Depensahan ang Paggawa sa Salot na Globalisasyon
Palakasin ang Kilusang Manggagawa sa Bagong Milenyo
GMA: Ang unyonismo ay
terorismo
Sa isang talumpati noong
Agosto 2002, nagdeklara si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng gera laban sa "criminals,
terrorists, drug addicts, kidnappers, smugglers, and those who terrorize
factories." Dapat mabatid ng bawat manggagawa ang deklarasyong ito ni
GMA at pag-isipang mabuti kung ano ang kahulugan nito para sa kanyang buhay.
Walang sinumang manggagawa,
walang sinumang Pilipino ang tututol na durugin ng gobyerno ang mga kriminal,
terorista, addict, kidnapper at smuggler sapagkat salot ang mga taong ito sa
lipunan. Pero walang mulat na manggagawa, walang tapat na Pilipino ang
magsasabing dapat isama sa mga target ng gera laban sa terorismo at
kriminalidad ang mga unyonista na siyang tinutukoy ni Pangulong Arroyo na "those
who terrorize factories."
Hindi nagtataka si Victor
Briz, ang tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino na hanggang ngayon
hindi inililinaw ni Pangulong Arroyo kung sino ang sinasabi niyang "those
who terrorize factories." Ang malinaw ay sadyang iniwang malabo kung
sino ang tinatarget na "those who terrorize factories."
Ani Briz, "Pero
hindi mahirap hulaan sino ang tinutukoy ni Pangulong Arroyo kung pag-iisipan
ang sirkumstansya ng kanyang deklarasyon. Nagtatalumpati si Pangulong Arroyo sa
harapan ng mga kapitalista at ipinapahayag niya ang determinasyon ng kanyang
gobyerno na lutasin ang mga problema ng mga kapitalista."
Yamang ito ang konteksto,
madaling makitang walang ibang pinatutungkulan si Pangulong Arroyo na "those
who terrorize factories" kundi mga unyonista, ang mga tinik sa
lalamunan ng mga kapitalista sapagkat lumalaban sa pang-aabuso at sagka sa
pagpapamura ng lakas paggawa.
Sa harapan ng mga
kapitalista kayang sabihin ni Pangulong Arroyo na susupilin ng kanyang gobyerno
itong "those who terrorize factories." Pero sa harapan ng
mamamayang Pilipino hindi niya magawang ilinaw kung sino ang tinutukoy niyang "those
who terrorize factories."
Dagdag ni Briz, "Hindi
magawang aminin ni Pangulong Arroyo na isinasama niya ang mga unyonista sa
kategorya ng mga terorista at kriminal sapagkat malinaw pa sa sikat ng araw na
garantisado ng Konstitusyon ang kalayaan sa pag-uunyon, pakikipagtawaran at
maging ang karapatan sa pagwewelga."
Ito ang dapat pag-isipan ng
bawat manggagawa--Anong katwiran ni Pangulong Arroyo at nagawa niyang ihilera
ang mga unyonista sa mga target ng kanyang gera laban sa kriminalidad at
terorismo? Bakit itinuturing ng Pangulong Arroyo ang mga manggagawang lumalaban
sa pagmamalabis ng kapitalista bilang mga kriminal at terorista? Paano naging
mabigat na pagkakasala ang unyonismo para ito ituring na kriminal at terorista?
Kung ang mga manggagawa ang
tatanungin, mayroon ngang mga terorista sa loob ng pabrika. Pero hindi ang mga
unyonista na binabantaan ni Pangulong Arroyo. Sila ay ang mga kapitalista na
malulupit sa kanilang manggagawa, nilulusutan ang mga butas ng batas paggawa,
walang ibang iniisip kundi pamurahin ang lakas paggawa at palakihin ang tubo.
Ang mga kapitalistang ito ang totoong terorista sa loob ng pagawaan.
Sa pagitan ng mga
manggagawang lumalaban sa pang-aabuso ng kapitalista at mga kapitalistang
nagmamalabis sa mga manggagawa, bakit ang napiling bantaan at gerahin ni
Pangulong Arroyo ay ang mga biktima sa halip na ang mga salarin?
Maraming katanungan si Rene
Magtubo ng Partido ng Manggagawa: Bakit sasabihin ni Pangulong Arroyo na ang
unyonismo ay isang anyo ng terorismo? Ang pangkaraniwang pag-unawa sa terorismo
ay pagsusulong ng isang adhikain sa marahas na paraan na bumibiktima ng mga
inosente sa layong manindak. Ganito ba ang unyonismo? Ang unyonismo ay walang
dudang pagsusulong ng isang adhikain, ang kagalingan at proteksyon sa mga
manggagawa. Pero idinadaan ba ito sa marahas na paraan na bumibiktima ng mga
inosente sa layong sindakin ang kapitalista?
Totoong sumisiklab ang
karahasan sa mga pagawaan. Pero bunga ito ng paggamit ng mga kapitalista ng mga
iskirol, goons, pulis at militar laban sa mga manggagawang lumalaban. Sa panig
ng kapitalista nagmumula ang karahasan sa mga pabrika, ang terorismo sa mga
pagawaan. Ang pang-aabuso, pagmamalupit at pandarahas sa loob ng pagawaan ay
walang ibang maaring pagmulan kundi ang mga kapitalista sapagkat sila ang mga
panginoong may kapital, sila ang nasusunod sa loob ng pagawaang kanilang
pribadong pag-aari.
Sa panahong ito ng
globalisasyon, kaliwa't kanan ang tanggalan sa trabaho at sarahan ng mga
pabrika. Hindi ito bunga ng katigasan ng ulo ng mga manggagawa. Malinaw na
dulot ito ng malupit na pandaigdigang kompetisyon. Katunayan pinalalala pa ito
ng katigasan ng ulo ng gobyerno na proteksyunan ang lokal na ekonomiya laban sa
dayuhang kompetisyon. Ibayong pagdarahop sa pamilya ng manggagawa ang dulot ng
kanyang pagkatanggal sa trabaho. Likha rin nito ang napakaraming sakit
panlipunan, gaya ng kriminalidad, na umuusbong mula sa kahirapan.
Para kay Magtubo, "Ito
ang mas tamang bansagang terorismo, ito ang mas dapat ituring na terorismo sa
pagawaan. Subalit nagiging lehitimo at ligal ang terorismo ng kapitalismo sa
pagawaan dahil diumano'y ito ang naturalesa ng sistema at inoobliga ito ng
pandaigdigang kompetisyon."
Madalang na ang mga
manggagawang naglulunsad ng mga welga. Hindi dahil nagkakasundo ang kapital at
paggawa. Kundi dahil nakatali ang kamay ng manggagawa sa pakikipaglaban.
Napakaraming restriksyon sa kalayaan sa pag-uunyon, pakikipagtawaran at
pagwewelga kaya't hindi ito magamit ng mga manggagawa para ipagtanggol ang
sarili sa pang-abuso ng kapitalista.
Hindi pa naglulunsad ng
picket ang mga manggagawa at nagtitirik ng mga tolda ay dumarating na ang
assumption of jurisdiction order mula sa DOLE para pigilan ang planong welga.
Sa ganitong tusong paraan, nababalewala ang karapatan sa pagwewelga ng mga
manggagawa at nadidisarmahan ng sandata sa pakikibaka. Kung igiit pa rin ng mga
manggagawa ang karapatan sa pag-aaklas, ituturing na itong isang iligal na
welga. Dahil iligal na welga, ligal nang ito ay buwagin at ang mga manggagawa
ay dahasin.
"Ito ang mas tamang
bansagang terorismo, ito ang mas dapat ituring na terorismo sa pagawaan.
Subalit nagiging lehitimo at ligal ang terorismo ng kapitalismo sa pagawaan
dahil sinasamantala ang mga butas sa batas at ginagamit ang mga ahensya ng
gobyerno," dagdag ni Magtubo.
Maluwag ang batas para
lusutan ng mga kapitalista pero malupit ang batas kung lalabagin ng mga
manggagawa. Sa mata ng isang promotor ng globalisasyong gaya ni Pangulong
Arroyo, ang pang-aabuso ng kapitalista ay ligal habang ang paglaban ng mga
manggagawa ay terorismo. Kung ang pagtanaw ni Pangulong Arroyo sa unyonismo ay
isang anyo ng terorismo, kagaya rin ito ng pagtingin ng isang kapitalista sa
pakikibaka ng mga manggagawa. Ang kaibhan lamang ay pangulo ng bansa si Arroyo.
Ang kaibhan lamang ay CEO si Arroyo ng kapitalistang estado sa bansa.
Walang ibang kahulugan ang
deklarasyon ni Pangulong Arroyo kundi gera laban sa unyonismo. Ibinuking nito
ang kapitalistang adyenda sa likuran ng gera laban sa terorismo ng kanyang
gobyerno. Ang gera laban sa terorismo ng gobyerno ay gagamitin sa gera laban sa
unyonismo ng mga kapitalista.
Ang globalisasyon ay
gera ng anihilasyon laban sa unyonismo
Dati nang may unyon sa BF
Metal, pabrika ng bakal na pag-aari ni Bayani Fernando at ng pamilya ng kanyang
byenan na si Meneleo Carlos. Malinaw pa sa alaala ni Moises Rodriguez, pangulo
ng unyon sa BF Metal, ang panahong dilawan ang kanilang unyon kaya't sweetheart
contract ang namamayani, at walang matinong proteksyon at benepisyo na
tinatamasa ang mga manggagawa.
Nagbago ito ng namulat ang
mga unyonista sa BF Metal at maging militante ang samahan ng mga manggagawa. Sa
pinakahuling CBA na naganap, umabot sa welga ang tunggalian ng kapital at
paggawa. Nais ng mga manggagawa ng mas magandang benepisyo at kondisyon sa
trabaho. Iginiit ng kapitalista na mahina ang negosyo dahil sa maigting na
kompetisyon.
Sumuko ang management sa
welga at nakuha ng mga manggagawa ang mas malaking halaga kaysa sa gustong
ibigay ng kapitalista. Hindi pinatawad ni Bayani Fernando ang unyonisadong mga
manggagawa ng kanyang pabrika. Humanap lamang ng tamang tyempo at nang
makasilip ng pagkakataon, sinibak ang regular na mga manggagawa at pinalitan ng
mga kontraktwal.
Nitong pinakahuli, yamang
naubusan na ng dahilan pero hindi kinulang sa katusuhan, nagpakana ang
management ng gawa-gawang kaso ng illegal strike matapos magpiket-protesta ang
natitirang mga regular na manggagawa at lider ng unyon.
Malinaw ang disenyo ng
management ng BF Metal at ni Bayani Fernando. Buwagin ang unyon na sandata ng
manggagawa para pahusayin ang kondisyon sa trabaho ng mga manggagawa. Tanggalin
ang sagka sa pleksibilisasyon ng paggawa sa BF Metal, pagpapamura ng halaga ng
lakas-paggawa at papalaki ng tubo sa gitna ng kompetisyon sa industriya ng
bakal.
Hindi lamang ehemplo ang
tunggalian ng kapital at paggawa sa BF Metal ng gera ng anihilasyon laban sa
unyonismo kundi ilustrasyon din ito ng terorismo ng kapitalista sa pagawaan.
Kakaiba ang pamamalakad ni Bayani Fernando sa kanyang pribadong pag-aari. Ang
utos ni BF, hindi mababali. Disiplinang bulag at kamay na bakal ang nais niyang
mamayani.
Maaring sabihing hindi ito
ang kalakaran ng mga kapitalista pero naturalesa pa rin ito ng kapitalismo, ng
sistema ng sahurang pang-aaliping nakatuntong sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan
sa produksyon. May iba't iba mang paraan ang mga kapitalista sa paglapastangan
sa mga batas sa paggawa at labor standards, pare-pareho lamang ang motibong
nagtutulak rito at iisa ang makauring interes na nag-oobliga nito.
Katunayan, hindi man kasinglupit
ni Bayani Fernando ang ibang kapitalista, maraming pagawaan ang mas marami pa
ang tinanggal at ipinalit na kontraktwal sa tulak ng globalisasyon. Mas
malaking pabrika at mas istratehikong mga industriya kaya't mas maraming
manggagawang apektado ng tanggalan at sarahan.
Sa Asahi Glass Phils. (AGP),
pag-aari ng mga Hapon at nag-iisang pabrika ng flat glass, safety glass at
processed glass sa Pilipinas, ang offer ng management sa pinakahuling CBA ay
moratorium sa loob ng tatlong taon. Mas matindi ito kaysa one year moratorium
noong nakaraang CBA. Simple ang katwiran ng management--nalulugi ang kompanya
dahil sa igting ng kompetisyon. Habang monopolyo ng AGP ang paggawa ng ganitong
klaseng salamin sa bansa, malaya namang pumapasok ang salamin mula sa ibayong
dagat. Hamak na mas mura ang imported na salamin. Ang presyo ng per converted
case ay $12 sa AGP samantalang ang galing sa Malaysia ay $9 at ang nagmula sa
Tsina ay $8.
Sang-ayon kay Mario Cruz,
pangulo ng unyon sa AGP, may negatibong epekto din ang liberalisasyon ng taripa
sa mga industriyang konektado sa ginagawang salamin ng AGP. Ang nakaraang
patakaran, na nagsisilbing proteksyon sa lokal na industriya, ay kailangang 60%
ng mga kotseng ina-assemble ay dapat gawa sa bansa. Bunga ng patakarang ito,
ang salamin ng mga kotseng inassemble sa bansa ay kinukuha mula sa AGP.
Tinanggal na ang proteksyong ito kaya't humina ang benta ng AGP. Balak na ng
AGP na isara ang dalawang dibisyon, ang processed glass at safety glass na
ginagamit sa salamin ng kotse. Sa harap ng ganitong sitwasyon nagawa pa ring
kamtin ng unyon ng AGP ang umento sa sahod pero malinaw na humihirap ang
pakikipaglaban ng mga manggagawa para sa kanilang mga kahilingan.
Samantala sa Manila Bay
Spinning Mills, pabrika ng sinulid, nagsasalimbayan ang rotation ng trabaho at
voluntary retirement plan ng management. Isa ang Manila Bay sa pioneers ng
textile and garments industry sa bansa at haligi ng industry federation ang
kapitalista nitong si Arsenio Tanco. Sang-ayon sa notice na isinumite ng Manila
Bay sa DOLE, ang rotation ay bunga ng lack of market/low demand. Sa paliwanag
ni Roel Sadiwa, pangulo ng unyon sa Manila Bay, mas binibili ang murang angkat
na sinulid, kalakhan mula sa Tsina, habang smuggled na sinulid naman ang
ginagamit ng iba.
Para makasabay sa
kompetisyon, pinaunlad ang makinarya ng tinatawag na old mill ng Manila Bay.
Ito ang planta na lumilikha ng sinulid para sa knitting manufacturers sa lokal
na pamilihan. May panahong naka-rotation ang trabaho sa old mill. Matapos ang
modernisasyon, isang manggagawa na lamang ang humahawak sa apat na makina, na
bawat makina ay doble ang output kumpara sa luma. Salaysay ni Sadiwa, "Dahil
dito, nagfile ng redundancy ang Manila Bay at inalok ng voluntary retirement
ang 160 manggagawa."
Iilan lamang ang BF Metal,
AGP at Manila Bay sa mga pabrikang hinagupit ng delubyo ng globalisasyon, ng
opensiba ng kapital laban sa paggawa. Sa panahong ito ng globalisasyon, layunin
ng mga kapitalista at ng kanilang gobyerno na wasakin ang mga unyon, ipagbawal
ang mga welga, isuspindi ang mga CBA para sa layuning baratin ang sahod at
lubusin ang tubo.
Maaring tanungin kung bakit
ganito kaigting ang kompetisyong pinasiklab ng globalisasyon. Ang kasagutan sa
tanong na ito ay matutuklasan sa pag-aaral sa kalikasan ng globalisasyon, sa
pagsusuri sa globalisasyon bilang isang yugto ng pag-unlad ng pandaigdigang
sistemang kapitalismo.
Ang globalisasyon ay
gera para sa ekspansyon ng imperyalismo
May panahong hindi ganito
kalupit ang kompetisyon, hindi ganito katindi ang baratan ng sahod, hindi
kaliwa't kanan ang sarahan at tanggalan. Noong panahong bago nauso ang
globalisasyon, ang kalakaran ay proteksyunismo.
Sa kasaysayan ng kapitalismo
bilang isang sistema, ang yugto bago globalisasyon ay ang panahon ng "long
boom" mula sa katapusan ng ikalawang digmaang pandaigdig hanggang sa
dekada 1970. Sa yugtong ito ng pag-unlad ng kapitalismo, nauso ang
proteksyunismo. Mataas ang taripa sa mga produkto. Malaganap ang kontrol ng
estado sa pamilihan at kalakalan. Pag-aari at pinamamahalan ng estado ang
susing mga industriya. Sa abanteng kapitalistang mga bansa, nauso ang welfare
system ng masaganang benepisyo sa mamamayan yamang mataas naman ang
produktibidad ng lakas paggawa dulot ng modernong teknolohiya.
Nagtapos ang yugtong ito ng
"long boom" sa pagsipa ng krisis sa kalagitnaan ng dekada 1970.
Naging titis ng krisis ang paglobo ng presyo ng langis na susi ang papel sa
pag-andar ng modernong ekonomiya. Mula noon, naging matumal ang paglago ng
pandaigdigang ekonomiya.
Sa gitna ng krisis ng
kapitalismo at bilang pag-aangkop sa suliranin ng ekonomiya, nagsimula ang mga
pagbabago na hahantong sa globalisasyon ng kasalukuyang panahon. Hindi pa man
tinatawag na"globalisasyon," ang marami sa mga pagbabagong nauuso ngayon
ay noon sinimulan.
Binaligtad ang patakaran ng
proteksyunismo. Inarangkada ang liberalisasyon ng mga ekonomiya. Pinauso ang
deregulasyon ng susing mga industriya. Isinulong ang pribatisasyon ng mga
pag-aaring pampubliko. Isinagawa ito sa pagtutulak ng mga kapitalista sa
abanteng mga bansa at sa pagdidikta ng IMF-WB sa mga atrasadong bayan. Sa
pag-arangkada ng globalisasyon ng mga ekonomiya sa tulak ng liberalisasyon,
deregulasyon at pribatisasyon, lumaganap ang epidemya ng sarahan at tanggalan,
kontraktwalisasyon at kaswalisasyon, baratan ng umento at moratorium ng CBA sa
buong daigdig.
Pero kung paano ang
"long boom" ay nagtapos sa krisis, mismong ang globalisasyon ay
nasadlak din sa sigalot matapos ang maikling panahon ng paglago ng
pandaigdigang ekonomiya. Sumipa ang krisis noong 1997 sa pagputok ng problemang
pampinansya sa Silangang Asya. Mabilis na lumaganap ang sigalot laluna't mas
mahigpit ang integrasyon ng pambansang mga ekonomiya dulot ng globalisasyon. Sa
lawak at lalim ng problema, nabangkarote ang IMF sa laki ng ayudang ibinigay sa
Thailand, South Korea, Rusya at Brazil na pawang gumuho ang pambansang mga
ekonomiya.
Ang tanging dahilan na hindi
dumiretso ang krisis pampinansya sa isang pandaigdigang resesyon ay dahil
isinalba ito ng US. Hindi lamang pinautang ng US ang IMF ng dagdag na pondo
kundi binili ng mga Amerikano ang mga produktong eksport ng ibang bansa, kasama
ang mga bansang tinamaan ng krisis pampinansya. Subalit ngayon, inabot na rin
ng krisis ang ekonomiya ng US, ang pinakamalaki at pinakamalakas sa buong
daigdig. Sa $30 trilyon na halaga ng mga produkto ng pandaigdigang ekonomiya,
nasa $10 trilyon ang ekonomiya ng US. Ibig sabihin, nasa $1 ng bawat $3 na
kalakal sa daigdig ang likha ng US. Ganito ang susing papel ng US sa
internasyunal na sistemang kapitalista.
Noong nakaraang taon ay
nasadlak sa resesyon ang ekonomiya ng US. Sa unang pagkakataon matapos ang
halos isang dekada ng walang patid na kasiglahan, bumagsak sa negatibo ang GDP
ng Amerika. Matapos ang kalahating taon, bahagyang nakaahon at pumalo uli ng
positibo ang GDP. Pero ngayong taon, usap-usapan muli ang posibilidad na gupuin
ng resesyon ang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig.
Kung tuluyang lulukuban ng
krisis ang Amerika, walang ibang bansa na maaring magsalba sa pandaigdigang
ekonomiya, hindi gaya noon na hinila ng US ang mundo mula sa bingit ng isang
internasyunal na resesyon kundiman depresyon.
Ang Japan, ang ikalawang
pinakamalaking ekonomiya, ay lugmok sa isang dekadang krisis na hindi pa
kakitaan ng solusyon. Ang tawag sa krisis sa Japan ay deflation at
kinatatangian ito ng pagbagsak ng presyo ng mga bilihin kasabay ng resesyon ng
ekonomiya. Ang deflation ay kabaliktaran ng inflation, ito ay pagbaba kaysa
pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin. Sa kaso ng Japan, hindi isang
magandang bagay ang deflation dahil bunga ito ng kombinasyon ng matumal na
pamilihan, bagsak na produksyon at malalang kawalan ng trabaho.
Usad-pagong naman ang
pag-unlad ng Germany, ang ikatlong pinakamalaking ekonomiya at sentral sa buong
Europa. Halos hindi ito umuunlad sa taunang GDP na 0.5%. Ito ang inaasahang
magdadala sa ekonomiya ng Europa, bagay na hindi nito magampanan dahil sa
matamlay na lagay ng sariling ekonomiya.
Ang bumabagabag sa
globalisasyon ay ang krisis ng labis na produksyon. Sa buong daigdig, labis na
produkto at labis na kalakal ang manipestasyon at ugat ng krisis. Binabarahan
ng sangkaterbang produktong hindi mabili at sangkaterbang kapital na hindi
mainegosyo ang masiglang pag-inog ng ekonomiya.
Ang krisis na ito ng labis
na produksyon ay isang naturalesa ng kapitalismo dahil sa kontradiksyon ng
pribadong pag-aari at sosyalisadong paggawa, ng anarkismo ng pamilihan at
sosyalisasyon ng produksyon. Ito ang kakatwa sa kapitalismo: ang krisis ay
dulot hindi ng kakulangan kundi ng kalabisan, hindi ng kasalatan kundi ng
kaunlaran. O mas tamang sabihing bunga ito ng kasakiman ng kapitalista sa tubo.
Ito ang suliraning
kinakaharap ng sistemang kapitalista na kailangan nitong lutasin upang makaahon
at makasulong. Ang krisis ng sobrang produksyon ay malulutas lamang sa
pagbubukas ng bagong mga pamilihan at pagwawasak ng lumang pwersa sa
produksyon. Noon dinaan ito sa pamamagitan ng trade war sa pagitan ng mga
bansa, ngayon idadaan ito ng US sa shooting war laban sa karibal na mga bayan.
Bukod sa aktwal na
pasiklabin ang isang pandaigdigang digmaan, sinubukan na ng mga kapitalista ang
lahat ng paraan para lutasin ang problema ng labis na produksyon. Pero hindi
ito sumasapat. Sa matagal na panahon, naiwasan ang maagang pagputok ng krisis
ng sobrang produksyon sa pamamagitan ng maluwag na pagpapautang sa mga konsumer
sa anyo ng credit card. Yamang hindi naman nais ng uring kapitalista na
magbigay ng mataas na sahod, ang ginagawa nila ay pinauutang ang mga
manggagawa. Pero madaling makitang panakip butas lamang ito. Gaya ngayon, ang
ordinaryong konsumer sa US ay baon sa utang dahil sa credit card. Ito ang sumpa
ng isang dekadang kasiglahan sa US na maaring sabihing artipisyal dahil
sinulsulan ng maluwag na pagpapautang.
Nang sumiklab ang resesyon,
ang diskarte ng gobyerno ng Amerika ay tax refund para sa mga manggagawa at
kapitalista. Balak sanang itulak ang dagdag na konsumo ng mga manggagawa at
produksyon ng mga kapitalista kapalit ng pagsasakripisyo ng estado sa mas
mababang koleksyon ng buwis. Bukod dito, dahan-dahan pero tuluy-tuloy na
ibinababa ang interest rate. Inaasahang sa pamamagitan ng pagpapababa sa gastos
ng mga kapitalista sa pautang, maeengganyo silang mamuhunan at mapapasigla ang
negosyo.
Hindi na umuubra ang lahat ng
maniobrang ito ng sistemang kapitalista para lutasin ang malalang problema sa
labis na produksyon. Kung ang mga solusyong ito ay mabisa man noon, nagawa
lamang nitong iantala ang araw ng paniningil. Matindi ang tama ng krisis ngayon
dahil matagal nang atrasado ang pagsiklab ng krisis.
Naubusan na ang uri at
estadong kapitalista ng paraan para solusyonan ang krisis ng globalisasyon.
Gera ang natitira at ultimong paraan sa paglutas ng krisis ng sobrang
produksyon. Narito ang koneksyon ng globalisasyon at gera. Layon ng gera ng
panghihimasok at pananakop ng imperyalistang mga bansa na buksan ang bagong mga
pamilihan at wasakin ang dating mga pwersa sa produksyon.
Ang una at ikalawang
digmaang pandaigdig ang klasikong halimbawa ng paggamit sa gera para solusyonan
ang krisis pang-ekonomiya. Ito ay digmaan sa pagitan ng imperyalistang mga
bansa para paghatian ang daigdig. Ang kasalukuyang gera ng panghihimasok at
pananakop ng US ay ipinapakete bilang "gera laban sa terorismo." Pero
kung susuriing mabuti, mabubuking ang kapitalistang agenda sa likuran nito. Ang
panggigigil ni Bush kay Saddam ay pag-iimbot ng US sa likas-yaman ng Iraq,
laluna sa langis na importante para umandar ang modernong ekonomiya.
Hindi rin lamang kontrol sa
langis ng Iraq ang pang-ekonomiyang layunin ng binabalak na gera ng US laban sa
Iraq. Solong kontrol ng US sa buong daigdig ang ultimong sadya ng panghihimasok
ng Amerika. Kung tutuusin, isang pipitsuging bansa ang Iraq at hindi ito
karibal ng US. Ang pang-ekonomiyang karibal ng Amerika ay ang ibang
imperyalistang bansa na may sariling imbing layunin na dominahin ang ibang
bayan.
Pero hindi pa kailangang
gerahin ng US ang karibal nitong imperyalistang mga bansa. Maari pa silang
sindakin na lamang ng Amerika na huwag tutulan ang solong dominasyon nito sa
buong daigdig. Kung magtatagumpay ang US na durugin ang pipitsuging mga
kalabang gaya ng Taliban sa Afghanistan at si Saddam sa Iraq, mabigat itong
mensahe sa lahat ng karibal na imperyalistang mga bansa.
Ito ang kaibhan ng sitwasyon
ngayon ng mundo sa kalagayan noong dalawang digmaang pandaigdig. Hindi pa
nahihinog ang kontradiksyon ng imperyalistang mga bansa, na bawat isa ay
naghahabol na kontrolin ang ibang bayan at dominahin ang buong internasyunal na
ekonomiya, sa marahas na antas. Pero malinaw na ito ang direksyon ng alitan ng
mauunlad na mga bansa, laluna't namimilipit sa krisis ang globalisasyon at gera
ang natitirang opsyon para lutasin ang krisis ng labis na produksyon.
Daanin man sa santong
dasalan o sa santong paspasan, kamtin man sa trade war o sa shooting war, ang
punto ay lulutasin ng globalisasyon ang krisis ng globalisasyon sa kaparaanan
ng pananakop ng bagong mga pamilihan at pagwasak sa dating mga pwersa sa
produksyon. Ang globalisasyon ay gera ng abanteng mga bansa para sa
rekolonisasyon ng atrasadong mga bayan.
Lantad na lantad sa zero
tariff regime ang imbing agenda ng Amerika at iba pang imperyalistang bansa na
buksan ang bagong mga pamilihan para bagsakan ng kanilang labis na kalakal. Ang
tinatawag na zero tariff regime ay pagbaba ng taripa sa angkat na mga produkto
sa antas na 0% hanggang 5%. Kung matutuloy, ito ay huling dagok sa lokal na
ekonomiya, sa industriya at agrikulturang Pilipino. Ang globalisasyon ay hindi
lamang anti-manggagawa kundi anti-magsasaka at maka-dayuhan. Isa itong delubyo
na mismong ang mga kapitalistang Pilipino ay kinasisindakan kaya't kanilang
inirereklamo.
Ang proteksyunismo ng
paggawa kontra sa proteksyunismo ng kapital
Kung paniniwalaan ang
sinasabi ng mga kapitalistang tutol sa zero tariff regime at laban sa ganap na
liberalisasyon ng ekonomiya, aakalaing nagkakaisa ang interes ng kapital at
paggawa na hilingin ang suspensyon ng pagbaba ng taripa sa angkat na mga
produkto. Sa pormasyong binuo ng mga lokal na kapitalistang tutol sa zero tariff
regime, kasama pa mandin ang ilang sentro ng paggawa at pederasyon. Ang
islogang ginagamit nila para umakit ng simpatya ng publiko ay "save the
economy, save jobs."
Sa unang tingin, maaring
maniwala sa islogang ito--na kung isasalba ang industriya, maisasalba rin ang
trabaho ng mga manggagawa. Halimbawa, ang paggunaw ng industriya ng textiles
bunga ng globalisasyon ay nagpapakita sa delubyong likha ng liberalisasyon ng
ekonomiya sa hanapbuhay ng manggagawa. Sa loob ng 10 taon mula 1991 hanggang 2000,
ang kapasidad ng spinning mills ay gumuho mula 1,500,000 spindles tungong
350,000 spindles. Bunga nito, nawala ang 42,000 direct jobs at 90,000 na
trabaho na indirektang konektado sa industriya ng textiles.
Hindi lamang ito nagaganap
sa textiles, gayong isa ito sa pinakamalalang kaso. Sa iba't ibang linya ng
industriya ay dinudugo dahil sa walang-habas na globalisasyon.
Ganito naman ang epekto ng
pagbabawas ng taripa dulot ng globalisasyon. Ang taripa ay pinapataw ng
gubyerno sa inaangkat na mga produkto upang proteksyunan ang lokal na
industriya. Ang taripa ng GI sheets na 35% noong 1987 ay bumaba sa 10% noong
1999. Ang taripa ng tin cans ay naging 10% (1999) mula 30% (1987). Noong 1999,
ang inimport na gulay ng Pilipinas ay nasa 10,000 kilos lamang. Noong taong
2000, ito'y umabot sa 1.1 milyon kilos. At noong 2001, tayo'y nag-angkat ng 2
milyong kilo ng gulay. Hindi mahirap isipin ang negatibong epekto nito sa
industriya at agrikultura ng bansa, sa hanapbuhay ng manggagawa at magsasaka.
Kung ganito kaklaro ang
ugnayan ng liberalisasyon ng ekonomiya at ng tanggalan sa trabaho, maitatanong:
Tama bang suportahan ng mga manggagawa ang panawagan ng mga kapitalista na
isuspindi ang pagbabawas ng taripa? Tama bang makipagkapit-bisig ang mga
manggagawa sa mga kapitalista sa isang alyansang ganito ang kahilingan?
Para masagot ang tanong na
ito, kailangang magsimula sa pagsusuri sa kung sino ang makikinabang sa
suspensyon ng zero tariff. Binuo ng mga kapitalista at dominante ang kanilang
pwesto sa Fair Trade Alliance na pumapayong sa mga grupong tutol sa zero tariff
regime. Yamang ang kahilingan ng FTA ay nakasentro sa taripa, hindi mahirap
makitang ito ay nasa tuwirang interes ng kapitalista. Ang taripa ay krusyal na
usapin sa pangangalakal. Kung usapin ito ng kalakalan, isyu ito ng kapitalista
kaysa ng manggagawa. Ang mga kapitalista hindi ang mga manggagawa ang may
produktong maaring ikalakal. Ang tanging ikinakalakal ng manggagawa ay ang
sariling lakas-paggawa na hindi naman pinapatawan ng taripa.
Ibig sabihin, ang tuwirang
makikinabang sa suspensyon ng pagtaas ng taripa ay hindi ang mga manggagawa
kundi ang mga kapitalista. Ganunpaman, may indirektang epekto ang zero tariff
regime sa manggagawa sakaling sumabay ang lokal na kapitalista sa maigting na
kompetisyon sa pamamagitan ng sarahan at tanggalan, kontraktwalisasyon at
kaswalisasyon, atbp.
Narito ang salamangka sa
posisyon ng mga kapitalista. Walang garantiya ang mga manggagawa na kung
masususpindi ang zero tariff regime ay magkakaroon din ng zero retrenchment at
zero contractuals. Walang kasiguraduhan na kung protektado ang mga kapitalista
ay protektado na rin ang mga manggagawa.
Hindi maaring umasa ang mga
manggagawa na sa pagkakataong makamit ng lokal na mga kapitalista ang tagumpay
sa suspensyon ng zero tariff ay magmamagandang loob ang mga kapitalista at
pahuhusayin ang kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa.
Maari sanang sumama ang
uring manggagawa sa isang alyansa kasama ang ibang uri at sektor basta't hindi
isusuko ang kapakanan at interes ng paggawa. Ibig sabihin, pwedeng sumama sa
FTA ang uring manggagawa at ipanawagan ang interes ng ibang uri kung dadalhin
din nito ang kahilingan ng mga manggagawa. Halimbawa, maaring magkipagkasundo
ang uring manggagawa sa uring kapitalista na suportahan ang panawagan ng
suspensyon ng taripa kapalit ng pagtigil sa tanggalan o kontraktwalisasyon.
Subalit kung hindi magbibigay-daan ang mga kapitalista sa mga kahilingan ng mga
manggagawa, wala ring dahilan ang paggawa na ipaglaban ang kahilingan ng
kapital.
Totoong dapat ituring na
positibo ang pagtuligsa ng mga kapitalista sa globalisasyon, gaanoman kahina at
kahit pa paurung-sulong. Makatutulong ito sa labanang pampropaganda laban sa
globalisasyon, sa paglalantad dito bilang palpak na modelo ng pag-unlad.
Ganunpaman, habang may parehong interes ang manggagawa at kapitalista bilang
kapwa Pilipino laban sa globalisasyon, hindi dapat kalimutan kahit sandali ang
magkatunggaling posisyon ng kapital at paggawa.
Ang proteksyong hinihingi ng
mga kapitalista ay iba sa proteksyong ipinaglalaban ng mga manggagawa. Hindi
dahil protektado ang industriya ay nangangahulugang protektado din ang mga
manggagawa. May hiwalay na laban ang mga manggagawa para sa proteksyon ng
kanyang mga karapatan at kabuhayan.
Pakikibaka ng uri
hindi lokal na unyonismo
Alam ng bawat unyonista ang
halaga ng pagkakaisa, ang bisa ng pagsasama, ang kabuluhan ng pagtutulungan.
Ito ang pundamental na dahilan kung bakit nagbibigkis sa unyon ang mga
manggagawa. Alam nilang sa harap ng kapangyarihan ng kapital, walang pwersa ang
paggawa kundi ang kanilang pagkakaisa.
Kung kailangan ng manggagawa
ng pagkakaisa sa kanilang pabrika o empresa, hindi ba't kailangan din ng
pagkakaisa sa labas ng apat na sulok ng kanilang pagawaan at opisina? Hindi
ba't mas lalong kailangan ng mga manggagawa ng makauring pagkakaisa, ng
kanilang pagbibigkis bilang isang uri sa lipunan.
Kung sa harap ng indibidwal
na kapitalista, walang pwersa ang manggagawa sa isang empresa kundi ang
kanilang pagkakaisa, sa harap ng uri at estadong kapitalista, mas lalong walang
lakas ang masang manggagawa kung hindi sila magbibigkis bilang isang uri.
Ang proteksyon ng manggagawa
laban sa globalisasyon ay hindi makakamit sa kanya-kanyang paglaban. Sa panahon
ng globalisasyon, walang kahahantungan kundi kabiguan ang kanya-kanyang
paglaban, malaki man o maliit, malakas man o mahina ang unyon.
Kung ang malalaki at
malalakas na unyon ay nagawang gupuin ng opensiba ng kapital, paano pa
makakalaban ang maliliit at mahihina? Nitong huling limang taon, ang malalaki't
malalakas na unyon sa istratehikong mga empresa gaya Meralco, PAL at LRT ay
napasuko at nanghina. Nadurog ang unyon ng LRT. Nabigo ang welga sa Meralco.
Nablackmail ang PALEA sa moratorium ng CBA.
Dati nang may unyong
nadudurog. Kalakaran nang may welgang nabibigo. Pero kadalasan itong kapalaran
ng maliliit at mahihinang unyon dahil dehado sa balanse ng pwersa. Madaling
magtukoy at magbilang ng mga unyong nakalasap ng pagkatalo sa laban. Ang hindi
pangkaraniwan ay mapasuko ang mga unyong gaya ng sa Meralco, PAL at LRT.
Magiting ang kanilang pakikipaglaban pero hindi sumapat ang militansya para
manalo.
Hindi natin sinasabi ang
katotohanang ito para kampihan ang mapanlasong black propaganda ng uring
kapitalista na lipas na ang unyonismo. Hindi natin ito idinidiin upang suhayan
ang malisyosong kasinungalingan ng kapitalistang estado na laos na ang
militanteng pakikibaka ng manggagawa.
Inililinaw natin ang
katotohanang ang opensiba ng kapital ay walang kasing bagsik na kahit ang
malalaki't malalakas na unyon ay kayang pasukuin at paluhurin hindi para
idemoralisa ang mga unyonista kundi upang pukawin ang manggagawa sa mas mataas
na antas ng paglaban.
Idinidiin natin ang dehadong
balanse ng pwersa sa panahon ng globalisasyon para ituro na hindi sumasapat ang
lokal na unyonismo at sa halip kailangan ang makauring pakikibaka. Tanging ang
pagkakaisa ng buong uring mangggawa, ang pagsusulong ng kilusang paggawa ang
maaring tumapat sa pinagsamang lakas ng uring kapitalista at estadong
kapitalista.
Nadedehado sa laban ang mga
manggagawa, maging ang malalaki't malalakas na unyon, dahil sa kuntsabahan ng
mga kapitalista at ng gobyerno. Nagkakampihan ang mga kapitalista at ang
gobyerno laban sa pakikibaka ng manggagawa at nagmamaniobra para wasakin ang
mga proteksyong tinatamasa ng manggagawa at disarmahan ang mga manggagawa ng
mga sandata sa pakikipaglaban.
Sa panahong ito, lantad ang
maka-kapitalistang patakaran ng estado. Walang kahihiyang inaamin ng gobyerno
na kailangang ipauna ang interes ng mga negosyante at mamumuhunan dahil ito raw
ang paraan para umunlad ang bansa. Ito ay sa kabila ng katotohanang isang daan
taon nang sinasandigan ang palsipikadong landas ng progreso na nakaasa sa mga
dayuhan subalit hanggang ngayon bansot pa rin ang ekonomiya at api pa rin ang
manggagawa.
Kung nagkakampihan ang uri
at estadong kapitalista, walang ibang mabisang tugon ang mga manggagawa kundi
magkampihan rin, magkaisa bilang isang uri. Hindi sapat ang militansya para
manalo, pero ito ay kailangan. Kailangang langkapan ng pagkakaisa ag
militansya. Ang tatlong salik sa tagumpay laban sa kuntsabahan ng uri at
estadong kapitalista ay pagkakaisa, pagkakaisa at pagkakaisa.
Walang ibang magtatanggol sa
manggagawa kundi ang mga manggagawa mismo. Walang ibang lalaban para sa proteksyon
ng paggawa kundi ang kilusang manggagawa. Hindi ang mga kapitalista. Hindi ang
gobyerno. Tanging ang kilusang manggagawa ang maaasahan ng uring manggagawa.
Ito ang dapat pagkatandaan ng bawat manggagawa.
Ang tinutukoy nating
pagkakaisa ay pagsasama ng mga manggagawa na lagpas sa apat na sulok ng
kanilang pabrika. Ang itinuturo nating pakikipaglaban ay pakikibaka ng kilusang
manggagawa hindi lamang ng kani-kaniyang unyon. Kung noon ay sumapat ang lokal
na unyonismo, ang pagsasama ng mga manggagawa sa kani-kaniyang empresa, ngayon
ang mabisa ay makauring pakikibaka, ang paglahok ng mga manggagawa sa
pakikibaka ng kilusang paggawa.
Isa para sa lahat, lahat
para sa isa, ito ang kardinal na prinsipyo ng kilusang manggagawa na kailangang
tumimo sa puso't isipan ng bawat manggagawa.
Ang pagkakaisa ng kilusang
manggagawa ang mabisang sandata ng pakikibaka sa panahon ng globalisasyon. Ang
tagumpay ng unyon ng SSS at BF Metal ay buhay na mga ehemplo ng leksyong ito.
Itinuturo ng matagumpay na laban ng mga empleyado ng SSS at mga manggagawa ng
BF Metal ang tamang paraan ng pakikibaka sa panahon ng globalisasyon.
Kung nariyan ang halimbawa
ng mga unyon na ginupo ng opensiba ng kapital, nariyan din naman ang ehemplo ng
mga manggagawa na nagwagi sa laban. Nagtagumpay ang unyon ng SSS at BF Metal
hindi pa dahil sa militante ang kanilang paraan ng paglaban. Marami nang
manggagawa ang lumaban ng kasingdeterminado at pursigido, kundiman higit pa,
pero hindi pa rin sila nagwagi. Pero dapat ilinaw na kahanga-hanga ang militansya
ng mga manggagawa sa SSS at mga unyonista ng BF Metal. Binasag ng mga empleyado
ng SSS ang alamat na kimi ang mga manggagawa ng gobyerno. Hindi bumitaw sa
hunger strike ang mga unyonista ng BF Metal hanggang magwagi ang kaso.
Mas ang pagkakaisa ng
kilusang manggagawa ang sikreto ng kanilang tagumpay. Hindi naiwang nag-iisa sa
laban ang mga manggagawa ng SSS at BF Metal. Sila ay tinulungan ng mga kapwa
manggagawa. Sila ay sinuportahan ng kilusang manggagawa. Katunayan maging ang
ibang sektor ay nakipagkapatiran. Sa kaso ng SSS, sumama ang mga istudyante
habang sa laban ng BF Metal, nakipagkaisa ang mga manininda.
Nagwagi ang unyon ng SSS sa
kabila ng pagiging iligal ng pagwewelga sa pampublikong sektor. Salik ang
pag-aangat ng tunggalian sa BF Metal sa pampulitikang laban para sa paborableng
desisyong ligal. Sa laban ng SSS, simula't sapul ay hinimok ng unyon na sumama
at sumuporta ang magkakaribal na sentrong paggawa sa kanilang makatarungang
pakikibaka na nagsimula sa mga piket at dumulo sa welga. Sa hunger strike sa BF
Metal, namantina ang protesta sa kabila ng pandarahas sa bisa ng araw-araw na
pakikipagpatiran ng mga manggagawa mula sa iba't ibang pagawaan at empresa.
Integral na bahagi ng
taktika sa laban, ng istratehiya sa tagumpay ang pagkakapatiran ng kilusang
manggagawa, ang pagkakaisa ng kilusang masa. Kung hindi nagrehistro ang
pagkakaisa ng kilusang manggagawa sa laban sa SSS at BF Metal, madaling
naihiwalay ang lumalabang manggagawa at ginupo ng kuntsabahan ng mga
kapitalista at ng gobyerno. Pero dahil sumuporta ang ibang manggagawa at ang
ibang sektor, namantina ang mataas na moral sa pakikibaka ng mga manggagawa ng
SSS at BF Metal, naiguhit ang pagkampi ng opinyong publiko sa kanilang
makatwirang laban at naibandila ang pwersa ng kilusang manggagawa.
Alam ng mga kapitalista at
ng gobyerno na hindi lamang ang mga empleyado ng SSS at manggagawa ng BF Metal
ang kanilang kabangga kundi ang uring manggagawa. Sa harap ng militansya ng mga
manggagawa at pagkakapatiran ng kilusang paggawa, naobligang umatras ang mga
kapitalista at ang gobyerno.
Para salagin ang opensiba ng
kapital sa panahon ng globalisasyon, ang kailangan ay pakikibaka ng uri hindi
lokal na unyonismo. Kailangang depensahan ang mga proteksyong tinatamasa ng mga
manggagawa na pilit binabawi ng mga kapitalista. Yamang ginagamit ng mga
kapitalista ang batas at lakas ng estado para abusuhin ang manggagawa,
kailangang sa ganitong larangan--sa pakikibakang parlamentaryo--din lumaban ang
kilusang manggagawa.
Kabisado ng mga manggagawa
ang CBA ng kanilang unyon sa kanilang kapitalista. Sa pamamagitan ng CBA,
naisusulong ang kapakanan ng mga manggagawa laban sa kanilang partikular na
kapitalista. Ginagarantiyahan ng CBA ang mga karapatan at kabuhayan ng
manggagawa sa loob ng apat na sulok ng kanilang empresa.
Pero ang buhay ng manggagawa
ay hindi nababakuran ng mga pader ng pabrika. Sa paglabas ng manggagawa sa gate
ng empresa, hindi nagtatapos ang kanyang mga problema bilang manggagawa. Ilan
dito ay ang mataas na presyo ng bilihin, ang sobrang singil sa kuryente't
tubig, ang mababang kalidad ng edukasyon para sa mga anak, ang palpak na
serbisyo ng gobyerno, ang peligro ng pagtatrabaho sa ibayong dagat, ang kawalan
ng trabaho, ang kriminalidad sa lansangan, atbp. Maski ang patakarang zero
tariff na apektado ang buhay ng manggagawa sa empresa ay isang usaping
panlipunan hindi lamang isyung pampabrika.
Hindi maaring malutas ang
mga suliraning ito sa loob ng apat na sulok ng pabrika. Hindi ito gaya ng
grievance ng manggagawa, ng pagmamalabis ng bisor, ng pang-aabuso ng
kapitalista. Ang mga suliraning ito ay maaring lutasin sa grievance procedure
kundiman daanin sa welga. Maaring igiit ito at igarantiya sa pamamagitan ng
partikular na CBA sa partikular na kapitalista.
Pero ang mga usaping panlipunan
na problema rin ng manggagawa, ang mga isyung pambansa na umaapekto rin sa
buhay ng manggagawa ay hindi maaring saklawin ng grievance procedure o CBA sa
pabrika. Ang mga usaping panlipunan ay lagpas na sa bisa ng CBA.
Pero dahil ito ay mga suliraning
bumabagabag sa manggagawa, kailangan pa rin itong harapin at lutasin. Subalit
ang kalutasan ay hindi na CBA sa pabrika, hindi na lokal na unyonismo. Ang
solusyon ay nasa makauring pakikibaka, sa CBA ng Uri.
Yamang ang mga usaping
pambansa ay umaapekto sa buong uring manggagawa kundiman sa buong sambayanang
Pilipino, sa ganitong larangan rin ito dapat tugunan. Dapat gumalaw ang
kilusang manggagawa, lumahok ang lahat ng manggagawa, magsama-sama at
magkapatiran para harapin ang mga suliraning panlipunan, ang mga problemang
umaapekto sa lahat ng manggagawa.
Ilan dito ay ang mataas na
presyo ng bilihin, ang sobrang singil sa kuryente't tubig, ang mababang kalidad
ng edukasyon para sa mga anak, ang palpak na serbisyo ng gobyerno, ang peligro
ng pagtatrabaho sa ibayong dagat, ang kawalan ng trabaho, ang kriminalidad sa
lansangan, atbp.--ang mga suliraning ito ay hindi maaring saklawin ng isang
partikular na CBA sa isang partikular na kapitalista. Pero maari itong saklawin
ng isang CBA ng Uri, ng isang pakete ng mga patakaran na ilalaban ng buong
uring manggagawa laban sa mismong estadong kapitalista at sa uring kapitalista
na kinakawatan nito.
Kung ang isang partikular na
CBA sa isang partikular na kapitalista ay produkto ng negosasyon at tunggalian
sa isang partikular na empresa, ang CBA ng Uri ay maari lamang ilaban sa
parlamentaryong pakikibaka. Sa larangan ng pagbabalangkas ng mga batas at
implementasyon ng mga patakaran, maisasakatuparan ang CBA ng Uri.
Kung lokal na unyonismo ang
behikulo ng CBA sa pabrika, makauring pakikibaka naman ang sa CBA ng Uri. Kung
sapat ang lokal na unyon para ipagwagi ang CBA sa pagawaan, kilusang manggagawa
ang kailangan para ipaglaban ang CBA ng Uri.
Sa panahong ito ng
globalisasyon na marami sa suliranin ng manggagawa ay lagpas sa apat na sulok
ng pabrika at mismong ang mga isyu sa loob ng pagawaan ay malulutas lamang sa
pagbabago ng mga batas at patakaran, ang pag-asa ng manggagawa ay wala sa lokal
na unyonismo, wala sa kanya-kanyang paglaban kundi nasa paglulunsad ng makauring
pakikibaka, nasa pagtataguyod ng kilusang manggagawa. Ang pagkakapatiran ng
unyon sa aktwal na laban para tipunin ang isang makapangyarihang kilusang
manggagawa ang pag-asa ng bawat manggagawa kundiman ng bawat Pilipino.
Ang Pagpapanibagong
Lakas ng Internasyunal na Kilusang Manggagawa
Halos isang dekada na ang
pag-aalsa ng manggagawa at mamamayan ng mundo laban sa salot na globalisasyon.
Habang sumusulong at lumalakas ang kilusang anti-globalisasyon, lalong lumalaki
ang papel at pwersa ng kilusang manggagawa sa loob nito. Hindi kalabisan
sabihing ang gulugod ng pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon ay ang
nagpapanibagong-lakas na internasyunal na kilusang manggagawa.
Ang itinuturing na unang pag-aaklas laban sa
globalisasyon ay ang pag-aalsa ng mga katutubong Indian sa Mexico sa pangunguna
ng mga Zapatista. Ipinutok ng mga Zapatista ang kanilang pakikibaka sa New
Year's Day ng 1994 bilang protesta sa unang araw ng implementasyon ng North
American Free Trade Agreement (NAFTA).
Ang NAFTA ay isang kasunduang
pangkalakalan sa pagitan ng US, Canada at Mexico. Sang-ayon sa kasunduang ito,
malayang maglalabas-masok ang kalakal at kapital sa pagitan ng tatlong bansa.
Isa itong instrumento para pasukin at dominahin ng US ang ekonomiya ng Mexico,
at kahit ng Canada.
Malinaw para sa mga
Zapatista ang pinsalang idudulot ng free trade agreement sa ekonomiya ng
Mexico, laluna sa agrikultura ng bansa at kabuhayan ng mga magsasaka. Hindi
lingid sa kanilang kaalaman na mangangahulugan ito ng anihilasyon ng maliitang
pagsasaka ng mahihirap na magbubukid, ng sentralisasyon ng lupain sa kamay ng
mga kapitalistang asendero, at eradikasyon ng katutubong pamumuhay at kultura
ng mga Zapatista.
Sa napakaagang panahon ang
pag-aalsang Zapatista ay isang mulat na pakikibaka na nakatuon laban sa
globalisasyon gayong noon pa lamang sumisikat ang terminong ito at noon pa
lamang umaarangkada ang sistemang ito. Sa pagkakataong ito, mas ang uring
magsasaka ang nagpakitang-gilas sa militanteng pakikibaka. Pero sa loob lamang ng
dalawang taon mula noon ay titindig na ang uring manggagawa bilang pangunahing
pwersa ng pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon.
Sa dulong bahagi ng 1995,
sumiklab sa Pransya ang isang pangkalahatang welga ng mga empleyado ng
gobyerno. Tinutulan nila ang balak ng kapitalistang estado na bawasan ang
pambansang badget para sa benepisyo sa manggagawa at panlipunang serbisyo.
Nakuha ng mga manggagawa ng pampublikong sektor ang simpatya at suporta ng
buong mamamayang Pranses.
Tinawag itong "unang
welga laban sa globalisasyon." Tumirik ng ilang araw ang buong Pransya
bunga ng matagumpay na welga. Daang libo ang lumahok sa welga at sumama sa mga
martsa. Kahit ang mga syudad at bayan sa mga probinsya, hindi lamang ang
kabisera na Paris, ang kinakitaan ng mga mobilisasyon. Naobliga ang pamahalaan
ng Pransya na umatras at bawiin ang balak na pagbabawas ng badget.
Naging unang putok ang welga
ng 1995 para sa sunud-sunod na pangkalahatang mga welga at malalaking pagkilos
sa Pransya. Hindi lamang sa Pransya kundi sa iba't ibang bansa ng Europa, gaya
ng Italy, Spain, Germany at Britain, ay pangkalahatang mga welga at higanteng
mga pagkilos ang inilunsad laban sa sari-saring pakana ng kapitalistang mga
gobyerno na bawiin ang proteksyong naipagtagumpay at benepisyong tinatamasa ng
mga manggagawa. Ang pinakamalalaking mobilisasyon ay inilunsad laban sa
pakanang wasakin ang Batas Paggawa sa mga bansang ito.
Bunga ng militanteng
pakikibaka ng uring manggagawa sa mga bansa ng Europa, nabibigo ang
anti-manggagawang pakana ng uri at estadong kapitalista. Sa ganitong paraan, sa
pamamagitan ng akumulasyon ng mga tagumpay at paggapi sa pakana ng mga
kapitalista, nag-iipon ng lakas ang pandaigdigang kilusang manggagawa at
binubuhay ang makauring kamulatan ng masang manggagawa.
Ang lubos na nagpasikad sa
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon ay ang tinaguriang "Battle in
Seattle" noong Nobyembre 1999. Sa pagsiklab ng Battle in Seattle,
pumuwesto ang kilusang anti-globalisasyon sa pandaigdigang entablado at naging
isang internasyunal na usapin.
Layon ng pulong sa Seattle
ng World Trade Orgnization (WTO) na buksan ang negosasyon sa isang panibagong
round ng liberalisasyon ng pandaigdigang kalakalan. Balak ng imperyalistang mga
bansa na gamitin ang miting ng WTO sa Seattle para ibayong isulong ang
liberalisasyon ng kalakalan at dominahin ng mauunlad na bansa ang bagong mga
sektor ng ekonomiya, gaya ng agrikultura at serbisyo.
Tinapatan ng martsa at welga
ng kilusang paggawa ng US ang pagpupulong ng WTO. Nagkataon na ang Seattle ay
isang balwarte ng kilusang paggawa, laluna na ang pier, at may mahabang
kasaysayan ng militanteng pakikibaka at pangkalahatang welga ang mga manggagawa
ng syudad. Kasama sa pagkilos ang mga delegasyon mula sa kilusang manggagawa ng
iba't ibang bansa at mga organisasyon mula sa sari-saring social movements
tulad environmental groups at human rights groups.
Dinahas ng pulisya ang
malaking rali na umabot ng 100,000 kaya't pumutok ang rioting sa buong syudad.
Kahit na panandaliang ipinataw ang batas militar sa Seattle, hindi humupa ang
mga pagkilos. Hindi lamang nabulabog ang miting ng WTO kundi ganap itong
nadiskaril dahil nagkaroon ng lakas ng loob ang di-mauunlad na bayan na umalma
at tumutol sa pulong ng WTO.
Wala nang mas aangkop pang
paraan para isara ang nakaraang milenyo at buksan ang bago kundi sa isang
"pag-aalsang masa" laban sa imperyalistang globalisasyon. Ang Battle
in Seattle ang tuluyang nagpa-agos sa pandaigdigang kilusang
anti-globalisasyon. Pinukaw nito ang militansya ng aping manggagawa at
mamamayan ng mundo. Binuhay nito ang internasyunalistang diwa ng kilusang
manggagawa.
Matapos ang Battle in
Seattle, lahat ng sumunod na internasyunal na pagpupulong ng mga kompanyang
multinasyunal, mayayamang bansa, at ahensyang gaya ng IMF at WB ay naging
oportunidad para sa malalaking mobilisasyon at militanteng pakikibaka.
Katunayan para lamang makaiwas sa protesta, nagpasya ang WTO na ilunsad ang
pulong nila sa Doha, Qatar, sa isang bansa na sikil ang mga karapatan at sa
isang lugar na napapalibutan ng disyerto.
Sa protesta laban sa
pagpupulong ng G8 sa Genoa noong 2001--ang samahan ng walong pinakamauunlad na
bansa: US, Japan, Germany, Britain, France, Canada, Italy at Rusya--unang
nagbuwis ng buhay ang internasyunal na kilusang anti-globalisasyon. Isang
kabataang Italyano na anak ng unyonista ang binaril ng mga pulis habang
binubuwag ang 300,000 kalaking rali mula sa buong Europa. Pinakamalaking pwersa
sa higanteng pagkilos na ito ang masang manggagawa ng Italya.
Malayo na ang inabot ng
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon mula noong pag-aalsang Zapatista
hanggang sa mobilisasyon ng Genoa. Unti-unti napapasakamay ng uring manggagawa
ang pamumuno sa internasyunal na kilusan laban sa globalisasyon. Dahan-dahan
lumalawak ang saklaw nito at lumalalim ang kritisismo sa globalisasyon.
Ganunpaman, hindi maaring
itatwa ang katotohanang ang mga repormista pa rin ang nasa liderato ng
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon. Para sa mga repormista, sapat nang
itakwil ang mga kalabisan ng globalisasyon at retokihin ang sistema para
mapahusay ang kalagayan ng masang manggagawa sa ilalim ng kapitalismo. Hindi
nila nilalayong ibagsak mismo ang kapitalismo at palayain ang uring manggagawa
sa tanikala ng sahurang pang-aalipin.
Sinasalamin ng repormistang
liderato ng kilusang anti-globalisasyon ang popular nitong sentral na
islogan--"Another World is Possible." Ito ang battlecry ng World
Social Forum, ang eklektikong pagpupulong ng lahat ng kilusan, samahan at
indibidwal na lumalaban sa globalisasyon at/o sa masasama nitong epekto.
Sa isang banda, ang
"Another World is Possible" ay pagpuna sa kasalukuyang globalisasyong
nagsisilbi lamang sa interes ng internsyunal na kapital hindi sa mamamayan ng
daigdig. Sa kabilang banda, hindi malinaw sa "Another World is Possible"
kung anong klaseng sistema ang dapat ipalit sa globalisasyon.
Ito ang hamon sa
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon at sa internasyunal na kilusang
manggagawa--patalasin ang pampulitikang kahilingan sa tahasang sosyalistang
panawagan kasabay ng pagpapanday ng militansya ng internasyunal na mga
pagkilos.
Walang ibang kalutasan sa
krisis ng globalisasyon kundi ang palitan ang kapitalistang internasyunal na
kompetisyon ng sosyalistang pandaigdigang kooperasyon. Sa halip na
"Another World is Possible," tumalas ang panawagan sa "A
Socialist World is Necessary."
Tungkulin ng sosyalistang
kilusan sa bansa, hindi lamang ang pagpapanibagong-sigla ng kilusang manggagawa
sa Pilipinas kundi ang pagtulong na patalasin ang pagkakaisa ng internasyunal
na kilusang anti-globalisasyon.
Hindi nahuli ang kilusang
manggagawa ng Pilipinas sa pagguhit ng paninindigang anti-globalisasyon na
ipinakita sa protesta laban sa pulong ng APEC noong 1996. Pero nilagpasan na
tayo ng kilusang manggagawa ng ibang bayan sa bilis ng kanilang pag-unlad at
ispontanyidad ng kanilang mga pakikibaka.
Bawat pagsulong ng internasyunal na kilusang
anti-globlisasyon ay dapat na maging inspirasyon sa kilusang manggagawa sa
bansa. Bawat paglakas ng kilusang manggagawa sa bansa ay ambag sa pag-abante ng
pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon. ###