Alam kong maluha-luha ka nang malaman mong pumasa ka sa UPCAT o di kaya'y sa ibang unibersidad. Kung probinsyana ka, ito na ang panahon na hihiwalay ka sa piling ng iyong magulang. Haharapin mo na ang buhay kolehiyo na punong-puno ng pakikipagsapalaran at pakikibaka. Hindi na ito kagaya noong nasa elementarya o haiskul ka pa. May malaking responsibilidad ka ng gagampanan ngayon dahil malayo ka na sa poder ng iyong magulang at isa na nito ang pagbabadyet ng pera.
Siguro madalas mong itanong kung bakit ang bilis mauubos ng iyong pera? Saan mo ba ginastos at nawala ito na para bang bula? Pwes, kailangang malaman mo ang mga mabisang paraan sa pagbabadyet ng iyong pera. Ano nga ba nag mga ito?
Ilista mo ang lahat na nagastos o binili mo araw-araw. Nakakapagod gawin ito pero sa ganitong paraan malalaman mo kung saan napunta at magkano ang naigugol mong pera.
Isipin mong mabuti bago bumili ng isang bagay. Kailangan mo ba talaga ito? Makatutulong ba ito sa iyo? Kayang-kaya ba sa bulsa mo ang halaga nito? Kung hindi hwag mong ipagpilitang bilhin ito dahil nagwawaldas ka lang ng pera mo.
Maging mapamaraan ka. Kung notbuk at teksbuk ang pag-uusapan, pwede mong i-recycle ang lumang notbuk mo. Madali lang yan. Iipunin mo ang mga blankong pahina at lalagyan mo ng bagong pabalat. Kung teksbuk naman, magtanong-tanong ka sa mga kakilala mo o di kaya'y sa kababayan mong upperclassman. Malay mo, ang mga babasahin at teksbuk pa lang hinahanap mo ay nakatago lang pala sa aparador at handang-handa na ippahiram sa yo.
Ugaliing mag-grocery isa o dalawang bese sa isang buwan. Sa ganitong paraan pera at oras ang matitipid mo dahil maiiwasan mong bumili ng mga gamit o pagkain na hindi mo naman kailangan.
Shopaholic ka ba? Subukan mong bumili sa Divisoria, Greenhills o di kaya'y sa Surplus shop sa SM. O di kaya'y pag may sale sa department stores ito na ang pagkakataon mong bilhin ang gusto mo dahil hanggang 30%-50% ang diskwentong maibibigay sa yo.
Talagang malaki ang magagastos natin kung pagkain ang pag-uusapan dahil madalas na nasa fastfood chain s tayo. Pero kung kakain ka sa labas pipiliin mo yong mura ngunit masarap at nakakabusog. Kung malapit ka lang sa dormitoryo o boarding house mo at pwede kang makakaluto doon, mas mainam na doon ka nalang kakain. Makakpili ka pa kung anong gusto mo at sulit pa.
Kung gusto mo talagang makapag-impok para may magagamit ka sa panandaliang pangangailangan subukan mong magkaroon ng sariling bank account. Mainam na balak ito dahil ang perang ihuhulog mo ang magkakaroon ng interes buwan-buwan. Sisiguraduhin mo lang na magdedeposito buwan-buwan at mag-withdraw kung talagang kailangan mo na ng pera.
Handa ka na bang isasagawa ang mga hakbang na ito? Dapat lang para makaktipid ka ng allowance mo at hindi ka na tatawag uli sa nanay at tatay mo upang sasabihin mong dadagdagan uli ang perang ipapadala sa iyo. Matuto ka namang mag-impok. Alalahanin mong malayo ka sa iyong mga magulang kaya dapat magiging responsable ka at marunong tumayo sa sarili mong paa.