|
|
|
"As we go on, We remember All the times we had together, As our lives change, Come whatever, We will still be friends forever." (Graduation Song- Vitamin C) Nananahimik ako dito sa malayong bansa na Canada nang biglang gumulo ang daigdig ko at makatanggap ng e-mail mula sa isang Valentino Buzon. Pakiwari ko'y taga Canada rin siya, kaya lang nga, doon sa silangang bahagi. Isa pang sumulpot sa e-mail ay isa ring kaibigang matagal nang hindi nasisilayan - si Rey Bisda, na taga-Toronto rin, tulad in Val. Sa mga di mapatid na e-mailan ay muling nanariwa sa akin ang "high school days". Na binigyan pa ng kulay dahil kasama sa alala ang naging katuwang ko sa buhay - si Ruben Cajiuat. Isa ring Torresian na naging kamag-aral ko nang ako'y trese anyos pa lamang. Doon nagsimula ang mahaba at masalimuot na pagliligawan, pagiibigan na humantong sa pag-iisang dibdib. Pero isang nobela marahil ulit kung uungkatin pa ang kabanatang ito ng buhay ko. Isang gabi nang nanoood ako ng 25th anniversary ng Arista Records, nabalik ako sa "memory lane" ng marinig ko si Barry Manilow "Even Now I think about you… and the memory goes on and on…" Mahigit isang dekada na nang umalis ako sa Pilipinas. At ngayon nga ay na-realize kong halos karamihan ng mga kaklase ko sa E-1 ay huli kong nakita noong graduation namin, taong 1978. Anu-ano nga ba ang mga happenings namin noon? Kung sa academics, hindi kami kasing seryoso ng Math 1 at Special Science class. Pero sa extra-curricular activities, hindi naman kami pahuhuli. Maraming beses na nagpalabas kami ng mga mini-skit tuwing flag ceremony ("Walang uuna sa Torres High.." naaalala ninyo pa ba iyon?) May 2 rin kaming malaking theatre production directed by Miss Yanguas na pinalabas sa THS library. Of course, best actor si Rosanto Misa. Hindi pa kami nagkasya sa paaralan lamang kaya't na sermonan ang klase ng mag-cutting class para samahan lamang si Jesie Guevara sa ABS-CBN, "Student Canteen" ni Eddie Ilarde. Doon naging contestant si Jesie sa singing contest. Hanggang ngayon tumatayo pa rin ang balahibo ko sa ganda ng tinig niya sa pagkanta ng sariling komposisyon" Maligyang Pasko, Inay". Kasama na rin sa klase namin ang iba't ibang kasarian - babae, lalaki at iba pa. Pawang mga masasayang kasama at kaibigan na mas magaganda pa kamo sa mga tunay na babae. Nakakatawa at hindi ko na maalala ang tunay nilang pangalan. Pero ang mga imbentong "Showbiz name" nila ang di ko makalimutan gaya ng Mitos Validades, Virginia Vagixx, etc. Kahit na nga't parang puro saya lang at happenings ang madalas naming gawin, sa amin pa rin nanggaling ang valedictorian na si Stevenson Tavera, salutatorian ang inyong lingkod, at 3rd honorable mention na si Antonio Ocampo. Maraming marami pang mga happenings namin nuon. Pero hindi ba'y katakataka na ang pawang naaalala ko lamang ay pawang mga masasayang karanasan namin. Hindi ko ipagpapalit kahit kanino pang Canadian ang mga kaibigan kong sina Helen Roque, Ruby Atanacio, Leila Plopino, Tess Samson at Arnela Villalon. Bagama't hiwahiwalay na ang aming landas, sa gunita ay sariwa pa rin sila sa aking puso. Katunayan nga, habang sinusulat ko ito, pakiramdam ko'y kahapon lang kami nagkitakita. Saan man sila naroon, sana kahit papaano ay maparating ko ang mensahe kong ito… na sila ay palaging nasa aking alala. Salamat sa pagkakataong ito, kaibigang Val. Mamayang gabi, matutulog akong may ngiti sa aking mga labi. Ang inyong lingkod, Fenchie (Marife) Eugenio-Cajiuat
|