ARALIN IV

 

ANG DEMOKRATIKONG SENTRALISMO
AT SISTEMANG KOMITE

 

 

A.        Ang Demokratikong Sentralismo

 

1. Ano ang organisasyon at bakit ito mahalaga?

Ang organisasyon ay isang sistema ng pagbubuklod ng mga tao para tumindig at kumilos bilang isang buong pwersa. Binibigkis nito ang bawat kasapi at ang iba’t ibang bahagi para kumilos bilang isa tungo sa pagkakamit ng iisang layunin. Sa pamamagitan ng organisasyon at organisadong pagkilos, ang pagkakaisang nakabatay sa iisang diwa’t adhikain ay nagkakaroon ng kongkretong anyo o ekspresyon.

Bilang sistema, ang isang organisasyon ay mayroong tiyak na mga prinsipyong gumagabay sa pag-iisip at pagkilos ng buong kasapian nito. Mayroon itong balangkas ng pangunahing mga tungkulin na sinasalamin ng isang sistema ng pamumuno sa iba’t ibang antas at saklaw ng responsibilidad. Ito ang pangunahing mga sangkap na tumitiyak ng pagmartsa sa iisang kumpas tungo sa pagtatamo ng naitakdang layunin.

Maihahambing ang organisasyon sa walis na kumukuha ng lakas sa pagkabigkis ng mga tinting. Kung magkakahiwalay, mahina at mas madaling mabali ang bawat tinting. Ngunit kapag pinagbigkis, nagiging walis ang mga tinting na mabisang panlinis ng mga dumi.

 

2. Ano ang rebolusyonaryong organisasyon? Bakit ito mahalaga?

Rebolusyonaryo ang isang organisasyon na nagtataguyod sa interes ng malawak na masa. Puspusan itong kumikilos para palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala at pang-aapi at para sa tunay na pagbabago ng lipunan.

Ang ating kasaysayan ay punong-puno ng mga karanasan ng sambayanang Pilipino sa pagbubuo ng iba’t ibang organisasyon para sa pagsusulong ng kanilang rebolusyonaryong mga pakikibaka.  Halimbawa, itinatag ang Katipunan noong 1896 bilang daluyan ng armadong paglaban ng sambayanan tungo sa layuning palayain ang bayan mula sa paghahari ng kolonyalismong Espanyol. Sa kasalukuyan, naririyan ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, at ang iba’t ibang mga organisasyong masa sa iba’t ibang sulok ng bayan na nagpupunyagi para sa pagsusulong ng pakikibaka para makamit ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Kabaliktaran nito ang mga organisasyong nakatayo o itinatayo ng kaaway. Layon ng mga ito na pangalagaan ang makitid na interes ng nagsasamantala at nang-aaping mga uri. Nais nilang panatiliin ang isang kaayusan ng lipunan na napapakinabangan lamang ng iilan habang hinahadlangan ang mithiin ng nakakarami para sa pagbabago.  Sa tuwiran at di tuwirang mga pamamaraan, ginagamit ang mga ito upang linlangin at supilin ang mamamayan. Halimbawa, naririyan ang AFP, Konseho ng Baryo, at mga bogus na kooperatiba.

Hindi lamang pabor sa kaaway kundi ginagawa nito ang lahat para panatiliing hiwa-hiwalay tayong mga anakpawis. Karaniwan niyang ipinapatupad ang taktika ng “paghahati at paghahari” para sagkaan ang pagbubuo ng ating pagkakaisa. Ito ang dahilan kung bakit ang minoryang mga naghaharing uri nakakapangibabaw sa mayoryang masang Pilipino. Hangga’t tayo ay hiwa-hiwalay, hindi tayo maging mabisa sa paglaban ng kanilang pagsasamantala, pang-aapi at paghahari. Ngunit kung organisado at matibay ang pagkakaisa, tulad ng walis, makakakilos tayo para alisin ang mga dumi at suliranin ng lipunan. Ang lakas ng pagkakaisa ang tanging pwersa ng malawak na sambayanan na maihaharap laban sa makapangyarihang mga kaaway sa uri.

Kaya tungkulin nating itayo ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan para may magsilbing daluyan ng pagkakaisa at ng mga pakikibaka nila. Palagi nating patatagin at palakasin ang mga ito at magpakahusay sa pagbibigkis at pagpapakilos ng ating pwersa. Sa gayon lamang natin maipapamalas ang kapangyarihan at lakas sa pagkakaisa ng nakararaming mga uring pinagsasamantalahan at inaapi para ibagsak ang kanilang mga kaaway sa uri at itayo ang demokratiko at malayang Pilipinas.

Boluntaryo ang pagsapi sa rebolusyonaryong mga organisasyon. Ang pagsapi ay nangangahulugan ng buong pagyakap sa simulain, at komitment na kusang kikilos ayon sa mga prinsipyo, patakaran at desisyon ng organisasyon.

 

3. Ano ang demokratikong sentralismo?

Ang demokratikong sentralismo ang prinsipyong gumagabay sa atin sa pagbubuo at pagpapatakbo ng ating organisasyon. Ito ang nagtitiyak na kikilos tayo bilang isang organisadong kabuuan.

Ang demokratikong sentralismo ay nangangahulugan ng sentralismong nakabatay sa demokrasya at demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno.

Ang sentralismong nakabatay sa demokrasya ay nangangahulugan ng pagsasaalang-alang ng lahat sa kabuuang interes at kalagayan ng organisasyon. Ang mahusay na pagkilos ng buong organisasyon ay nagmumula sa aktibong partisipasyon ng bawat kasapi at bahagi nito. Ang mga desisyong pinapairal sa organisasyon ay kolektibong pinagpapasyahan at nakabatay sa pangkalahatang interes.

Ang demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno ay nangangahulugang ang interes at pagkilos ng bawat kasapi o bahagi ng organisasyon ay napaiilalim, umaayon at nagsusulong sa pangkabuuang interes at layunin. Mahigpit na sinusunod ang mga desisyon ng organisasyon at buong-layang kumikilos ang bawat isa para isulong ang interes at mga layunin ng organisasyon.

Ang esensya ng sentralismo ay ang matibay na komitment ng bawat kasapi sa mga prinsipyo at layunin ng organisasyon na siyang pinakabatayan ng pagkakaisa ng buong kasapian. Dito nagmumula ang mulat na disiplina ng mga kasapi ng organisasyon, o ang kusang pagsasailalim nila sa disiplina ng organisasyon para sa ikatatagumpay ng mga layunin ng organisasyon. Sa kabilang banda, ang demokrasya ay ang paglahok ng kasapian sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga desisyon, at ang mahusay na pagtangan ng bawat kasapi ng kanilang mga tungkulin at mga karapatan bilang kasapi ng organisasyon.

Inilalatag ng ating mulat na pagsunod sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang mahusay na kalagayan para sa masigla at mahusay na pagkilos ng bawat isa at ng buong organisasyon. Sa gayon nabubuo natin ang wastong mga desisyon, plano at programa sa pagkilos at epektibo natin itong naipapatupad. Tinitiyak din nito na mananatiling matibay at buo ang ating organisasyon sa harap ng iba’t ibang pakana ng kaaway na wasakin ito. Ang pagsasabuhay sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo ay mahalaga para matiyak ang mabisang organisadong pagkilos tungo sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong mga layunin natin.

Nasa ubod ng demokratikong sentralismo ang mahigpit na pagtataguyod sa mga saligang prinsipyo at pagpapatupad sa mga patakaran at mga desisyon ng organisasyon. Ito ang pangunahing nagtitiyak ng pagkakaisa ng buong kasapian sa isip at sa pagkilos.

 

4. Anu-ano ang mga batayang kundisyon ng pag-iral ng demokratikong sentralismo?

Upang maisabuhay ang demokratikong sentralismo kinakailangan ang sumusunod na mga kundisyon:

a.  Ang mga namumunong yunit o grupo sa lahat ng antas ng organisasyon ay pinipili sa demokratikong pamamaraan. Sila ay responsable sa kani-kanilang pinamumunuang antas na pumili sa kanila.

b.  Pagkatapos ng malaya at masusing talakayan, lahat ng desisyon ay ipapatupad nang walang pasubali at alinsunod sa apat na alituntunin sa disiplina.

k. Laging binibigyang-pansin ng mga namumunong yunit o grupo ang mga ulat at pananaw ng mga pinamumunuan nilang yunit at ng masang kasapian. Lagi nilang pinag-aaralan ang mga kongkretong karanasan at nagbibigay ng maagap na gabay at tulong sa paglutas ng mga suliranin.

d.  Ang nakabababang mga yunit ay magbibigay ng mga regular at ispesyal na ulat tungkol sa mga gawain nila sa organisasyong nakatataas sa kanila at maagap na hihiling ng mga instruksyon tungkol sa mga suliraning nangangailangan ng desisyon ng nakatataas na yunit.

e.  Lahat ng yunit ay sumusunod sa prinsipyo ng kolektibong pamumuno at lahat ng mahalagang usapin ay pinagpapasyahan nang kolektibo.

 

5. Ano ang apat na alituntunin sa disiplina?

Mahalaga ang apat na alituntunin sa disiplina para matiyak ang pagkakaisa ng ating organisasyon. Nakabatay ang mga ito sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ang mga ito ay:

Una, ang indibidwal ay napapailalim sa organisasyon. Ibig sabihin, ang bawat indibidwal ay kailangang pumailalim sa interes ng buong organisasyon. Kailangang sundin niya ang Saligang Batas ng organisasyon at mga desisyon nang walang pasubali.

Ikalawa, ang minorya ay napapailalim sa mayorya. Ibig sabihin, ang pasyang masusunod sa organisasyon ay nakabatay sa pagsang-ayon ng mayorya o nakararami. Kahit may ibang posisyon ang minorya o iilan, kapag nabuo na ang pasya ng organisasyon, kailangan silang pumailalim at sumunod sa kolektibong pasya.

Ikatlo, ang nakabababang antas ay napapailalim sa nakatataas na antas. Ibig sabihin, ang mas nakabababang antas o yunit ay kailangang sumunod sa mga desisyon at patakaran ng nakatataas na organo na kumakatawan ng mas malawak na saklaw ng organisasyon.

At panghuli, ang buong kasapian ay napapailalim sa pinaka-mataas na pamunuan at kapulungan. Ibig sabihin, ang mga desisyon at patakarang binuo ng pinakamataas na pamunuan at kapulungan ay may bisa at kailangang sundin ng lahat ng kasapi at bahagi ng organisasyon.

 

6. Ano ang mga tungkulin ng pamunuan at nakatataas na antas ng organisasyon?

Kakaiba ang pamunuan ng rebolusyonaryong organisasyon sa mga burges o pyudal na organisasyon ng kasalukuyang bulok na lipunan. Hindi sila mga haring nangingibabaw at nagmamando sa kasapian. Ang pamunuan ay binubuo at kumikilos ayon sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Kumikilos ito para sa pangkalahatang interes ng organisasyon at hindi para sa interes ng indibidwal o maliit man na grupo.

Ang pamunuan ay pinipili sa demokratikong paraan. Maaaring maisagawa ito sa pamamagitan ng simpleng konsensus (ibig sabihin, may pangkalahatang pagsang-ayon ng kasapian sa pinipiling mga mamumuno). Sa mas mataas na antas ng pag-unlad ng organisasyon, kapag hinog na ang mga kalagayan at nakapag-ipon na ng mayayamang mga karanasan, ang mas pormal na proseso ng halalan sa pagpili ng mga namumuno ay maaaring isagawa.

Tungkulin ng pamunuan ang pangkalahatang pamumuno sa organisasyon. Sinusubaybayan nito ang pangkalahatang takbo ng pagkilos ng buong organisasyon para matiyak na masinop at nagkakaisang isinusulong ang mga layunin ng organisasyon. Direkta nitong pinapangunahan ang paggampan ng mahahalagang gawain para matiyak ang mahusay na pagtupad sa mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Pinapangasiwaan nito ang pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng organisasyon para matiyak ang masinop na pagpapatupad ng mga gawain.

Isang mahalagang papel ng pamunuan ang pagbabalangkas ng plano at programa ng pagkilos ng organisasyon. Karaniwang nakasaad sa programa ang partikular na mga layunin sa isang panahon at ang mga tungkulin o gawaing kailangang ipatupad para kamtin ang itinakdang mga layunin. Nagtatakda rin ang pamunuan ng mga gabay at patakaran para pagpapatupad ng programa o plano. Sa pamamagitan ng programa o plano ng pagkilos, nasisistematisa at napapag-isa natin ang pagkilos ng organisasyon. Gayundin, kailangan ang mahusay na pag-aaral sa kalagayan ng masa at pagtiyak na ang programa, plano at mga patakaran ay tumutugon sa obhetibong interes ng masa. Ang mga plano at programang binabalangkas ay kailangang ipalaganap at ipaunawa agad sa buong kasapian.

Napakahalagang nagagagap ng pamunuan ang takbo ng pagkilos ng kabuuang organisasyon at maging ang mga baha-bahagi nito. Tumatanggap ang pamunuan ng mga ulat mula sa nakabababang mga antas ng organisasyon at masusi nitong pinag-aaralan at sinusuri ang mga iyon. Bukod dito, tumutungo ang mga namumuno sa hanay ng kasapian at sa masa para tuwirang mangalap ng kinakailangang mga impormasyon at alamin ang kongkretong kalagayan. Sa gayon, natitiyak ng pamunuan na laging nasusubaybayan nito ang takbo ng pagkilos at nasasapol agad ang anumang pagbabago ng kalagayan. Kaya maagap ang paggabay at pagdedesisyon at naaangkupan at nalulutas ang sumusulpot na mga problema. Sa gayon natitiyak na naisusulong ang mga gawain.

Ang pamunuan ang tumatawag at nagpapatakbo ng mga pangkalahatang pulong ng organisasyon. Dito tinatalakay at pinagpapasyahan ang mahahalagang usaping kasangkot ang interes at pagkilos ng organisasyon tungo sa pagbubuo ng nagkakaisang pagtanaw at kinakailangang mga desisyon kaugnay ng naihapag na mga usapin.  Dito rin iniuulat ng pamunuan ang kalagayan at takbo ng pagkilos at inihahapag ang binalangkas na programa o plano para mapagkaisahan. Tungkulin ng pamunuan na tiyaking mahusay na nabubuo ang pagkakaisa sa loob ng mga pulong.

 

7. Ano ang mga tungkulin ng kasapian at nakabababang antas?

Ang kasapian ng rebolusyonaryong organisasyon ay binubuo ng mga aktibo at responsableng indibidwal na kumikilos para isulong ang mga layunin ng organisasyon. Kaiba ito sa pagsapi sa burges o pyudal na organisasyon na buhaghag ang pagkakaisa dahil ang umiiral ay ang pagiging sunud-sunuran sa utos ng pamunuan o dili kaya’y ang pag-asa lamang sa pagkilos at maibibigay ng pamunuan. Ang mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon ay hindi kumikilos para lamang sa sariling interes o interes ng maliit na grupo, kundi para sa layunin ng organisasyon. Ang bawat isa’y nagpapahalaga at kumikilos para mabuo ang isang matatag at malakas na organisasyon laban sa mga naghaharing uri.

Tungkulin ng bawat kasapi at bahagi ng organisasyon na sumunod sa lahat ng desisyon, ipatupad ang mga gawain, plano at programa nang buong husay, pangalagaan ang interes at kaligtasan ng organisasyon at kumikilos ayon sa kabuuang interes at layunin ng organisasyon. Kailangang pag-aralan ng bawat isa at bawat bahagi ng organisasyon ang mga desisyon, plano at programa para maunawaan ang mga ito nang husto, masuri kung paano ito maipapatupad at makapagtatakda ng mga paraan ng paggawa.  Kailangang ipaabot agad sa pamunuan ang anumang katanungan o problema, at ang resulta ng pagpapatupad ng mga gawain.

Tungkulin ng lahat ng kasapi at nakabababang antas ng organisasyon ang regular at maagap na pagpapaabot ng mga ulat, kasama na ang kanilang mga mungkahi, obserbasyon at puna sa iba’t ibang usaping mahalaga sa interes at pagkilos ng organisasyon.  Responsibilidad ng bawat isa na masusing pag-aralan ang kalagayang kinapapalooban, at maging tapat at tiyaking naipapaabot ang wastong impormasyon. Kailangan ito para mabuo ang wastong mga desisyon at plano.

Tungkulin ng bawat kasapi ang dumalo at aktibong lumahok sa mga pulong. Responsibilidad niyang tumulong sa pagbubuo ng pagkakaisa at mag-ambag sa pagbubuo ng mga desisyon. Sa mga pulong lumalahok ang bawat kasapi sa paglalahad ng kanyang karanasan at kaalaman sa kalagayan at pagpapahayag ng kanyang mga opinyon, obserbasyon, mungkahi at puna.

 

B.        Ang  Sistemang Komite

 

1. Ano ang kolektibong pamumuno?

Ang kolektibong pamumuno ay ang pagsasabuhay ng prinsipyo ng demokratikong sentralismo sa pagkilos ng pamunuan ng rebolusyonaryong organisasyon. Itinuturo nito ang pagkilos ng mga namumunong komite bilang mga kolektiba. Ang lahat ng mahahalagang usapin ay kolektibong dinidisisyunan at ipinapatupad.

Sa pamamagitan ng kolektibong pamumuno, wastong makakatawan sa pamunuan ang malawak na base ng demokratikong partisipasyon ng kasapian. Mas mahusay na masasapol ng pamunuan ang kalagayan at mga suliraning kinakaharap ng organisasyon. Nakakatayo ang mga namumunong komite bilang matatatag at nagkakaisang sentro ng pamumuno ng rebolusyonaryong organisasyon.

Sa pamamagitan ng kolektibong pamumuno mahusay na napagsasanib ang pagkilos ng mga kagawad para gampanan ang kanilang mga tungkulin sa pamumuno. Pinauunlad nito ang inisyatiba at pagsisikap ng bawat kagawad na lumahok sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga desisyon ng kolektiba. Sa gayon, naiiwasan nating mamonopolyo ng isa o ng iilan ang pagdedesisyon at pagpapatakbo ng organisayon.

 

2. Ano ang sistemang komite?

Ang sistemang komite ay sistema o paraan ng kolektibong pagkilos ng namumunong grupo o komite. Nakikita sa sistemang komite ang paghahati ng mga gawain, ang relasyon ng kalihim at mga kagawad, pagpupulong at iba pa. Naglalayon itong palakasin ang pamunuan ng organisasyon nang sa gayon mabisang magampanan nito ang tungkulin ng pamumuno.

Ang sistemang komite ay mahalagang pag-aralan at ipatupad nang buong husay. Paraan ito para mahusay na naisasabuhay ang prinsipyo ng kolektibong pamumuno. Lalo na sa pagdami at paglaki ng mga gawain ng pamumuno ng lumalaking organisasyon, kailangang bigyang pansin ng namumunong komite ang organisado at sistematikong pag-atupag ng mga gawain nito.

Mahusay na pinagkukumbina ng sistemang komite ang kolektibong pamumuno at indibidwal na responsibilidad. Ang mahusay na paggampan ng bawat kagawad ng komite ng kani-kanilang partikular na tungkulin ay tumutulong sa pagpapalakas ng kolektibong pamumuno.

Sa pamamagitan ng sistemang komite naiiwasan ang mga problemang nakakabara sa takbo ng pagkilos ng komite. Kung may nasusunod na sistema ng paghahati ng gawain, naiiwasang matambak sa kalihim ang mga gawain habang hindi naman mahusay na napakikilos ang ibang kagawad. Kung may sinusunod na sistema ng mga pulong, naiiwasan ang sobrang madadalas at mahahabang pulong at mahusay na napaghahandaan ang bawat pulong. Naiiwasan ang pagkaligta sa ibang gawain o matagal bago malutas ang mga problema. Ang sistemang komite ay importante para mahusay na maharap ng komite ang mahahalagang gawain at problema ng pamumuno.

 

3. Ano ang tungkulin ng kalihim?

Ang kalihim ang namumuno sa komite. Sa ibang salita, siya ang lider ng kolektibong pagkilos ng komite.

Ang kalihim ang pangunahing sumusubaybay sa pagkilos ng komite. Ang pagtiyak ng mahusay na pagganap ng komite sa mga tungkulin at gawain nito ay palaging isinasaisip ng kalihim. Tinitiyak niyang napapanatili at napapahigpit pa ang pagkakaisa at napapahusay ang kolektibong pagkilos ng komite. Pinapansin niya ang pagkilos ng bawat kagawad at ang pagtupad ng iba’t ibang gawain para tiyaking mahusay na naisasakatuparan ang mga desisyon. Agad-agad niyang iniimbestiga at ikinukonsulta sa mga kagawad ang anumang problema o pagbabago ng kalagayan na kailangang aksyunan.

Ang kalihim ang nangunguna sa pagkilos ng komite, sa pagtupad ng mga desisyon at paglutas ng mga problema. Sa gayon nailalagay siya sa pinakamahusay na posisyon para sumentro at bumigkis sa kolektibong pagkilos ng komite. Patuloy na pinaghuhusay niya ang pakikipagkaisa at pag-iisa ng mga kagawad. Sa gayon mas mahusay niyang natitiyak ang sabay-sabay na paghakbang ng mga kagawad para epektibong pamunuan ang pagkilos ng organisasyon.

 

4. Ano ang wastong relasyon ng kalihim at ng mga kagawad ng komite?

Umiiral sa pagitan ng kalihim at mga kasapi ng komite ang mahigpit na pagkakaisa - pagkakaisang tupdin ang kanilang tungkulin sa pamumuno na ipinabalikat sa kanila ng organisasyon.  Mahalaga ang pagkakaisang ito para maging mabisa at mabunga ang pamumuno ng komite. Isang mahalagang sangkap ang pagtitiwala ng mga kagawad sa isa’t isa para mapanatiling buo ang pagkakaisa ng buong komite.

Bilang pinuno ng komite, sinusubaybayan ng kalihim ang pagkilos ng mga kagawad para tiyaking mahusay na naipapatupad ang mga desisyon ng komite. Ginagabayan at tinutulungan niya ang bawat isa sa paggampan ng mga gawain. Sa pangunguna sa pagkilos, ipinapakita niya ang wastong paraan ng paggawa sa pamamagitan ng halimbawa. Ngunit ang pamumuno ng kalihim ay hindi nangangahulugang natatangi at nangingibabaw siya sa komite at mga kagawad nito. Kapantay ang boses at mga karapatan niya sa iba pang kagawad. Wala siyang ispesyal na mga pribilehiyo, at tungkulin niyang tupdin ang mga kolektibong desisyon.

Tungkulin naman ng mga kasapi na sumuporta at tumulong sa kalihim. Isinasagawa ito nang may pagkilala at pagrespeto sa pamumuno ng huli. Ang ganitong suporta at respeto ay isang mahusay na kalagayan para sa paggampan ng kalihim ng kanyang mga tungkulin. Tumutulong ang bawat kasapi sa pagsubaybay sa takbo ng pagkilos ng organisasyon at ng komite. Iniuulat agad nila sa kalihim ang resulta ng mga gawain, lalo na kung may problema at pagbabago sa kalagayan na kailangan aksyunan. Tumutulong sila sa paghahanda at pagpapasabi kung may pinatawag na pulong. Sa loob ng pulong, tumutulong sila sa pagtiyak ng mahusay na takbo nito at paglutas ng mga di pagkakaunawaan. Nag-iinisyatiba sila sa anumang gawain nang hindi palaging naghihintay sa pangunguna ng kalihim.

5. Ano ang mga tungkulin ng pangalawang kalihim?.

Ang pagtatakda ng pangalawang kalihim ay isang anyo ng pagtutulungan at paghahati ng gawain sa loob ng komite. Isang paraan ito ng pagsuporta sa kalihim para maatupag ng huli ang mas mahahalagang problema o gawain.

Ang pangalawang kalihim ay tagahalili sa kalihim, kung sakaling hindi magampanan ng huli ang kanyang mga gawain bunga ng iba’t ibang dahilan. Sa gayon natitiyak nating hindi napipilay o nadidiskaril ang pagkilos ng komite kung sakaling hindi makagampan ang kalihim.

Kapag bago at maliit pa ang organisasyon at ang komiteng namumuno rito, sapat nang may isang pangalawang kalihim. Sa paglaki ng organisasyon, lalaki na rin ang komite at bibigat ang mga gawain nito. Karaniwang nagtatakda na tayo ng pangalawang kalihim para sa iba’t ibang malalaking dibisyon ng gawain.  Depende sa pangangailangan, nagtatakda tayo ng pangalawang kalihim sa organisasyon, edukasyon, pinansya at iba pa.

Ang kalihim at ang mga pangalawang kalihim ang bumubuo ng kalihiman. Sa pamamagitan ng kalihiman, kolektibong ginagampanan ang mga tungkulin sa pang-araw-araw na pagsusubaybay at pangangasiwa ng pagkilos ng komite. Ang kalihiman ay hindi hiwalay na pamunuan o nakapangingibabaw sa komite.

6. Anu-ano ang dapat isaalang-alang para mapahusay ang pagpapatakbo ng mga pulong?

Ang pulong ay mahalagang bahagi ng pagkilos ng komite. Dito pinagkakaisahan kung ano ang dapat gawin para isulong ang mga layunin ng organisasyon. Sa pulong, kolektibong nagsusuri ang komite para makabuo ng mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Sa pamamagitan ng pulong isinasabuhay ang kolektibong pamumuno at binubuo ang mahigpit na pagkakaisa ng komite.  Tungkulin ng komite ang pagtatakda at pagsunod ng isang sistema ng mga pulong.

Magbalangkas ng regular na iskedyul ng mga pulong ng komite.  Iwasan ang sobrang madalas o maraming mga pulong. Itinatakda ng nakatataas na organo, at matatantya na rin ng komite, kung gaano kadalas ang pagtatasa ng gawain, paghahanda ng ulat, pagpoprograma at pagpaplano ng gawain, at iba pang kailangang pagpulungan. Dapat ding iwasan ang sobrang mahahabang pulong.  Mangyayari ito kung sobrang madalang naman ang pagpupulong, kung hindi mahusay na napaghahandaan ang pulong at kung hindi mahusay na napapatakbo ang pulong. Kung kinakailangan, nagdadaos din ng ispesyal na mga pulong. Karaniwang hinaharap sa mga ito ang pangkagipitan mga usapin para maagap na makabuo ng mga desisyon at malutas ang mga problema.

Tiyaking naipapaabot sa mga kagawad ang notisya ng pulong.  Kailangan ito para mapaghandaan ng mga kagawad ang mga bagay na pagpupulungan at matiyak ang kanilang pagdalo. Gumawa ng adyenda o listahan ng mga bagay na pagpupulungan at ipaabot ito sa mga kagawad.

Tiyaking napaghahandaan ang mga pulong. Ipaabot sa mga kagawad kung anong ulat, imbestigasyon o pagbabasa ang kailangan nilang gawin bilang paghahanda. Pwedeng magkaroon ng mga panimulang talakayan bago ng pulong tungkol sa mga bagay na pag-uusapan.  Bahagi rin ng paghahanda ang pagsasaayos ng lugar, seguridad, pagkain at iba pang pangangailangan.

Sa pagpapatakbo ng pulong, tiyaking nasesentruhan agad ang mga pangunahing usapin. Iwasan ang sobrang paglawig sa ibang minor na usapin o sa mga di kinakailangang talakayan. Sa pagsesentro sa pangunahing usapin, natitiyak nating madaling natatapos ang pulong at nagiging mabunga ang mga talakayan. Sikaping mabalanse ang partisipasyon ng mga kagawad at iwasang mamonopolyo ng iilan ang diskusyon. Lagumin sa tuwina ang takbo ng talakayan para malaman ng lahat kung ano na ang naabot.

 

7. Paano patuloy na pinapahusay ang kolektibong pagkilos ng komite?

Para patuloy na patatagin ang kolektibong pagkilos ng komite, kailangang pairalin at paunlarin ang pagkakaisa, pag-uunawaan at pagtutulungan sa hanay ng mga kagawad nito. Sa gayon magiging maluwag at palagay ang loob sa isa’t isa, maaalis ang pagkakanya-kanya, at magiging madulas ang pagsunod ng kolektibong pamumuno sa pagkilos nito.

Dapat bigyang pansin ang pagbubuo ng iisang wika sa hanay ng mga kagawad. Mabubuo ang komon na pag-unawa at kaalaman ng mga kagawad sa iba’t ibang usapin at pangyayari sa pamamagitan ng sama-samang pagtatalakayan at pag-aaral, at patuloy na pagpapalitan ng impormasyon. Kaya mapapadali ang pagkakaintindihan at pag-iisa ng mga kagawad.

Kailangang linangin ang pagiging bukas ng mga kagawad sa isa’t isa. Kaysa ilihim, dapat isahapag ang mga problema o anumang bagay na kailangang ipaabot sa pansin ng mga kasama. Hindi na dapat hintayin ang mga pulong para ipaabot ang mga palagay, problema o posisyon sa mahahalagang usapin. Nakakasira lamang sa pagkakaisa ang pananahimik sa pulong o sa harap ng kinauukulan, at pagkatapos ay manira o mamuna sa labas ng pulong o sa likod ng kasama.

Kailangang matutong makipagkaisa sa mga kakolektiba, matutong kumilos kahit na di natin kapalagay ang kasama natin. Ang mga kilos at maling mga pagnanasang magbuo ng barkada o maliit na grupo ng kaibigan ay makapagpapahina at aagnas sa pagkakaisa ng komite.  Maging maaalalahanin at matulungin tayo sa mga kasama. Maging mapagbantay tayo sa anumang bagay na makakasira sa pagkakaisa at kolektibong pagkilos ng komite.

 

K. Paraan ng Paggawa ng Isang Komite

 

1.     Ano ang kahalagahan ng wastong mga paraan ng paggawa ng isang komite?

Para mabisang magampanan ang tungkulin sa pamumuno ng isang komite, hindi nakasasapat na magbuo lamang ito ng mga desisyon tungkol sa kung ano ang mga dapat gawin. Kinakailangan ding magkaroon ng wastong mga paraan ng paggawa ang komite mismo nang sa gayon matiyak ang mahusay na pagpapatupad sa nabuong mga desisyon. Maaari pa ring sumulpot ang mga bara sa pagpapatupad ng mga gawain, maski wasto ang nabuong mga desisyon, kung hindi nabibigyang-pansin ang wastong mga paraan ng paggawa.

May subok nang mga paraan ng paggawa ng komite para mabisang makapamuno ito sa masa.

 

2.     Ano ang ibig sabihin ng ang kalihim ng komite ay dapat magpakahusay bilang isang “iskwad lider”?

Ang komite ay maihahalintulad sa isang “iskwad” ng hukbong bayan, at ang kalihim, sa “iskwad lider”.  Upang magampanan ang kanyang tungkulin sa pamumuno, dapat umasa ang komite sa “mga kagawad ng iskwad” at bigyang-daan ang kanilang lubos na pagtugon sa mga responsibilidad. 

Upang maging mahusay na “iskwad lider”, dapat masikhay na mag-aral at malalim na mag-imbestiga ang kalihim. Mahihirapan siyang patnugutan ang kanyang “iskwad” kung hindi siya nagsasagawa ng mga gawaing propaganda at organisasyon sa “mga kagawad ng iskwad”, hindi nagpapakahusay na paghawak ng kanyang relasyon sa kanila o hindi pinag-aaralan kung paano mahusay na pinapatakbo ang mga pulong. 

Lubhang napakahalaga ang pag-uunawaan at pagsusuportahan sa isa’t isa, gayundin ang mahigpit na pagkakaibigan sa pagitan ng kalihim at ng mga kagawad ng komite. Isa itong tumitiyak sa nagkakaisang pagmartsa ng buong “iskwad” na siyang salalayan ng mabisang pamumuno sa masa.

 

3.  Ano ang ibig sabihin ng “ihapag ang mga problema sa mesa”? 

Kapag may mga problemang sumusulpot kailangang maagap na tumawag ng pulong, “ihapag ang mga problema sa mesa” para matalakay ang mga ito at gumawa ng karampatang mga desisyon para lutasin ang mga problema. Kung may umiiral na mga problema ngunit hindi ito “naihahapag sa mesa” para masusing matalakay at mahanapan ng kalutasan, ang mga ito ay magiging hadlang sa pagpapatupad ng mga tungkulin at gawain.

Hindi lamang gawain ito ng “iskwad lider” kundi ng lahat ng mga kasapi ng komite. Hindi nakakalutas sa mga problema ang pagsasalita sa likod ng mga tao tungkol sa mga ito, bagkus, malimit na nakapagpapalala pa nga sa mga problema.

 

4.  Ano ang ibig sabihin ng “pagpapalitan ng impormasyon”?

Ito ay nangangahulugan na ang mga kagawad ng isang komite ay dapat laging nagtatalastasan sa isa’t isa at nagpapalitan ng pananaw tungkol sa mga usaping nakatawag ng kanilang pansin.  Napakahalaga ito upang matamo ng mga kagawad ng komite ang nagkakaisang lengguahe.

Importante para sa mga kagawad ng komite na magkaroon ng batayang pag-unawa sa rebolusyonaryong teorya at sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Isa itong magtitiyak para sa madaling pag-uunawaan at pagbubuo ng nagkakaisang pagtanaw sa mga usaping sumusulpot sa pagtupad ng mga gawain.  

 

5.     Bakit mahalaga ang matiyagang pakikinig sa mga opinyon at pagtingin ng mga kasama sa nakabababang antas at ng masa?

Isa pang paraan ng mahusay na pamumuno ang matiyagang pakikinig sa mga pagtingin at ideya ng mga kasama sa nakabababang antas at ng masa. Isinasanib sa ating mga desisyon ang wastong mga pagtingin nila kung kaya mas makakaasa tayong susuportahan nila ang mga ito. Dagdag pa, mas mararamdaman nilang bahagi sila sa pagbubuo ng mga desisyon kung kaya maikikintal natin sa kanila ang paggana ng tunay na demokrasya.

Hindi tayo dapat mahiyang magtanong sa mga nakabababa sa atin at dapat laging bukas na matuto sa kanila. Huwag tayong magkunwaring alam ang hindi nalalaman. Hindi ito magpapababa sa ating prestihiyo, bagkus magpapataas pa nga.

Hindi rin dapat dagliang sinasang-ayunan o di sinasang-ayunan ang mga sinasabi ng mga nakabababa sa atin. Ang mga sinasabi nila ay maaaring wasto o mali, dapat nating suriin ang mga ito. Kasabay nito dapat tayong maging mahusay sa paghawak ng tagisan ng mga ideya at matiyagang maglinaw upang mapangibabaw ang wasto. Sa ganitong paraan mabubuo natin ang mas matibay na pagkakaisa sa pagitan ng mga namumuno at pinamumunuan batay sa kung ano ang wasto at nakakatulong sa pagsusulong ng rebolusyon.  

 

6.     Ano ang ibig sabihin ng matutong “tumugtog ng piano”?

 Sa pagtugtog ng piano, lahat ng sampung daliri ay ginagalaw. Ngunit para makalikha ng magandang melodya, ang sampung mga daliri ay hindi basta-basta tumitipa sa piano kundi ginagalaw ang mga ito nang may malinaw na padron at koordinasyon. Hindi uubra na ang ilang daliri lamang ang ginagalaw habang ang iba’y hindi.

Hinaharap ng isang komite hindi lamang ang isang gawain kundi maraming gawain. Ngunit, katulad ng pagtugtog ng piano, kailangang may tiyak na kaayusan at koordinasyon sa pagharap sa iba’t ibang gawain para mabisang maipatupad ang mga ito. Upang magawa ito, kailangang masapol at mahigpit na mapanghawakan ng komite ang naitakda nitong sentral na tungkulin sa isang panahon. Mahalaga ito dahil ang sentral na tungkulin ang siyang nagtatakda sa pangunahing direksyon ng mga gawain at dito umiinog ang iba pang mga pagsisikap. Dagdag rito, kinakailangang malinaw na maitakda ang mga prayoridad sa isang panahon, ibig sabihin, ang mga gawaing inuuna o pangunahing hinaharap.

Sa proseso ng pagtupad sa mga gawain, tiyak na may susulpot na mga problema. Hindi pupwedeng basta-basta isantabi at hindi bigyang-pansin ang mga ito. Gayunman, kailangang matukoy ang pangunahing problema sa isang panahon at ibuhos ang mga pagsisikap para sa paglutas nito. Nasa paglutas ng pangunahing problema ang magbibigay-daan para sa mas madulas na paglutas sa iba pang mga problema.

Sa ganitong paraan ng paggawa maipapatupad ang mga gawain at masasabing mahusay tayo sa “pagtugtog ng piano”.

 

7.     Ano ang ibig sabihin ng “hawakan nang mahigpit” ang pangunahing mga tungkulin?

Ang “hawakan nang mahigpit” ang pangunahing mga tungkulin ay nangangahulugang ang pagbubuhos ng atensyon at pagsisikap sa mga ito para matiyak na maipatutupad ang mga ito. Mabibigo tayo sa ating mga gawain kung hindi nakapokus ang ating pag-iisip at pagkilos sa pangunahing mga tungkulin. Tulad sa isang bagay nasimpleng inilagay lamang sa nakabukas na palad, sandali lang ay malalaglag na ito. O kaya kung hinawakan nga ang isang bagay pero hindi naman mahigpit ang hawak, maaari din itong madaling mabitawan.

Kaya walang mangyayari kung hindi natin pinanghahawakan ang mga tungkulin, gayundin, kung hindi natin pinanghahawakan nang mahigpit ang mga ito.

 

8. Ano ang ibig sabihin ng “magkaroon ng ulo sa mga numero”?

Ito ay nangangahulugan na dapat nating bigyang-pansin ang kantitatibong aspeto ng isang sitwasyon o problema at gumawa ng batayang kantitatibong pagsusuri. Nagkakaroon ng hugis ang bawat kalidad sa isang takdang kantidad, at walang kalidad kung walang kantidad.

Malimit na nakakasagupa natin ang kantitatibong aspeto ng mga bagay-bagay sa ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit kung hindi natin pinapaunlad ang ating “ulo sa mga numero”, ibig sabihin, hindi natin binibigyang-pansin ang kantitatibong aspeto ng mga bagay-bagay—tulad ng mga batayang istatistika, pangunahing mga porsyento, kantitatibong mga hangganan na nagtatakda sa kalidad ng isang bagay—kailanman hindi natin mapapalalim ang pagsusuri at masasapol ang esensya ng mga ito. Magbubunga ito ng mga kamalian sa ating mga gawain.

Halimbawa sa kilusang masa, dapat tayong gumawa ng batayang imbestigasyon at pagsusuri sa bilang ng aktibong mga tagasuporta, mga gumigitna o nagnyunyutral, at mga sumasalungat. Hindi natin dapat suhetibong pagpasyahan ang mga problema at nang walang kongkretong batayan. Sa ganitong paraan, mas makikita natin ang kalagayan ng ating mga gawain at matutukoy ang tiyak na mga hakbang para paunlarin ang mga ito.

 

9.     Ano ang ibig sabihin ng “abiso para pabatiran ang publiko”?

Ito ay nangangahulugan na dapat may paunang abiso ng idaraos na mga pulong. Kasabay nito dapat mapaabutan ang mga dadalo sa pulong kung ano ang mga tatalakayin at mga problemang lulutasin. Gayundin, dapat maisagawa ang karampatang mga paghahanda tulad ng mga ulat at borador ng panukalang mga resolusyon, at ng pagdadausan ng pulong mismo at ang mga pangangailangan dito.

Hindi mahusay na tatakbo ang mga pulong at maraming masasayang na panahon kapag hindi unang naisasagawa ang “abiso para pabatiran ang publiko”.

 

10. Ano ang ibig sabihin ng “mas kaunti at mas mahusay na mga tropa at mas simpleng administrasyon”?

Ito ay nangangahulugan na ang mga pangungusap, talumpati, artikulo at resolusyon ay dapat gawing maikli at direkta sa mga punto. Hindi rin dapat maging napakahaba ang mga pulong.

Susi dito ang mahusay at masinop na paghahanda nang sa gayon maiiwasan ang pagsasayang ng panahon at magiging mas mabunga ang mga pulong.

 

11. Bakit kailangang makipagkaisa at makipagtulungan maging sa mga kasamang hindi natin kapareho ang mga ideya? 

Hindi maiiwasan na sa ating hanay karaniwan na nagkakaroon pagkakaiba ng pagtingin sa mga sumusulpot na usapin. Ito ay dahil tayo ay nagmula sa iba’t ibang lugar, at iba-iba ang ating mga pinagdaanan at mga karanasan. Kaya hindi lang dapat tayong magpakahusay sa pakikipag-isa sa mga kasamang kapareho ang pagtingin sa atin kundi maging sa mga kasamang may ibang pagtingin.

Ganito rin dapat ang ating aktitud maski sa mga kasamang nakagawa ng seryosong mga pagkakamali. Hindi natin dapat silang masamain at ihiwalay, at dapat tayong maging handa na makipagtulungan sa kanila sa pagtupad ng mga gawain.

Ang mga pagkakaiba ng pagtingin sa mga usapin ay dapat nireresolba at isinasagawa ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili para mabuo ang mahigpit na pagkakaisa. Sa pagresolba ng mga pagkakaiba, dapat laging panghawakan ang diwa ng pinapangibabaw ang interes ng rebolusyon at ng malawak na masa, hindi ang pansariling interes. Sa pagsasagawa ng punahan, dapat tayong magsimula sa hangaring makipag-isa, at sa pamamagitan ng punahan at pagtatagisan ng mga ideya na naglalayong patampukin at panghawakan kung ano ang wasto, kamtin natin ang mas mataas na antas ng ating pagkakaisa. 

  

12. Bakit kailangang bantayan ang arogansya?

Ang mahigpit na pagbabantay para hindi dapuan ng arogansya lalung-laluna ang mga namumuno,ay isang usapin ng prinsipyo at isang mahalagang rekisito para mapanatili ang pagkakaisa sa ating hanay. Ang sa mga hindi nakagawa ng seryosong mga pagkakamali at naagkamit ng malalaking mga tagumpay sa kanilang mga gawain ay hindi dapat “lumaki ang ulo”. Importante na panatilihin ang pagiging mapagpakumbaba. Kaugnay nito, dapat bakahin ang kagawiang “nagbubuhat ng silya” o ang labis pagpuri sa sarili dahil sa mga nagawa o sariling kakayahan. Laging panatilihin ang simpleng pamumuhay at ang masikhay na paggawa.

Bukod sa makakaapekto ang arogansya sa pagbubuo ng pagkakaisa, magdudulot din ito ng di mabuti sa kasamang “lumalaki ang ulo”. Karaniwan ang kasamang ito ay magkakaroon ng tendensyang maging kampante, magluwag sa pagmamatyag sa pagkakamali at maging padalus-dalos sa pagtupad sa mga gawain dahil iniisip na hindi siya maaaring magkamali. Sa mga talakayan, iniisip niya na siya lamang ang laging tama at sinasarhan ang sarili para makinig at matuto sa iba.      

 

12. Bakit mahalagang gumihit ng linya ng pagkakaiba sa pagtingin sa mga  bagay- bagay?

Itinuturo nito na dapat nating sapulin ang batas ng kontradiksyon at tingnan ang mga bagay-bagay nang buo, di lang ang isang panig. Mahalaga ito para malalim na maunawaan at mapanghawakan ang mga bagay-bagay.

Unang-una, kailangang gumihit ng linya ng pagkakaiba sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon. Halimbawa, tungkol sa usapin ng diktadura. Kapag nababanggit ang salitang ito sa mga talakayan, kaagad na iisiping ito ay masama. Hindi nauunawaan na ang paghahari ng mga imperyalista, malaking kumprador burgesya at uring panginoong maylupa ay isang klase ng diktadura na ang layon ay panatilihin ang kanilang patuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa malawak na masa ng sambayanan. Sa kabilang banda, sinasabi nating itatayo ang demokratikong diktadurang bayan sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Ito ay naiibang klase ng diktadura na kumakatawan sa interes ng nakakaraming mamamayan laban sa iilan o minoryang nagsasamantala’t nang-aaping mga uri.

Ikalawa, sa loob ng rebolusyonaryong hanay, kinakailangang gumawa ng malinaw na pag-iiba sa pagitan ng tama at mali, sa pagitan ng mga natamo at mga pagkukulang at linawin kung alin ang pangunahin, alin ang segundaryo. Halimbawa, sa pagtatasa sa pagkilos. mayroong  pagkakataon na kapag natukoy ang isang pagkakamali, dito na natutuuon ang buong pagsusuri at nakakaligtaang tingnan ang ang kabuuang pagkilos. Sa kabilang banda, kapag ang nakikita lamang ay ang mga nagawang positibo nagiging bulag naman sa posibleng nagawang mga kahinaan.

Mapapanghawakan natin nang mahusay ang mga bagay-bagay kung naisasaalang-alang natin ang dalawang pagkakaibang tinalakay sa itaas. Upang maging bihasa tayo sa pag-iiba, kinakailangan ang masikhay na pag-aaral at malalim na pagsusuri. Ganitong aktitud ang dapat nating paunlarin.   

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1