Chasing Gavin
Mga eksena sa bahay
Isang paglalahad ng mga pangyayari sa isang munting tahanan
Ni Mia Skywalker
Ang bawat bahagi ng paglalahad na ito ay makatotohanan-ang ibig sabihin, hindi isang likhang-isip lamang ang mga pangyayaring ito sa kanilang tahanan. Siguro ay mayroon lamang kaunting pagkakaiba sa tunay na naganap...at bakit? Siyempre, hindi naman bawat katagang nababanggit ng bawat kasapi ng mga eksenang ito ay natatandaan ng nagkuwento sa 'kin, at wala naman siyang hawak na papel at panulat sa mga pagkakataong iyon. Sabihin na nating hango sa tunay na pangyayari-pero hindi rin eh.
Sige na nga, sisimulan ko na.
Sa kanilang munting tahanan, may limang kasapi: si Ma, si Dad, si Kuya Vincent, si Kuya Robby at siyempre, ang hindi dapat na malimutan na si Bunso-ang tanging may pakana na ibunyag ang lahat sa akin at sa inyong lahat.
Unang eksena:
Ito'y naganap noon pa...siguro may mga tatlong taon na rin ang nakalipas. Apat lang raw sila noon sa hapag-kainan (dahil may tugtugan sa banda ang panganay), at tahimik lamang ang lahat sa pagkain. Seryoso? Oo-seryosong seryoso at walang nag-uusap. Bakit? Masarap raw ang ulam.
At sa mga pagkakataong iyon, hindi nila akalain na tila may nag-"tao po" sa labas. Eh sa oras ba namang iyon ay may kakatok pa? Gabi na eh.
Hindi naman gaanong malinaw raw ang pag-"tao po". Basta para bang may boses sa labas. Ewan ko...basta ang sabi sa akin, tumayo raw si Ma para tingnan kung may tao nga:
Ma: (pagkabalik) Wala namang tao sa labas.
At nagpatuloy ang lahat sa pagkain. Tahimik na muli.
Pagkatapos kumain, naghugas ng pinggan si Kuya Robby kasama si Bunso.
Robby: (kay Bunso) Alam mo, wala naman talagang tao sa labas kanina.
At 'yun! Sabi na nga ba. Ba't nakangisi siya kanina?
Bunso: Pa'no mo nalaman?
Robby: Walang tao, pero nahihiya lang ako sabihin kay Ma na ano...umutot lang ako.
Ikalawang eksena:
Ito naman, mga dalawang taon na raw ang nakalipas. Bago kasi makapasok sa Medical School, kailangan kumuha ng NMAT (isang pagsusulit) ang estudyante. Dumating na raw ang pagkakataon ni Kuya Robby na kumuha noon. Si Ma naman, labis ang pag-aalala. Talaga naman kasing napakahalaga ng pagsusulit na ito.
Kaya't isang umaga, muli naman itong napag-usapan ng lahat.
Ma: Robby, kinakabahan ako para sa 'yo. Pagbutihin mo ha?
Robby: Opo, Ma. Nag-aaral naman po ako eh.
Ito namang si Ma, para raw Bar Exam ang kukunin ni Kuya sa labis na kaba.
Ma: Robby, ipagdadasal kita. Pupunta ako ng simbahan at luluhod nang paluhod!
Isang maikling katahimikan. Sinibukan raw ng bawat isang pigilin ang pagtawa, pero hindi sila nagtagumpay. Si Bunso ang nagpasimuno.
Bunso: Ano 'yun? Ako-tatayo nang patayo!
At nagdugtungan sila ni Kuya Robby.
Robby: Ako hihiga nang pahiga!
Bunso: Ako uupo nang paupo!
Robby: Ako gugulong nang pa-gulong!
Bunso: Ako tatawa nang patawa!
Pero natigil rin raw ang paligsahan matapos magalit ng nanay nila.
Ikatlong eksena:
Ito, hindi raw naganap sa bahay, pero may kahalagahan ang pangyayaring ito. Nasa Makro ang tatlo: si Ma, si Kuya Vincent at si Bunso. Sinamahan lang ng dalawa si Vincent na bumili ng Subwoofer (isang uri ng speaker para sa mga entertainment systems).
At matapos mapili ang bibilhin, naghintay raw sa labas si Ma at si Bunso habang pinapanood sa bintana si Kuya Vincent na ipinapa-test ang Subwoofer. Nag-usap raw ang dalawa.
Ma: Bakit ba kasi kailangan bumili ng kuya mo ng Subwoofer? May speakers naman tayo sa bahay. 'Di ba 'yung National? (isang tatak ng appliance)
Bunso: Ano? Ang luma-luma na 'nun ah! Gumagana pa ba 'yun? (iyon raw kasi ang nakakabit sa phonograph nila)
Ma: Maganda pa 'yun ah.
Bunso: Luma na 'yun. Maganda naman 'yung binili ni kuya.
Ma: Anong luma? Noong 1986 lang 'yun ah!
At mga kaibigan, noong isang taon lang ito naganap :)
Correction pala: ang sabi ng Dad nila, noong 1982 niya binili ang speakers.
To be continued...