epoche

The following is a short story I wrote for my Filipino 1 subject.  It's an assignment "Maikling Kuwento" that was given by Mr. Zoleta, with a little headstart.  He told of a story of a person who went out of his house because of boredom, rode a crowded bus and sat beside a crying woman -- with a child.  From that situation, we're suppose to build a story.  This is what I came up with.  It may sound stereotypical of boring science fiction-fantasy, but technically, this is my first short story.  Please don't hate me if it is ugly and pathetic.  This is just the beginning.  I swear, I could improve!  I wrote this with a paperclip attached to my nose.

Ang Sanggol

Dalawampung minuto akong nag-aabang ng bus patungong Ortigas; isang mainit na tanghali sa tapat ng Litex. Tiniis ko ang mga nagsisiksikang tao sa tabi ng kalsada (bawat minuto ay kinakapa ko ang bulsa ng aking kupas na maong), at ang malansang amoy galing sa malapit na palengke. Nang dumating ang isang puting bus, pinara ko ito agad at binuksan ng drayber ang pinto. Pagkaakyat ko, nagtawag pa ang kunduktor. "Ortigas Ilalim, marami pa'ng upuan!", subalit taliwas ito sa katotohanan. Puno na ang mga upuan, maliban sa panlimang hilera sa kanan. Isang babaeng nakaputi ang nakaupo at nakatungo. Pumuwesto ako sa tabi niya.

Nakakulubot siya sa upuan, at halos nakatalikod sa akin. Sa kanyang panginginig, halata na tahimik siyang umiiyak. Wala akong balak makialam sa problema ng iba, subalit sa paglingon niya, nahulog agad ang damdamin ko. Sa kabila ng mahabang buhok na itim, ikinukubli pala ang kanyang mala-anghel na mukha. Maaring isang nagluluksang anghel, sa bahagyang pamumutla ng kanyang maputing kutis, mga makabagbag-damdaming mata na pinalilibutan ng kumalat na eyeliner, mapulang labi na nanginginig sa pilit na pagtago ng emosyon. Nabihag ang atensyon ko sa kanyang kagandahan, kaya't ganun na lamang ang pagkagulat ko nang makita ko ang yakap niyang nakabalumbon sa tuwalya: isang sanggol.

Pinagdududahan ko sa isip kung anak niya ang sanggol. Mukhang bata pa ang katabi ko, hindi lalampas ng dalawampung taon. Bahagyang masmaitim ang sanggol sa kanya. Bagamat habag ako sa kanya, hindi ko siya magawang kausapin.

Nasa bandang Aurora Boulevard kami nang mamatay ang air-con at tumigil ang bus.

Nakatayo sa pintuan ang kunduktor at pinapababa ang mga pasahero. Naglabas siya ng mga barya upang isauli ang aming mga bayad. Tumayo ako at dinukot ko sa aking bulsa ang tiket. Marami ang nakatayo sa harapan ko at nagsusumiksik palabas. Hinintay ko na mabawasan ang mga tao.

Maya-maya'y nagmamadaling nakisiksik ang babaeng kanina'y katabi ko. Hindi man lang niya binawi ang kanyang bayad nang siya'y bumaba. Nilingon ko ang mga upuan at laking gulat ko sa pagkakakita ng naiwang balumbon ng tuwalya.

Iniwan niya ang sanggol.

Bumalik ako upang damputin ang bata. Hindi man lamang umiyak ang bata ngunit alam kong buhay siya. Ako na lamang at ang drayber ang nasa loob ng sasakyan. Karga ang sanggol, lumapit ako sa drayber at ibinahagi ko ang nangyari.

Napakamot siya ng ulo at sinabing, "'Bigay mo dun sa pulis. Bahala na sila diyan". Tinuro niya ang pulis sa kanto.

"Hindi ba dapat kayo... kasi sa bus niyo naiwan", sabi ko sa kanya.

"Aba, nautusan pa 'ko! Hindi. Kailangan pa naming 'balik 'to sa terminal".

Di ko maisip na masmahalaga pa ang bus nila sa isang sanggol. Sinipat ko ang labasan kung makikita ko pa ang babae. Wala. Marahil, tumakbo na.

Bumaba ako upang kausapin ang pulis. Nag-unat ang sanggol sa braso ko. Wala siyang kamalay-malay na isang estranghero ang nagdadala sa kanya.

Kakausapin ko na sana ang pulis nang matanaw ko ang babaeng nang-iwan ng bata. Tumakbo ako sa direksyon ng babae, at bagamat hindi pa humihinto ang mga sasakyan sa harapan ko, tumawid ako.

Pagdating ko sa kabila ng kalsada, tinanaw ko ang babae. Nawala nanaman! Dumeretso na lang ako nang nagmamadali at baka sakaling makita ko siya uli.

Malayu-layo na ang nilakad ko at wala nang ibang tao. Isang minuto na ring umiiyak ang sanggol. Marahil, gutom na. Hindi man lang niya iniwanan ng bote ng gatas. Masukal na ang mga gilid ng kalsada. Naligaw na yata ako.

Hindi ko alam kung saan na 'ko tutungo. Tatlumpung minuto na ang nakalipas mula nang huli kong nakita ang babae. Isang kalsada sa kaliwa ko ang bigla kong nilingon. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginawa, ngunit nalutas nito ang aking problema. Sa bandang dulo, nakita ko ang babaeng nakaputi, pasulyap-sulyap sa paligid na wari'y alam niyang may sumusunod sa kanya. Tahimik akong sumunod, at nagkasundo ko ang sanggol dahil tumigil siya sa pag-iyak.

Walang kamuwang-muwang ang babae na nasa likod lang ako. Inabot ko ang kanyang balikat nang biglaan.

"Sandali lang!"

"Ay! Bitiwan mo ako!"

"Teka. Bakit mo iniwan sa bus ang bata?"

Nanlaki ang mga mata niya nang banggitin ko ito. Matindi ang pagkatakot niya.

"Hindi 'yan akin. Napulot ko lang 'yan. Ngayon, pakawalan mo na 'ko!"

"Kung napulot mo lang, bakit di mo dinala sa mga pulis?", ang patuloy kong pagtatanong.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo. Kung alam mo ang mabuti sa'yo, bitiwan mo na 'yan at umuwi ka na".

Iiwan ko ang bata? Bakit? Mayroon ba siyang sakit o ano? Nakakapagtaka ang pag-uugali ng babae. Lumalayo siya sa sanggol na wari'y may sumpa ito. Hawak ko lang ang kanyang braso kaya't di siya makatakbo.

Umiyak muli ang sanggol. Inangat niya ang kanyang mga kamay at pilit na umaabot. Kinarga ko siya sa aking balikat upang tumahan...

"Huwag!", sinigaw bigla ng babae habang nagpupumiglas upang kumawala sa aking hawak.

Nang dumikit ang balat ng sanggol sa akin -- na ngayon ko lang natantong ito ang unang pagkakataon -- bigla kong nadama ang kanyang lamig na napakasakit. Matindi pa ito sa paghawak ng Dry Ice. Hindi ko maipaliwanag ang kirot, ngunit nagawa nitong pabagsakin ako sa lupa at muntik na akong mawalan ng malay. Maraming bagay ang pumasok sa isip ko, at lahat ay pinangungunahan ng takot. Anong kababalaghan itong nangyari sa akin? Mamamatay na ba 'ko? Anong mayroon sa bata at ganun kalamig ang balat niya? Mayroon ba siyang nakakahawang sakit o...

Malabo ang paningin ko, ngunit nakita ko pa na dinakma ng babae ang damit ko at hinila ako papalayo sa sanggol. Narinig ko pang ibinulong niyang, "Patawad. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kanya. Hindi ko rin maipaliwanag".

Naiintindihan ko na. Kung saan man nakuha ng babaeng ito ang sanggol ay mabuti ang kanyang layunin. Subalit, dahil sa taglay nitong sumpa, di magawa ng babae na alagaan ang bata. Marahil, tinangka niyang dalhin ito sa ibang lugar na makakapag-alaga dito, ngunit nang dumating ang pagkakataon, hindi na siya nag-isip at iniwan na lang niya ito. Sino nga ba ang makapagbabahagi ng pagmamahal sa isang batang kahit walang gawin ay makapagdudulot ng sakit dahil lamang sa paghawak?

Mag-iisang taon nang lumipas ang mga pangyayaring yaon. Sa kasalukuyan, bahagi na ng tahanan ang babaeng si Clarissa, at kinupkop namin ang batang pinangalanan naming Apolonio. Pilit naming ibinibigay sa kanya ang mga pangangailangan ng karaniwang bata. Ipinatingin namin siya sa isang kaibigang doktor. Ayon sa doktor, walang sakit ang bata. Ang kundisyon niya'y hindi pa kayang ipaliwanag ng siyensya. Isa siyang freak of nature, resulta ng hindi kasiguraduhan ng ebolusyon. Marahil, bihira ang mga taong makakatanggap sa kalagayan ni Apolonio nang walang diskriminasyon. Kami na ni Clarissa ang dalawang taong gagabay sa kanyang mga pagsubok sa mundo.

Agosto 8, 2003

Maganda? Pangit? Sabihin ang mga panlalait! Magpunta saDaldal-kahon at magsalita.

Hosted by www.Geocities.ws

1