba kung bakit ganito ang agos ng buhay natin? Sapagkat ang buong karagatan ang naipong pagluha ng sandaigdigan! Ito ang buod ng talindaw ng iyong sariling Tamuneneng! Ang sadyang bumuhay at nagpatibok sa iyong dakilang puso!”
Napabuntong ng nag-iisang bulang hininga ang alon at bahagyang nagluningning ang mala-perlas niyang mga mata. Parang bumalik ang masiglang kulay na lungtian ng kaniyang balat. Para siyang isang dúgong ngayon na unti-unting dumadaluyong sa pinakapayapa ngunit pinakadambuhalang dibdib ng masigasig na karagatan. Mayroon siyang naramdamang pag-init at pagtibok sa kalalimlaliman ng isang abismo na nananahan sa kaniyang unti-unting natutuklasang pagkaalon.
Pakiramdam niya, parang nakasakay na ngayon sa ginaganahang gulugod ng makinis at madulas niyang likod ang mismong Diyos ng mga alon – ang Dakilang Amansinaya! – na nakaamba ang mga malikhain at makapangyarihang palad upang gulantangin ang mabulalas na Araw at mahangin na Ulap sa Manila Bay.
Sa sandali ring ito’y parang nagpapalit ng kaliskis ang pangangatawan ng ating bida at di-kalauna’y bininyagan niya ng bagong pangalan ang kaniyang sarili.
Siya na ngayon si Bathalon!
Sa di-kalayuang kalagitnaan ng laot kung saan halos abot-kamay na ang abot-tanaw, naulinigan ni Bathalon ang isang pamilyar na awiting-dagat, “Ang Tamuneneng Ko,” na noon pa mang musmos siya’y naririnig na niyang hinahagod ng mga nakatatandang agos ng kanilang pamayanan.
“Ang Tamuneneng ko’y lumuha sa bundok,
Kasabay ang taghoy ng hikbi’t himutok,
Luha’y naging dagat, along sumasalpok,
Ang Tamuneneng ko’y sadyang napalaot.
Hala, gaod tayo, pagod ay tiisin,
Ang lahat ng hirap pag-aralang bathin,
Palayo-layo man, kung ating ibigin,
Daig ang malapit na ayaw lakbayin.”
***