titredalida.gif (8644 bytes)

 


dm14.jpg (14596 bytes)

(1933 - 1987)

 

Si Dalida sa Pilipinas

       Hindi kilala sa Pilipinas si Dalida. Ang kanyang mga awitin ay hindi napapakinggan sa mga radyo o telebisyon. Kung meron mang nakakikilala sa kanya o nakarinig man lang ng kanyang mga kanta, ang mga ito ay mangilan-ngilan lamang. Kalimitan, ang mga nakarinig sa kanyang pangalan o awit ay mga taong mahilig sa kulturang Pranses. Si Dalida ay hindi bahagi ng kamalayan o kulturang popular ng mga Pilipino.

        Sa mga panahon ng kasikatan ni Dalida, mula dekada 60 hanggang dekada 80, ang panlasa ng kulturang popular ng  mga Pilipino ay nakatuon sa mga kantang galing sa Amerika o kaya'y sa Inglatera. Ang mga kantang ito ay nakasulat sa Ingles. Ngayong wala na si Dalida at napakarami na ang nagsusulputang mang-aawit, lalo na mula sa Amerika, malabo nang maging bahagi ng kulturang popular ng Pilipinas si Dalida pati na ang kanyang mga kanta na karamihan ay sa wikang Pranses at iba pang banyagang wika.

        Gayunpaman, para sa mga Pilipinong nabighani ng tinig ni Dalida, siya ay isang mahalagang bahagi ng kanilang mga kaluluwa, isang napakagandang nilalang na nakapagdulot ng kasayahan, isang bituing walang kupas. Kahit hindi man naiintindihan ang mga liriko ng kanyang mga kanta, ang kanyang madamdaming pag-awit ay sapat na upang maluklok sa imahinasyon ng mga nakikinig ang kanyang pangalan at tinig.

 

                                                         dm12.jpg (19901 bytes)

 

Mula Ehipto...

      Si Dalida ay ipinanganak sa Cairo sa Ehipto noong Enero 17, 1933. Pinangalanan siyang Yolanda Gigliotti. Ang pangalang Dalida ay isang palayaw na binigay sa kanya ng kanyang manager noong nasa Ehipto pa siya. Ang kanyang mga magulang ay tubong-Italya na pumunta at nanirahan sa Ehipto. Ang kanyang ama ay isang musikero na tumugtog ng violin sa Cairo Opera. Namatay ang kanyang ama noong 1945 at ang kanyang ina naman ay noong 1971.

        Dahil sa kanyang angking kagandahan, napiling  "Miss Egypt"  noong 1954 si Dalida. Nakagawa siya ng mga pelikula kasama sina Omar Sharif (Joseph and his Brothers),  Niazi Mustapha (A Glass and a Cigar) at Gil Vidal (The Mask of Tutankhamen). Noong Disyember 1954, nang siya ay 21 taong gulang pa lamang, pumunta siya ng Pransya upang masubukan ang kanyang kakayahan at swerte sa pagkanta at pag-arte. Hindi siya nagkamali.

                           

         dm11.jpg (22102 bytes)            

 

...Patungong Pransya

       Sa Pransya lubusang nakilala ang kahusayan sa pagkanta ni Dalida. Bigla ang pagkaroon ng napakaliwanag na ningning ang kanyang bituin.

        Noong 1956 nakilala ni Dalida ang mga taong malaki ang naitulong sa kanya -- sina Bruno Coquatrix, Eddie Barclay at  Lucienne Morisse. Si Morisse ang direktor ng programang pangradyo na Europe 1. Naimbitahan si Dalida sa programang Numéros uns de demain (Ang mga Numero Uno Bukas) na itinanghal sa sikat na teatrong Olympia de París. Malaki ang naging bahagi ng Olympia sa buhay ni Dalida. Dito siya unang natunghayan sa Pransya at dito rin niya ginanap ang kanyang kahuli-hulihang palabas sa Pransya, noong 1981, pagkatapos ng 25 taon sa mundo ng pag-arte at pagkanta.

        Taong 1956 din naisaplaka niya ang una niyang kantang Pranses na pinamagatang "Madona," isang bersyon sa Pranses mula sa awiting "Barcon Negro" na inawit ng Portuges na mang-aawit na si Amalia Rodriguez. Sa sumunod na taon, lubusang sumikat si Dalida nang awitin niya sa Olympia ang "Bambino" kasama si Charles Aznavour at, sa Setyembre ng taon ding iyon, ang "Gondolier" kasama si Gilbert Becaud. Maraming kopya ng dalawang awiting ito ang naibenta sa Pransya.

        Maraming parangal ang iginawad kay Dalida sa mga sumunod na taon. Kasama na rito ang premyo Bobino para sa awit na "Come prima," premyo Bravos du Music Hall, premyo Oscar para sa awit sa taong 1959, premyo Sanremo noong 1960, at marami pang iba. Lalo pang tumingkad ang kanyang bituin kasabay ng paglabas ng kanyang awiting  "Darla Dirladada" at iba pa na sinulat para sa kanya ng mga kompositor na sina Mykis Theodorakis, Jacques Revaux, Michael Sardou, Michel Legrand, Gilbert Becaud at Didier Barbelivien. Kung minsan, ang mga klasikong awiting Pranses, katulad ng "Avec le temps" ni Léo Ferré, "Je suis malade" ni Serge Lama at "Que reste-t-il de nos amours" ni Charles Trénet, ay binabago ni Dalida. Sa halip na magalit o mainis ang mga kompositor ng mga kantang ito ay natuwa pa sila dahil biglang nabuhay ang kanilang mga akda.

        Pinasikat din ni Dalida ang mga gawa ng mga batang kompositor, katulad nina Pascal Sevran, Michaële Lana, Paul Sebastian, Michel Jouveaux, Jeff Banel at Gilbert Sinoue. Ang mga kantang "Pour ne pas vivre seul," "Paroles, paroles," at "Il venait d'avoir dix-huit ans" ay naging bahagi ng kanyang ginintuang panahon. Dahil sa kanyang sunud-sunod na tagumpay, hindi na napigilan ang pagsulong sa kalawakan ng kanyang bituin.

       

 dm10.jpg (21947 bytes)

                                

Hanggang sa Buong Mundo

       Ang kanyang awiting "Gigi l'amoroso" ay nanguna hindi lamang sa Pransya kundi pati na rin sa iba't ibang bahagi ng mundo, kasama na ang Canada, Greece at Japan. Pinarangalan si Dalida ng Platinum Record noong 1975 para sa "Gigi l'amoroso," ang plakang may pinakamaraming naibenta sa Benelux (o Belgium, Netherlands at Luxembourg). Natalo nito ang "Strangers in the Night" ni Frank Sinatra na may hawak ng titulo mula pa noong 1966.

        Noong 1962, binisita ni Dalida ang bansang pinanggalingan ng kanyang mga magulang, ang Italya. Malugod siyang tinanggap ng mga tao. Dinalaw din ni Dalida ang Saigon at Montreal. Nirekord niya sa taong ito ang "Le Petit Gonzales." Nang mga sumunod na taon, nagtanghal siya sa maraming bahagi ng mundo, pati na rin sa Nepal kung saan tumira siya sa isang ashram upang mapag-aralan ang Hinduismo. Tulad ng inaasahan, matagumpay ang kanyang mga palabas.

        Naging aktibo rin sa panahong ito si Dalida. Nakatambal niya sa pelikulang L'incconue de Hong Kong noong 1963 sina Philippe Nicaud at Serge Gainsbourg. Gumawa rin siya ng pelikula sa Italia (Yo te Amo) kasama si Alberto Lupo.

 

dm8.jpg (24923 bytes)

 

       Nagkaroon ng yugto sa buhay pampubliko ni Dalida na siya ay nawala at namahinga. Ngunit nang matapos ang maikling panahon ng kanyang pamamahinga, ginulat niya ang mundo nang bigla niyang pasukin ang isang larangang akala ng marami ay hindi para sa kanya: ang musikang pang-disco. Nanguna siya sa Pransya sa larangang ito. Ang kanyang bersyon ng "J'attendrai" noong 1976 ang unang disco hit sa Pransya. Nagawa rin niya ang unang video clip sa Pransya, ang "Generation 78." Sa tulong ni Lester Wilson, ang choreographer ni John Travolta sa Saturday Night Fever, itinanghal niya ang isang tanyag na palabas, na naiiba sa lahat ng nagawa niya, sa bulwagang pang-konsyerto na Palais des Sports.

        Noong ikalawang bahagi ng dekada 70, naglakbay si Dalida sa iba't ibang bansa, kabilang na ang Ehipto at Lebanon, ang dalawang bansang malapit sa kanyang puso. Sa dalawang bansang ito, at sa mga kalapit-bansa, si Dalida ang pinakatanyag, minamahal at dinadakila ng mga tagahanga. Sa Ehipto niya isinaplaka ang kantang "Salma ya salama" na nagbigay sa kanya ng bansag na "Peace Singer" sapagkat kasabay ng pagtugtog sa mga radyo ng kantang ito ang pagpunta ni Presidente Anwar al-Sadat ng Ehipto sa Israel.

        Pagkatapos maipagdiwang ni Dalida sa Olympia ang kanyang ika-25 taon sa pag-arte at pag-awit noong 1981, nag-unahan ang mga palabas sa telebisyon sa pag-imbita sa kanya bilang panauhin. Maraming beses siyang naging bisita ng programang Maritie and Gilbert Carpentier. Pinagsama rin si Dalida at ang tanyag na si Jean-Christophe Averty sa isang mahalagang pagtatanghal, ang Dalida Idéale na hitik sa sining biswal. Binigay din sa kanya ng prodyuser na si Youssef Chahine ang pinakaimportanteng papel sa pelikulang Le Sexième Jour na tumanggap ng papuri mula sa mga kritiko.

         

dm55.jpg (18097 bytes)

             

Saya at Dusa

       Nagpakasal si Dalida kay Lucien Morisse noong Abril 8, 1961. Ngunit pagkatapos ng tatlong buwang maikasal siya, nagkaroon siya ng relasyon kay Jean Sobieski, isang pintor. Naging mangingibig din niya sina Luigi Tenco at Richard Chamfrain. At katulad ng mga sikat na artista at mang-aawit sa Pilipinas, naging palagiang bahagi ng mga babasahin at mga programa sa radyo at telebisyon ang kanyang pag-ibig at hinagpis, saya at tagumpay.

        Mula pa noong unti-unti pa lang siyang sumisikat sa Ehipto, naging isang bukas na libro na ang buhay ni Dalida. Marami ang nakapaligid sa kanya. Hindi mabilang ang nagnanais na makilala siya, makasalamuha, makausap, at maging bahagi ng kanyang buhay.

        Sino nga ba ang ayaw siyang makasama o makilala? Siya ang kauna-unahang mang-aawit na nagkamit ng gold record, ang unang mang-aawit sa Europa na nagkaroon ng hindi mabilang na tagahanga, ang nanguna sa pagpakilala sa mundo ng French disco music, at ang unang babaeng mang-aawit na nagtanghal sa Palais des Sports ng sunud-sunod na tatlong linggo na punung-puno ang malaking bulwagang ito.

        Kumanta si Dalida sa pitong wika. Umabot sa 1,000 ang bilang ng mga awit niya. Mga 500 ang naawit niya sa Pranses, 200 sa Italyano, at mahigit 200 sa iba pang mga wika (Aleman, Español, Hapones, atbp.). Nakapagbenta ang kanyang mga plaka ng mahigit 100 milyong kopya sa buong mundo. Naging numero uno siya sa 12 bansa. Ang "Gigi l'amoroso" ay nanguna sa 9 bansa, samantalang ang "Il venait d'avoir dix-huit ans" naman ay nanguna sa 3 bansa.

        Napakarami ang natanggap na parangal ni Dalida. Kabilang na rito ang limang Oscar ng Radio Monte Carlo (1960), Oscar for the World Song Success (1963), medalyang ginto mula sa lungsod ng Paris, mga medalya mula sa iba't ibang bansa, paghirang na Commandeur des Arts, Sciences, Lettres (Komandante ng Sining, Siyensya, Literatura) mula sa Maison des Intellectuelles (1968), pagbigay sa kanya ng Croix de Vermeil sa Palais de la Mutualité de París. Siya lang ang alagad ng sining na nabigyan ng Médaille de la Présidence de la République mula mismo sa mga kamay ni Général de Gaulle.

        Nang magsagawa ng isang pag-aaral ang magasing Paris Match noong 1982 tungkol sa mga kababaihang may pinakamalakas na impluwensiya sa Pransya, si Dalida lamang ang napasama mula sa larangan ng pagkanta at pag-arte. Nanguna sa kanya si Simone Weil, ang tanyag na philosopher at mistiko. Mas lamang naman si Dalida kay Danièle Mitterrand, ang asawa ng presidente ng Pransya.

    

dm54.jpg (19045 bytes)

 

Bituing Walang Kupas

        Sa okasyon ng ika-20 taon ng Encyclopedia Universalis noong 1988, nagkomisyon ito ng isang survey tungkol sa mga pangyayari mula 1968 hanggang 1988. Ang mga resulta ay ipinahayag sa isang artikulo sa dyaryong Le Monde na pinamagatang "La mémoire des Français depuis vingt ans" ("Ang alaala ng mga Pranses sa nagdaang 20 taon").

        Sa ilalim ng kategoryang  "Mga tanyag na personalidad na Pranses o dayuhan na may pinakamalaking impluwensya sa mga Pranses mula 1968 hanggang ngayon,"  ito ang ilan sa mga naging resulta: Général de Gaulle, 16%; Dalida, 10%; John Paul II, 7%; Mother Teresa, 3%. 

        Bakit ganoon na lamang ang epekto ni Dalida sa mga Pranses sa survey na ito? Marahil, dahil na rin sa malungkot niyang kamatayan. Sa kabila ng kanyang mga natamong parangal at palakpak, si Dalida ay nagpakamatay noong Mayo 3, 1987. Uminom siya ng maraming gamot.

        Sa kabila ng tagumpay at katanyagan, bakit niya naisipang tapusin ang kanyang buhay? Dahil kaya sawa na siya sa   tagumpay at katanyagan? O dahil kaya sa panahong iyon, wala siyang anak o mangingibig na mapagtuunan niya ng pagmamahal at atensyon? O dahil sa unti-unti niyang napansin ang kanyang pagtanda at pag-iisa? Maraming ispekulasyon. Ngunit hindi maiwawaglit: sina Lucien Morisse, Luigi Tenco at Richard Chamfrain, ang tatlong lalaking naging bahagi ng kanyang buhay at pag-ibig, ay nagpakamatay din.

        Nang malamang pumanaw na si Dalida, ang historyador na si Claude Manceron ay nagwika, sa ngalan ni Presidente Mitterrand at ng sambayanang Pranses, ng isang napakaikli ngunit hindi malilimutang mga kataga: "Yolanda au revoir, Dalida merci"  ("Paalam Yolanda, salamat Dalida)."

        Kahit wala na si Dalida, buhay pa rin siya sa alaala ng mga Pranses. Patuloy pa rin siyang pinaparangalan bilang tanda ng kanilang paghanga at pasalamat. Si Dalida lamang ang ikatlong babaeng may plaza sa Paris na nakapangalan sa kanya. Ang unang dalawa ay sina Joan Of Arc at Sarah Bernhardt, mga babaeng nakapagdulot din ng tuwa, lungkot at buhay hindi lamang sa Pransya kundi pati na rin sa buong mundo.

 

Rudolf Navarra Inamarga

*******************************************

Kayo po ba ay Pilipino? Pakisabi naman po.

Are you a Filipino? Please let me know.

¿Eres un filipino? Dime por favor.

Etes-vous Philipin? Faîtes-le moi savoir.

*******************************************

PAROLES PHOTOS ALBUMS MONDIAL E-Mail

Hosted by www.Geocities.ws

1