Home Articles List


 

Beware: False Gospel

 

Maraming mukha ang bulaang ebanghelyo na nagtataglay ng bulaang ‘cristo.’ Karamihan sa biktima nito ay walang kamalay-malay na ang kanilang taos-pusong sinasampalatayanan ay doktrina ni Satanas. Kaya ang layunin ng paghahangad ng mga hidwaang katuruan ay upang “turuan ng may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Dios ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila’y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.” 2 Tim 2:25.

Huwag kalilimutan na ang Ebanghelyong ibinigay ng Dios ay iisa lamang hindi dalawa o marami. At ito’y hindi nagbabago, ni hindi naluluma. Kapag isasaisip lamang ng mambabasa ang katotohanang iisa lamang ang Ebanghelyo ay magbubunsod ito sa kanya na suriin ang ebanghelyong kanyang pinaniniwalaan kung ito ay yaong iisang Ebanghelyo o baka naman bulaang ebanghelyo.

Isang anyo ng bulaang ebanghelyo ay nagtuturo na tinubos ni ‘cristo’ ang lahat ng mga kasalanan ng lahat ng mga tao, kaya ang lahat ng mga tao ay maliligtas kahit na ano ang kanilang pinaniniwalaan; basta ang tao ay magsisisi ng kanilang kasalanan. Karaniwan na sa mga Romano Katoliko ang ganito ang paniniwala, kilala rin ito sa tawag na ‘universalism.’ Ngunit mayroon pang mas makamandag kaysa dito. Makamandag sapagkat marami na ang nabibiktima nito ng walang kamalay-malay. Ito’y ang ebanghelyong ikinakalat ngayon ng mga nag-aangking sila raw ang ‘Evangelical’ o ‘Born Again’(?). Ang kanilang ebanghelyo ay nagpapahayag na ang kamatayan ni ‘cristo’ sa krus ay nagbibigay daan sa kaligtasan ng lahat ng tao kung sila lamang ay mananampalataya. Sa kanilang katuruan bagama’t si ‘cristo’ ay namatay para sa lahat ng tao, nagkakabisa lamang ang kanyang kamatayan doon sa mga ‘tumanggap’ sa kanya. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ito ay ‘ibang’ ebanghelyo kaysa sa Ebanghelyong itinuro ni Cristo at ng mga apostol.

Mismong ang Panginoong Jesus ang nagsabi na ibibigay Niya ang Kanyang buhay para lamang sa Kanyang mga tupa (Juan 10:11, 14). Pinatotohanan naman ni apostol Pablo na ang kamatayan ni Cristo sa krus ay mismong nagtubos at nagligtas at hindi lamang ginawang ‘possible’ na ang kaligtasan. Kaya nga nakakatakot ang bulaang ebanghelyong ipinapangaral ngayon ng mga bulaang mangangaral, napakarami ng kaluluwa ang nabulid sa impiyerno dahil sa paniniwala sa bulaang ebanghelyong ito. Ang kasinungalingang ito ay kinondina na noon pang 1619 sa Synod of Dordt ng mga Reformers bilang bulalang ebanghelyo na nakapapahamak. Hindi rin maaari ang pangangatwiran ng iba na kanya-kanya raw pananaw lamang iyan basta ikaw ay sumampalataya sa tinatawag na ‘cristo’ ay sapat na. Hindi ito maaari sapagka’t mayroon lamang isang Ebanghelyo na ibinigay ang Dios at sinumang sumampalataya sa tanging Ebanghelyo ay maliligtas at sinumang hindi sumampalataya sa Ebanghelyong ito ay mapapahamak (Marcos 16:15, 16). Sa mga mambabasa ng lathalaing ito, namamanhik kami na pakasuriin mo ang iyong pinaniniwalaan. At marapatin nawa ng Dios na maunawaan mo ang tunay mong kalagaya. Ikaw ba ay biktima ng kabulaanan o binago ng katotohanan! Beware! False Gospel!


By Pastor Ronnie Santos
Bastion of Truth Reformed Churches in the Philippines
 


Return to Articles list

Go to Homepage


 

Hosted by www.Geocities.ws

1