Sinong Jesus?
(Which Jesus?)
“…ngunit ako’y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa
pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw
mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo. Sapagkat kung may dumating na
nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo’y
tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang
ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo kaagad na napapasakop doon.”
2 Corinto 11:3, 4.
Si apostol Pablo ay nangusap tungkol sa mga nagsisilitaw na nangangaral ng
ibang ‘jesus;’ sa mga tumatanggap ng ibang espiritu at tumatangkilik ng
ibang ebanghelyo. Ang tanong na imumungkahi namin sa iyo na mambabasa ay:
“Aling espiritu ang tinatangkilik mo, aling ebanghelyo ang tinanggap mo at
SINONG JESUS ANG PINANINIWALAAN MO? Mag-ingat sapagkat maraming huwad o
pekeng ‘jesus’ ang kumakalat ngayon!
Ang ‘jesus’ na Kapatid ng Demonyo:
Ang jesus na ito ay hindi ang ikalawang Persona ng Trinity (Ang Nag-iisang
Diyos na Tatlong Persona), at wala naman daw talagang Trinity ayon sa
doktrina ng mga naniniwala rito. Ang jesus na ito ay isa lamang
pre-existent spirit at espiritung-kapatid ng Dyablo at kasal kina Maria at
Martha! Si Brigham Young, na kahalili ng tagapagtatag ng relihiyong ito na
si Joseph Smith, ay nagpahayag na ang sakripisyo sa krus ng jesus na ito
ay walang bisa para sa paglilinis ng ibang kasalanan. Ang tao mismo ang
magbabayad ng kasalanang iyon na hindi kayang bayaran ng dugo ng jesus
nila. Ito ang jesus ng Mormons. Ang jesus na ito ay huwad na jesus at
hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Maliit na Diyos:
Ayon sa mga naniniwala sa jesus na ito siya ay hindi tunay na diyos kundi
isang maliit o nakabababang diyos lamang. Siya ay isa lamang anak ng Diyos
ngunit hindi siya mismong Diyos. Ang jesus na ito ay muling nabuhay na
dakilang nilalang na espiritu at ang kanyang kapanganakan sa mundo ay
hindi pagkakatawang-tao ayon sa doktrina ng mga naniniwala rito. Ang jesus
nila ay hindi na muling magbabalik sapagkat siya’y narito na sa mundo,
hindi nga lamang nakikita. Ang jesus na ito “…ay nagtanggal ng epekto ng
kasalanan ni Adan sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo sa kalbaryo,
subalit magkakaroon lamang ng kumpletong bisa kapag ang mga nakaligtas sa
Armageddon ay manumbalik sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling
kapasyahan (free-will) at magpasakop sa pamamahala ng kalooban ni Jeshovah”
(The Kingdom of the Cults, p. 99). Ito ang jesus ng Jehovah’s Witnesses.
Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Nagdusa sa Impyerno:
Ang jesus na ito ay hindi nagbayad ng kasalanan ng tao doon sa krus. Ang
kanyang pisikal na kamatayan ay walang natupad. Ang jesus na ito ay
kinakailangan pang pumunta sa impyerno at dumanas ng nakapanghihilakbot na
pagdurusa at pagpapahirap ng Dyablo at ng mga demonyo upang kumpletuhin
ang kanyang pagbabayad. Ang jesus na ito ay kinakailangang mamatay nang
espiritwal. Ang kamatayan ng jesus na ito ay hindi nagbayad ng kasalanan
ng tao sa pamamagitan ng krus kundi sa impyerno. Ang kamatayan sa krus ng
jesus na ito ay hindi ganap na pantubos kundi pasimula lamang ng
pagtutubos at nakumpleto lamang ng kanyang paghihirap sa impyerno (Kenneth
Copeland, Believer’s Voice of Victory, April 1982, p. 10). Ito ang jesus
ng Faith Movemment. Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na
tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Alipin ng Kautusan:
Ang jesus na ito ay may pagkakahawig sa totoong Jesus, subalit ang
pagkakahawig ay hindi nangangahulugang sila ay magkapareho. Ayon sa
kanilang propetang babae na si Ellen G. White, “Ang dugo ng Panginoong
Jesu-Cristo, bagamang ito ay magpapalaya sa nagsisising makasalanan mula
sa hatol ng kautusan, ay hindi nag-aalis ng kasalanan… [ang dugong] ito ay
mananatili sa santuwaryo hanggang sa maganap, ang huling pagbabayad-sala”
E.G. White, Patriarchs and Prophets, p. 357).Ang jesus na ito ay “…nagbigay
ng kanyang buhay upang ang tao ay magkaroon ng isa pang pagkakataon sa
panibagong paglilitis. Hindi siya namatay sa krus upang pawalan ng bisa
ang kautusan ng Diyos, kundi siguruhin para sa tao ang ikalawang
pagkakataon” (E.G. White, Testimonies and Ministers, 1953, p. 134). Ito
ang jesus ng mga “Sabadista” o Seventh-Day Adventists. Ang jesus na ito ay
huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Tao Lamang:
Ang jesus na ito ay hindi tunay na diyos kundi isang tao lamang. Hindi
siya ang Diyos na tanging nagliligtas: “Si Cristo-Jesus ay tagapagligtas,
hindi dahil siya ay Diyos, kundi dahil ang Diyos ay nagliligtas sa
pamamagitan niya” (Pasugo, July/August 1993, p.3). At ang paraan naman ni
cristo sa kanyang pagliligtas ay ang kanyang ‘iglesia:’ “At si Cristo
naman ay nagliligtas sa pamamagitan ng kanyang iglesia” (Pasugo, Sept.
1974, p. 4). Kung ibig ng isang tao na maligtas hindi sapat na siya ay
sumasampalataya lamang: “Ang pananampalataya kay Cristo ay mahalaga
subalit ang pananampalataya ay dapat na may kaakibat na pagsapi sa Iglesia
ni Cristo” (Pasugo, Sept. 1974, p. 4). Ito ang jesus ng Iglesia ni Cristo.
Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Walang-silbi ang Katuwiran:
Ipinangangalandakan ng mga nagtuturo ng jesus na ito na ang pagsampalataya
lamang sa kanya ay hindi sapat upang maligtas ang tao. Ang pananampalataya
ayon sa relihiyong ito ay pasimula lamang ng paraan ng kaligtasan ng tao
at kailangang ganapin o kumpletuhin niya ito sa pamamagitan ng kanyang
mabubuting gawa sa kanyang buhay. Ang kaligtasan para sa kanila ay ang
sundin ang “katuwiran” umano ng Diyos. Ngunit ang katuwirang ito ay hindi
katuwirang mula sa Diyos na nakay Cristo kundi nasa kanilang “sariling”
katuwiran o mabubuting gawa. Ang sarili nilang katuwiran, at hindi ang
perpektong katuwiran ng Jesus ng Biblia, ang dahilan kung bakit sila ay
maliligtas. Ito ang jesus ng kilusang Dating Daan. Ang jesus na ito ay
huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na hanggang Ngayon ay Nakapako:
Ayon sa mga nagtuturo ng jesus na ito ang kanyang kamatayan sa krus ay
hindi sapat na pambayad para sa mga kasalanan ng lahat ng kanyang tinubos.
Ang jesus na ito ay namatay upang tubusin ang lahat ng tao sa kasalanan
ngunit ang kanyang kamatayan ay hindi pa sapat upang maging lubos na
pambayad para sa lahat ng kasalanan, kaya kailangang ang tao ay maghirap
sa kaparusahan sa “Purgatoryo” upang sila ay lubusang luminis sa kasalanan,
at nang sa gayon, maging dalisay at karapat-dapat na pumasok sa langit.
Ang jesus na ito ay nakikita sa altar ng kanilang mga simbahan bilang
“tinapay at alak” at patuloy na inihahain sa Diyos bilang alay para sa mga
kasalanan ng tao. Ito ang jesus ng simbahang Romano Catolico. Ang jesus na
ito ay huwad na jesus at hindi tunay na tagapagligtas.
Ang ‘jesus’ na Alipin ng Free-will ng Tao
Ang jesus na ito ay pinakakilala at higit na sinasamba kaysa sa lahat ng
huwad na ‘cristo.’ Ang jesus na ito ay isa ring bulaang cristo na namatay,
hindi para sa hinirang lamang ng Diyos, kundi para sa lahat ng taong
ipinanganak. Ang kanyang kamatayan ay hindi upang siguraduhin ang
kaligtasan ng sinuman kundi upang ang kaligtasan ay gawing “posible”
lamang para sa bawat isa, nakadepende sa kanilang pagpili sa kanya ayon sa
kanilang free-will. Ang jesus na ito ay hindi tunay na tagapagligtas ng
kanyang mga hinirang, kundi “posibleng tagapagligtas” lamang ng bawat isa,
kaya’t ang desisyon pa rin ng tao para sa Diyos ayon sa kanyang free-will
ang sa katapus-tapusan ay siyang magpapasya ng kanyang kaligtasan. Hindi
si Cristo at ang Kanyang ginawa ang siyang nagdudulot ng kaibahan sa
pagitan ng naligtas at napapahamak kundi ang free-will ng tao. Ang
kamatayan sa krus ng jesus na ito ay walang bisa sa sinumang pinag-alayan
niya ng buhay malibang tanggapin ng tao ang ginawa niya, sa gayon lamang
magiging tunay at mabisa ang ginawa ng jesus na ito. Ito ang jesus ng
Arminianism. Ang jesus na ito ay huwad na jesus at hindi tunay na
tagapagligtas.
Ang Totoo at Tunay na Jesus:
Mayroon lamang iisa at tunay na Jesus, ang Jesus ng Biblia: Siyang
pinatotohanan ng Diyos, Siyang namatay, inilibing at muling nabuhay “ayon
sa mga Kasulatan” (1 Cor. 15:1-4). Mayroon lamang isang Tagapagligtas na
kinikilala ng Diyos, iyon ay ang Kanyang Anak at tanging ang Kanyang Anak
lamang ang nagliligtas: Siya ang Jesus na hindi lamang Anak ng Diyos kundi
Siya ay mismong Diyos. Ang tunay na Jesus ay ang ikalawang Persona ng
Trinity, 1 Juan 5:6, 7, hindi gaya ng ‘jesus’ na kapatid ng Demonyo (turo
ng Mormonism). Ang muling-nabuhay na katawan ng totoong Jesus ay binubuo
ng “laman at buto” (Lucas 24:39). Ang totoong Jesus ay hindi kasalukuyang
sikretong nasa mundo sapagkat ang Kanyang muling pagdating ay makikita ng
lahat (Gawa 1:9-11 at Luc. 17), hindi gaya ng ‘jesus’ na maliit na diyos (turo
ng Jehovah’s Witnesses). Ang tunay na Jesus ay nakaupo sa kanang luklukan
ng Ama at hindi napakikita bilang tinapay at alak sa pagkaway at pagtawag
ng mga pari sa kanilang mga altar (turo ng Romano Catolico). Saan mang
bahagi ng Biblia ay walang makikita na ang paghihirap ng totoong Jesus ay
ipinagpatuloy sa impyerno para sa katubusan ng tao (turo ng Faith Movement
ni Kenneth Copeland). Ang totoong Jesus ay namatay sa krus ng Kalbaryo at
ang Kanyang dugo na nabuhos (ang Kanyang kamatayan), ay ganap na mabisa at
talagang nagbayad sa lahat ng mga kasalanan ng Kanyang hinirang. Ang
Kanyang kamatayan ay “minsanan at magpakailanmang” panghaliling sakripisyo
(substitutionary sacrifice) para sa Kanyang hinirang at hindi na
kailangang ulitin at dagdagan pa ng gawa ng tao upang maging mabisa. Ang
Kanyang kamatayan ay sapat na pantubos sa bawat kasalanan—sa nakaraan, sa
kasalukuyan at sa hinaharap—ng lahat ng taong ibinigay sa Kanya ng Diyos.
Ang mga jesus na itinataas ng mga bulaang ebanghelyo ng relihiyon ay
nabigong magbayad ng kasalanan sa kanilang ‘kamatayan’ sa krus. Ang
pagbayad ng totoong Jesus para sa Kanyang mga hinirang ay mabisa para sa
katubusan ng bawat isang pinag-alayan Niya ng dugo, “…na pinawi ang sulat
kamay na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito’y
kanyang inalis at ipinako sa krus” (Colosas 2:14; Hebreo 9:13-14); “…Subalit
ngayon minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis
ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang Sarili (Heb.
9:26); “…tayo’y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng kamatayan ni
Cristo minsan at magpakailanman” (Heb. 10:10); “Sapagkat sa pamamagitan ng
isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal magpakailanman ang mga pinababanal
(Heb. 10:14); “sa kanya (Jesus) na umibig sa atin, at nagpapalaya sa atin
mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo” (Apocalipsis
1:5). Ang lahat ng Kasulatang ito’y nagpapatotoo sa katotohanan ng
pagiging sapat at sa kakayahan ng minsanan at magpakailanmang sakripisyo
ni Jesus sa krus para sa Kanyang mga “tupa.”
Hindi kailan man tatanggapin ng Diyos ang hindi perpektong matuwid
(Santiago 2:10, 11; Mateo 22:37-40). Kalakip ng pagsasakripisyo ni Cristo
ay ang Kanyang naging perpekto at matuwid na buhay na siyang tanging
kinalulugdan at tinatanggap ng makatarungang Diyos. Ang katuwirang ito ang
ibinibilang (o itinuturing na) sa mga hinirang kung kaya’t sila ay
tinatanggap ng Diyos. Hindi ito dahil sa kanilang sariling katuwiran (Filipos
3:9; Roma 3:20-22; 4:5; 10:2-4), “Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi
sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang
pananampalataya ay itinuturing na katuwiran. Gaya naman ng sinasabi ni
David tungkol sa pagiging mapalad na itinuturing (ibinibilang) ng Diyos na
matuwid na hiwalay sa gawa…” (Roma 4:5-8).
Ang iba’t ibang ebanghelyong ipinapangaral ng mga bulaang relihiyon ay
hindi talaga ang tunay na ebanghelyo, kung kaya, ang iba’t ibang jesus
nila ay hindi talaga ang tunay na Jesus, at hindi tunay na tagapagligtas!
Napakahalaga na tayo ay manampalataya sa tunay na Jesus. Ang totoo, buhay
at kamatayan ang nakataya dito. Ang jesus na mayroon ka ang tumutukoy kung
anong doktrina ang pinaniniwalaan mo. Bilyun-bilyon ang bilang ng mga tao
sa mundo subalit mayroon lamang iisang ‘ikaw’ at iisang ‘ako,’ kaya’t
mayroon ding IISANG DIYOS at IISANG PANGINOONG JESU-CRISTO. Mayroon lamang
IISANG TAGAPAGLIGTAS at sinumang hindi nananatili sa Kanyang aral at
sinumang hindi naniniwala sa natatanging Ebanghelyo na nagpapahayag ng
kabanalan at kamatayan ni Cristo, na kung wala ito’y walang maliligtas,
SAMAKATUWID siya ay walang Diyos at walang pag-asa: “Sinumang lumalampas o
hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay walang Diyos…” (2 Juan 9);
“Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang Ebanghelyo ni Cristo: sapagkat ito ang
kapangyarihan ng Diyos sa kaligtasan ng sinumang sumasampalataya… sapagkat
sa Ebanghelyong ito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag…” (Roma 1:16, 17).
Isipin mo ang isang silid na puno ng iba’t ibang mga jesus. Sa itaas ng
kanilang mga ulo ay nakasulat : “ang jesus na kapatid ng Demonyo;” “ang
jesus na nagdusa sa impyerno;” “ang jesus na hanggang ngayon ay nakapako;”
“ang jesus na alipin ng free-will ng tao;” “ang jesus na alipin ng
kautusan;” “ang jesus na tao lamang,” atbp. Ang mga katangian, kasaysayan
at ginawang pagtutubos ng jesus na sinusunod mo ay dapat naaayon sa Jesus
ng Biblia, sapagkat kung hindi ay tumanggap ka ng bulaang jesus (1 Cor.
15:1-4; 2 Cor. 11:3-4). Bakit napakamapanganib na magkamali ka sa iyong
paniniwala sa kung sino ang tagapagligtas at ano ang kanyang ginawa? Hindi
ba ang kaunting lebadura ang nagpapaalsa sa buong masa? Sapagkat ikaw ay
tiyak na mapapahamak kapag nagkamali ka rito. Kung ikaw ay hindi
nananangan sa katotohanan tungkol kay Jesus, papaanong sasabihing nasa iyo
si Jesus? Ang katuruang tumutukoy at nagpapakilala sa ‘jesus’ na iyong
pinaniniwalaan ay dapat na umaayon sa Banal na Kasulatan, dahil kung hindi
ay maaaring ikaw ay naturuan at sumusunod sa isa sa maraming huwad na
jesus na hindi nakapagliligtas. Ang tunay na Jesus ay siyang namatay sa
krus, at ang Kanyang kamatayan ay talagang sapat na nagtubos ng kasalanan
ng bawat isang pinag-alayan Niya ng buhay. Tanging ang Jesus na ito lamang
ang tunay na Tagapagligtas; tanging ang Jesus na ito ang nagkaloob ng
kaligtasan para sa Kanyang hinirang, “silang mga pinili ng Diyos at
ibinigay sa Kanyang Anak bago pa nilikha ang sanlibutan” (Efeso 1:4; Jn.
17:2, 3). Kung ang pinaniniwalaan mo ay ibang jesus, gaano man siya
kahawig ng totoong Jesus, ikaw ay tumanggap pa rin ng bulaan at
mala-satanas na huwad na jesus na magdadala sa iyo sa walang hanggang
kaparusahan sa impyerno. Subalit ang sumasampalataya sa tunay na Jesus ng
tunay na Ebanghelyo ay maliligtas (Marcos 16:16).
Return
to Articles list
Go
to Homepage
|