Sulyap sa Kahapon...
Tulad ng isang hibla ng dahon sa parang na umusbong at lalago sa paglipas ng panahon ay mamumukad ang ganda, kasama ang matamisat masarap na bunga.
Ang pag-awit and naging unang interes ng mga kabataan ng ating parokya. Dahil dito sila ay naimbitahang magtanghal ng isang konsyerto na sinuportahan at pinagkagastusan ng pamnasyonal na kabataan ng ating katidra. Matapos ang matagumpay na pagtatanghal, pagtanggap ng malakas at masigabong palakpakan at magandang papuri, na pinangunahan ni G. Raul Quilatan. Ang pagpaplano na paunlarin at pag-ibayuhin sa mas malalim na pagsasanay sa larangan ng sining at mas mapaghamon o mahirap na mga pagtatanghal tulad ng pag-arte.
Matapos ang pagkakahalal kay G. Joel Capistrano bilang pangulo ng kabataan ng ating parokya o "Tipic Youth Organization" noong 1982 naging isa sa mga layunin ng sektor ng kabataan ang pagkakaroon ng sariling tiyatro. Ngunit and unang pinagtuunan nito ng pansin ay ang pagkakaroon ng pondo na gagamitin sa kauna-unahang proyekto "Bible Quiz" na kasabay and paglulunsad ng taunang "Human Rosary". Sa halagang tatlong daang Piso (P300.00) wala ni anumang gamit sa pagpapalabas at pag-arte kundi and dalawampung ilaw at kaagapay and pagpupursigi at kagustuhang makapagtanghal sa larangan ng pag-arte na pinamagatang "Para Sa Iyo Ruel" sa direksyon ni G. Roberto Santos na kahit sila ay pare-parehing baguhan sa larangang ito, at walang masyadong kaalaman, o anumang mga pagsasanay upang mapaghusay ang talento sa pag-arte ng bawat isa, matagumpay nilang naipalabas ito, kasabay ang malaking paghanga at papuri na nanggaling kay Bishop Soliman F. Ganno dating Dean ng Katedral. Laking gulat ni Bishop Ganno dahil hindi niya inaasahan na ang tulad ng Tipas ay mayroon ding mga kabataan na talagang dedikado at mahusay sa larangan ng sining at may pagkakaisa na malayo sa kanilang pagkakakilala. Sa kabila ng paghanga ni Bishop Ganno sila ay pinangakuan na makapagtanghal at ipakita ang kanilang talento sa pag-arte sa iba't-ibang parokya na naglalayung hindi lamang mahikayat na bumuo ng sarili nilang grupo sa pag-arte kundi sila'y pamarisan. Dahil dito ang kabataan ng ating parokya ay nagsimula ng mangarap ng malakihang pagtatanghal upang makalikom ng mas malaking pondo at higit sa lahat ay ang mapalapit at mapatatagang pananampalataya ng bawat isa sa ating Panginoon. Ngunit sa pagdaan ng panahon isa sa mga naging suliranin ng grupo ay kung ano ang dapat na itawag sa kanila bilang isang grupo na kung saan ang lahat at lihitimung kasapi ng kabataan ng ating parokya. Na maaaring grupo sa pag-awit subalit hindi sa pag-arte.
Dahil dito ang usapin sa kung ano ang itatawag sa grupo ay hindi nalinawan, hanggang sa isang araw habang nasa daan papuntang Morong, Rizal upang dumalo and ilang kabataan ng ating parokya sa pangdiyosesis na pagpupulong ng mga kabataan ay walang tigil sa pag-iisip kung anong pangalan ang dapat na itawag sa grupo na hindi basta pangalan kundi may kabuluhan at kakaiba. Iminungkahi ni G. Chito Balderrama ang pangalang "SI^KAT" (sikat o liwanag ng araw) na ang ibig sabihin ay Sining ng Kabataan Aglipayano ng mga Taga-Tipas. Na ikinagulat ng lahat dahil kabigkas nito ang salitang "SIKA^T" na ang ibig sabihin ay kilala ng maraming tao, ngunit nakakairitang pakinggan sa dahilang may halong pagkamayabang ang literal na salitang "SIKA^T". Hanggang sa mapagkasunduan ng grupo na gamitin ito ngunit aalisin ang titik-T -- "SIKA" Sining ng Kabataang Aglipayano. At simula noon ay iyon ang itinawag sa grpo ng mga kabataan ng ating parokya sa kasapi sa larangan ng pag-arte. Sa pagkakaroon ng grupo ng sariling pagkakakilanlan ang pamunuan ng kabataan ng ating parokya o ang TIPIC Youth Organization ay nagpasya na hayaang magkaroon ng sariling pamunuan at tumayo na ng sarili ngunit sa ilalim pa rin ng pamunuan ng pangkalahatang kabataan ng ating parokya na naging isang samahan na makapagbibigay ng malaking pondo sa Tipic Youth at masasabing kauna-unahan ang SIKA na grupo ng kabataan sa larangan ng pag-arte na naitatag sa Diyosesis ng Rizal at Pampanga.
Taong 1983 ang kauna-unahang opisyal na pagtatanghal sa ilalim ng "banner" ng SIKA ay nakita ang kanilang pagtatanghal sa entablado sa taunang "Youth Camp". Tinanggap nila ang parangal na pinakamaraming delegado. sa taon ding ito naanyayahan ang SIKA upang magtanghal sa katedral sa pulong ng kataas-taasang Sanggunian ng mga Obispo o "Supreme Council of Bishop". Sa pagtatanghal sa dalawang dulang pinamagatang "Para Sa Iyo Ruel" at "Gregorio Aglipay -- Hero or Villain" sa paganyaya ni Bishop Ganno na parehong direksyon ni G. Obet Santos. Si G. Bibo Balderrama ang kasalukuyang pangulo ng TIPIC Youth.
Ang SIKA ay isa na rin sa mga nakikilahok sa taunang pagdiriwang ng Tipas Mr. and Mrs. Club sa pagsasadula ng buhay at ng mga gawa ng ating minamahal na pambansang bayani Dr. Jose Rizal. At sa sumunod na taon ang SIKA ay muling naanyayahan ni Fr. Noel Bernabe na magtanghal sa Sariaya Quezon sa pagtatanghal ng dulang pinamagatang "Aglipay" at "Bubungang Lata" sa direksyon ni G. Obet Santos.
Ang isa sa di malilimutang pagtatanghal na nakatatak din sa SIKA noong 1988 ay ng itanghal ang orihinal na konsepto, isulat ang iskript at ayusin ang "theme song" na ginamit sa dulang pinamagatang "Tungo sa Liwanag" ni G. Joel Capistrano na sya rin ang direktor nito. Kasabay ang dulang "Santong Tao" sa direksyon ni G. Raymond Rayos na isa sa mga gumanap sa dulang ito. Hindi dahil sa wala nang makuhang ibang gaganap kundi patunay lang na talagang mahusay ang bawat kasapi, na kahit anong papel ay kayang gampanan. Dahil dito ang dalawang dulang ito ay naitanghal ng dalawang ulit. Ang una ay sa pag-anyaya ni Bishop Ganno sa Katedral at ang pangalawa ay dito sa ating parokya. At ang pinakahihintay ng lahat ay ang pagtatanghal ng "Jesus Christ Superstar" na matagal nang pinapangarap ng SIKA na isadula at itanghal noong ika-23 ng Marso, 1991 sa direksyon ni G. Joel Capistrano na nagtamo ng isang masigabong palakpakan habang nakatayo ang lahat ng nanonood.
June 1991 isang maikling dula ang itinanghal sa pista ni San Juan Bautista na pinamagatang "Si Juan Dela Cruz sa Makabagong Panahon" ng libre. ito'y tungkol sa makabagong panahon at mga napapanahong usapin at nangyayari sa ating bayan na isinulat at sa direksyon ni Gng. Ma. Theresa M. Quizon.
Hindi naging matagumpay ang SIKA kung hindi dahil sa pamumuno ni G. Ronaldo "Une" Sumulong na naihalal ng magkasunod na termino. At ang kanyang pamumuno ay ipinasa kay Gng. Quizon noong 1993 na hindi lingid sa lahat ay parehong dedikasyon ang iniukol sa samahan. at ng taon ding ito ay muling ipinagmalaki ng SIKA ang pagsasadulang muli ng "Rock Opera - Jesus Christ Superstar" na pinamagatang "Kyrie Eleison". Sa pagtatanghal na ito ay muling nakitaan ng galing at husay ang mga kabataan ng Tipas.
Nagdaan ang tatlong taon at dahil dito hinanap ng mga tao ang pagtatanghal na isinasadula ng samahan tuwing semana santa na parang tradisyon na dapat isagawa taun-taon. Ika nga nila sa wikang banyaga "due to insistent public demand" ay muling itninanghal ang pagsasadula ng "Jesus Christ Superstar" sa direksyon ni G. Obet Santos. At dahil nga sa pananabik ng mga tao na muling mapanood ang dulang ito ay muli nilang sinuportahan at naging matagumpay ang pagtatanghal at sa ikalawang pagkakataon ika nga nila "due to insistent public demand" ay nagkaroon pa ng pangatlong gabi ng pagtatanghal dahilan sa pagkalat ng kakaibang pagganap ng mga artista at mas magandang pagtatanghal. Ngunit ang pagtatanghal na ito sa pangunguna ng samahang kabataan o "TIPIC Youth Organization" sa pamumuno ni Gng. Maribel Tucay sa pakikiisa ng SIKA na pinamunuan naman ni G. Eric Sumulong. Sa dahilang nang taong ding ito ay may suliranin ding hinaharap ang SIKA at walang masyadong mga aktibong miyembro.
Sa paglipas ng taon kasama na ring lumipas ang mga suliranin ng SIKA na sana'y di humantong sa panghihina ng samahan at di pagpatuloy sa marami pa nitong proyekto at magandang layunin na tanging maipamamana sanan nila sa susunod na henerasyon.
May, 2001, "Summer Vacation" nagsagawa ng isang workshop ang samahan ng kabataan ang ating parokya o TIPIC Youth na naglalayong paghusayin ang talento ng bawat kabataan sa larangan ng pagsayaw at pag-arte. Na sa panahon ding ito ay naglalayon ding buhayin muli ang Sining ng Kabataang Aglipayano o SIKA sa pakikipagtulungan ng mga kabataan kay Gng. Reydora Flordeliza. At ng taong ding ito nagkaroon ng pagtatanghal ang kabataan ng ating parokya sa larangan ng pagsasayaw "Evolution of Dance" iba't ibang uri ng sayaw mula katutubo hanggang sa makabagong panahon sa pakikipagtulungan ng kabataan kay Gng. Flordeliza noong June 24, 2001. at nang araw ding ito ay muling ipinakilala ni Gng. Flordeliza ang muling pagkabuhay ng SIKA sa harap ng Kongragasyon sa misa. At buwan ng Agosto ay nanumpa ang bagong pamunuan ng Sining ng Kabataang Aglipayano sa pamumuno ni G. Jose Victor Quilatan. Bilang bagong pamunuan masigla nilang sinimulan ang unang proyekto ng SIKA ang "Gabi ng papampam - Halloween Party". Naging matagumpay ang unang proyektong inilunsad at dahil dito hindi kaagad nagdalawang isip ang samahan na umisip ng susunod na proyekto. Si Bb. Sol Parada ang kasalukuyang pangulo naman ng TIPIC Youth.
Matagal na ring panahon ang nakalipas ng huling nasulyapan ang galing at husay ng talento ng kabataan sa larangan ng pag-arte. kaya't naisipan ng samahan na muling itanghal at isadula ang "Jesus Christ Superstar" na pinamagatang "Ora Pro NObis" sa wikang latin o "Pray for Us" sa salitang ingles. Sa direksyon ni G. Richard "Mattz" Magbalana, sa tulong ng dating kabataan na patuloy at walang sawang magsisilbi sa ating simbahan.