Paglalakbay

Ni Cymbeline Refalda-Villamin

 

"Paminsan-minsan, dapat maglakbay ang diwa, mangarap ng walang pagpipigil… kung hindi, sasabog ka." Sabi ito sa isang brochure tungkol sa isang kumperensya ng malikhaing pagsulat na nakatakdang ganapin malapit na, sa Samos, isang lugar sa bayan ng Athens, sa bansa ng Greece. Gaganapin rin ito sa Florence at Lucca sa Italia, sa Barcelona, Paris, at Nueva York. Naganap na sa Singapore at Australia. Kailan kaya sa Pilipinas? Nag e-mail si Shelley Berc, ang guro ng workshop. Sabi ko maghahanap ako ng sponsor.

Ano pa ba ang magagawa ko kundi magkasya na lamang sa pagtingin sa mga larawan ng mga hotel na tutuluyan ng mga manunulat, mga lugar na kanilang papasyalan, mga listahan ng mga bagay na kanilang gagawin upang lalo pang maging malikhain. Wala akong pambayad sa eroplano, hotel, at pagrerehistro upang sumali dito. Isa sa mga gagawin doon ng guro ay punitin ang malinis na papel sa harapan ng mga manunulat upang sila ay ma-shock. Upang iparating na mas mahalaga ang process ng paglikha kaysa produkto. Sila ay magtatrabaho sa sahig. Hindi naka-upo sa silya sa harap ng mesa. Sila ay magsusulat ng nakasalampak sa lapag, nakahiga, nakadapa, o nakatiwarik… ano mang posisyon kung saan sila makakalikha. Sa ganitong paraan makakasulat ng mga magagandang obra, walang self-censorship, walang inhibitions, at walang guilt sapagkat "hindi nila alam" ang kanilang ginagawa, hindi sila "nag-iisip." A, kay sarap na huwag ng mag-isip, sundin na lamang ang iyong damdamin.

Naisip ko, kahit hindi na ako pumunta sa Athens. Kahit dito sa Pilipinas ay puwede na rin akong maglakbay. Hindi na kailangang lumayo pa, lalo na at wala namang pambayad sa eroplano.

"Halika na, Mommy, daliii!" Natigil ako sa pagtingin sa isang nayon sa may baybayin ng dagat Aegean, na nakalarawan sa brochure nang dumating ang aking bunso na si Marc at pilit akong hinila palabas sa gate. "Nandiyan na si Tito Joshua." Si Joshua ang may-ari at magmamaneho ng hiniram naming owner jeep patungong Los Banos upang ihatid ang panganay naming si Eunice sa kaniyang dormitoryo sa U.P.

"Nagmamadali si Marc, a," bati ni Joshua na nakaupo sa may tapat ng aming bahay, hawak pa ang tasa ng kapeng kaniyang iniinom, habang kausap si Tim, ang Daddy ni Marc. Tumayo ito upang maghanda na sa aming pag-alis. Lumakad patungo sa kanilang bahay sa kabilang kalye, isinoli ang tasa at ini-lock ang kanilang pinto. Kami naman ay naghanda na rin at nagtungo na sa nakaparadang jeep.

Sa unahan naupo sina Eunice at Marc, katabi ni Joshua. Sa likuran kami nina Tim at Paolo, ang sinundang kapatid ni Marc. Binagtas namin ang mahabang daan mula Ginintuang Lungsod sa Salawag tuloy sa Paliparan patungong GMA, Carmona patungong Binan, Sta. Rosa, Balibago, Canlubang, Calamba hanggang makarating sa Los Banos. Maganda ang tanawing kakahuyan, ang luntiang gubat, masarap ang sariwang simoy ng hangin, kahanga-hanga ang mataas na bundok ng Makiling. Dalawang oras ang nagdaan na tila ba dalawang minuto lang. Iniwan namin si Eunice sa magkahalong damdamin ng kasiyahan at kaba. Sa wakas, siya ay nasa kolehiyo na, mag-aaral sa itinuturing ng buong mundo na pinakamagaling na pamantasan sa buong Pilipinas. Ngunit sa unang pagkakataon, siya ay mananahan sa dormitoryo, hindi sa bahay na kapiling ang kaniyang pamilya. Ngunit lahat kami ay pinaghandaan ito. Magiging mabuti ang lahat para sa mahal naming si Eunice.

Pabalik, kami naman ni Marc ang naupo sa harapan. Salamat na lamang at mayroon kaming mabait na kapit-bahay. Masaya naming naihatid at palagay ang loob na iniwan si Eunice sa dormitoryo. Kaibigan ni Tim si Joshua. Mag-kumpare sila. Nagtutulungan. Nagbibigayan ng paboritong ulam. Minsan, naaksidente si Tim. Wala ako noon. Sinamahan siya ni Joshua upang magpagamot sa ospital. Tumulong si Joshua sa pag-gawa ng aming bahay. Ibinili niya kami ng bakurang-bakal para sa aming hardin, at siya pa ang naghinang at nagkabit nito. Kinumpuni at pinaandar niya ang aming nasirang washing machine. Kinumpuni niya ang mga daluyang ng kuryente sa aming tahanan. Ayaw niyang tumanggap ng bayad. Dahil sa kaniya, nagkaroon na ng ilaw ang madilim naming kainan at paliguan. Paalam, mga kandila. Mahal ng kaniyang kabiyak at anak sina Paolo at Marc, binibigyan ng mga pagkain at laruan, kinakausap, nilalaro. Madalas ipasyal ni Joshua sina Paolo at Marc kasama si Tim sakay ng kaniyang jeep. Magiliw ang mga anak namin sa kaniya. Kahit na sa labas, kapag nakarinig ng paboritong tugtog si Paolo, magsasayaw sila ng kaniyang Tito Joshua hanggang sa matapos ang tugtog.

Hindi ko napupuna, unti-unting pumapasok ang kaniyang katauhan sa aking kamalayan, hanggang laman na siya halos ng lahat ng kasuluk-sulukan ng aking alaala, gunita, at pagninilay. Masarap ang pakiramdam, ang kaba, ang hiwaga. Hanggang sa lumaon, ito ay parang munting tinik na nagdudulot na ng kirot. Walang salitang namamagitan. Hindi binibigyan ng patutoo ang mga hinala at pangarap na namamahay lamang sa kaisipan. Hangga't hindi nagkakaroon ng kataga ang lihim, hindi makakawala ang katotohan, ang lahat ay ligtas, patuloy ang matiwasay na pag-inog ng mundo. Walang masasaktan, walang mawawasak.

Naranasan mo na ba kung paano manabik, malungkot, tila ikaw ay mababaliw… gugustuhin mo pang huwag ng magising kinabuksan. Pakiramdam ko, ako ay talo, api, kaawa-awa. Mangingilid ang mga luha hanggang ang pigil na panaghoy ay maging isang walang patumanggang hagulhol, para akong namatayan… Namamaga na ang mga mata ko kaiiyak… Para akong luka-luka… hanggang makatulog, pata ang kaluluwa sa pananangis. Bakit ba ako magmamakaawa sa lalake!

I-text ko kaya siya o tawagan sa cell phone? Abutan ng sulat? Ibalik ng walang pangingimi ang bawat niyang titig? Para hindi na magkalituhan, kakausapin ko na lang. Para hindi malabo. Malinaw. Ano ba ang gusto ko? Siniyasat ang mga natatagong dahilan kung bakit nagkakaganito. Tiyak, may dahilan, hindi ba? Bukod pa sa panahon ng estrus, higit pa sa pangangailangang likas sa katawan. Sinikap na gumuhit ng mapa, isang kartograpiya sa imahinasyon mula sa utak patungo sa puso, na maglalagos sa sikmura, bahay-bata, patungo sa pagitan ng mga hita kung saan nag-iinit, nag-aapoy… Susuwayin ba ang ika-pitong utos? Saan ako dadalhin ng aking paglalakbay? Saan ang simula, ang stop-over, connecting flight, at huling hantungan? Paano na sa aking pagdating? Ano ang kahihinatnan ng lahat? Sa tuwi na lang magbubukas ng Banal na Aklat, sumasambulat sa paningin ang mga versong iyon… "Panatilihing walang bahid dungis ang higaan…" "Maging malinis nawa ang lahat ng pag-aasawahan…" "Ang mga nangangalunya ay hahatulan…" "Ang pagtitig na may pagnanasa ay pakikiapid ng maituturing…"

Dapat si Joshua ang gumawa ng unang hakbang. Siya ang lalake. Bakit ako? Baka ayaw niya. Mabuti siyang tao. Hindi niya magagawang sirain ang karangalan ni Tim. At ako? Makakaya ko bang saktan ang damdamin ni Tim? Ano'ng klaseng tao ba ako?

Ang sarap maglakbay sakay ng jeep ni Joshua. Mahusay siyang magmaneho. Kahit kailan ay walang biglang-preno. Ni minsan ay hindi ka magugulantang. Matiwasay ang pakiramdam. Hindi ka matatakot na mabangga or maaksidente. Puwede kang matulog ng walang pangamba. Ikaw ay ligtas, parang idinuduyan. Sana ay huwag pa kaming makauwi, sana mahaba pa ang daan. Paulit-ulit sanang dumaan kami sa maraming toll gate sa expressway at paulit-ulit akong mag-abot sa kaniya ng mga baryang pambayad sa toll fee. Paulit-ulit sana siyang bumili ng Inquirer sa mga naglalako sa daan at ibigay iyon sa akin. Ang dampi ng dulo ng kaniyang mga daliri sa aking kamay ay nagpapadaloy ng matamis na kuryente sa bawat himaymay ng kalamnan. Paulit-ulit sana niya akong kausapin tungkol sa mga kapansin-pansing bagay sa daraanan. Paulit-ulit sanang may maisagot ako sa kaniya upang marami akong dahilan para tumingin sa kaniya. Sayang ang mga tahimik na sandaling walang masabi, walang magawa para man lang magpahiwatig, magparamdam, makipag-ugnayan sa mga lihim at makahulugang paraan. Napakabilis naman ng dalawang oras. Mabuti pang kalimutan na ang lahat na kabaliwang ito na wala namang patutunguhan. Sayang lamang ang enerhiyang ginagastos sa gawaing ito na sana ay naiukol na sa kapaki-pakinabang na mga bagay.

Ayoko ng umasa…, awit ng masidhing tinig mula sa radyo ng jeep.

Suko na ako…, sinabayan ni Joshua ang awit.

Marami namang mga paraan para makalimot. Gawin lahat ang trabaho sa bahay. Tiyak, hindi ito mauubos. Palaging may kalat na pupulutin; mga damit na lalabhan, isasampay, tutupiin, o paplantsahin; mga pinagkanang ililigpit at huhugasan; mga kuwartong lilinisin, mga kurtinang dapat ng palitan. Ganito na lang ba ang buhay? Bakit pa kaya ako nabuhay?

"Punta tayo sa SM, Mommy," pangungulit ni Marc.

"Hindi muna, anak. Saka na lang."

Ang mga malls ay mistulang purgatoryo. Para kang patutungo sa impiyerno kapag sasakay sa masikip at mainit na jeep sa terminal.

Mistulang pasakit tuwing aalis si Joshua sakay ng kaniyang jeep. Saan ba siya pumupunta? Baka napapagod na siyang magmaneho. Bakit hindi pa siya umuwi? Baka nahahapo na ang kaniyang katawan sa pagtakas sa nakakabaliw na damdamin, sa pagnanasang hindi kailanman magkakaroon ng katuparan… Napakahirap maghintay sa muli niyang pag-uwi. Hindi alam kung kailan siya muling darating.

Nang gabing iyon, nakita ko siyang nakatayo sa may pintuan nila na katapat rin ng aming pintuan. Naka-pantalon lamang at walang pang-itaas. Naaaninag ang hubad na katawan sa liwanag ng buwan… Isang Adonis na napadpad sa ginintuang lungsod ng aking mga pangarap… Tila ako ay napapaligiran ng tubig ngunit hindi magawang pawiin ang uhaw. Magbabasa na lamang ako ng erotica, manonood ng TV hanggang makatulog, o magtutuos ng balanse ng aking wala na yatang katapusang mga utang. O… iiyak na naman hanggang sa matuyuan ng luha at mamaga ang mga mata. Masakit isipin na isang araw sa pagdating ng tag-init, matapos ang graduation ng kanilang anak, si Joshua ay aalis na sa Ginintuang Lungsod at uuwi sa Bacolod kasama ng kaniyang pamilya kung saan doon na sila pirmihang maninirahan.

Kay sarap sanang matulog kung ito ay hindi mo pipilitin, kung ito ay pamamahinga at hindi pagtakas…

Nanaginip ako. Marunong na raw akong magmaneho. Ang sarap ng pakiramdam. Hindi ako natatakot mabangga. Sayang, nagising agad ako. Nagising din si Tim. Hindi na dapat sabihin sa kaniya ang nararamdaman. Kahit walang pahiwatig, alam niya. Ayokong isipin na alam niya ang aking lihim na damdamin para sa kaniyang kaibigan. Kung alam niya, marahil ayaw niyang paniwalaan. Ayaw niyang mag-isip ng hindi mabuti. Ayaw mong harapin ang ano mang hindi mo maunawaan at masakit tanggapin.

Bakit hindi ako magkasiya sa kakayahan ni Tim na mag dulot ng kaganapan at katiwasayan? Hindi ba't siya ang una at tanging mangingibig? Sa pagkakataong iyon, ako ay mistulang pulubi na kaniyang pinakain, pinainom, nilinis, binihisan, at binigyan ng mainam na higaan upang makapagpahinga. Salamat, maraming salamat sa kapayapaang nakamit ng katawan at kaluluwa. Ang pag-ibig ni Tim ay nagliligtas, naghihilom.

Pakiramdam ko, tila ba lumapit ang Dakilang Lumikha, hinawakan ako sa kamay at isinama upang mamasyal sa itaas ng bundok. Kay inam ng tanawin sa tuktok ng bundok. Ang ganda pala ng buhay. Lahat ng ating mga kalungkutan, pagnanasa, pananabik, pagkagutom, at pagkauhaw ay may katuturan. Ang mga ito ay nagpapaalala na tayo ay mga tao, may hininga, may buhay. Maraming paraan upang magmahal. Ang lahat ng pag-ibig na nagmula sa Kaniya ay babalik rin sa Kaniya. Pakiramdam ko, ako ay inakap, hinagkan, at pinatawad. Pakiramdam ko, ako ay iniibig ng wagas. Ito na yata ang tinatawag na Paraiso.

Bukas, masaya akong gigising at babangon, at hindi susuko sa paglalakbay ng buhay.

Gusto kong magmaneho patungo sa kabundukan. Nais kong paulit-ulit na umakyat sa tuktok ng mataas na bundok, at pagmasdan ang mga tanawin sa kapatagan. Ako ay umalis, ako ay dumating. Si Joshua ay dumating. Isang araw, siya ay lilisan rin.

Back to Home

Hosted by www.Geocities.ws

1