poeticus

bokz

::: Malalabong Mata
by Ibarra D. Santos
{ang petsa ay hindi naisulat/taong 2003}


Katahimikan ng kawalan na nakabibingi
hangin ng habagat na sumasampal sa kanyang pisngi
lilim ng araw na walang kawangis
pumupunit sa balat ng Inang marikit.

Luha ng langit na siyang dumidilig
sa dibdib ng Ina na puno ng hinagpis
mga hinaing niya na walang makarinig
tanging sa mga ulap, doon dumadaing.

Mga hagupit at latay ay walang makapuna
tila ba palasong itinarak sa dibdib niya
mga gawa mong sa kanya ay sumisikil
'sing talas ng bayonete kung iyong ipaparis

Pag-aaruga sa kanya ay iyong isinantabi
mas minatamis mo pang sa iba ay magsilbi
siya na dantaong sa iyo ay nag-aruga
sa isang kisapmata ay agad mong itinatwa.

Ang lahat ng riwasa na iyong dinaranas
katumbas ay sakit sa puso ng Inang rilag
mga layaw mo na walang hangganan
inihuhulog ang Ina sa kanyang katapusan.

Kailan maghihilom ang mga sugat mong dulot
ang sintang Ina kaya ay kailan makalilimot
makuha mo pa kayang sa huli ay magsisi
gayong batid mo na walang kapatawaran ang sarili.


[ re-read | reverse ]

This poem is a property of Ibarra D. Santos. No part maybe reproduced, copied, transferred to electronic media or printed material. Please do not copy unless permitted to do so. International copyright and treaties applied. All rights reserved.

copyright © 2003-2004
by Ibarra D. Santos

Hosted by www.Geocities.ws

1