Salamat sa lahat ...

ni Flordecita Sacbibit



Pagtatapos ngayo'y akin nang haharapin
Sa mataas na paaralan, ligaya sa puso't damdamin
Ngunit kirot sa puso ko'y di kayang kimkimin
Sapagkat ating paaralan, nakatakda nang lisanin.

Sa aking mga magulang, pasasalamat ang sa inyo
Pagkat di ko mararating ang tagumpay na hawak ko
Sa oras ng suliranin kayo'y laging naririto
Tumutulong sa paghubog ng tatahakin kong mundo.

Maraming salamat din sa aming mga guro
Na matiyagang gumabay at sa ami'y nagturo
Walang makapapantay sa tiyagang dulot n'yo
Kayo'y aming tutularan, huwaran at modelo.

Tagumpay ko'y di natamo kung wala ka, kaibigan
Ikaw ang kaagapay ko sa sulirani't pagdaramdam
Bukas-palad sa pagtulong sa hirap o ginhawa man
Maging ang iyong sarili'y nakahanda mong ilaan.

Sa aming paaralan, salamat sa iyong pagkalinga
Walang makapapantay sa hirap mo't patitiyaga
Ikaw ang kumupkop, nagmahal at nag-aruga
Dito sa aking puso, ika'y di mawawala.

Mistula akong bulag sa tulong mo't pagmamahal
Minsan kita'y nalimot ngunit nariyan ka't naghihintay
Patuloy kang kumalinga, nagmahal at umagapay
O, aking Panginoon, salmat sa tagumpay!

 

Home        Back        Next

Hosted by www.Geocities.ws

1