| Patawad, Aking Binibini! by Oliver D. Santos |
| Ikaw ma'y mabaduyan at sa aki'y makornihan basta't ang nais ko lang ay iyong maunawaan, mahal na mahal kita higit pa sa akala mo at di kayang sukatin ng kahit na sino. Walang kasing lalim, walang kasing lawak na kahit ako man ay di ko masukat, tula-tulaan ko ma'y mukhang pambata pero ano ba naman sa akin pagkat di ko alintana. Nakakatawa man ito at lubhang kasiya-siya ayos lang sa akin basta't ika'y lumigaya, ako sana'y mapatawad sa aking nagawa pagkat di ko naman sadya na sa iyo'y magkasala. Hindi ko ninais na sa aki'y mawalay lubhang minahal at inibig na tunay, nung ikaw ay nawala pakiramdam ko'y kulang para bang hindi kumpleto ang buhay na hiram. Magmukha man akong gago sa nakararaming tao sa pagsusulat ng mga letra ng munting tulang ito, ako'y tao lamang at di gaanong maiiwasan na sa buhay ay magkamali at magsisi sa hulihan. |
| Aking binibini na sinisintang labis sana'y patawarin ako pagkat di ko ninais na sa iyo'y mawaglit at malayong pilit isang pagsubok na sa aki'y umipit. Aking dalangin sa makapangyarihan sa itaas na magbago ang isip at ako sana'y tulungan. Magpuyat man ako sa pagsusulat nito basta para sa iyo ay pagbubutihan ko. Ako man ay kagatin at lubhang masaktan sa kagat ng lamok ay di ko uurungan mga mata kong pumipikit na parang otomatik bumabagsak na paulit-ulit ay binubuksan kong pilit. Ako'y humihingi ng pasensiya sa nag-iisang sinta puso ko'y sumisigaw na sana'y makasama ka, ang tula kong ito ay hindi magwawakas ang kasunod nito ay sa ibang araw lalabas... Sapagkat kung itutuloy ko ay baka sabihing nobena o kaya'y maikling kuwento ng sinumang makabasa baka ikaw rin ay mabato at ipukol sa akin ito korni at baduy na tula ay inaamin ko. |
![]() |
![]() |
| This was written on the night of October 27, 2000 |
![]() |