1. Bakit ang
prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ang salalayang prinsipyo ng linyang
masa?
Ang prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ay isang prinsipyong nahalaw sa syentipikong paraan sa malalim na pagsusuri sa kasaysayan ng tao. Ani Mao: "Ang masa, at ang masa lamang, ang pwersang pampakilos sa paglikha ng kasaysayan ng daigdig." Pinatunayan na ng maraming daantaon ng kasaysayan ng sangkatauhan na ang nagsusulong ng mga pagbabago ng lipunan ay walang iba kundi ang masa. Sa kanilang lakas sa produksyon nabubuhay ang lipunan. Sa kanilang dunong at talino umuunlad ang kaalaman at buhay ng lipunan. Sa kanilang kapangyarihan napapalis ang anumang pwersang sumasagka sa pagsulong ng lipunan. Ang mga sagka sa pagsulong ng lipunan ay malinaw na nakikita sa krisis na nararanasan ng buong lipunan, ngunit pinakamabigat na pinapasan ito ng masa na binubuo ng anakpawis. Kung hindi kikilos ang masa, hindi matatamo ang anumang saligan pagbabago sa lipunan. Ito ang kahulugan kapag sinasabi nating ang masa ang tunay na bayani.
Ang prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ang salalayang prinsipyo ng linyang masa dahil inililinaw nito sa syentipikong paraan kung bakit dapat lubusang sumalig sa masa, kung bakit dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang masa sa pagsusulong ng rebolusyon at sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawain.
Ito ang matibay at syentipikong batayan ng wastong aktitud sa masa, ng matiyaga at pursigidong pagkilos sa hanay ng masa at ng mapagkumbabang pakikitungo sa kanila. Ito ang matibay at syentipikong batayan ng pagsalungat sa maling kaisipan na umasa sa iilang tao lamang, sa pagiging palautos sa isang banda, at pag-ako naman ng lahat ng gawain sa kabilang banda.
2. Ano ang ibig
sabihin ng magtiwala at sumalig sa masa?
Dapat mahigpit nating sapulin na ang rebolusyon ay isang pagsisikap ng malawak na masa. Kung wala ang kanilang pagtangkilik at aktibong paglahok dito, hindi kailanman makakamit ang rebolusyonaryong mga layunin. Para maipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan, kailangang sumalig at magtiwala tayo sa masa, partikular sa malawak na masang manggagawa at magsasaka.
Nakasalalay ang katuparan ng anumang layunin at kalutasan ng anumang problema sa aktibong paglahok at pagkilos ng masa. Kung gayon, dapat tayong tumungo sa hanay ng masa, makiisa sa kanila at mabisang pamunuan sila. Sa matiyagang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa, mabubuo at maipapamalas ang kanilang lakas at ang mga rebolusyonaryong ideya ay magiging isang makapangyarihang materyal na pwersa na siyang magtutulak sa pagsulong ng lipunan.
Sinabi ni Kasamang Mao, dapat tayong magpakahusay na maisalin sa kilos ng masa ang mga patakaran ng Partido, dapat magpakahusay na maipaunawa at mahasa ang malawak na masa, hindi lamang ang ilang nangungunang kadre sa bawat kilusan at pakikibakang ating inilulunsad.
3. Ano ang ibig
sabihin ng mahigpit na ugnay sa masa at
mainit na pakikisalamuha sa kanila?
Ang linyang masa ay nangangahulugan na laging pinananatili ang mahigpit na ugnay sa masa. Una sa lahat, ito ay ang pagsasapuso ng interes ng masa. Dapat nating tiyakin na lahat ng kasama ay mahigpit na nakaugnay sa masa at laging ang kanilang interes ang laging isinasalang-alang sa lahat ng gawain. Itinuturo sa atin ng linyang masa na laging pakamahalin ang masa at laging makinig sa tinig ng masa, at sa halip na ihiwalay ang sarili o mangibabaw sa kanila ay mainiti na makisalamuha sa masa.
Sa pakikisalamuha sa masa, pinupukaw natin sila at itinataas ang kanilang antas ng kamulatan, tinutulungan natin silang kusang organisahin ang sarili at ibunsod ang lahat ng esensyal na pakikibakang ipinahihintulot ng mga kalagayan. Kailangang bigyan natin ng masusing pansin ang kapakanan ng masa, ang kanilang mga suliranin mula sa kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa, mababang sahod atbp. hanggang sa partikular na suliranin tulad ng kawalan o kakulangan ng bigas, asin, at iba pa. Kailangang talakayin nating maigi ang mga ito at gumawa ng kaukulang kapasyahan kaugnay ng mga ito.
Sa pamamagitan ng mga nabanggit, maipapaunawa natin sa masa na kinakatawan natin ang kanilang interes at ang ating buhay ay karugtong ng kanilang buhay. Mula sa ganoong pagkakaunawa, matutulungan natin silang maunawaan ang mas malalaking tungkulin kaugnay ng pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa tagumpay.
Walang mangyayari sa anumang pagsisikap ng isang namumunong grupo kung hindi ito mahigpit na ikukumbina sa pagkilos ng masa, na matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na ugnay sa kanila. Sa kabilang banda, kung ang masa lamang ang kumikilos nang walang matatag na pamunuan na mahusay na makapag-oorganisa ng kanilang pagkilos, hindi maisusustini ang gayong pagkilos, ni maisusulong sa wastong direksyon, ni maitataas sa mas mataas na antas.
4. Ano ang ibig
sabihin ng “mula sa masa, tungo sa masa”?
Ang wastong paraan ng pamumuno sa masa ay “mula sa masa, tungo sa masa”. Ibig sabihin, kalapin ang hiwa-hiwalay na mga ideya at palagay ng masa at buuin ang mga ito. Pagkatapos ay ibalik at ipaliwanag sa masa ang nabuong ideya hanggang sa tanggapin nila at isakatuparan.
Umaayon sa linyang masa ang pamumunong “mula sa masa, tungo sa masa”. Para maunawaan ang kalagayan at problema ng masa, at mailinaw kung paano ito malulutas, sumasalig tayo sa kaalaman at talino ng masa. Mabubuo lamang ang wastong mga desisyon at plano kung kabahagi ang mga karanasan at kaalaman ng masa. Kaya tungkulin nating lumubog at magsiyasat sa hanay ng masa para maipon ang hiwa-hiwalay na mga ideya nila. Sa pagsusuri at pagsisinop ng mga ideyang ito, makokonsentra natin ang mga ito sa isang sistematikong kabuuan na sumasalamin sa obhetibong kalagayan at interes ng masa at naglilinaw kung paano malulutas ang mga problema nila.
Para maisakatuparan ang mga ideyang nabuo at lutasin ang problema ng masa, kailangang sumalig sa kakayahan at lakas ng masa. May tiwala tayo na gaano man kalaki ang problema, tiyak na malulutas ito basta't nabubuo ang kapasyahan at pagkakaisa ng masa. Kaya tungkulin nating matiyagang ipaliwanag sa masa ang ideyang nabuo mula sa mga ideya nila hanggang yakapin nila ito bilang mismong sa kanila. Sa gayon maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos.
5. Ano ang ibig
sabihin ng kumilos ayon sa interes at kahandaan ng masa?
Itinuturo ng linyang masa na dapat tayong kumilos ayon sa obhetibong interes ng masa. Ibig sabihin, dapat tayong magsimula at kumilos ayon sa kanilang kongkretong kalagayan at pangangailangan, hindi sa kung ano ang ating inaakala. Gaano man kabuti ang ating intensyon, kapag lumilihis tayo sa obhetibong interes ng masa, mahihiwalay tayo sa kanila sa malao't madali. Sa kalahatan, wasto ang ating itinatakdang mga tungkulin at mga patakaran, at wasto ang ating paraan ng pagkilos kung umaayon ang mga ito sa mga kahilingan ng masa sa isang takdang panahon at lugar.
Ngunit kadalasan sa simula hindi pa mulat ang masa sa obhetibong pangangailangan nila, hindi pa nila nauunawaan ang pangangailangan ng pagbabago at hindi pa sila handang kumilos para isagawa ang pagbabago. Kung kaagad na igigiit natin ang ating mga ideya, gaano man tayo kawasto'y mahihiwalay din tayo sa masa. Dapat tayong magtiyaga at maging pursigido sa pagpapaliwanag hanggang sa tanggapin ng masa ang ideyang nahalaw batay sa kanilang obhetibong interes, at maging handa't determinado na silang isakatuparan ito.
Kaya dapat bakahin ang komandismo sa masa, ibig sabihin ang paglampas sa aktwal na antas ng kamulatang pampulitika ng masa at paglabag sa prinsipyo ng boluntaryong pagkilos ng masa. Hindi dapat ipagpalagay ng mga kasama na ang kanilang nauunawaan ay nauunawaan na rin ng masa. Matutuklasan lamang kung tunay ngang nauunawaan na ng masa ang ating nauunawaan at kung handa na silang kumilos sa pamamagitan lamang ng pagtungo sa kanilang hanay at pagsasagawa ng pagsisiyasat.
Sa kabilang banda, dapat ding bakahin ang buntotismo sa masa. Ibig sabihin ay pagkahuli sa antas ng kamulatang pampulitika ng masa at pagpapatumpik-tumpik sa pagkilos at paglabag sa prinsipyo ng pamumuno sa masa upang sumulong sa rebolusyonaryong pakikibaka.Hindi dapat ipagpalagay na walang pagkaunawa ang masa sa mga bagay na hindi pa rin natin nauunawaan. At ang ilang kasama ay bumubuntot sa ilang atrasadong elemento at ipinagkakamaling ang kanilang pananaw ang pananaw ng malawak na masa.
Upang mabaka, kapwa ang komandismo at buntotismo sa masa dapat mahusay na makisalamuha at magsiyasat sa masa. Paano ito isasagawa?
Mahahati natin ang masa sa tatlong bahagi: ang sulong, ang panggitna at ang nahuhuling bahagi. Mas madaling nakakaunawa ang sulong na bahagi ng masa sa pangangailangan ng pagbabago at nakahandang kumilos para dito. Ang nahuhuling bahagi naman ay kadalasang nababahiran pa ng atrasadong mga impluwensya at nag-aatubili o tumatangging kumilos. Sa kadalasa'y nakakaunawa ang panggitnang bahagi sa pangangailangan ng pagbabago, pero nag-uurong-sulong at hindi lubos na handang kumilos.
Pangunahing umaasa tayo sa sulong na bahagi ng masa, ang bahaging pinakaaktibo, masigasig at interesado sa pagbabago. Sa pamamagitan ng sulong na bahaging ito, napapakilos ang panggitnang bahagi at nakakabig ang nahuhuling bahagi. Sa ganitong paraan, wasto nating napapamunuan ang masa ayon sa kanilang obhetibong interes at nang may pagsasaalang-alang sa kanilang kahandaang kumilos para sa pagbabago.
Kung hindi natin isasaalang-alang ang kahandaan ng masa, lalampas tayo sa kanilang kamulatan at kahandaan sa isang panahon. Pakikilusin natin sila sa pamamagitan ng pag-uutos at pamimilit, hindi sa kusang pagkilos na nagmumula sa kanilang pagkakaunawa. Ito ay komandismo.
Kung magpapatali naman tayo sa pananaw at pagkilos ng nakararami, at lalo na ng malaki ngunit nahuhuling bahagi, bubuntot tayo sa masa. Mangyayaring handa na't nananawagan ng pagbabago ang sulong at maging ang panggitnang bahagi ng masa, pero tayo pa ang nag-aatubili't kukumbinsihin nila. Malululong naman tayo sa buntotismo.
Dapat tayong magpunyagi sa pagpapataas ng rebolusyonaryong kamulatan ng masa. Ibig sabihin, maging matiyaga tayo sa pagbibigay ng rebolusyonaryong edukasyon sa kanila nang sa gayon tuloy-tuloy na naitataas ang antas ng kanilang kahandaan at kakayahang lumaban. Kasabay nito ang mga pagsisikap upang tuloy-tuloy ding mapalawak at mapatatag ang organisadong lakas ng masa. Sa pamamagitan nito,tuloy-tuloy na naitataas ang antas ng kanilang pagkilos hanggang sa tagumpay.
6. Bakit ang pagtalima sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan ang susi sa wastong pagsabuhay ng linyang masa sa kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino?
Ang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay nabuo mula sa masusing pag-aaral ng kasaysayan at kalagayan ng lipunang Pilipino. Ito ang tumutugon sa interes ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya. Ang demokratikong rebolusyon ng bayan ay nagsisimula sa obhetibong kalagayan at pangangailangan ng malawak na masa at nagtuturo sa wastong landas ng rebolusyonaryong pagbabago. At dahil umaalinsunod sa obetibong interes ng malawak na masa, ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan ay madaling mauunawaan ng masa, madaling mayayakap bilang kanila at maisasalin sa kanilang pagkilos.
Ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan ang susi para wasto at mabisang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong masang pinagsasamantalahan at inaapi. Sa pag-aaral sa partikular na kalagayan, problema at pananaw ng masa sa lugar na kinikilusan dapt mahigpit itong nagagabayan ng mga saligang pananaw, prinsipyo at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.
7. bakit mahalaga ang demokratikong estilo ng paggawa sa pagsasabuhay ng linyang masa?
Bukod sa wastong linyang demokratikong rebolusyong bayan, at wastong mga patakaran na wastong naglalapat ng linyang ito ayon sa partikular na kalagayan at pang-araw-araw na pagkilos ng masa, mahalaga ang demokratikong estilo ng paggawa sa pagsasabuhay ng linyang masa. Malinaw na ipinapakita ng ating karanasan pinahihigpit ng wastong estilo ng paggawa ang ating ugnay sa masa, habang ang maling estilo ng paggawa ay walang salang sumasalungat sa mga adhikain at kahilingan ng masa sa isang takdang panahon at lugar at tiyak na ihihiwalay tayo sa masa.
Ang mga kapasyahan ay dapat gawin matapos ng masusing pagsisiyasat at pakikipagkonsultahan sa mga kasama at sa masa at matapos ng sapat na kolektibong talakayan. Matapos marating ang kapasyahan, hindi sapat na ang mga namumuno lamang ang nakakaunawaan ng mga panawagan at patakaran; dapat itong iparating at mahigpit na ipaunawa sa masa para makalahok sila sa pagpapatupad ng mga ito.
Kailangang mahusay na makiisa sa malawak na mayorya ng mga kasama at sa masa. Kailangang matamang pakinggan ang masa, at tanggapin ang wastong mga obserbasyon at panukala at punahin ang mali. Dapat laging iwasan ang pagkilos sa maliliit na grupo at ang pagsasaalang-alang lamang sa kapakanan ng maliit na grupo. Sa lahat ng pagkakataon, dapat nating linangin ang demokratikong estilo ng masa.
8. Bakit umaalinsunod ang linyang masa sa rebolusyonaryong linya sa uri?
Sino ang bumubuo ng masang Pilipino? Sino ang masang dapat pukawin, organisahin at pakilusin? Masasagot lamang nang wasto ang mga tanong ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa uri at pag-unawa sa rebolusyonaryong linya sa uri.
Ang rebolusyonaryong linya sa uri ang prinsipyong nagtuturo sa atin ng pagkilala at wastong pakikitungo sa iba't ibang uri sa lipunang Pilipino. Inililinaw nito kung sino ang tunay na mga kaibigan at ang tunay na mga kaaway ng rebolusyon. Sino ang nakararaming uring pinagsasamantalahan at inaapi. Inililinaw nito ang wastong makauring batayan ng pamumuno natin sa masa: ang umasa pangunahin sa pinakamasasaligang mga uri, paghimok sa mga gitnang pwersa, at paghiwalay at paglaban sa mga kaaway. Sinasamantala rin natin ang mga hidwaan sa hanay ng kaaway nang sa gayon higit pang mapahina ang buong naghaharing uri at ibayong mapalakas ang rebolusyonaryong pwersa.
Sa kalahatan, itinuturo ng rebolusyonaryong linya sa uri ang pagbibigay-diin sa pagkilos sa hanay ng mga anakpawis - ang mga manggagawa, magsasaka at mala-proletaryado. Sa kanayunan, binibigyan natin ng pangunahing pansin ang pinakamasasaligang mga uri at saray - ang mga manggagawang bukid, at ang maralita at mababang panggitnang mga magsasaka. Kinakabig natin ang panggitna at nakatataas na panggitnang mga magsasaka at ninunyutralisa ang mayamang mga magsasaka. Sinasamantala rin natin ang hidwaan sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong mga panginoong maylupa. Sa pamamagitan nito, mabisang nahihiwalay natin ang huli at napapahina ang kapangyarihan ng kabuuang uring panginoong maylupa. Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong linya sa uri nagkakaroon ng syentipikong makauring batayan ang pagkilala sa bumubuo ng masa sa isang lugar.