GAMOT SA SIPON

Sinulat ni Cielo Vaflor

 

 

Aso’t pusa, yan kaming dalawa ni Mario nuon.  Hindi kami pwedeng magsama ng isang minuto na hindi nagbabangay. Ewan ko ba, gustong gusto ko naman syang kasama pero pag magkasama na kami, nako away na naman. Away na walang ka rason rason.

 

“OUT!”

 

“Uy hindi a!”

 

“Out ka e!”

 

“Hindi nga e.”

 

“Na taya kita e! Ang daya mo. Mukha ka na ngang tikling,madaya ka pa!”  Namumulang sigaw ni Mario.

 

“Akala ko ba walang back touch? O e nakatalikod na ko nun e. Ikaw ang madaya. Anung tikling uupakan ko to e…teka…” sagot ko, sabay batok sa kanya at takbo.

 

Tarantado talagang Mariong to, isang beses na naglalaro kami ng patintero sa may tapat ng bahay, nagkagulo ang buong baranggay dahil pinagbintangan nya kong taya gayong hindi naman. Grrr. Umuwi ako nun na umuusok sa galit. Sobra. Nagplano na nga akong mag aral ng martial arts para lang pag laki ko daw e bubugbugin ko ang mokong na yun.

 

Laging ganun, pero kinabukasan, magkalaro na naman kami.

 

Araw araw, hindi na nagsawa si Mario. Sayang best friend ko na sana sya. E syempre, lagi ko syang kasama.  Kakaaliw din kase e. Medyo mataba sya nun (konti lang naman), mahaba ang kanyang bangs, medyo maputi at singkit na mapaglaro ang mga mata (yuck, naaalala ko tuloy ang mga pakindat kindat nya), at may dimple sa kaliwang pisngi na lagi nyang ine-emphasize tuwing nag papa cute. Ang pinakagusto ko sa kanya e nakakatawa sya. Minsan nga kahit inaasar nya ko e hindi ko magawang magalit kase natatawa ko sa mga hirit nya.

 

Mabait naman sya e. Kahit na pilit nyang itinatago sa kin yung kabaitan na yon, alam ko mabait sya. Nakikita ko kase sa pakikitungo nya sa ibang tao. Sa akin lang naman bwiset yun e. Pero kahit ganun, tuwang tuwa akong kalaro si Mario, nakakatawa nga kase sya. Ang lakas mamintas, kala mo ka-gwapo. Tsaka ewan ko, iba talaga.  Hanggang ngayon, pitong taon na mula nung umalis sya sa kabilang bahay at umuwi ng probinsya, natatawa pa din ako pag naaalala ko sya.  Hindi lang nangingiti, natatawa sabay may kasamang pa iling-iling. Natatakot nga ako na maalala ko sya pag naglalakad ako sa kalye e, baka isipin ng mga tao may topak ako.

 

Bumagsak kase si Mario sa skwela kayat iniuwi ng tatay nya sa probinsya. Mula nun, hindi ko na sya nakausap o nakita. Nung una, nung may mga gamit pa silang natira sa kabilang bahay at binabalikan pa ng nanay nya, nagk-kwento si aling Minda kung kamusta na si Mario, pero matagal na din yun, ilang buwan lang yun pagkaalis nila e.

 

Naalala ko nung bago sya umalis, sinulatan n’ya ako. Gold pa ang tinta ng pentelpen nya sa cover. May kabaduyan din pala tong mokong na ito, naisip ko.

 

 

“Dear Kate,

 

E pano yan, wala ka nang kaaway, aalis na ko. Kakainis tong si Papa e. Wala lang kaming magawa ni Mama kundi sumunod.

 

Alam ko mami-miss mo ko. Hahaha biro lang. Hehe o eto seryoso na. Magso-sorry lang ako sayo. Kase parang baka naiinis ka na sakin e. Hindi ko rin maintindihan ang sarili koe. Tuwing umaga, nakangiti ako pag naiisip ko na makakalaro kita sa araw na yun, pero pag andun ka na, ampapangit ng sinasabi ko. E yung iba naman, totoo din pero kahit na,  hindi ko na dapat sinasabi sa iyo yun. Alam ko naman di mo ikatutuwa.

 

Nakakapagsalita ako ng ganito kase aalis na kami. Hindi ko na madidinig kung tatawa ka man sa ka-corny-han. Babalik ako isang araw pag payat na ko at di ka na uhugin, mag date tayo…gusto kong makabawi sa’yo.

 

 

Mario”

 

 

Hahahahahaahahhahahaha! Hindi matapos ang tawa ko. Haay  hahahaha. Hindi ko alam ang naramdaman ko. Ano nga ba ang pakiramdam ng isang 14 year old na biglang niligawan ng kaaway nyang mortal? Ha…ha…ha…kakatawa ko muntik ko na malimutan na aalis na pala ang mokong. Ambilis ng takbo ko. Hingal na hingal akong dumating sa may gate nila at pagdating ko dun ay dala na ni Mario ang kanyang mga bagahe papasakay sa kanilang fierra.

 

Di ko rin alam bakit ako tumakbo papunta duon, wala naman ako sasabihin. Wala lang, titingin lang, usyoso. Gusto ko lang syang makita.

 

“Maliligo lang daw ang Papa, tapos aalis na kami. “

 

Umupo kami duon sa may mababang bakod sa gitna ng garahe namin. Tahimik kami pareho, first time. Napansin nya ang sulat nya na hawak ko sa kaliwang kamay,  ngumiti sya na parang natatawa. Nangiti na rin ako sabay tumawa na din.

 

“Ambaduy mo, sipain kita dyan e!” sabi ko. “Sabi ko na nga ba e, hahaha” Best actress talaga ako. Kung magsalita ako e kala mo cool na cool. Namula si Mario…Ten points! Ngayon lang, ngayon ko lang sya nakitaan ng ganun sa buong buhay naming magkakilala, yung para bang nahiya sya. Ngumiti ako. Baka kase bawiin yung sulat, ipapa laminate ko pa naman. 

 

Hinawakan nya yung sulat, akala ko nga ay talagang babawiin kase kinuha nya ito. Pero ipinatong lang nya sa bakod tapos hinawakan nya ang kamay ko. Ako naman ang namula. Tintigan nya ‘ko, hindi sya tumatawa. Hindi ako makatingin sa kanya e, parang nailang ba ako. Ang nasa isip ko lang nun, parang sa pelikula, baka halikan nya ko. Medyo nanginginig syang pinilit ibuka ang bibig…Pumikit ako. 

 

Wala na kong nasabi. Tumunganga na lang ako dun hanggang umandar ang fierra. Pinanood ko ito hanggang sa ito’y maliit na lamang na imahe, hanggang maging tuldok sa dulo ng kalye, hanggang wala na.

 

“Mario!! Asan na si Mario? Asan na ba yang anak mo Minda?”

 

…Kung ano man ang sasabihin nya nuon ay parang istoryang Pink Table na lang. Sa gulat ko ay napatalon ako sa bakod na kinauupuan namin.

 

“Oy, Mario, aalis na yata kayo. Sige, sulatan na lang.”

 

“Sige,” tumalon si Mario sa bakod at naglakad papunta sa fierra, “ sabihin mo na lang kela Toti, umalis na ko. Yung bala pala ng family computer ni Gemma, sabihin mo nabigay ko na kay Jerry.”

 

“Sige.”

 

Wala na kong nasabi. Nakatunganga na lang ako dun hanggang umandar ang fierra. Pinanood ko ito hanggang sa ito’y maliit na lamang na imahe, hanggang maging tuldok sa dulo ng kalye, hanggang wala na.

 

 

----o000o----

 

 

Mag be-bertday ako sa isang linggo. Trenta minutos na kong nakatayo sa harap ng telepono, hawak ang papel na bigay ni Toti kung san nakasulat ang telephone number daw ni Mario. Iimbitahin ko kase e. Kaya lang nahihiya ako. Mula nung umalis sya e hindi ko na sya nakita o nakausap man lang ulit. Nagkataon lang kase na nung na destino si Toti sa probinsya e nakasalubong nya yung tatay ni Mario at nakuha nya yung number.

 

“Wag ka nang mahiya,” bulong ng isip ko. “Malamang pangit na yan si Mario ngayon at hindi mo naman sya iimbitahin dahil gusto mo pa sya, no? For old times’ sake lang.”

 

Pagkaraan ng sampu pang minuto ay naglakas loob na ako.

 

“Hello? pwede pong makausap si Mario?”

 

“Sino to?”

 

Nako tatay yata!

 

“Si Kate po, yung dati nyo hong kapitbahay” sagot ko naman.

 

Bigla na lang ako nakarinig ng isang malakas na tawa sa kabilang linya.

 

“Hello?” sabi ko.

 

“Ahahaha, si Mario na ito,”biglang nag-iba ang boses ng  mama sa kabilang linya, “kala mo tatay ko no? O bakit? Ano kailangan mo pangit?”

 

Binagsak ko ang telepono. Dali-dali akong pumunta sa kwarto, halos umusok ang tenga ko…Siguro nga umuusok na.

 

Hindi ba nya alam na long distance yun? Ilang taon na nga kami ndi nag uusap pano nya naman nasabi na pangit ako…Grrrr! Kala nya akala nya…Hmp! Bwiset! Bad trip yun a!

 

Bumalik ako sa sala, inangat ang telepono at idinayal ang number sa papel.

 

“Mario!” sigaw ko kagad sa telepono pagkasagot na pagkasagot.

 

“Sino ‘to?”  sabi ng boses sa kabila.

 

“Chehh! Si Kate to.”

 

“Ah… sandali lang.”

 

Narinig ko na binaba ang telepono sa lamesa at may narinig akong boses na sumisigaw.  “ Mario! May babaeng galit na galit sa telepono, Kate daw..”

 

Palpak na naman ako! Tatay pala nya yun. Leche!

 

Lumipas ang tatlo’t kalahating minuto bago may sumagot sa kabilang linya.

 

“O bat mo binaba kanina?” sagot n’ya.

 

“Ang tagal mo naman sagutin, di mo ba alam long distance to?”

 

“E jume jebs ako e.”

 

“Kahit kelan talaga bastos ka!”

 

“Sa banyo naman ako jumebs a, anung bastos dun?”

 

Umabot ang usapang ng mga beinte minutos bago ko sya nayaya sa birthday at graduation party ko. Lagot ako sa nanay ko pag nakita nya ang  phone bill namin pero ok lang, pupunta si Mario. Yebah!

 

----o000o----

 

 

Ang tagal kong naligo, 45 minutes. Syempre pag katapos ko ba naman tumulong magluto ng apat na putahe, kailangan matanggal yung amoy. Sabi nga ni Mommy baka mapasma ako. Pakialam ko ba, minsan lang naman.  Lahat yata ng parte ng katawan ko kinudkod ko ng maigi. Tapos, kahit na nasusuka ko sa pabango ay naglagay na din ako ng konti. Para lang ba pag singhot e hindi ako amoy kare kare.

 

Ang tagal ko din sa harap ng salamin. Mag me make up ba ako o hindi? Naisip ko na wag na lang. Baka mapintasan na naman ako. Kinuha ko na lang ang bago kong biling blouse sa cabinet at dali daling nagbihis. Seven thirty na. Sabi ko eight o’ clock sila pumunta. Baka mamaya e andyan na pala sila.

 

Alas otso y media na nung dumating si Mario. Sabay sabay sila nila Jerry. Naka long sleeves na blue tsaka naka slacks na khaki at mukhang natapunan ng pabango.

 

"Aachooo! Excuse me!…Duloy gayo handa go lag yug pagkaid"

 

"Mario, tingnan mo ndi pa din nagbabago allergic pa din sa mabango, lumaki kaseng di nasanay maligo e hehehe." kantyaw ni Jerry.

 

Ngumisi lang si Mario. Ganun pa din, mukha pa ding alaskador…gumwapo nga lang. Nakakainis!  Namayat!  Hindi ko tuloy maasar.

 

Alas dyes na ay hindi pa kami tumatayo sa mesa. Ang sarap pagkwentuhan ng mga kalokohan namin nung bata pa kami. Halos sumakit ang tyan ko sa kakatawa. Muntik ko na tuloy malimutan yun binili ng nanay kong cake sa fridge.

 

"Ay, may dessert pala tayo. Teka lang at kukunin ko."

 

Tumayo ako at pumunta sa kusina.

 

Parang nagkakantyawan sila dun sa labas. Hindi ko lang maintindihan kung tungkol saan. Maya-maya ng konti ay bumukas ang pinto ng kusina at pumasok si Mario. 

 

"Teka sandali lang, nililipat ko lang ng mas magandang plato."

 

"Hindi… kase baka kailangan mo ng tulong." sabay kamot nya sa ulo.

 

Napangiti ako… may mga bagay talaga na hindi nagbabago.

 

"A, hindi na, isang bandehado lang to no. Alam mo namang kayang kaya na to ng mga muscles ko!" Bumungisngis naman ako.

 

Hindi sya tumawa… pero ngumiti

 

“Bakit? Bakit ka nakangisi?”

 

“Ha?” Umiling sya nang ngingiti ngiti, “wala.”

 

“Bakit???” Medyo pandilatan ko nga.

 

“Eh kase…namayat na ako e, kaso hehehe uhugin ka pa din”

 

At syempre hindi ko na get.

 

“At…???”

 

“Tinapon mo ba yung sulat? Tumawa ka ba?”

 

“Ha?” Yun pala yon. “ Hindi.”

 

Tumingin sya sakin, hindi sya tumatawa. Hindi ako makatingin sa kanya e, parang nailang ba ako. Medyo nanginginig syang pinilit ibuka ang bibig…pero hindi na para magsalita. Hindi ko na pinilit tumingin at mas madali daw kung pipikit. Sa edad kong ito’y di pa ako nagpapahalik kahit kanino kaya bahala na.

 

Habang papalapit ang mukha nya’y amoy na amoy ko ang pabango. Isa lang ang nasa isip ko. Sana wag akong bumahing. Pumikit na ako at wala na kong ibang naisip.At malamang-lamang, kahit sa mga susunod pang mga araw, wala akong ibang maiisip.

 

“Asan na yung cake?!!!!!!Yooohooooo Kate!!”

 

Takbo. Palabas ng kusina. Bitbit ang cake. Di mapigil ang ngiti.

 

Pagkatapos ng ilang round ng beer ay nagyayaan nang umuwi. Nalasing agad si Gemma at gusto nang matulog sa banyo kaya inakay na ni Jerry papunta sa bahay nila.

 

“Sige Kate. Sunod na ko kela Jerry. Happy birthday. Baka next week luluwas uli ako. Kela Jerry ulit ako titigil. Baka daan ako…”

 

“ Sige.”

 

Wala na kong nasabi. Nakatunganga na lang ako duon. Pinanood ko silang tumawid at pumasok sa gate…at sa pinto…hanggang wala na.

 

Iinom ako ng vitamin C…madaming madami. Nako…ano na nga ba’ng gamot sa sipon…

 

Hosted by www.Geocities.ws

1