Piano Recital, ginanap




        Ang 'Piano Recital' ay ginanap noong ika-12 ng Marso sa Bulwagang Pulungan ng CNHS.  Ito ay sa ilalim ng pamamahala ng Kagawaran ng PEHM/CAT at sa pamumuno ni Gng. Lydia E. Feraer, puno ng nasabing kagawaran.

        Ang nasabing palatuntunan ay hinati sa tatlong bahagi.  Sa una at ikalawang bahagi ay nagpamalas ang mga natanging mag-aaral mula sa iba't ibang taon ng kani-kanilang piyesang pinaghandaan.  Samantala sa ikatlong bahagi naman nagpakita nang husto ang mga mag-aaral na bihasa na sa pagtugtog ng mga piyesang mahihirap, tulad ng Argonaise' na tinugtog ni Edvie Katherine B. Mojica ng IV-2.

        Samantala, nagpamalas din ang ilang mag-aaral sa bawat taon ng kani-kanilang maramihang tinig, na pinamunuan ng mga gurong itinalaga rito.  Bukod pa sa nasabing bilang nagpakita rin ng husay sa singkil at tanggo ang mga mag-aaral sa ikalawang taon na pinamunuan ni Gng. Teresita Arenas.  Nagparinig din ng isang awitin si Pilipinas Nomil ng II-4 at sina Mary Jane Baptista at Amelita Robles kapwa mag-aaral ng IV-9, ng dalawahang tinig.

        Ang nasabing palatuntunan ay pinamunuan nina Gng. Grace R. Mejia, tagapag-ugnay sa musika; Bb. Francisca C. Aquino, Bb. Corazon V. Hallare, Gng. Virginia B. Mojica at Gng. Florinda P. Castro, pawang mga guro sa Musika.

        Dumalo rin sa palatuntunan si Gng. Concepcion U. Reyes, punong-guro, mga guro sa PEHM/CAT at mga guro at mga magulang ng nagsilahok.

 

Home        Back        Next

Hosted by www.Geocities.ws

1