poeticus
madshock
::: Paglalakbay sa dagat
Sa aking paglalakbay ay aking naalala
pagsasama nating kay tamis at ligaya
parang walang wakas na ayaw kong limutin
ngunit ngayon bumabalik kahit di ko isipin.
Sa di kalayuan ay aking natatanaw
dalampasigan at dagat na sadyang kay linaw
langit na tila humahalik at sa lupa'y humahagkan
sana'y kasama kita ngayon na tila walang hanggan.
Sa isip nanumbalik ang ating pinagsamahan
sadyang di ko malimot ang iyong kakulitan
natatawa na sa sarili kapag aking naaalala
ang marami mong ka-wirdohan at mga istorya.
Kay tagal kong naging bulag
at nagpakamanhid sa sarili
sa malayo ako nakatingin
hindi ko inalintana ang katabi.
Ating pinagdaanan ay aking lamang inisantabi
at pag-ibig ko ay sa iba ko iginanti
ngunit sa aking pagiging malayo mga ala-ala'y bumabalik
na ikaw ang naiisip at memorya'y ibinabalik.
Panahon man ay nagdaan at oras ay lumipas
mga nakaraan na alaala ay di pa rin kumukupas
parang alon na sa dalampasiga'y humahampas
tila ukit sa buhangin na nag-iwan ng bakas.
Sa aking paglalakbay ako ay nagnilay-nilay
nangarap at nanaginip na halos walang humpay
sa gitna ng kadiliman ay ikaw ang naging gabay
isang malagim na bangungot kapag ika'y nawalay.