Mahalagang bahagi ng rebolusyon ang rebolusyonaryong pag-aaral.
Ayon kay Mao Zedong, “ang kumilos na parang ‘isang nakapiring na taong nanghuhuli ng maya’ o ‘isang bulag na nangangapa ng isda’, ang maging padaskul-daskol at pabaya, ang magdaldal lamang, ang magkasya na lamang sa katiting na nalalaman—ito ang napakasamang estilo ng marami pa nating mga kasama”.
Magpunyagi tayo sa rebolusyonaryong pag-aaral upang mapahusaynatin ang ating rebolusyonaryong pagkilos. Unawain natin kung ano ang rebolusyonaryong pag-aaral at wastong paraan ng pagsusuri.
1. Bakit mahalaga ang
pag-aaral?
Ang pag-aaral ay mahalagang gawain ng mga rebolusyonaryo. Mahalaga ito dahil ang kailangan sa rebolusyon ay mulat na pagkilos. Mapanganib para sa masa at sa rebolusyon ang kilos na ipinapaubaya sa tsamba o pagbabaka-sakali. Ang rebolusyonaryong pagkilos ay hindi rin kara-karakang pagkilos na turo lamang ng emosyon. Ang bawat hakbang ay nakabatay sa kongkretong pag-aaral sa kalagayan at mga pangangailangan ng rebolusyon. Mula sa masigasig na pag-aaral ay wastong naitatakda natin ang mga dapat gawin, nabubuo ang mga balak at ang mga paraan ng pagpapatupad sa mga ito.
Ibinibigay ng pag-aaral ang mahahalagang gabay sa ating pagkilos. Hindi lamang nito itinuturo ang wastong landas ng rebolusyonaryong pakikibaka, ibinibigay din nito ang kagyat at partikular na gabay sa araw-araw nating pagkilos. Sa pamamagitan din ng ating pag-aaral nagiging matalas tayo sa pagkilala ng mapanlinlang na mga kaisipang ikinakalat ng mga naghaharing uri at ng ibang elementong nais umagaw ng pamumuno at ilihis ang kilusan sa wastong landas.
Ang pag-aaral ng isang rebolusyonaryo ay nakikita sa paglahok sa mga kolektibong talakayan, sa pagbabasa ng mga aklat at iba pang lathalain, sa pananaliksik, pagsisiyasat, at sa pagsusuring ginagawa sa mga pagtatasa, paglalagom at pagplano ng gawain.
Ang pag-aaral ang proseso ng pag-alam at pag-unawa sa mga
bagay. Hindi lamang ito pag-aaral ng
teorya mula sa mga kaalamang-aklat - halimbawa, ng mga kurso, at ng mga
teoretikal na sulatin nila Marx, Lenin, Mao, at iba pa. Napakahalagang bahagi ng rebolusyonaryong
pag-aaral ang pag-aaral ng kalagayan at ng karanasan,
Ang pag-aaral ang proseso ng pag-alam at pag-unawa sa mga
bagay at proseso. Hindi lamang ito
pag-aaral ng teorya, na tulad ng nilalaman ng mga kursong pangmasa at mga akda
nina Marx, Lenin, Mao at iba pa. Napakahalagang bahagi ng rebolusyonaryong
pag-aaral ang pag-aaral ng kasalukuyan nating kalagayan at mga karanasan,
Ang paksa ng rebolusyonaryong pag-aaral ay ang lipunan at rebolusyon. Bahagi nito ang mga ideya o teorya na naglilinaw sa kalagayan ng mga uri sa lipunan at ang kanilang tunggalian.
Tanging layunin natin sa pag-aaral ang mapahigpit ang paggagap sa mga bagay-bagay upang mas mabisang mabago ang mga ito. Dahil nakikibaka tayo para sa isang lipunang malaya at demokratiko, pangunahing tinutuunan ng ating rebolusyonaryong pag-aaral ang lipunan at rebolusyon. Halimbawa, pinag-aaralan natin ang teorya ng mga uri sa lipunan at tunggalian ng uri dahil sentral na mga usapin ito sa pag-unawa sa katangian at pag-unlad ng lipunan. Gabay ito sa pagsusuri sa katangian ng lipunang Pilipino at pagtatakda ng pangkalahatang linya ng kasalukuyang rebolusyong Pilipino.
2. Bakit mahalaga ang pag-aaral hinggil sa demokratikong rebolusyon ng bayan?
Ang pag-aaral hinggil sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay napakaimportante dahil itinuturo nito ang wastong pagsusuri sa kalagayan ng lipunang Pilipino, ang ugat ng mga suliranin ng mamamayan, at ang mga paraan ng paglutas nito. Ang rebolusyon ay isang syensya. Sa pakikipagtunggali sa mga kaaway kailangang matalinong pag-aralan ang mga usapin at batas ng pagrerebolusyon, paano mahusay na makikipagtunggali at makikipaglaban ang masa para magapi ang mga kaaway. Sa pag-aaral ng demokratikong rebolusyon ng bayan, napapanatiling maalab ang damdaming mapanghimagsik laban sa mga pagsasamantala at pang-aapi. Napapatibay ang pakikipag-isa sa isip at gawa sa mga uring api’t pinagsasamantalahan.
Ang panimulang sistematikong paglilinaw sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay nakuha natin sa mga kursong masa. Inililinaw sa pangkalahatang kursong masa ang pagsusuri sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Sa mga ispesyal na kursong masa naman, pinag-aaralan ang pagsusulong ng mga kilusang masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan at kabataan bilang bahagi ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Tuluy-tuloy na pag-aaral sa demokratikong rebolusyon ng bayan ang dapat gawin ng mga rebolusyonaryo. Habang tumatagal ang pagkilos at tumataas ang antas ng pakikibaka, magkakalaman at hihigpit ang pag-unawa natin sa mga prinsipyo ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang mga kursong masa ay nagsisilbi ring pintuan para buksan ang patuloy na pag-aaral sa mga sangguniang aklat, mga dyaryo at iba pang babasahin.
Ang mga librong LIPUNAN AT REBOLUSYONG PILIPINO, STRUGGLE FOR NATIONAL DEMOCRACY (MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA), at KRISIS AT REBOLUSYONG PILIPINO ang pangunahing mga sanggunian ng pag-aaral sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Narito ang mga saligang paglilinaw sa mahahalagang usapin ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Sa palagiang pag-aaral ng mga librong ito, laging masasariwa ang mga prinsipyo sa ating isipan. Magagabayan tayo sa pagsusuri at paglutas ng mga problemang makakaharap natin sa pagkilos.
Mahalagang bahagi ng pag-aaral ng lipunan at rebolusyong Pilipino ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito nauunawaan natin ang pag-unlad ng lipunang Pilipino, ang ugat ng mga saligang suliranin ng lipunan, at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Pilipino para sa kalayaan at demokrasya. Sa pag-aaral naman natin sa bawat lugar na kinikilusan, napakahalagang pag-aralan ang kasaysayan ng lugar para magagap ang katangian ng lugar, mga suliranin, at ang kasaysayan ng pakikibaka ng masa.
Importante ring palaging basahin at pag-aaralan ang mga isyu ng Ang Bayan at iba pang rebolusyonaryong lathalain. Makikita natin dito ang pagsusuri at paninindigan ng kilusan sa iba‘t ibang usapin sa ekonomya at pulitika sa kasalukuyan, ang mga kagyat at mahahalagang tungkulin sa pagsusulong ng rebolusyon, at mga karanasan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa iba‘t ibang sektor, lugar at larangan ng gawain.
3. Ano ang pagsisiyasat?
Ang pagsisiyasat ay ang pagkuha ng tunay o wastong impormasyon hinggil sa kalagayan at mga pangyayari. Mayroong panlipunang pagsisiyasat at pagsisiyasat sa pagpapatupad ng mga gawain, plano o programa.
Ang panlipunang pagsisiyasat ay pag-aaral sa kalagayan ng mga uri sa tunay na buhay. Isa itong mahalagang gawain sa pagsulong ng ating gawaing pampulitika. Sa pagsusuri sa relasyon ng mga uri sa larangan ng ekonomya, pulitika at kultura sa tunay na buhay ng mga tao nabubuo ang kongkretong larawan ng isang lipunan o bahagi ng lipunan, tulad ng isang lokalidad. Mahalaga ang panlipunang pagsisiyasat dahil inililinaw nito sa atin ang target, paraan at direksyon ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.
Ang pagsisiyasat sa pagpapatupad ng gawain, plano o programa ay ang paglikom ng datos hinggil sa tinakbo ng pagpapatupad. Halimbawa, sa mga suliraning kinaharap, sa naging pagkilos ng mga kasama at ng masa, at mga resulta nito.
Ang pagsisiyasat ay mahalagang bahagi ng rebolusyonaryong pag-aaral. Ang wasto at sapat na impormasyong nakukuha natin sa pamamagitan ng pagsisiyasat ay mahalaga, at kailangan para makabuo ng wastong mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Sabi nga ni Mao Zedong, “Kung walang pagsisiyasat, walang karapatang magsalita”. Kung wala tayong pagsisiyasat, wala tayong hawak na wasto at sapat na impormasyon. Ang anumang gagawing desisyon at pagkilos ay magsisimula sa ating pagbabakasakali at malamang na humantong lamang sa kabiguan.
Ang pagsisiyasat ay isang walang katapusang gawain. Ugaliin natin ang pagiging mapagsiyasat. Simulan natin ang anumang pag-aaral sa pagtitiyak na wasto at sapat ang impormasyong hawak natin. Tiyakin nating walang anumang nakalalampas sa ating pansin. Sa gayon, aakma palagi ang ating kaalaman sa nababagong kalagayan at patuloy na yayaman ang ating pag-unawa sa obhetibong kalagayan.
4. Ano ang pagsusuri at bakit ito mahalaga?
Ang pagsusuri ay importanteng bahagi ng ating pag-aaral. Sa pamamagitan nito, mas nasasapol natin ang katangian ng mga bagay o pangyayari na sinusuri. Nauugat natin ang mga dahilan at paraan ng pag-unlad ng mga ito.
Sa ibang salita, sinasagot natin sa pagsusuri ang mga tanong na “Bakit?”, “Paano?” at “Ano ang katangian at ugnayan?” Sa pag-alam kung bakit at paano umiiral ang mga bagay at nagaganap ang mga pangyayari, nagkakaroon tayo ng mas buo at mas malalim na pag-unawa sa mga bagay at pangyayari.
Talagang importante ang pagsusuri para sa rebolusyonaryong pagkilos. Ang ating mga plano at programa ay nababatay sa pagsusuri sa pagbabago ng kalagayan at pag-unlad ng pagkilos. Sa pagsasagawa ng pagsusuri, nalilinaw kung paano ang wasto at mabisang pagharap at paglutas ng anumang problema. Sa pamamagitan ng pagsusuri nalilinaw natin kung paano paghuhusayin ang paggawa at matagumpay na tutuparin ang ating mga gawain.
Maging mapanuri. Anumang usapin ang ating hinaharap, maging interesadong masagot hindi lamang ang “Ano?”, kundi higit pa ang “Bakit?” at “Paano?” para alamin ang sustansya o pinakaubod ng bagay o usapin. Dapat nating iwasan ang suhetibo, mababaw at makaisang-panig na pagtingin sa mga bagay-bagay. Kung nagsusuri hindi tayo malilinlang sa mga panlabas na anyo. Malalagay tayo sa aktibong posisyon para mabisang kumilos sa pagsusulong ng ating gawain.
Tuluy-tuloy at magkaalinsabay ang pagsasagawa ng pagsusuri at pagsisiyasat. Bagamat magkahiwalay na gawain o aktibidad, nagsasalimbayan ang mga ito sa iisang proseso. Matapos magsiyasat, sinusuri natin ang datos. Nagbubuo tayo ng mga kongklusyon at desisyon na isinasapraktika. Muli nating sinisiyasat ang pagpapatupad nito, at muling sinusuri ang mga nagawa at pangyayari upang batay dito ay muling gumawa ng kongklusyon at desisyon para higit pang isulong ang rebolusyonaryong gawain.
5. Ano ang pagtatasa?
Ang pagtatasa ay isang anyo ng pagsusuri. Bahagi ito ng rebolusyonaryong pag-aaral. Dalawang klase ng pagtatasa ang karaniwan nating ginagawa: ang pagtatasa ng gawain at ang pagtatasa ng kalagayan. Ang pagtatasa ng gawain ay ang pagsusuri para masukat kung ano ang katayuan o naabot sa pagtupad ng programa o plano. Ang pagtatasa naman ng kalagayan ay ang pagsusuri sa katangian ng sitwasyon at ng antas ng tunggalian ng mga uri sa lipunan.
Halimbawa ng pagtatasa ng gawain ang buwanang pagtatasa na karaniwang ginagawa natin kasabay ng paghahanda ng mga ulat. Inihahanay dito ang mga nagawa at di nagawa, mga natamo at di natamo batay sa plano ng pagkilos. Gumagawa rin tayo ng pagtatasa pagkatapos ng bawat aksyong masa. Natutukoy din dito kung ano ang mga nagawa at hindi nagawa, ano ang mga kulang na dapat punuan, ang mga kahinaang dapat pangibabawan at ang mga maling dapat ituwid, at ang mga gawain sa hinaharap.
Halimbawa ng pagtatasa ng kalagayan ang pagsusuri natin sa timbangan ng lakas - ang naabot na pagsulong ng rebolusyonaryong pwersa sa isang banda at ang kakayahan ng reaksyunaryong pwersa sa kabila. Nililinaw natin ang naabot na antas ng rebolusyonaryong pag-oorganisa, at kung ano ang mga pangangailangan at tungkulin para higit pang isulong ang rebolusyonaryong lakas at kakayahang lumaban sa isang panahon. Nililinaw natin ang lakas, disposisyon at kilos ng kaaway, at kung paano ito patuloy na papahinain. Sa gayon, matatantya natin ang ating kakayahan sa pagsusulong ng pakikibaka at ang kakayahan naman ng kaaway para gumanti.
Isa pang halimbawa ang pagtatasa natin sa kalagayang pang-ekonomya ng mga magsasaka at manggagawang bukid halimbawa matapos ng bagyo upang makagawa ng mga kinauukulang hakbang para matugunan ang mga pangangailangan.
Kailangan ang palagiang at napapanahong pagtatasa. Tinitiyak nitong mulat tayo sa kalagayan at mga pangangailangan ng pagkilos, at maagap tayong makakapagtakda ng mga gawain. Ang pagtatasa ay nagbibigay sa atin ng tuwiran, kagyat at ispesipikong batayan sa wastong pagpaplano at pagtupad ng ating mga gawain.
Kapag lumilitaw sa patuloy na pagtatasa na nagbago na ang kalagayan, o di kaya mali ang naunang pagtaya ng kalagayan, kailangang baguhin ang plano para maiangkop ang kilos sa kongkretong kalagayan.
Gayundin, nakabatay ang mga plano sa pagtatasa ng inabot na antas ng gawain. Kung gayon, binabago ang mga plano at kilos ayon sa mga pagbabago at pag-unlad na natutukoy sa patuloy na mga pagtatasa ng gawain.
6. Ano ang paglalagom?
Ang paglalagom ay ang pagsusuri ng ating positibo at negatibong karanasan para humalaw ng mga aral. Ang mga kongklusyong nabubuo natin sa paglalagom ay mga pangkalahatang aral na nakakagabay sa ating pagkilos.
Natututo tayo kapwa sa positibo at negatibong karanasan. Pinanghahawakan natin ang mga natutunan sa positibong karanasan at higit pang pinapaunlad ito. Natututo tayo mula sa mga negatibong karanasan; maaaring maiwasan ang mga katulad na karanasan kung mahigpit na tatangangan ang mga aral mula rito.
Maraming klase ng paglalagom, depende sa ating pangangailangan at sa saklaw at katangian ng karanasang nilalagom. Karaniwang nilalagom natin ang karanasan sa pagkilos ng masa, sa pamumuno sa masa at sa pagkilos ng organisasyon. Halimbawa nito ang paglalagom ng karanasan sa paglulunsad ng isang kampanyang masa. Dito humahango tayo ng mga aral sa wasto at mahusay na paraan ng paghahanda at paglulunsad ng isang kampanyang masa. Mayroon ding paglalagom ng karanasan sa gawaing masa sa lokalidad para humango ng mga aral sa wasto at mahusay na paraan ng pagtupad ng gawaing masa at solidong pag-oorganisa sa baryo.
Matapos mailinaw ang mga datos at resulta ng pagkilos, ayon sa saklaw ng panahon at karanasang nilalagom, pinapansin natin ang:
a) pagsulong, pagkabalaho o pag-atras ng pagkilos; ang mga dahilan at kalagayang nagbunsod nito; at mga aral na mahahango rito.
b) mga tampok na kalakasan, kahusayan, kahinaan at kamalian sa pagkilos; ang mga kalagayan at pananaw na nagbunsod ng mga ito; at ang mga aral na mahahango rito.
Mula sa mga ito, matutukoy ang mga rekisitos para sa mahusay na pagganap na gawain o para sa matagumpay na aksyon. Ang kabuuan ng mga aral na nahahango sa paglalagom ay magsisilbing gabay sa panibagong antas ng pagpaplano at pagkilos. Nakakapagbigay ang mga ito ng ibayong kumpiyansa para sa patuloy na pagsulong ng gawain.
Ang paglalagom ay mahalagang bahagi ng ating pag-aaral. Sa pamamagitan nito, mahusay tayong natututo mula sa sariling karanasan. Aktibo nating nagagamit ang karanasan, positibo o negatibo man, para patuloy na paunlarin ang ating kaalaman at pag-unawa sa ating mga gawain at tungkulin. Sa pamamagitan ng paglalagom, mapapahigpit natin ang pag-unawa sa mga prinsipyo ng rebolusyon batay sa naging karanasan mismo.
7. Paano ang buong proseso ng pag-alam at ng rebolusyonaryong pag-aaral?
Alamin natin ang katotohanan mula sa pangyayari. Ayon kay Mao, “Ang mga ‘pangyayari’ ay lahat ng bagay na obhetibo (o kongkreto) na umiiral; ang ‘katotohanan’ ay ang panloob na pagkakaugnay-ugnay nila, iyong mga batas na sumasaklaw sa kanila; at ang ‘pag-alam’ ay pag-aaral.”
Ang pag-alam sa kalagayan at ang pagkilos para baguhin ito ay isang tuluy-tuloy na proseso. Halimbawa, tuluy-tuloy nating inaalam ang kalagayan sa isang baryo, pinupukaw, inoorganisa at pinapakilos ang masa para lutasin ang mga suliranin. Sa bawat hakbang ng pagkilos, inaalam muna nating mabuti ang kalagayan at mga suliranin.
Kapag nagsisimula pa lamang tayong kumilos sa baryo, inaalam natin ang kasaysayan ng lugar, ang katangian ng tereyn, anu-ano ang mga pananim at pinagkukunan ng kabuhayan, anu-ano ang suliranin ng mga magsasaka, sinu-sino ang mapagkakatiwalaan at maaasahang kumilos, sinu-sino ang mga panginoong maylupa at mga ahente nila, atbp. Batay sa panimulang pagsisiyasat at pagsusuri, gumagawa tayo ng mga plano para sa hakbang-hakbang na pag-abot, pagpupukaw, pag-organisa, hanggang sa pagpapakilos sa masa. Ginagabayan tayo ng mga paglilinaw sa teorya ng demokratikong rebolusyon ng bayan, tulad ng paglilinaw sa mga uri.
Habang pinapatupad natin ang mga plano, patuloy nating sinisiyasat at sinusuri ang kalagayan. Nadaragdagan ang impormasyon. Nakukumpirma ang ilang naunang kongklusyon, habang napapatunayang mali ang iba pa. Sinusuri natin batay sa praktika o sa mga resulta ng pagkilos kung tama o mali ang mga nauna nating pagsusuri, kongklusyon at mga balak. Pana-panahong tinatasa ang buong kalagayan para matukoy o maangkupan ang mga pagbabago rito.
Batay sa mga bago, mas mayaman at mas tumpak na mga ideya at kongklusyon, muli tayong nagbabalak at iniaangkop ang kilos para baguhin ang kalagayan. Itinutuwid ang maling kaalaman, iwinawasto ang mga maling kaisipan at gawi, pinupuna ang mga maling pagkilos. Kasabay nito, itinataguyod natin at pinapagpunyagian ang napapatunayang wasto at totoo.
Kapag nagkaroon ng sapat ng karanasan, o sa mga pagkakataong may malaking pagbabago sa kalagayan o gawain, nilalagom natin ang buong karanasan para makahango ng mas malalalim na aral. Ang mga aral na ito ay magsisilbing gabay sa panibago at mas mataas na antas ng pagkilos. Itinutuntong ang paglalagom sa mga isinasagawang pagtatasa ng kalagayan at gawain.
Mahalagang bahagi sa buong prosesong ito ang pagtatasa sa sariling pwersa: pagtatasa ng buong yunit sa sariling pagkilos at kalagayan, at pagtatasa sa pagkilos at gawain ng bawat isa. Dito pumapasok ang punahan at pagpuna-sa-sarili.
Pinapalalim natin ang pag-unawa natin sa isang bagay o pangyayari sa pamamagitan ng pagsusuri. Ang mga kongklusyon na nabubuo sa wastong pagsusuri ay gumagabay sa pinakamahalagang hakbang sa pag-aaral - ang pagsasapraktika. Pag-aralan natin kung gayon kung paanong wastong sinusuri ang mga bagay at pangyayari.
1. Ano ang pinagbabatayan ng wastong pagsusuri?
Nakabatay ang wastong pagsusuri sa mga kongkreto, aktwal, tunay, o obhetibong kalagayan at pangyayari. Ibig sabihin, hindi ito nagsisimula sa mga pangarap, haka-haka, superstisyon at iba pang palagay o pag-iisip na suhetibo o walang kongkretong batayan. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ang tanging wastong paraan ng pagsusuri.
Madalas mangyari na mahirap gumawa ng tamang kongklusyon— halimbawa mahirap matukoy ang tunay na katangian o dahilan ng isang problema—dahil kulang pa sa kongkretong datos. Halimbawa, marami sa hawak na datos ay mali o suhetibo. Sa ganitong mga pagkakataon, kailangang palawigin at palalimin pa ang pagsisiyasat sa kalagayan.
Nangyayari ring hindi maabot ang tamang kongklusyon kahit sapat o higit pa sa kailangan ang hawak nang datos. Ito’y dahil sa kakulangan sa wastong pagsusuri o pagproseso sa datos. Kaakibat nito, maaaring kulang din sa paggamit ng mga prinsipyo na gumagabay sa pag-uugnay-ugnay ng kalat-kalat na datos.
Nangyayari pa nga na maling mga kongklusyon ang nararating bunga ng maling pagsusuri, kahit sapat ang datos na pinagbabatayan. Sa ganitong karanasan, karaniwang ang maling pagsusuri ay bunga ng maling pag-uugnay-ugnay ng datos.
Magsimula sa mga tunay o aktwal na mga pangyayari at mga kongkretong datos ng kalagayan. Pag-aralan ang ugnayan ng mga datos, pangyayari, at iba pa. Alin ang mahalaga, alin ang hindi? Alin ang totoo, alin ang mali? Paano ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari? Ito ang pinagbabatayan ng wastong pagsusuri.
2. Bakit natin sinasabi na lahat ng bagay ay nagbabago?
Ang lahat ng bagay ay nagbabago. Walang anumang bagay ang masasabi nating yari o ganap na kaya’t hindi na magbabago. Kung pagmamasdan natin ang kapaligiran, ang kalikasan at ang lipunan ng tao, makikita nating patuloy na nagbabago ang mga bagay-bagay—pati na ang tao. Bawat bagay ay may pagsibol, pag-unlad at paglipas. May mga pagbabagong dahan-dahan, may mga biglaan naman. At ang pagbabago ay nangyayari sa buong proseso ng pag-iral ng bagay, mula sa umpisa hanggang sa wakas nito.
Maraming naniniwalang hindi nagbabago o imposibleng magbago ang maraming bagay. Isang dahilan nito ay hindi lahat ng pagbabago ay madaling makita o dili kaya’y matagal ang proseso ng pagbabago. Isa pa, ipinapalaganap ang ganitong kaisipan ng mga naghaharing uri para mapanatili ang kanilang paghahari. Halimbawa, may mga nagsasabi na hindi na maaaring baguhin ang kalagayang may mayayaman at may mahihirap. Alam nating hindi ito totoo, at pinalalaganap lamang ito ng mga naghaharing uri na nakikinabang sa sistemang mapagsamantala at mapang-api para ilayo ang masa sa rebolusyon.
Marami ring naniniwala na kung nagbabago man ang mga bagay, ito’y paglipat lamang sa pwesto, pagdaragdag lamang sa bilang, o kaya’y pag-uulit lamang. Halimbawa, ang mga nakikita lamang sa kasaysayan o pag-unlad ng lipunan ay ang paglikas ng tao, paglaki ng populasyon, pagpalit ng bagong henerasyon, o mga aksyon ng mga “dakilang lider”. Itinatatwa ng ganitong pagtingin ang saligan o rebolusyonaryong mga pagbabagong nagaganap sa kasaysayan tulad ng mga pagbabago sa sistema sa ekonomya, pulitika at kultura ng lipunan.
Ang kaalaman ng tao ay bunga ng pag-aaral sa pagbabago, paggalaw o pag-iral ng mga bagay. Kasabay ng pag-unlad ng lipunan, patuloy ding umuunlad ang kaalaman ng tao. Sumusulong ang kaalaman ng tao sa pagsusuri na wastong tumutuklas sa mga dahilan at paraan ng pagbabago. Sa pag-unlad ng kaalaman ng tao, aktibo at mabisa siyang nakakakilos sa pagbabago ng mga bagay para sa kanyang pakinabang.
Ang kaalaman na mauunawaan ng tao ang mga bagay sa pamamagitan ng pag-aaral sa pagbabago ang nagbibigay sa atin ng tibay ng loob at kapasyahan sa harap ng problema at mahirap na sitwasyon. Itinuturo nito sa atin na kapag wasto nating masusuri ang kalagayan, mauunawaan natin kung paano lulutasin ang problema at haharapin ang mahirap na sitwasyon.
3. Ano ang dahilan ng pagbabago ng mga bagay?
Bawat bagay ay may dalawang panig o aspeto na magkasalungat at nagtutunggalian. Ito ang tinatawag nating kontradiksyon. Ang katangian ng bagay ay itinatakda ng kontradiksyon, at ang pag-unlad at pagbabago ng bagay ay itinatakda ng pagtutunggalian ng dalawang aspeto ng kontradiksyon. Kung gayon, ang dahilan ng pagbabago ng anumang bagay ay nasa loob, o kaibuturan, at wala sa labas nito.
Halimbawa, bakit nagbabago at umuunlad ang lipunang Pilipino? Kapalaran ba ang nagtatakda, ang klima at kalupaan kaya, o ang tulong ng ibang bayan? Hindi. Ang nagpapagalaw ng lipunan ay ang kontradiksyon sa loob nito: ang tunggalian ng mga uri. Sa isang panig naririyan ang mga uring naghahari, nagsasamantala at pumipigil sa pag-unlad ng bayan; at sa kabilang panig naman naririyan ang mga uring pinaghaharian, pinagsasamantalahan at naghahangad ng kaunlaran, kalayaan at demokrasya.
Nag-iimpluwensya naman ang mga panlabas na kalagayan sa pagbabago ng bagay. Walang bagay ang umiiral nang hiwalay sa kanyang paligid. Sa kanyang paggalaw at pag-unlad, nakakaugnay nito ang iba pang bagay sa paligid. Ito ang panlabas na mga kalagayan na nakapagpapabilis o nakapagpapabagal sa pagbabago ng bagay.
Halimbawa, ang nagtatakda sa patuloy na pag-unlad ng isang kasama ay ang tunggalian ng wasto at maling mga ideya sa sarili niya: ang pagtataguyod ng pambansa-demokratikong interes ng sambayanan laban sa anumang salungat dito. Kaya nga nasa naturang kasama ang pagpapasya kung magpursigi sa rebolusyon o magpasibo na lamang. Ngunit may mahalagang impluwensya rin ang panlabas na kalagayan sa kanyang pagpapasya: ang kanyang mga kakolektiba, ang gumagabay sa yunit niya, ang kanyang pamilya, ang kanyang minamahal, ang masang nakakasalamuha niya sa pagkilos, at iba pa.
Sa halimbawang unang nabanggit, ang pag-unlad ng lipunang Pilipino ay pangunahing nakasalalay sa tunggalian sa pagitan ng mamamayan laban sa imperyalismong U.S., pyudalismo at burukrata-kapitalismo namatalas na nasasalamin sa rebolusyon. Ang pagsulong at tagumpay ng rebolusyon ay hindi maitatakda ng magandang kalagayang panlabas tulad ng tagumpay ng rebolusyon sa ibang bansa at krisis sa ibang bansa, gayundin ng tulong ng mga kaibigan. Ngunit ang magandang kalagayang panlabas, at ang tulong sa rebolusyon ay mahalaga at nakakatulong sa pagsulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay.
Itinuturo ng ganitong pag-unawa natin ang pag-iwas sa pagiging mababaw sa pagsusuri. Upang maunawaan natin ang pag-unlad ng isang bagay, kailangang pag-aaralan natin ang panloob na katangian nito, gayundin ang ugnayan nito sa iba pang bagay. Kailangang alamin natin kung alin sa mga nalikom na datos ang panloob at alin ang panlabas. Kailangang alamin natin ang panloob na kontradiksyon at paano ito naiimpluwensyahan ng panlabas na kondisyon.
4. Bakit natin sinasabing ang “paghahati ng isa sa dalawa” ang wastong paraan ng pagsusuri?
Ang “paghahati ng isa sa dalawa” ay walang iba kundi ang pag-aaral ng kontradiksyon. Ito ang pagtungo sa kaibuturan ng bagay para pag-aralan ang katangian at pagtutunggalian ng magkasalungat na aspeto ng kontradiksyon. Pinag-aaralan ang paggalaw at pag-unlad ng bawat aspeto, ang anyo at paraan ng pag-iral at pagtutunggalian, pagtindi at paghupa nito, aksyon at ganting aksyon, at iba pa. Ito ang wastong paraan ng pagsusuri.
Idinidiin nito na ating pakaiwasan ang pagiging makaisang panig lamang. Makaisang-panig ang pagtingin sa isang aspeto lamang ng bagay o kontradiksyon; at ang labis na pagdiin sa isang aspeto habang minamaliit ang kabila. Makaisang panig rin ang pag-aaral lamang sa dalawang aspeto nang hindi pinag-aaralan kung paano sila nag-uugnayan at nagtutunggali.
Halimbawa, sa pagsusuri ng isang kasama, pinag-aaralan natin ang positibo at negatibong mga katangian niya. Sa pagsusuri ng isang baryo, pinag-aaralan natin ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa isang banda, at ang panginoong maylupa sa kabilang banda. Sa pagsusuri ng lipunan, pinag-aaralan natin ang mga pinagsasamantalahan at inaapi sa isang banda, at ang mga nagsasamantala at nang-aapi sa kabilang banda.
Para malaman ang esensya o kalikasan ng isang bagay, kailangang alamin kung alin sa dalawang aspeto nito ang nangingibabaw, o prinsipal. Napakahalaga nito dahil ang mas matimbang sa dalawang aspeto ang nagtatakda ng esensya o kalikasan ng bagay o pangyayaring sinusuri.
Anumang bagay ang ating sinusuri, sinesentruhan agad natin ang pag-aaral sa kalikasan nito: ang pag-aaral sa kontradiksyon sa kaibuturan nito, ang pag-aaral sa magkasalungat na aspeto, panig, katangian o pwersang nagpapagalaw nito, at pagtukoy sa kung aling aspeto ang nangingibabaw. Sa isang kasama, halimbawa, sinusuri natin ang kontradiksyon ng mga kaisipan o katangiang positibo o negatibo, wasto o mali, rebolusyonaryo o di rebolusyonaryo. At malinaw na tinutukoy ang nangingibabaw na katangian - ang positibo, wasto, at rebolusyonaryo.
Sa pagsusuri ng ating mga pagkilos, sinusuri natin ang nakamit at di nakamit, at kung hanggang anong antas natugunan ang layunin; ang mga kalakasan at kahinaan; at iba pa. Gayundin, tinutukoy natin kung alin ang nangingibabaw.
Sa pagsusuri ng kontradiksyon, ginagamit natin ang paghahambing at pag-iiba. Ang kontradiksyong nagpapagalaw ng bagay na sinusuri ay higit nating nakikilala sa pamamagitan ng paghahambing at pag-iiba nito sa iba pang kontradiksyon. Ang kontradiksyon sa ating baryo, halimbawa, ay maihahambing at mapag-iiba natin sa kontradiksyon sa ibang baryo.
Sa paghahambing, sinusuri natin ang mga katangiang komon na tinataglay ng kontradiksyong pinag-aaralan sa iba pang kontradiksyon. Nakakatulong ito sa atin para sentruhan agad ang pagsusuri sa esensya ng bagay at nakakagabay sa atin sa pag-aaral ng kontradiksyon.
Sa pag-iiba, sinusuri natin ang mga katangiang kakaiba sa tinataglay ng ibang kontradiksyon, mga katangiang partikular lamang sa kanya. Sa pag-iiba mas nabubuo at napapalamnan natin ang pag-unawa sa bagay na sinusuri. Kailangan ang pag-iiba para makabuo ng wasto at angkop na solusyon o paraan ng pagkilos.
Halimbawa, sa pagsusuri ng kontradiksyon sa ating baryong sakahan, alam nating katulad ito ng kontradiksyon sa mga baryong sakahan sa Pilipinas. Kaya dapat ipatupad ang rebolusyong agraryo sa baryo natin, at ang mga karanasan sa pagpapatupad ng rebolusyong agraryo na mababasa natin sa Ang Bayan ay makapagbibigay sa atin ng ideya kung paano ito ilulunsad sa sariling baryong kinikilusan. Subalit maaaring magkaiba ang anyo at paraan ng pangingikil ng upa sa lupa ng panginoong maylupa, ang katangian at lakas ng panginoong maylupa, ng kanyang katiwala, ng pwersang militar, ang laki at tatag ng samahang masa sa baryo, ang lakas at kahandaan ng masa, at iba pa. Kaya hindi pwedeng kopyahin ang bawat hakbang na ginawa ng ibang baryo sa pagpapababa ng upa sa lupa.
Mahalaga sa pagkilala sa bagay ang pag-alam sa kasaysayan nito. Sa pagsusuri natin sa kasama, inaalam natin ang kanyang uring pinagmulan, ang kanyang pamilya, ang kanyang pagkamulat, ang kasaysayan ng kanyang pagkilos. Sa pagsusuri natin sa lipunang Pilipino, napakahalagang maunawaan ang kasaysayan nito upang malaman ang istorikong ugat ng kasalukuyang kalagayan at higit na maunawaan ang saligang katangian nito.
Ang pagsusuring naghahati ng isa sa dalawa ang wastong paraan ng pagsusuri. Inaalam natin ang dalawang aspeto na bumubuo sa kontradiksyon. Inaalam natin kung alin sa dalawang aspeto ang nangingibabaw o prinsipal. Ihinahambing natin ang isang bagay sa iba pa upang malaman ang esensyang komon sa kanila. Iniiba natin ang bagay na ito sa iba pa upang mapalamnan at mabuo ang pag-unawa sa bagay na sinusuri. Inaalam natin kung paano umunlad ang kontradiksyon.
5. Sa isang karaniwang bagay, ano ang pangunahing nagtatakda ng pagbabago?
Ang karaniwang bagay o proseso na sinusuri natin ay kumplikado. Ibig sabihin, marami itong taglay na kontradiksyon. Kailangang pag-aralan ang iba’t ibang kontradiksyong ito, ang dalawang aspeto ng bawat kontradiksyon, at ang ugnayan ng mga kontradiksyon sa isa’t isa upang maiwasan ang pagiging makaisang panig.
Sa maraming kontradiksyong ito, mayroong isang kontradiksyon na magpagpasya sa pag-unlad ng bagay o proseso. Ang kontradiksyong ito ang tumutuhog, kaugnay, at nakakaapekto sa pag-iral at pag-unlad ng lahat ng iba pang kontradiksyon.
Susi, kung gayon, sa pag-unawa sa katangian ng isang kumplikadong bagay o proseso at kung paano ito umuunlad, ang pagtukoy kung ano ang prinsipal na kontradiksyon sa bagay o proseso, at pag-alam kung paano ito umiiral at umuunlad.
Para malaman kung alin ang mapagpasya o pangunahing kontradiksyon, kailangang masusing pag-aralan ang iba’t ibang kontradiksyon sa isang bagay o proseso. Makaisang-panig o suhetibo ang pag-aaral sa isang kontradiksyon lamang, kahit ito ang pangunahin o mapagpasyang kontradiksyon. Hindi malinaw na maipipirmi na ito nga ang prinsipal na kontradiksyon. Hindi makikita ang ugnay nito sa iba pang kontradiksyong umiiral.
Halimbawa, sa pagsusuri sa kalagayan ng isang baryo, napakaraming kontradiksyon. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng panginoong maylupa sa isang banda, at mga kasama at manggagawang bukid sa kabilang banda. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mayamang magsasaka, at maralitang magsasaka at manggagawang bukid. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mga panginoong maylupa, at sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mayamang magsasaka. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mga komersyante at mga magsasaka. Nariyan ang kontradiksyon sa hanay ng mga magsasaka.
Sa ganitong baryo, ang prinsipal na kontradiksyon ay iyong sa pagitan ng panginoong maylupa sa isang banda, at mga kasama at manggagawang bukid sa kabilang banda. Ito ang humuhugis at mabigat na nakakaimpluwensya sa iba pang kontradiksyon sa baryo. Ang pagtukoy sa prinsipal na kontradiksyon ay napakahalaga sa pag-unawa sa kalagayan ng baryo. Mahalaga namang masuri ang iba’t ibang kontradiksyon upang makita ang kabuuang kalagayan. Pinag-aaralan natin ang ugnayan ng iba’t ibang kontradiksyon sa isa’t isa, at sa kabuuan.
Tulad sa simpleng bagay o proseso, ang prinsipal o nangingibabaw na aspeto ng kontradiksyon ang nagtatakda sa kalikasan ng isang bagay. Sa komplikadong bagay o proseso, ang prinsipal na aspeto ng prinsipal na kontradiksyon ang pangunahing nagtatakda ng kalikasan ng isang bagay, ng esensya nito.
Sa halimbawang tinukoy, nangingibabaw ang panginoong maylupa sa mga kasama at manggagawang bukid. Nakapangingikil siya ng upa sa lupa at nakakapagtakda ng napakababang sahod sa mga manggagawang bukid. Nakakaimpluwensya ito sa pag-iral ng iba pang kontradiksyon. Ang ganitong kalagayan ay napagbabatayan ng pagsasamantala ng komersyante at usurero sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, at ng mga mayamang magsasaka sa mga manggagawang bukid. Ang pangingibabaw ng panginoong maylupa ang nakapagtatakda ng katangian ng kalagayan sa sinusuring baryo.
Ang paglutas ng prinsipal na kontradiksyon ang magbibigay daan sa paglutas sa iba pang kontradiksyon. Sa halimbawang nabanggit, hinaharap natin ang tunggalian sa pagitan ng mayamang magsasaka, sa isang banda, at ng magsasaka at manggagawang bukid, kaugnay ng pagwasak sa paghahari ng panginoong maylupa. Ibig sabihin, ninunyutralisa natin sila, at di labis na sinasaktan ang interes nang sa gayon ay hindi aktibong pumanig sa panginoong maylupa at mahimok pa nga na sumuporta sa pakikibaka ng magsasaka at manggagawang bukid hanggang makakaya.
Ano ang itinuturo ng ating pag-unawa na sa karaniwang bagay na nagtataglay ng maraming kontradiksyon, ang prinsipal na kontradiksyon ang mapagpasya sa pag-inog ng bagay na ito at ang prinsipal na aspeto ng prinsipal na kontradiksyon ang pangunahing nagtatakda sa kalikasan ng bagay? Itinuturo nito sa atin na sa pagsusuri, pag-aralan natin ang mga kontradiksyong bumubuo ng bagay, suriin kung alin sa mga kontradiksyon ang prinsipal, pag-aralan kung paano ito tumutuhog at nakakaimpluwensya sa iba pang kontradiksyon, pag-aralan ang mga aspeto nito at alamin kung alin sa dalawang aspeto nito ang prinsipal. Kailangan ring pag-aralan ang mga sekundaryong kontradiksyon at ang mga aspeto nito.
6. Bakit kailangang isaalang-alang ang ugnayan ng kabuuan at mga bahagi?
Sa pagsusuri ng bagay, dapat iugnay ito sa kabuuan para maiwasang maging makaisang-panig, mababaw at lutang ang mga kongklusyon. Sa kabilang banda, ang pagsusuri ng bagay ay nabubuo at napapalalim kapag mahusay na sinusuri ang lahat ng bahagi nito.
Anumang bagay na sinusuri natin ay kabahagi ng isang mas malawak na kabuuan. Dapat isaalang-alang ang relasyon ng bagay na sinusuri sa kabuuang ito. Kailangang pansinin kung paano nagkakaimpluwensya at nasasalamin sa bagay na sinusuri ang pag-unlad ng kabuuan. Sa gayon mas mauunawaan pa natin ang dahilan at pag-unlad ng bagay na iyon.
Halimbawa, ang baryong kinikilusan natin ay bahagi ng isang munisipalidad at isang lalawigan. Ang mga pangyayari sa munisipalidad at sa lalawigan, tulad ng pagtindi ng reaskyonaryong militar, ay namamalas sa ating baryo sa pagtatayo halimbawa ng CAFGU o sa pagkakaroon ng mga operasyong militar. Sa pag-uugnay ng pagsusuri sa baryo at relasyon nito sa mga pangyayari sa bayan at lalawigan, mas mauunawaan natin kung paano at bakit nagaganap ang reaksyong militar ng kaaway. Hindi natin iisiping simpleng reaksyon ito ng isang pangyayaring naganap halimbawa sa baryo.
Isa pang halimbawa ang pagkilos ng ating grupo at komiteng pang-organisa sa baryo. Ang ating mga plano ay nagsasaalang-alang at nakabatay sa plano ng seksyon at distrito. Kaya sa pagtatasa, binibigyan natin ng pansin ang epekto at impluwensya ng gabay at atas mula rito at ang pangkalahatang pagkilos sa saklaw ng munisipalidad o seksyon.
Ang ating pagsusuri sa isang bagay ay dapat ding mag-ukol ng pansin sa pag-aaral ng mga bahaging bumubuo nito. Magiging mas buo, malaman at malalim ang ating pag-unawa sa bagay, nakukumpirma ang mga panimulang kongklusyon at naiiwasan ang pahapyaw na mga kongklusyon.
Sa ating pagtatasa, halimbawa, di dapat na basta na lamang sabihing mahusay sa kalahatan ang takbo ng pagkilos. Dapat pansinin sa pagsusuri ang pagkilos ng iba’t ibang grupo at ang paggampan ng iba’t ibang gawain sa edukasyon, organisasyon at pagmomobilisa sa masa. Sa gayon, mas malinaw, malaman at makatotohanan ang ating pagsusuri sa naging pagtupad ng plano o programa.
Isa pang halimbawa, sa pagtatasa sa gawaing masa sinusuri natin ang katangian ng bawat grupong pang-organisa, at ang latag ng gawain sa bawat sityo o bahagi ng baryo. Ang gayong pagsusuri sa mga bahaging bumubuo ng bagay na pinag-aaralan ang makapagbibigay sa atin ng buong larawan nito.
7. Paano nagbabago ang isang bagay?
May kontradiksyon mula sa simula hanggang matapos ang bagay. Mahalagang pag-aralan kung paano umunlad ang kontradiksyon sa buong proseso ng pag-unlad ng bagay, para maunawaan o masapol ang katangian ng bagay at paano umuunlad ito.<span style='mso-spacerun:yes'> Ang pag-unlad ng mga bagay ay nagdaraan sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago.
Sa simula, ang isang aspeto ng kontradiksyon ay mas malakas at nakakapangibabaw sa kabilang aspeto. Ang nangingibabaw na aspeto ang nagtatakda ng batayang kalikasan ng bagay. Malakolonyal at malapyudal ang katangian ng bayang Pilipinas, halimbawa, dahil pinaghaharian ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mamamayan.
Pero hindi tigil ang katayuang ito. Walang-humpay na nagtutunggalian ang dalawang aspeto. Patuloy na nagbabago ang anyo at lakas ng bawat kasalungat. At patuloy na nagbabago ang anyo at tindi ng kanilang pagtutunggalian, minsa’y tago, minsa’y litaw. Ito ang tinatawag na antas ng kantitatibong pagbabago, isang antas na parang hindi nagbabago ang bagay. Ang mapapansin lamang natin, kung mayroon man, ay ang maliliit na mga pagbabago sa porma o panlabas na kaanyuan ng bagay. Sa buong antas na ito, hindi nagbabago ang pusisyon ng mga aspeto.
Sa Pilipinas halimbawa, ang tunggalian ng mga uri ay namamalas sa maraming mga pagbabago sa porma tulad ng pagdami ng walang hanap-buhay, pagdami ng mga welga at iba pang pakikibakang masa, paglakas ng hukbong bayan at iba pa. Patuloy na nilalabanan ng mamamayan ang pagsasamantala at pang-aapi. Patuloy na pinapatindi ng naghaharing uri ang pagsasamantala at pang-aapi, at ang panunupil at panlilinlang sa mamamayan. Nagbabago ang tindi ng tunggalian, nagbabago ang timbangan ng lakas, pero hindi nagbabago ang katangian ng lipunan. Wala pang nagaganap na pagbabago sa batayang relasyon ng mga uri sa lipunan. Kaya nananatili ang kalikasang malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino.
Nagkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa bagay kapag nagpalit ng pusisyon ang dalayang aspeto. Sa patuloy na paglakas ng dating sekundaryong aspeto at paghina ng prinsipal at pabulusok na aspeto, aabot ang panahon na ang dating sekundaryo pero pasulong ang mangingibabaw at ang dating prinsipal ang pangingibabawan. Ito ang tinatawag na antas ng kalitatibong pagbabago. Ang pagpapalitan ng posisyon ng pangingibabaw ng magkasalungat na aspeto ay mamamalas sa isang igpaw na nagbabago sa kalikasan ng bagay. Itatakda na ngayon ng bagong nangingibabaw na aspeto ang kalikasan ng bagay.
Bunga ng pagbabago sa timbangan ng lakas, darating ang kalitatibong pagbabago sa kasalukuyang lipunang Pilipino pagkapanalo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang mga uring dating naghahari, nang-aapi at nagsasamantala ay siya ngayong paghaharian, at ang mga uring dating pinaghaharian, inaapi at pinagsasamantalahan ang siya ngayong maghahari. Magkakaroon ng pagbabago sa kalikasan ng lipunang Pilipino, pati na ng saligang mga pagbabago sa anyo pulitika, ekonomya at kultura ng bayan.
Kailangang suriin kung saan nagsisilbi ang kantitatibong pagbabago. Ang mga kantitatibong pagbabago na naglilingkod at nagpapalakas sa prinsipal na aspeto ay hindi hahantong sa kalitatibong pagbabago. Ang mga kantitatibong pagbabago naman na naglilinkod at nagpapalakas sa sekundaryong aspeto ang hahantong sa kalitatibong pagbabago.
Tignan natin halimbawa ang reporma. Magkaiba ang repormismo sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa reporma. Ang una’y nagtataguyod lamang ng, at nagkakasya sa, ilang paimbabaw na pagbabago nang hindi nakikibaka para sa pagbabago sa saligang kaayusan, at bagkus ay nakakatulong sa pagpapanatili nito. Samantalang ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa reporma, habang nagtataguyod ng kagyat na pagbabago ay nagpapalakas sa rebolusyonaryong hanay, at nakatumbok at nagsisilbi sa rebolusyonaryong pagbabago. Ang kaibahang ito ay makikita sa layunin at paraan ng pagdadala ng isyu at pakikibaka, halimbawa, ng pagpapataas ng presyo ng produkto ng magsasaka, o sa paglaban sa pagtaas ng presyo ng langis. Repormismo ang magkasya sa partikular na kahingian nang hindi inilalantad ang ugat ng suliraning nabanggit at ang papel ng estado rito.
Dagdag pa, nalilinaw sa atin ng pag-unawa sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago kung ano ang mga pangangailangan at mga kalagayan para maganap ang kalitatibong pagbabago ng bagay o pangyayari.
Halimbawa, sa pagbubuo ng unyon sa pabrika kailangang tantyahin kung ang antas ng pagpupukaw at pag-oorganisa sa mga manggagawa ay sapat na, o hindi pa sapat, upang hayagang ipaglaban na ang pagtatatag ng unyon. Gayon din, kailangang tantyahin kung sapat na ang lakas ng samahang magsasaka para sa pagharap sa kampanya sa pagpapababa sa upa sa lupa. Kapag hindi wastong nasuri ang bagay na ito, masusubo sa labanang hindi pa kakayanin, sa isang banda, o dili kaya’y mag-aatubiling pumasok sa mga laban na kaya at dapat nang isulong.
Isa pang halimbawa. Sa proseso ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan, hakbang-hakbang na nag-iipon ng lakas ang rebolusyonaryong mga pwersa habang pinapahina ang reaksyunaryong mga pwersa. Kailangan makamit nito ang antas ng lakas pampulitika at militar na bumaling na ang timbangan ng lakas bago maagaw ang kapangyarihang pampulitika. Ang paghahangad ng dagliang tagumpay militar nang hindi pa nakakamit ang pagbabagong ito ay tiyak na hahantong sa kabiguan.
Itinuturo sa atin ng pag-unawa kung paano nagbabago ang isang bagay, ang pagdaan nito sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago, ang masusing pagsusuri sa pagbabago sa anyo at lakas ng bawat kasalungat, sa pagbabago sa anyo at tindi ng kanilang tunggalian, sa aksyon at ganting-aksyon ng bawat isa sa kasalungat; pag-unawa sa kaibahan ng kantitatibo at kalitatibong pagbabago; pagkilala kung ang kantitatibong pagbabago ay tutungo sa kalitatibong pagbabago; at sa pag-unawa sa mga pangangailangan at kalagayan para maganap ang kalitatibong pagbabago.
8. Paano nalulutas ang isang kontradiksyon?
Sa pagkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa pagpapalitan ng posisyon ng prinsipal at sekundaryong aspeto ng kontradiksyon, nagbabago na ang kalikasan ng isang bagay. Nawawala ang kondisyon sa pag-iral ng dating magkasalungat na aspeto at nagwawakas ang lumang bagay. Sumisibol naman ang bagong kontradiksyon at bagong bagay. Sa sandaling mangibabaw ang bagong aspeto sa luma, ang lumang bagay ay nagbabago ng kalidad at nagiging bagong bagay.
Halimbawa, magbabago ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino sa pagtagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan, sa paggapi sa armadong kapangyarihan ng imperyalismong U.S., malaking komprador burges at malaking panginoong maylupa. Ang nabanggit na nabubulok at reaksyunaryong aspeto na dating nangingibabaw sa buong lipunang Pilipino ay nagiging sekundaryo, at ang dating pinapangibabawang aspeto—ang sambayanang Pilipino, sa rebolusyonaryong pamumuno ng uring manggagawa at ng partido nito, ang siyang mangingibabaw. Sa pagpapalit ng lugar ng dalawang aspeto ng kontradiksyon sa lipunang Pilipino, nagbabago na sa saligan ito mula sa pagiging malakolonyal at malapyudal, at sumisibol bilang sosyalistang lipunan.
Isa pang halimbawa, sa paglutas ng kontradiksyon sa pagitan ng panginoong maylupa at magsasaka, isinusulong ang rebolusyong agraryo. Kapag naipatupad na ang maksimum na programa ng reporma sa lupa, nalulutas ang kontradiksyon, nawawasak ang kapangyarihan ng panginoong maylupa at napapawi ang pyudalismo. Sumisibol naman ang suliranin sa pagpapaunlad ng kooperasyon at kolektibisasyon sa agrikultura.
Bahagi ng pag-aaral natin sa kung paano nalulutas ang kontradiksyon ang pag-alam sa paraan ng paglutas nito. Ang tunggaliang magkaiba sa kalidad ay malulutas sa kalitatibong magkaibang paraan. Naitatakda ng katangian ng kontradiksyon ang paraan ng paglutas nito. Halimbawa, ang tunggalian sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mga magsasaka ay malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo; ang tunggalian sa pagitan ng imperyalista, malaking komprador burges at panginoong maylupa sa isang banda at ng mamamayan sa kabila ay malulutas sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang tunggalian naman sa pagitan ng magsasaka at manggagawang bukid ay malulutas sa pamamagitan ng pagpapataas ng sahod sa balangkas ng pakikibaka laban sa pyudalismo; at ang tunggalian sa hanay ng mamamayan ay malulutas sa pamamagitan ng paglilinaw sa tama at mali.
Ang ating sinusuri ay ang mga bagay na patuloy na gumagalaw, umuunlad, at nagbabago. Ang pag-unawa natin kung gayon sa kung paano nagbabago ang mga bagay ay napakahalaga upang makagawa ng wastong pagsusuri. Ating baliktanawin. Lahat ng bagay ay nagbabago at ang dahilan ng pagbabago ay nasa loob nito, nasa kontradiksyon, nasa tunggalian ng magkasalungat na aspeto na bumubuo nito, na umiiral sa buong proseso mula simula hanggang wakas nito. Ang mga panlabas na bagay ay nakakaimpluwensya rito at tumatayong kalagayan sa pagbabago nito. Itinatakda ng prinsipal na aspeto ng kontradiksyon ang kalikasan ng bagay. Ang karaniwang bagay ay kumplikado at binubuo ng maraming kontradiksyon, at ang prinsipal na kontradiksyon ang nakakapagtakda ng pangunahing katangian ng bagay na iyon. Walang humpay na nagtutunggalian ang magkasalungat na aspeto at dumadaan sa panahon ng dahan-dahan at kantitatibong pagbabago. Unti-unting lumalakas ang pinangingibabawang aspeto at humihina ang nangingibabaw na aspeto hanggang umigpaw at magpalitan ng pwesto ang dalawa. Ito ang antas ng kalitatibong pagbabago, ang pagbabago sa kalikasan ng bagay. Nalulutas ang kontradiksyon. At nagsisimula naman ang bagong kontradiksyon at bagong bagay.
Itinuturo ng ganitong pag-unawa natin sa paggalaw at pagbabago ng mga bagay ang wastong paraan ng pagsusuri - ang pagbabatay sa kongkreto, ang “paghahati ng isa sa dalawa”, ang paglilinaw kung alin ang panloob at panlabas, ang pag-aaral sa lahat ng mga kontradiksyong bumubuo ng isang kumplikadong bagay, ang pagtukoy sa prinsipal na kontradiksyon at sa prinsipal na aspeto ng kontradiksyon upang matukoy ang kalikasan ng bagay, ang pagtukoy sa prinsipal at sekundaryong mga kontradiksyon at ugnayan at pag-unlad nila; pagtukoy sa prinsipal at sekundaryong aspeto ng bawat kontradiksyon, at paano sila nagtutunggalian; paano nagaganap ang kantitatibong pagbabago ng bagay at ang pagbabago sa kalidad nito at kalitatibong pagbabago ng bagay, at paano nagbabago ang kalidad nito; paano isinasaalang-alang ang ugnayan ng kabuuan at bahagi; at paano nalulutas ang kontradiksyon at sumisibol ang bagong bagay o kontradiksyon. Sa gayon, mauunawaan natin hindi lamang ang kalikasan at esensya ng bagay, kundi pati kung paano ito babaguhin. Sa maiksing salita, sa kabuuan, itinuturo nito sa atin ang diwa ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan.