Ang Limang Gintong Silahis ay binubuo ng sumusunod na maigsing artikulo:
Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng Bundok
Tungkol sa mga Maling Kaisipan sa Loob ng Partido
Isinulat ang mga ito ni Kasamang Mao Zedong sa panahong inilulunsad ng mamamayang Tsino, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina, ang kanilang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Sa maiikling akdang ito, malinaw na nailarawan ni Kasamang Mao ang paninindigan, pananaw at mga pamamaraan ng pag-iisip at paggawa na dapat taglayin ng bawat rebolusyonaryo para mahusay na matupad ang kanyang mga tungkulin. Kaalinsabay, tinukoy ang pangunahing mga di-rebolusyonaryong kaisipan at gawi, at ang mga paraan ng pagbaka at pagwawasto sa mga ito.
Bagamat isinulat ang mga ito sa iba't ibang pagkakataon mula 1929 hanggang 1945, sa ibang bayan, at para sa mga rebolusyonaryong Tsino na naglulunsad ng kanilang pambansa-demokratikong rebolusyon, ang mga aral na mahahango rito ay tulad ng gintong di kumukupas at di nawawalan ng halaga sa pagdaan ng panahon, saanmang lugar dalhin.
Sa buong panahon ng pakikibaka ng api at pinagsasamantalahang mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo, pyudalismo at lahat ng reaksyon, nagsisilbing makapangyarihang tanglaw ang Limang Gintong Silahis kaninumang nais magpanibagong-hubog, mapahusay ang pagtupad ng tungkulin, mapalakas ang organisasyon, at maisulong ang rebolusyon.
Sa ganitong diwa at layunin pinag-aaralan natin, mga rebolusyonaryong Pilipino, ang mga artikulong ito. Dapat paulit-ulit na basahin at pag-aralan ng mga indibidwal at kolektibo ang Limang Gintong Silahis. Sa pag-aaral dito, dapat pagsikapang maging buhay ang pag-aaral sa pamamagitan ng mahigpit na pag-uugnay dito sa sariling mga karanasan.
Ang dating Aralin I ay inilakip sa hulihan ng Limang Gintong Silahis. Inamyendahan ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga paliwanag sa ilang nakahanay na tanong at nagdagdag din ng ilang mga tanong para maidiin pa ang ilang punto at usapin kaugnay ng mga rebolusyonaryong aktitud. Magagamit itong pantulong sa pag-aaral sa mga artikulo ni Mao sa Limang Gintong Silahis.
Setyembre 8, 1944
(Ang talumpating ito ay binigkas ni Kasamang Mao Zedong sa isang pulong ng paggunita kay Kasamang Chang Szu-teh na idinaos ng mga kagawarang tuwirang nasa ilalim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.)
Ang ating Partido Komunista at ang Hukbo ng Ikawalong Ruta at Bagong Ikaapat ng Hukbo na kapwa pinamumunuan ng ating Partido ay mga batalyon ng rebolusyon. Ang mga batalyon nating ito ay ganap na nakalaan sa pagpapalaya ng sambayanan at lubusang naglilingkod sa kapakananng sambayanan. Si Kasamang Chang Szu-teh1 ay dating nasa hanay ng mga batalyong ito.
Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ayon sa sinaunang manunulat na Tsinong si Szuma Chien, “Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao, ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay o higit na magaan kaysa balahibo.”2 Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Tay, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo. Si Kasamang Chang Szu-teh ay namatay alang-alang sa sambayanan at ang kanyang kamatayan ay higit na mabigat nga kaysa Bundok Tay.
Kung may mga pagkukulang man tayo, hindi natin ikinatatakot na matukoy at mapuna ang mga ito sapagkat naglilingkod tayo sa sambayanan. Ang bawat isa, sinuman siya, ay maaaring pumansin sa ating mga pagkukulang. Kung tama siya’y iwawasto natin ang mga ito. Kung makabubuti sa sambayanan ang kanyang mungkahi, ito’y ating ipatutupad. Ang idea ng “mas mahusay na hukbo at mas simpleng pangangasiwa” ay iniharap ni G. Li Ting-ming,3 isang di-Komunista. Nagharap siya ng mainam na mungkahing nakabubuti sa mga mamamayan, kaya sinunod natin ito. Kung sa kapakanan ng sambayanan ay ipagpapatuloy natin ang paggawa ng tama at pagwawasto ng mali, tiyak na uunlad ang ating hanay.
Tayo’y nagmula sa iba’t ibang sulok ng bayan at nagbuklud-buklod para sa iisang layuning rebolusyonaryo. Kailangang makasama natin ang malawak na nakararami sa mga mamamayan sa landas patungo sa layuning ito. Ngayo’y pinamumunuan na natin ang mga baseng may kabuuang 91 milyong mamamayan,4 ngunit hindi ito sapat; mas marami pa ang kailangan natin upang mapalaya ang buong bansa. Sa panahon ng kahirapan, huwag nating kaligtaan ang ating mga tagumpay, tanawin natin ang maaliwalas na kinabukasan at pag-ibayuhin ang ating katapangan. Ang sambayanang Tsino ay naghihirap; tungkulin nating iligtas sila at dapat tayong magpunyagi sa pakikibaka. Saanman may pakikibaka ay may pagpapakasakit at ang kamatayan ay isang karaniwang pangyayari. Nguni’t taus-puso nating isinasaalang-alang ang kapakanan ng sambayanan at ang paghihirap ng lubos na nakararami, at kung tayo’y mamatay alang-alang sa sambayanan, iyon ay marangal na kamatayan. Gayunman, dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang maiwasan ang mga di-kinakailangang pagpapakasakit. Ang ating mga kadre ay dapat magmalasakit sa bawat kasama at ang lahat ng mamamayan sa hanay ng rebolusyon ay dapat magmalasakit sa isa’t isa, magmahalan at magtulungan.
Magmula ngayon, kung sa ating hanay ay may mamatay na isang nakagawa ng kapaki-pakinabang na bagay, maging kawal man siya o kusinero, dapat natin siyang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang akmang seremonya sa paglilibing at pulong ng paggunita. Ito ay nararapat na maging alituntunin. At ito’y dapat ding ipagawa sa mga mamamayan. Kung may mamatay sa nayon, ipadaos ang isang pulong ng paggunita. Sa ganitong paraan, maipadarama natin ang pagluluksa para sa yumao at mapagbubuklod ang buong sambayanan.
1 Si Kasamang Chang Szu-teh ay naging kawal sa Rehimiyento ng mga Taliba ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina. Siya’y kasapi ng Partido Komunista na buong tapat na naglingkod sa kapakanan ng sambayanan, umanib sa rebolusyon noong 1933, lumahok sa Mahabang Martsa at nasugatan habang naglilingkod. Noong ika-5 ng Setyembre 1944, habang gumagawa ng uling sa mga bundok ng bayang Ansai sa hilagang Shensi, siya ay nasawi nang biglang gumuho ang isang hurno.
2 Si Szuma Chien, tanyag na mananalaysay na Tsino noong ikalawang siglo bago sumilang si Kristo, ay may-akda ng Mga Talang Pangkasaysayan. Ang siniping pangungusap na ito ay nagmula sa kanyang “Sagot sa Liham ni Jen Shao-ching”.
3 Si Li
Ting-ming, isang mulat na panginoong maylupa na taga-hilagang
4 Ito ang kabuuang populasyon noon ng Hanggahang Purok ng Shensi-Kansu-Ningsia at lahat ng iba pang Pinalayang Purok sa hilaga, gitna at timog Tsina.
Hunyo 11, 1945
(Ito ang talumpating pangwakas ni Kasamang Mao Zedong sa Ikapitong Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina.)
Matagumpay ang ating idinaos na kongreso. Tatlong bagay ang ating nagawa. Una, pinagpasyahan natin ang linyang ito ng Partido: walang takot na pakilusin ang masa at palakihin ang mga sandatahang lakas ng mga mamamayan upang sa pamumuno ng ating Partido ay magapi nila ang mga mananalakay na Hapones, mapalaya ang buong sambayanan at itayo ang isang bagong demokratikong Tsina. Pangalawa, pinagtibay natin ang bagong Saligang Batas ng Partido. Pangatlo, inihalal natin ang namumunong organo ng Partido—ang Komite Sentral. Simula ngayon, ang tungkulin natin ay pamunuan ang lahat ng kasapi sa pagpapatupad ng linya ng Partido. Ang isinagawa natin ay isang kongreso ng tagumpay, isang kongreso ng pagkakaisa. Napakahusay ng mga puna ng mga kinatawan tungkol sa tatlong ulat. Maraming kasama ang pumuna sa sarili; pagkakaisa ang kanilang layunin at natamo ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpuna sa sarili. Ang kongresong ito ay huwaran ng pagkakaisa, ng pagpuna-sa-sarili at ng demokrasya sa loob ng Partido.
Pagkatapos nitong kongreso, marami sa mga kasama ang tutungo sa kani-kanilang takdang tungkulin at sa iba’t ibang larangan sa digmaan. Mga kasama, saanman kayo magtungo, dapat ninyong ipalaganap ang linya ng kongreso at sa pamamagitan ng mga kasapi ng Partido ay ipaliwanag ito sa malawak na masa.
Ang ating layunin sa pagpapalaganap ng linya ng Partido ay buuin ang tiwala ng buong Partido at ng buong sambayanan sa tiyak na tagumpay ng rebolusyon. Nararapat muna nating itaas ang kamulatang pampulitika ng mga nasa unang hanay upang sila’y magpakatatag, huwag matakot sa pagpapakasakit, manaig sa lahat ng hirap at nang magkamit ng tagumpay. Ngunit ito ay hindi sapat; nararapat ding pukawin ang kamulatang pampulitika ng buong sambayanan upang maluwag sa kalooban at buong lugod na sumama sila sa atin sa pakikipaglaban para sa tagumpay. Dapat nating papag-alabin ang buong sambayanan sa paniniwalang ang Tsina ay hindi sa mga reaksyonaryo kundi sa sambayanang Tsino. May isang matandang pabulang Tsino na pinamagatang “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng mga Bundok”. Isinasalaysay nito ang tungkol sa isang matandang naninirahan sa hilagang Tsina noong unang panahon, na nakilala sa taguring Matandang Hangal ng Hilagang Bundok. Ang kanyang bahay ay nakaharap sa timog at sa harapan ng pintuan ay nakatayo ang dalawang malalaking bundok, ang Taihang at Wangwu, na nakaharang sa landas. Puno ng determinasyon at hawak ang asarol, pinangunahan niya ang kanyang mga anak na lalaki sa paghukay sa mga bundok na iyon. Isa pang matandang kilala sa taguring Matandang Pantas ang nakakita sa kanila at pakutyang nagsabi, “Kahangalan ang ginagawa ninyong ito. Imposibleng iilan lamang kayo’y mahukay ninyo itong dalawang malalaking bundok!” Ang Matandang Hangal ay sumagot, “Pagpanaw ko ay magpapatuloy ang aking mga anak; pagpanaw nila’y naririyan ang aking mga apo, at pagkatapos ay ang kanilang mga anak at mga apo, at ito’y magpapatuloy nang walang katapusan. Mataas man itong mga bundok, ang mga ito ay hindi na tataas pa; at sa bawat kaunting hukay namin ay gayundin ang ibababa ng mga ito. Bakit hindi namin maaalis ang mga ito?” Matapos pabulaanan ang maling palagay ng Matandang Patas, siya ay nagpatuloy sa paghukay araw-araw at hindi matinag sa kanyang paniniwala. Dito’y naantig ang Diyos at sinugo niya sa lupa ang dalawang anghel na siyang pumasan at nag-alis sa dalawang bundok. Sa kasalukuyan, dalawang malalaking bundok ang buong bigat na nakapatong sa balikat ng sambayanang Tsino. Ang isa ay ang imperyalismo at ang isa naman ay ang pyudalismo. Ang Partido Komunista ay matagal nang nakapagpasyang hukayin ang mga ito. Dapat tayong magpunyagi at walang humpay na gumawa, at tayo man ay aantig din sa puso ng Diyos. Ang ating Diyos ay walang iba kundi ang masa ng sambayanang Tsino. Kapag sila’y tumindig at naghukay kasama natin, bakit hindi natin maaalis ang dalawang bundok na ito?
Kahapon, sa pakikipag-usap ko sa dalawang Amerikanong paalis patungong Estados Unidos, sinabi kong pilit tayong winawasak ng pamahalaan ng Estados Unidos at ito’y hindi natin mapahihintulutan. Tinututulan natin ang patakaran ng pamahalaan ng Estados Unidos na magbigay ng tulong kay Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista. Ngunit dapat nating pag-ibahin, una’y ang mga mamamayan ng Estados Unidos at ang kanilang pamahalaan, at pangalawa’y ang mga tagabalangkas ng patakaran sa loob ng pamahalaan ng Estados Unidos at ang kanilang mga tauhan. Sinabi ko sa dalawang Amerikanong iyon, “Sabihin ninyo sa mga tagabalangkas ng patakaran sa inyong pamahalaan na pinagbabawalan namin kayong mga Amerikanong pumasok sa mga Pinalayang Purok sapagkat ang patakaran ninyo’y tulungan si Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista, kaya dapat kaming mag-ingat. Makapupunta kayo sa mga Pinalayang Purok kung ang layunin ninyo ay labanan ang Hapon, ngunit dapat munang may kasunduan. Hindi namin kayo mapahihintulutang makialam kahit saan. Ngayong lantarang ipinahayag ni Patrick J. Hurley1 ang pagtutol sa pakikipagtulungan sa Partido Komunista ng Tsina, bakit nais pa ninyong pumarito at maglibot sa aming mga Pinalayang Purok?”
Ang patakaran ng pamahalaan ng Estados Unidos na tumulong kay Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista ay nagpapamalas ng kawalang-hiyaan ng mga reaksyonaryo sa Estados Unidos. Ngunit ang lahat ng pakana ng mga reaksyonaryo, Tsino man o dayuhan, na naglalayong pigilin ang mga mamamayang Tsino sa pagkakamit ng tagumpay ay tiyak na mabibigo. Ang mga puwersang demokratiko ay siya ngayong pangunahing agos sa daigdig, samantalang ang reaksyon ay isa lamang pasalungat na agos. Tinatangkang daigin ng reaksyonaryong pasalungat na agos ang pangunahing agos ng pambansang kasarinlan at demokrasyang bayan, ngunit kailanma’y hindi ito magiging pangunahing agos. Ngayon ay may tatlo pang malalaking kontradiksyon sa lumang daigdig na malaon nang tinukoy ni Stalin: una, ang kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado at burgesya sa mga bayang imperyalista; pangalawa, ang kontradiksyon sa pagitan ng iba’t ibang bayang imperyalista; at pangatlo, ang kontradiksyon sa pagitan ng mga bayang kolonyal at mala-kolonyal sa isang panig at mga metropolitanong bayang imperyalista sa kabilang panig.2 Ang tatlong kontradiksyong ito ay hindi lamang patuloy na umiiral kundi lalo pang sumisidhi at lumalaganap. Dahil sa pag-iral at paglaki ng mga ito, darating ang panahon na tiyak na mapapalis ang reaksyonaryo, anti-Sobyet, anti-Komunista at anti-demokratikong pasalungat na agos na umiiral pa ngayon.
Sa mga sandaling ito ay dalawang kongreso ang idinaraos sa Tsina, ang Ikanim na Pambansang Kongreso ng Kuomintang at ang Ikapitong Pambansang Kongreso ng Partido Komunista. Ganap na magkaiba ang layunin ng dalawa: ang layunin ng isa ay lipulin ang Partido Komunista at lahat ng demokratikong puwersa sa Tsina at ibulid ang Tsina sa karimlan; ang layunin naman ng isa ay ibagsak ang imperyalismong Hapones at ang mga alipuris nitong mga piyudal na puwersa ng Tsina, at itayo ang isang bagong demokratikong Tsina at sa gayo’y ihatid ang Tsina tungo sa liwanag. Ang dalawang linyang ito ay magkasalungat. Matatag tayong naniniwala na sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina at sa patnubay ng linya ng Ikapitong Kongreso, ang sambayanang Tsino ay magkakamit ng ganap na tagumpay, samantalang ang kontra-rebolusyonaryong linya ng Kuomintang ay tiyak na mabibigo.
1 Si Patrick J. Hurley, isang reaksyonaryong pulitiko ng Partido Republikano, ay nahirang na embahador ng Estados Unidos sa Tsina sa mga huling araw ng 1944. Noong Nobyembre 1945, siya ay napilitang magbitiw sa tungkulin dahil sa ang pagkatig niya sa anti-Komunistang patakaran ng Kuomintang ay mahigpit na tinutulan ng sambayanang Tsino. Ang lantarang pahayag ni Hurley laban sa pakikipagtulungan sa Partido Komunista ng Tsina ay ginawa noong ika-2 ng Abril, 1945 sa isang panayam-pampahayagan na isinagawa ng Kagawarang Pang-estado ng Estados Unidos sa Washington. Ang dagdag pang impormasyon ay makukuha sa “Bigo ang Duwetong Hurley-Chiang”.
2 J.V. Stalin, Ang mga Pundasyon ng Leninismo.
Disyembre 21, 1939
Si Kasamang Bethune,1 isang kasapi ng Partido Komunista ng Canada, ay humigit-kumulang sa limampung taong gulang nang siya’y ipadala sa Tsina ng Partido Komunista ng Canada at ng Partido Komunista ng Estados Unidos; hindi niya inalintana ang maglakbay ng libu-libong milya upang tulungan tayo sa Digmaang Pagtatanggol Laban sa Hapon. Dumating siya sa Yenan sa tagsibol ng nakaraang taon, nagtrabaho sa Bulubunduking Wutai, at namatay na isang martir habang tumutupad ng tungkulin, bagay na labis nating ipinagdalamhati. Anong diwa itong nag-udyok sa isang dayuhan upang walang pag-iimbot niyang ituring na sarili niyang layunin ang pagpapalaya ng sambayanang Tsino? Ito ay ang diwa ng Internasyunalismo, ang diwa ng Komunismo na dapat matutunan ng bawat Komunistang Tsino. Itinuturo ng Leninismo na ang rebolusyong pandaigdig ay magtatagumpay lamang kung ang proletaryado ng mga bayang kapitalista ay kakatig sa pakikitunggali para sa pagpapalaya ng mga mamamayan sa mga kolonya at mala-kolonya at kung ang proletaryado ng mga kolonya at mala-kolonya ay kakatig sa pakikipagtunggali para sa pagpapalaya ng mga proletaryado sa mga bayang kapitalista.2 Isinagawa ni Kasamang Bethune ang ganitong linyang Leninista. Tayong mga Komunistang Tsino ay dapat sumunod sa linyang ito sa ating paggawa. Dapat tayong makiisa sa proletaryado ng lahat ng bayang kapitalista, sa proletaryado ng Hapon, Britanya, Estados Unidos, Alemanya, Italya at lahat ng bayang kapitalista, sapagkat sa ganitong paraan lamang maibabagsak ang imperyalismo, mapalalaya ang ating bansa at ang mga mamamayan, at mapalalaya ang mga bansa at mga mamamayan ng daigdig. Ito ang ating internasyunalismo, ang internasyunalismong isinasalungat natin sa makitid na pagkamakabansa at makitid na pagkamakabayan.
Ang diwa ni Kasamang Bethune, ang kanyang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili, ay ipinamalas sa kanyang walang hanggang pagpapahalaga sa kanyang gawain at sa kanyang malaking pagmamalasakit sa lahat ng mga kasama at mga mamamayan. Ang bawat Komunista ay dapat matuto sa kanya. Hindi iilang tao ang iresponsable sa kanilang gawain, higit na nagnanais ng magaan at umiiwas sa mabigat, ipinapasa sa iba ang mabibigat na gawain at pinipili ang gawaing madadali para sa sarili. Sa bawat pagkakataon ay iniisip muna nila ang sarili bago ang iba. Kapag nakagawa ng kaunting tulong ay lumalaki ang kanilang ulo at ipinagyayabang ang nagawa sa takot na baka hindi malaman ng iba. Wala silang malasakit sa mga kasama at sa mga mamamayan, bagkus ay malamig, mapagwalang-bahala at walang sigla. Sa katunayan, ang mga taong ito ay hindi mga Komunista, o kaya’y hindi maituturing na tunay na mga Komunista. Sinumang magbalik mula sa larangan ay nagpapahayag ng paghanga kay Bethune tuwing mababanggit ang kanyang ngalan, at walang hindi naaantig ng kanyang diwa. Sa hanggahang purok ng Shansi-Chahar-Hopei, sa mga kawal na ginamot ni Dr. Bethune o nakakita sa kanyang paggawa ay walang hindi naantig. Dapat matutuhan ng bawat Komunista ang tunay na diwang komunista ni Kasamang Bethune.
Si Kasamang Bethune ay isang doktor, ang sining ng panggagamot ang kanyang propesyon at patuloy niyang pinagbubuti ang kanyang kakayahan na naging bukambibig sa serbisyo medikal ng Hukbo ng Ikawalong Ruta. Ang kanyang halimbawa ay isang mabuting aral sa mga taong nais na magpalit ng kanilang gawain tuwing may nakikita silang bagay na naiiba at sa mga taong naiinis sa gawaing teknikal na ipinapalagay nilang walang kabuluhan o walang magandang hinaharap.
Minsan lamang kami nagtagpo ni Kasamang Bethune. Pagkaraan niyon, madalas siyang sumulat sa akin. Ngunit abalang-abala ako noon at minsan ko lamang siyang sinulatan at ni hindi ko alam kung natanggap niya ang sulat ko. Labis akong nalulungkot sa kanyang pagkamatay. Ngayo’y ginugunita natin siya, bagay na nagpapakitang talagang nabigyang-sigla niya ang lahat. Tayong lahat ay dapat matuto sa kanyang diwa ng ganap na di-pagkamakasarili. Sa pamamagitan ng diwang ito, ang bawat isa ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga mamamayan. Malaki man o maliit ang kakayahan ng isang tao, kung taglay niya ang diwang ito, isa na siyang taong marangal at wagas ang loob, isang taong malinis ang budhi at nakapangingibabaw sa mga bulgar na interes, isang taong kapaki-pakinabang sa sambayanan.
1 Ang tanyag na siruhanong si Norman Bethune ay naging kasapi ng Partido Komunista ng Canada. Noong 1936, nang salakayin ng mga bandidong pasistang Aleman at Italyano ang Espanya, nagtungo siya sa larangan at naglingkod sa mga mamamayang Espanyol na laban sa pasismo. Upang matulungan ang sambayanang Tsino sa kanilang Digmaang Pagtatanggol Laban sa Hapon, pinamunuan niya ang isang pangkat ng manggagamot at nagtungo sa Tsina. Dumating siya sa Yenan nang tagsibol ng 1938. Hindi nagtagal ay nagtungo siya sa hanggahang purok ng Shansi-Chahar-Hopei. Taglay ang maalab na diwa ng internasyonalismo at ang dakilang diwa ng komunismo, pinaglingkuran niya ang hukbo at mga mamamayan ng mga Pinalayang Purok nang halos dalawang taon. Nalason ang kanyang dugo habang nag-oopera siya ng mga sugatang kawal at bunga nito’y namatay siya sa Tangshien, Hopei noong ika-12 ng Nobyembre 1939.
2 J.V. Stalin, Ang mga Pundasyon ng Leninismo.
Setyembre 7, 1937
Naninindigan tayo sa masiglang tunggaliang pang-ideolohiya sapagkat ito ang sandatang tumitiyak sa pagkakaisa sa loob ng Partido at sa mga rebolusyonaryong organisasyon para sa kapakanan ng ating pakikipaglaban. Dapat gamitin ng bawat Komunista at rebolusyonaryo ang sandatang ito.
Ngunit tinatangihan ng liberalismo ang tunggaliang pang-ideolohiya at pinaninindigan nito ang di-makaprinsipyong kapayapaan, kung kaya ito’y nagbubunga ng pag-iisip na bulok at pilisteyo at nagiging dahilan ng pampulitikang pag-urong sa ilang yunit at tao sa loob ng Partido at sa mga rebolusyonaryog organisasyon.
Ang liberalismo ay napakikita sa iba’t ibang paraan.
1. Magpalampas sa mga bagay-bagay alang-alang sa kapayapaan at pagkakaibigan kapag ang isang tao ay maliwanag na nagkamali at umiwas sa makaprinsipyong pangangatwiran sapagkat siya ay isang matagal nang kakilala, isang kababayan, isang kamag-aral, isang matalik na kaibigan, isang minamahal, isang malaon nang kasamahan o isang malaon nang tauhan. O kaya’y banggitin ang usapin nang pahapyaw sa halip na talakayin ito nang lubusan upang mapanatili ang mabuting pagsasamahan. Dahil dito, ang organisasyon at ang indibidwal ay kapwa napipinsala. Ito ay isang tipo ng liberalismo.
2. Magpakalulong sa mga iresponsableng pamumuna nang sarilinan sa halip na masiglang magharap ng mga mungkahi sa organisasyon. Tumahimik sa harap ng tao subalit magtsismis sa kanilang likuran, o tumahimik sa harap ng isang pulong at magdadaldal pagkatapos. Hindi man lang iginalang ang mga prinsipyo ng kolektibong pamumuhay at sa halip ay sumunod sa sariling hilig. Ito ay ikalawang tipo.
3. Palampasin ang mga bagay-bagay kung hindi sangkot ang sarili; magsalita nang babahagya hanggat maaari gayong tiyak na nalalaman kung ano ang pagkakamali, magpakatuso at maniguro at umiwas lamang na mabagsakan ng sisi. Ito ay ikatlong tipo.
4. Sumuway sa mga kautusan at sa halip ay ipagmalaki ang sariling palagay. Humingi ng natatanging konsiderasyon ng organisasyon ngunit tumanggi sa disiplina nito. Ito ay ikapat na tipo.
5. Magpakasasa sa atakeng personal, maghanap ng away, magbulalas ng sariling galit o maghiganti sa halip na makipangatwiran at makitunggali laban sa mga maling palagay alang-alang sa pagkakaisa o kaunlaran o maayos na pagsasakatuparan ng gawain. Ito ay ikalimang tipo.
6. Makarinig ng maling palagay na hindi sinasagot ang mga ito at makarinig pa ng mga kontra-rebolusyonaryong pahayag nang hindi iniuulat ang mga ito, at sa halip ay pakinggan ang mga ito nang buong kapanatagan na parang walang anumang nangyari. Ito ay ikanim na tipo.
7. Maparoon sa masa at kaligtaang magsagawa ng propaganda at ahitasyon o kaya’y magsalita sa mga pulong o gumawa ng pagsisiyasat at pagtatanong sa kanila, at sa halip ay ipagwalang-bahala sila at magpakitang walang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, at makalimot na ang sarili ay isang Komunista at kumilos na parang karaniwang di-Komunista. Ito ay ikapitong tipo.
8. Makitang ipinapanganib ng isang tao ang kapakanan ng masa at hindi pa makaramdam ng pagngingitngit, o kaya’y pagpayuhan o pigilin siya o makipagpaliwanagan sa kanya, at sa halip ay pabayaan siyang magpatuloy. Ito ay ikawalong tipo.
9. Gumawa nang matamlay at walang tiyakk na balak, o patutunguhan; gumawa nang pawalang-bahala at magpabasta-basta—“Hanggat mongha ka’y patugtog ka na lang nang patugtog ng kampana.” Ito ay ikasiyam na tipo.
10.Ipalagay na ang sarili’y nakapaglingkod na nang malaki sa rebolusyon, magmalaki sa pagiging isang beterano, mamuhi sa maliit na gawain samantalang hindi naman kaya ang malalaking tungkulin, at maging padaskul-daskol sa gawain at tamad sa pag-aaral. Ito ay ikasampung tipo.
11.Mabatid ang sariling mga kamalian ngunit hindi magpunyaging iwasto ang mga iyon at maging liberal sa sarili. Ito ay ikalabing-isang tipo.
Marami pa tayong masasabi. Ngunit ang labing-isang ito ang mga pangunahing tipo. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng liberalismo.
Ang liberalismo ay lubhang nakapipinsala sa rebolusyonaryong kolektiba. Ito ay kalawang na kumakain sa pagkakaisa, bumubuwag sa pagkakabuo, nagiging sanhi ng pagwawalang-bahala at lumilikha ng kaguluhan. Dahil dito’y nawawala sa rebolusyonaryong hanay ang matibay na pagkakabigkis at mahigpit na disiplina, hindi maisakatuparan ang mga patakaran at nahihiwalay ang mga organisasyon ng Partido mula sa masang pinangungunahan ng Partido. Ito ay isang napakasamang tendensiya.
Ang liberalismo ay bunga ng petiburges na pagkamakasarili, inuuna nito ang sariling kapakanan at ipinapangalawa lamang ang kapakanan ng rebolusyon, at ito’y nagbibigay-daan sa liberalismo sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Itinuturing ng mga taong liberal na abstraktong dogma ang mga alituntunin ng Marxismo. Sinasang-ayunan nila ang Marxismo, ngunit hindi naman handang isagawa ito o isagawa ito nang lubos; hindi sila handang palitan ng Marxismo ang kanilang liberalismo. Taglay ng mga taong ito ang kanilang Marxismo, ngunit taglay pa rin nila ang kanilang liberalismo—nagsasalita sila ng Marxismo ngunit nagsasagawa ng liberalismo; inilalapat nila ang Marxismo sa iba ngunit liberalismo naman sa sarili. Itinatago nila ang dalawang uri ng kagamitang ito at nakakakita ng akmang paggagamitan ng bawat isa. Ganito ang takbo ng isip ng ilang tao.
Ang liberalismo ay pagpapakita ng oportunismo at pundamental na salungat sa Marxismo. Ito ay negatibo, at obhetibong tumutulong sa kaaway; kung kaya’t ikinatutuwa ng kaaway ang pananatili nito sa ating hanay. Sapagkat ganyan ang katangian nito, hindi ito dapat magkaroon ng puwang sa hanay ng rebolusyon.
Dapat nating gamitin ang Marxismong may positibong diwa upang mapagtagumpayan natin ang liberalismo na mayroon namang negatibong diwa. Ang isang Komunista ay dapat magtaglay ng malawak na pag-iisip, dapat siyang maging matatag at masigasig; dapat niyang ituring na pinakabuhay niya ang kapakanan ng rebolusyon at ipailalim ang personal na kapakanan sa kapakanan ng rebolusyon; kailanman at saanman ay dapat siyang manindigan sa simulain at magbunsod ng walang-pagod na pakikitunggali sa lahat ng maling kaisipan at kilos, upang mapatatag ang kolektibong pamumuhay ng Partido at mapatibay ang pagkakabuklod ng Partido at ng masa; dapat niyang pagmalasakitan ang Partido at ang masa nang higit kaninuman; at pagmalasakitan ang iba nang higit sa sarili. Sa gayon lamang siya maituturing na Komunista.
Ang lahat ng tapat, tunay, masigasig at matuwid na Komunista ay dapat magkaisa upang labanan ang tendensyang maging liberal na ipinakikita ng ilang taong kasama natin, at akayin sila sa tamang landas. Isa ito sa mga tungkulin sa ating larangang pang-ideolohiya.
Disyembre 1929
(Ang artikulong ito ay isang resolusyong sinulat ni Kasamang Mao Tse-tung para sa Ikasiyam na Kongreso ng Partido ng Ikaapat na Pulang Hukbo. Ang pagbubuo ng sandatahang lakas ng mga mamamayan ng Tsina ay napakahirap. Ang Pulang Hukbo ng Tsina (na naging Hukbo ng Ikawalong Ruta at Bagong Ikaapat na Hukbo noong Digmaang Pagtatanggol Laban sa Hapon at ngayo’y Hukbong Mapagpalaya ng Bayan na) ay nilikha noong Agosto 1, 1927, noong Pag-aalsa sa Nanchang. Nang sumapit ang Disyembre 1929, mahigit na itong dalawang taon. Sa panahong iyon, malaki ang natutuhan at napakayamang karanasan ang nakuha ng organisasyon ng Partido Komunista sa Pulang Hukbo sa pakikibaka nito laban sa iba’t ibang maling kaisipan. Ang karanasang iyon ay nilagom ng resolusyong ito. Dahil dito’y nabuo ang Pulang Hukbo sa tanging batayan ng Marxismo-Leninismo at napawi ang lahat ng hibo ng mga lumang tipong hukbo. Bukod sa Ikaapat na Hukbo ay ganito rin ang sunud-sunod na isinagawa ng iba pang yunit ng Pulang Hukbo; dahil dito’y naging isang tunay na hukbo ng mga mamamayan ang buong Pulang Hukbo ng Tsina sa lahat ng bagay. Sa nakaraang mahigit na 30 taon, ang sandatahang lakas ng mga mamamayan ng Tsina ay lubusang umunlad at gumawa ng pagbabago sa mga pagkilos at gawaing pampulitika ng Partido, na ngayo’y ibang-iba na kung mamalasin, bagamat ang saligang linya ay katulad pa rin ng linyang ipinahayag sa resolusyong ito.)
Sa organisasyon ng Partido Komunista sa Ikaapat na Pulang Hukbo ay ay umiiral ang iba’t ibang di-proletaryong kaisipan na lubusang nakasasagabal sa pagsasagawa ng wastong linya ng Partido. Kung hindi puspusang iwawasto ang mga kaisipang ito, hindi maisasabalikat ng Ikaapat na Hukbo ang mga tungkuling iniatas dito sa dakilang rebolusyonaryong pakikibaka ng Tsina. Mangyari pa, kaya nagkaroon ng ganitong mga maling kaisipan sa organisasyong ito ng Partido ay sapagkat ang karamihan ng mga kasapi sa mga saligang yunit ay mga magsasaka at iba pang elementong galing sa petiburgesya; gayunman, umiral at lumaki na rin ang mga iyon sapagkat hindi naglunsad ang mga namumunong organo ng Partido ng magkakaugnay at puspusang pakikibaka laban sa mga maling kaisipang iyon at hindi nito itinuro sa mga kasapi ang wastong linya ng Partido. Alinsunod sa diwa ng liham ng Komite Sentral noong Setyembre, inilalahad na ngayon nitong kongreso kung paano nakikita ang iba’t ibang kaisipang di-proletaryo sa organisasyon ng Partido sa Ikaapat na Hukbo, gayundin ang pinagmumulan at ang mga paraan ng pagwawasto sa mga ito. Tinatawagan ang mga kasama na lubusang pawiin ang mga ito.
Malubhang-malubha na ang lantay na pananaw-militar sa ilang mga kasama sa Pulang Hukbo. Nakikita ito sa mga sumusunod:
1. Itinuturing ng mga kasamang ito na magkasalungat ang usaping militar at ang pulitika, at ayaw nilang tanggapin na ang usaping militar ay isa lamang paraan upang matupad ang mga tungkuling pampulitika. Sinabi pa ng ilan, “Kung mahusay ka sa militar, natural na mahusay ka sa pulitika; kung hindi ka mahusay sa militar, hindi ka pakikinabangan sa pulitika”—ang ganito’y higit na malubhang palagay at pagbibigay pa nga sa usaping militar ng mas mahalagang papel kaysa pulitika.
2. Sa akala nila, ang tungkulin ng Pulang Hukbo, tulad ng Puting hukbo, ay lumaban lamang. Hindi nila nauunawaang ang Pulang Hukbo ng Tsina ay isang sandatahang pangkat para sa pagpapatupad ng mga tungkulin ng rebolusyon. Lalung-lalo na sa kasalukuyan, ang Pulang Hukbo ay talagang hindi dapat magkasya sa paglaban lamang; bukod sa paglaban upang puksain ang lakas-militar ng kaaway, dapat nitong isabalikat ang mahahalagang tungkulin na gaya ng pagpopropaganda sa masa, pag-oorganisa sa masa, pagsasandata sa kanila, pagtulong sa kanila sa pagtatatag ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika at sa pagtatayo ng mga organisasyon ng Partido. Ang Pulang Hukbo ay lumalaban hindi upang lumaban lamang kundi upang magsagawa ng propaganda sa masa, organisahin sila, sandatahan sila, at tulungan silang makapagtatag ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika. Kung wala ang mga layuning ito, ang pakikilaban ay mawawalan ng kahulugan at ang Pulang Hukbo ay mawawalan ng dahilang manatili pa.
3. Kaya naman, sa organisasyon ay ipinaiilalim ng mga kasamang ito ang mga kagawaran ng Pulang Hukbo na tumutupad ng gawaing pampulitika sa mga kagawarang tumutupad ng gawaing militar, at inihaharap ang islogang “Hayaang ang Himpilan ng Hukbo ang humawak sa mga usaping panlabas”. Kung pababayaang lumubha, ang kaisipang ito ay hahantong sa panganib na mawalay sa masa, makontrol ng hukbo ang pamahalaan at malayo sa proletaryong pamumuno—ang ganito’y pagtahak sa landas ng pamamanginoong-militar, tulad ng ginawa ng hukbong Kuomintang.
4. Kaalinsabay nito, sa gawaing propaganda ay kinaligtaan nila ang kahalagahan ng mga pangkat ng propaganda. Tungkol sa suliranin ng organisasyong pangmasa, kinaligtaan nila ang pag-oorganisa ng mga komite ng mga kawal sa hukbo at ang pag-oorganisa sa mga manggagawa at magsasaka sa pook. Bunga nito’y napapabayaan ang gawaing pampropaganda at gawaing pang-organisasyon.
5. Lumalaki ang kanilang ulo kapag nananalo sa labanan at nawawalan naman ng loob kapag natatalo.
6. Makasariling departmentalismo—iniisip lamang nila ang Ikaapat na Hukbo at hindi nila nababatid na ang isang mahalagang tungkulin ng Pulang Hukbo ay sandatahan ang masa sa pook. Ang ganito’y pinalaking anyo ng pagpapangkat-pangkat.
7. Palibhasa’y nakapako ang pananaw sa makitid nilang kapaligiran sa Ikaapat na Hukbo, naniniwala ang ilang kasama na wala nang ibang rebolusyonaryong puwersa. Ito ang dahilan ng kanilang labis na pagkahaling sa kaisipang pangangalaga ng puwersa at pag-iwas sa labanan. Ito ay labi ng oportunismo.
8. Ang ilang kasama, na hindi nagsasaalang-alang sa mga kalagayang suhetibo at obhetibo, ay may sakit na rebolusyonaryong kapusukan; ayaw nilang magtiyaga sa masusi at maingat na gawain sa piling ng masa, bagkus ay nais lamang gumawa ng malalaking bagay, palibhasa’y puno ng maling haka-haka. Ito ay labi ng putsismo.1
Ang mga sumusunod ang siyang pinanggagalingan ng lantay na pananaw-militar:
1. Mababang kamulatang pampulitika. Dito nagmumula ang hindi pagkilala sa ginagampanang papel ng pamumunong pampulitika sa hukbo at ang hindi pagkilala sa pundamental na kaibhan ng Pulang Hukbo at Puting hukbo.
2. Ang kaisipan ng upahang kawal. Marami sa mga nabihag sa nakaraang mga labanan ang sumapi sa Pulang Hukbo, at dala ng ganitong mga elemento ang kapansin-pansing pananaw ng upahang kawal, kaya nagkakaroon ng saligan ang lantay na pananaw-militar sa mabababang baitang.
3. Mula sa dalawang naunang dahilan ay sumusulpot ang ikatlo, ang labis na pagtitiwala sa lakas-militar at kawalan ng pagtitiwala sa lakas ng masa ng sambayanan.
4. Ang hindi puspusang pag-asikaso at pagtalakay ng Partido sa gawaing militar ay isa ring dahilan ng paglitaw ng lantay na pananaw-militar sa hanay ng ilang kasama.
Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang sumusunod:
1. Itaas ang kamulatang pampulitika sa Partido sa pamamagitan ng pag-aaral, kitlin ang ugat na panteorya ng lantay na pananaw-militar at linawin ang pundamental na kaibhan ng Pulang Hukbo sa Puting hukbo. Kaalinsabay nito’y pawiin ang mga labi ng oportunismo at putsismo at lansagin ang makasariling seksyonismo sa Ikaapat na Hukbo.
2. Pag-ibayuhin ang pagsasanay na pampulitika ng mga pinuno at kawal, lalung-lalo na ang pag-aaral ng mga dating bihag. Kaalinsabay nito, hanggat maaari ay hayaang pumili ang mga lokal na pamahalaan ng mga manggagawa at magsasakang may karanasan sa pakikibaka na isasapi sa Pulang Hukbo, upang sa organisasyon ay mapahina o kaya’y mapuksa ang lantay na pananaw-militar.
3. Pakilusin ang mga lokal na organisasyon ng Partido upang punahin nila ang mga organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo at pakilusin din ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng masa upang punahin nila ang Pulang Hukbo mismo, nang sa gayo’y maimpluwensyahan ang mga organisasyon ng Partido at mga pinuno at kawal ng Pulang Hukbo.
4. Dapat na aktibong asikasuhin at talakayin ng Partido ang gawaing militar. Ang lahat ng gawain ay dapat munang talakayin at pagpasiyahan ng Partido bago isagawa ng mga kasapi.
5. Gumawa ng mga batas at alituntunin para sa Pulang Hukbo na magtatakda sa mga tungkulin nito, para sa kaugnayan ng aparatong militar sa aparatong pampulitika, sa kaugnayan ng Pulang Hukbo sa masa ng sambayanan, at sa kapangyarihan at tungkulin ng mga komite ng kawal at sa kaugnayan ng mga ito sa mga organisasyong pangmilitar at pampulitika.
Sapul nang tanggapin ng Ikaapat na Hukbo ng Pulang Hukbo ang mga direktiba ng Komite Sentral, nabawasan nang malaki ang pagpapakita ng ultrademokrasya. Halimbawa, mahusay-husay na ngayong isinasagawa ang mga kapasyahan ng Partido; at wala na ngayong naghaharap ng mga maling kahilingan, tulad ng kahilingang dapat isagawa ng Pulang Hukbo “ang demokratikong sentralismo mula sa ibaba pataas” o kaya’y dapat nitong “tulutang talakayin muna ng mga nasa mababang antas ang lahat ng suliranin bago pagpasyahan ng mga nasa mataas na antas”. Ngunit sa katunayan, ang pagkabawas na ito ay pansamantala at mababaw lamang at hindi nangangahulugang napawi na ang kaisipang ultrademokratiko. Sa madaling sabi, malalim pa ang pagkakaugat ng ultrademokrasya sa isipan ng maraming kasama. Masdan ang iba’t ibang pagpapakita ng bantulot na pagtupad sa mga kapasyahan ng Partido.
Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang sumusunod:
1. Sa larangan ng teorya, kitlin ang ugat ng ultrademokrasya. Una, dapat ipakita na ang ultrademokrasya ay mapanganib sapagkat pinipinsala o ganap na winawasak pa nito ang organisasyon ng Partido at pinapanghina o ganap na sinisira pa nito ang kakayahan ng Partido sa pakikibaka, kaya hindi makayang gampanan ng Partido ang mga tungkulin nito sa pakikibaka, bagay na nagiging dahilan ng pagkatalo ng rebolusyon. Pangalawa, dapat ipakita na ang pinagmulan ng labis na demokrasya ay ang makasariling pagkamuhi ng petiburgesya sa disiplina. Kapag dinala ang ganitong ugali sa Partido, ito ay nagiging mga kaisipan ng ultrademokrasya sa larangan ng pulitika at organisasyon. Ang mga kaisipang ito ay hinding-hindi naaangkop sa mga tungkulin sa pakikibaka ng proletaryado.
2. Sa larangan ng organisasyon, tiyaking may demokrasya sa ilalim ng sentralisadong pamumuno. Dapat itong gawin sa mga sumusunod na paraan:
(a) Upang mapatunayan nilang sila ang sentro ng pamunuan, ang mga namumunong organo ng Partido ay dapat magbigay ng wastong linya ng pamamatnubay at humanap ng mga kalutasan kung sumusulpot ang mga suliranin.
(b) Dapat na malamang mabuti ng mga mataas na organo ang pamumuhay ng masa at ang kalagayan sa mababang organo upang magkaroon ng obhetibong batayan ng wastong pamumuhay.
(k) Walang organisasyon ng Partido sa anumang antas ang dapat gumawa ng mga di-tiyak na kapasyahan sa paglutas ng mga suliranin. Kapag napagkasunduan na ang isang kapasyahan, dapat itong mahigpit na ipatupad.
(d) Ang lahat ng mahahalagang kapasyahan ng mga nakatataas na organo ng Partido ay dapat na ipabatid agad sa mga nakabababang organo at sa mga karaniwang kasapi ng Partido. Ito’y magagawa sa pamamagitan ng pagtawag ng mga pulong ng mga aktibista o ng mga pangkalahatang pulong ng mga kasapi ng mga sangay ng Partido at maging ng mga kolum2 (kung ipinahihintulot ng kalagayan) at sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga tao na mag-ulat sa mga pulong.
(e) Dapat masusing talakayin ng mga nakabababang organo ng Partido at ng mga karaniwang kasapi ng Partido ang mga direktiba ng mga nakatataas na organo upang maunawaan nang lubusan ang katuturan ng mga ito at mapagpasyahan kung paano ipatutupad ang mga ito.
Ang pagsuway sa disiplinang pang-organisasyon sa organisasyon ng Partido sa Ikaapat na Hukbo ay nakikita sa mga sumusunod na paraan.
A. Ang hindi pagsunod ng kakaunti sa nakararami. Halimbawa, kapag ang mungkahi ng kakaunti ay natalo sa botohan, hindi nito isinasagawa nang tapat ang mga kapasyahan ng Partido.
Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:
1. Sa mga pulong, ang lahat ng kalahok ay dapat na pahintulutang magpahayag nang lubusan, hanggat maaari, ng kanilang mga palagay. Ang mali at tama sa anumang pinagtatalunan ay dapat linawin nang hindi nakikipagkompromiso o nagbibigay ng pahapyaw na paliwanag. Upang magkaroon ng malinaw na kapasyahan, ang anumang hindi malutas sa isang pulong ay dapat talakayin sa isa pang pulong, kung hindi makaaabala sa gawain.
2. Ang isa pang kailangan sa disiplina ng Partido ay ang pagsunod ng kakaunti sa nakararami. Kung ang palagay ng kakaunti ay hindi pinagtibay, dapat nitong katigan ang kapasyahang pinagtibay ng nakararami. Kung kinakailangan, sa susunod na pulong ay maaari nitong iharap ang usapin upang muling isaalang-alang; subalit bukod dito, sa paano’t paano man ay hindi dapat kumilos nang labag sa kapasyahan.
B. Pamumuna nang hindi isinasaalang-alang ang disiplina ng organisasyon:
1. Ang punahan sa loob ng Partido ay isang sandata para mapalakas ang organisasyon ng Partido at mapag-ibayo ang kakayahan nitong makibaka. Gayunman, sa organisasyon ng Pulang Hukbo, hindi laging ganito ang katangian ng pamumuna, at kung minsan pa’y nagiging pag-atakeng personal. Bunga nito, napipinsala ang organisasyon ng Partido at gayundin ang mga kasapi. Ito ay isang tanda ng indibidwalismong petiburges. Maiwawasto ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kasapi ng Partido upang maunawaan nila na ang layunin ng pamumuna ay ang pag-ibayuhin ang kakayahan ng Partido sa pakikibaka tungo sa ikapagtatamo ng tagumpay sa tunggalian ng mga uri; hindi ito dapat gamiting paraan ng pag-atakeng personal.
2. Maraming kasapi ng Partido ang pumupuna hindi sa loob kundi sa labas ng Partido. Ito’y sapagkat hindi pa nauunawaan ng mga karaniwang kasapi ang kahalagahan ng organisasyon ng Partido (ang mga pulong nito at iba pa), at hindi nila nakikita ang kaibhan ng pagpuna sa loob at pagpuna sa labas ng organisasyon. Ang pagwawasto ay magagawa sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kasapi ng Partido upang maunawaan nila ang kahalagahan ng organisasyon ng Partido at upang punahin nila ang mga Komite ng Partido o ang mga kasama sa mga pulong ng Partido.
Ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay minsang naging napakalubha sa Pulang Hukbo. Narito ang ilang halimbawa. Tungkol sa paluwag sa mga sugatang kawal, may mga tumututol sa ginagawa nating pag-iiba-iba sa mga malubhang kaso at sa mga di naman gaanong malubha; may humiling na pagpantayin ang paluwag para sa lahat. Kapag sakay ng kabayo ang mga pinuno, ang tingin dito’y hindi bilang bagay na kailangan sa pagtupad sa tungkulin kundi bilang tanda ng di-pagkakapantay-pantay. May humiling na pagpantay-pantayin ang pamamahagi ng panustos, at may tumutol sa pagbibigay ng malaki-laking bahagi para sa mga espesyal na kaso. Sa paghahakot ng bigas, may humiling na ang dapat pasanin ng lahat, anuman ang edad o kakayahan ng katawan, ay pare-parehong bigat. May humiling ng pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ng matitirhan, at ang Himpilan ay binabatikos sapagkat mas malalaking silid ang ginagamit nito. May humiling na pagpantay-pantayin ang pagtatakda ng mabibigat na tungkulin, at mayroon pang ayaw gumawa nang marami-rami nang kaunti kaysa ibang tao. Humantong pa ito sa pagkakataon na kapag may dalawang sugatang kawal at iisa lamang ang istretser, walang mabubuhat sapagkat ayaw magbigayan ang dalawa. Tulad ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay napakalubha pa sa hanay ng mga pinuno at mga kawal ng Pulang Hukbo.
Ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay, tulad ng ultrademokrasya sa mga suliraning pampulitika, ay bunga ng isang ekonomyang panggawaing-kamay at pangmaliit na magsasaka—ang kaibhan lamang ay nakikita ang isa (absolutong pagkakapantay-pantay) sa mga usaping materyal samantalang ang isa naman (ultrademokrasya) ay nakikita sa mga usaping pampulitika.
Ang paraan ng pagwawasto: Dapat nating ipakita na bago mapawi ang kapitalismo, ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay isa lamang maling haka-haka ng mga magsasaka at maliliit na may-ari, at maging sa sosyalismo ay hindi maaaring magkaroon ng absolutong pagkakapantay-pantay, sapagkat ang mga bagay ay ipamamahagi alinsunod sa simulaing “mula sa bawat isa ayon sa kanyang kakayahan, tungo sa bawat isa ayon sa kanyang nagawa” at alinsunod din sa pagtugon sa mga hinihingi ng gawain. Ang pamamahagi ng mga materyal na pangangailangan sa Pulang Hukbo, humigit-kumulang, ay dapat maging pantay, tulad ng pantay na sahod sa mga pinuno at kawal, sapagkat ito ay hinihingi ng kasalukuyang kalagayan ng pakikipaglaban. Ngunit ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay na hindi makatwiran ay dapat tutulan sapagkat ito ay hindi hinihingi ng pakikipaglaban, bagkus ay nagiging sagabal pa sa pakikipaglaban.
Sa hanay ng ilang kasapi ng Partido ay umiiral din nang may kalubhaan ang suhetibismo. Malaking pinsala ang ginagawa nito sa pagsusuri ng kalagayang pampulitika at sa pagpatnubay sa gawain. Ito’y sapagkat ang suhetibong pagsusuri sa isang kalagayang pampulitika at ang suhetibong pagpatnubay sa gawain ay tiyak na hahantong sa oportunismo o sa putsismo. Tungkol sa suhetibong pamumuna, walang pakundangan at walang batayang usapan o paghihinala, ang mga gawaing ito sa loob ng Partido ay madalas pagmulan ng di-makaprinsipyong alitan at nakapagpapahina sa organisasyon ng Partido.
Isa pang puntong dapat banggitin kaugnay ng pamumuna sa loob ng Partido ay ito: kinaliligtaan ng ilang kasama ang mahahalagang isyu at itinutuon ang pansin sa maliliit na bagay kapag sila’y pumupuna. Hindi nila nauunawaan na ang pangunahing tungkulin ng pamumuna ay ilantad ang mga kamaliang pampulitika at pang-organisasyon. Tungkol sa mga personal na pagkukulang, kung ang mga ito ay hindi kaugnay ng mga pagkakamaling pampulitika at pang-organisasyon, hindi na kailangang magpakalabis sa pagpuna o manghiya ng mga kasamang kinauukulan. Bukod dito, kapag lumala ang ganitong pamumuna, may panganib na itutuon ng mga kasapi ng Partido ang kanilang pansin sa maliliit na kamalian lamang, at ang bawat isa’y magiging mahiyain at labis na maingat at makalilimot sa mga tungkuling pampulitika ng Partido.
Ang pangunahing paraan ng pagwawasto ay turuan ang mga kasapi ng Partido upang mamayani sa kanilang isipan at buhay-pampartido ang diwang maka-pulitika at siyentipiko. Upang matamo ito ay dapat nating:
(1) ituro sa mga kasapi ng Partido ang paggamit ng Marxista-Leninistang paraan ng pagsusuri ng kalagayang pampulitika at pagtimbang sa mga puwersang makauri sa halip ng suhetibong pagsusuri at pagtimbang;
(2) ituon ang pansin ng mga kasapi ng Partido sa pagsisiyasat at pag-aaral ng lipunan at ekonomya upang malaman ang mga taktika sa pakikibaka at paraan ng paggawa at upang matulungan ang mga kasama na maunawaan na kung walang pagsisiyasat sa mga tunay na kalagayan ay mabubulid sila sa hukay ng guni-guni at putsismo; at
(3) sa pagpuna sa loob ng Partido, pag-ingatan ang pagiging suhetibo, ang pagiging di-makatwiran at ang pagsasapalasak ng pamumuna; ang mga pahayag ay dapat ibatay sa katotohanan at ang pamumuna ay dapat ituon sa pulitika.
Ang tunguhin sa indibidwalismo sa organisasyon ng Pulang Hukbo ay makikita sa mga sumusunod na paraan:
1. Pagganti. Pagkaraang mapuna ng isang kawal sa loob ng Partido, ang ilang kasama ay naghahanap ng pagkakataong makaganti sa labas ng Partido at isang paraan ang pambubugbog o pag-alimura sa kasamang nabanggit. Hinangad din nilang gumanti sa loob ng Partido. “Pinuna mo ako sa pulong na ito, kaya sa susunod na pulong hahanap ako ng paraan upang makaganti sa iyo.” Sa ganitong pagganti ay personal lamang ang mga dahilan, bagay na nagbubunga ng paglimot sa kapakanan ng uri ng Partido sa kabuuan. Ang pakay ng pagganting ito ay hindi ang kaaway na uri, kundi ang mga tao sa sarili nating hanay. Ito ay kalawang na sumisira sa organisasyon at nagpapahina sa kakayahan nitong makibaka.
2. Kaisipang “maliit na grupo”. Pinagmamalasakitan ng ilang kasama ang kapakanan ng sarili nilang maliit na grupo lamang at kinaliligtaan ang pangkalahatang kapakanan. Bagamat kung mamasdan ay waring hindi ito pagpansin sa personal na kapakanan, sa katotohanan ay halimbawa ito ng pinakamakitid na indibidwalismo at nagiging sanhi ng pagkasira at pagkawatak-watak ng organisasyon. Minsa’y naging laganap ang kaisipang “maliit na grupo”, at kahit may kaunti nang pagbabago bunga ng pamumuna, mayroon pa ring mga labi at kailangan pa ang ibayong pagsisikap upang ito’y mapawi.
3. Ang kaisipang “empleyado”. Hindi nauunawaan ng ilang kasama na ang Partido at ang Pulang Hukbo na kinasasaniban nila ay kapwa kasangkapan sa pagtupad ng mga tungkulin ng rebolusyon. Hindi nila nababatid na sila mismo ang tagapaglikha ng rebolusyon, at inaakalang ang pananagutan nila’y sa mga taong nakatataas lamang sa kanila at hindi sa rebolusyon. Ang pasibong kaisipang ito ng pagiging “empleyado” ng rebolusyon ay nagpapakita rin ng indibidwalismo. Makikita rito kung bakit kakaunti ang mga aktibistang naglilingkod nang walang pasubali sa rebolusyon. Kung ito’y hindi papawiin, ang mga aktibista ay hindi dadami at ang bigat ng rebolusyon ay mananatiling pasan-pasan ng iilan lamang, bagay na makapipinsala sa pakikibaka.
4. Ang paghahanap ng aliw. Sa Pulang Hukbo ay marami-rami rin ang mga taong nagpapahayag ng kanilang indibidwalismo sa paghahanap ng aliw. Lagi nilang iniisip na sana’y pumasok ang kanilang yunit sa malalaking lunsod. Gusto nilang pumunta roon hindi upang gumawa kundi upang magpasarap. Ayaw na ayaw nilang gumawa sa mga Pulang Purok sapagkat doo’y mahirap ang buhay.
5. Kawalang-sigasig. Ang ilang kasama ay nawawalan ng sigasig at tumitigil sa paggawa tuwing may susulpot na hindi nila gusto. Ang pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng pag-aaral datapwat kung minsan naman, ang may kasalanan ay ang pamunuan, sapagkat hindi maayos ang ginagawa nitong pag-aasikaso sa mga suliranin, pagbibigay ng gawain o pagpapatupad ng disiplina.
6. Ang pagnanais na umalis sa hukbo. Dumarami ang mga taong humihinging malipat mula sa Pulang Hukbo para sa gawaing lokal. Ang dahilan nito ay hindi nakasalalay lamang sa mga taong ito kundi gayundin sa: (1) kahirapang materyal ng pamumuhay sa Pulang Hukbo, (2) matinding pagod pagkaraan ng matagal na pakikilaban, at (3) hindi maayos na pag-asikaso ng pamunuan sa mga suliranin, sa pagbibigay ng gawain o sa pagpapatupad ng disiplina.
Ang pangunahing paraan ng pagwawasto ay pag-ibayuhin ang pag-aaral upang maiwasto ang indibidwalismo sa larangan ng ideolohiya. Ang pangalawa’y asikasuhin ang mga suliranin, magtakda ng mga gawain at ipatupad ang disiplina sa maayos na paraan. Bukod dito’y dapat ding humanap ng paraan ng pagpapabuti sa materyal na pamumuhay ng Pulang Hukbo, at bawat pagkakataon ay dapat gamitin sa pagpapahinga at pagpapanauli ng lakas at kalusugan upang mapabuti ang materyal na kalagayan. Sa ating mga gawaing pang-edukasyon, dapat nating ipaliwanag na ang indibidwalismo, sa pinagmulan nito sa lipunan, ay palatandaan sa loob ng Partido ng mga kaisipang petiburges at burges.
Ang ideolohiyang pampulitika ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag ay lumitaw sa Pulang Hukbo sapagkat maraming bagamundo sa Pulang Hukbo at sapagkat malaki ang masa ng mga bagamundo sa Tsina, lalung-lalo na sa mga lalawigan sa katimugan. Ang ideolohiyang ito ay nakikita sa mga sumusunod na paraan: (1) Nais ng ilan na palawakin ang ating impluwensyang pampulitika sa pamamagitan lamang ng pagkilos ng gerilyang lagalag, subalit ayaw naman nilang palakasin ang impluwensyang ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga base at pagtatatag ng kapangyarihang pampulitika ng mga mamamayan, sapagkat ang ganito’y mahirap gawin. (2) Sa pagpapalawak ng Pulang Hukbo, ang ilan ay sumusunod sa linyang “umupa ng tao at bumili ng kabayo” at “paanibin ang mga takas na kawal at tanggapin ang mga nagsiaklas”3 sa halip na sa linya ng pagpapalawak ng lokal na Pulang Taliba at mga lokal na tropa nang sa gayo’y mapaunlad ang mga pangunahing puwersa ng Pulang Hukbo. (3) Ang ilan ay walang tiyagang ipagpatuloy ang mahirap na pakikibaka na kasama ang masa, at nais lamang na magtungo sa malalaking lunsod upang magpakasasa sa pagkain at alak. Ang lahat ng pagpapakitang ito ng ideolohiya ng mga rebeldeng lagalag ay malaking sagabal sa tumpak na pagtupad ng Pulang Hukbo sa mga tungkulin nito; kaya ang pagpawi nito ay isang napakahalagang layunin sa tunggaliang pang-ideolohiya sa loob ng organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo. Dapat unawain na ang mga gawi ng mga rebeldeng lagalag na katipo nina Huang Chao4 o Li Cuang5 ay hindi mapahihintulutan sa kasalukuyang kalagayan.
Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:
1. Pag-ibayuhin ang pag-aaral, punahin ang mga maling kaisipan, at pawiin ang ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag.
2. Pag-ibayuhin ang pag-aaral ng mga pinakamababang seksyon ng Pulang Hukbo at sa mga bagong anib na bihag upang mabaka ang pananaw na bagamundo.
3. Tanggapin sa hanay ng Pulang Hukbo ang mga masigasig na manggagawa at magsasakang may karanasan na sa pakikibaka upang mabago ang kabuuan nito.
4. Lumikha ng mga bagong yunit ng Pulang Hukbo mula sa masa ng mga militanteng manggagawa at magsasaka.
Ang organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo ay naglulunsad na ng pakikibaka laban sa putsismo, bagamat iyo’y hindi pa sapat. Kaya naman, umiiral pa ang labi ng ideolohiyang ito sa Pulang Hukbo. Nakikita ito sa mga sumusunod: (1) bulag na pagkilos na hindi isinasaalang-alang ang mga kalagayang suhetibo at obhetibo; (2) di-sapat at di-matatag na pagsasagawa ng mga patakaran ng Partido para sa mga lunsod; (3) maluwag na disiplinang militar, lalung-lalo na kapag natatalo; (4) panununog ng ilang yunit sa mga bahay; at (5) pagbaril sa mga takas mula sa hukbo at pagpaparusang pangkatawan, na kapwa nagpapakita ng putsismo. Sa pinagmulan nito sa lipunan, ang putsismo ay pinagsanib na ideolohiyang lumpenproletaryo at petiburges.
Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:
1. Pawiin ang putsismo sa ideolohiya.
2. Iwasto ang mga putsistang asal sa pamamagitan ng mga batas, alituntunin at patakaran.
1 Sa maikling panahon pagkaraang matalo ang rebolusyon noong 1927, lumitaw sa Partido Komunista ang isang tunguhing kaliwang putsismo. Ipinalagay ng mga kasamang putsista na ang rebolusyong Tsino ay “palagiang rebolusyon” at ang rebolusyonaryong kalagayan ay “palagiang sukdulan”, kaya’t ayaw nilang umurong nang maayos; ginamit nila ang mga paraan ng komandismo at umasa sa kakaunting kasapi ng Partido at sa maliit na bahagi ng masa, saka buong kamaliang tinangkang magbunsod ng sunud-sunod na pag-aalsa sa iba’t ibang pook sa buong bayan, na wala namang pag-asang magtagumpay. Naging laganap ang ganitong mga putsistang pagkilos sa huling dako ng 1927 ngunit unti-unting humupa sa simula ng 1928, bagamat nanatili pa sa ilang kasama ang damdaming maka-putsismo.
2 Sa sistemang gerilya ng organisasyon, ang isang kolum ay katumbas ng isang dibisyon sa hukbong regular; ito’y may pantulong na puwersang mas pleksible at kadalasa’y mas maliit kaysa pantulong na puwersa ng dibisyong regular.
3 Ang tinutukoy ng dalawang kasabihang Tsinong ito ay ang paraang ginamit ng ilang rebelde sa kasaysayan ng Tsina upang mapalaki ang kanilang puwersa. Sa paggamit ng mga paraang ito ay higit nilang binibigyang-pansin ang bilang kaysa katangian, at lahat ng klaseng tao ay walang pamimiling kinuha nila upang mapalawak ang kanilang hanay.
4 Si Huang Chao ay pinuno ng mga pagbabangon ng mga magsasaka sa huling dako ng Dinastiyang Tang. Noong 875 A.D., mula sa kanyang tinubuang bayang Tsaochow (ngayo’y bayang Hotse sa lalawigang Shantung), pinamunuan ni Huang ang mga magsasaka sa mga matagumpay na pakikipaglaban sa puwersa ng emperyo at tinagurian niya ang sariling “Heneral na Lumulusob sa Langit”. Sa loob ng sampung taon ay pinasok niya ang karamihan sa mga lalawigan sa lambak ng mga Ilog Dilaw, Yangtse, Huai at Perlas hanggang sa Kwangsi. Sa wakas ay lumusot siya sa pasong Tungkuan at kinuha ang Changan, kabisera ng emperyo (ngayo’y Sian sa lalawigan ng Shensi), at naging Emperador ng Chi. Dahil sa mga alitang panloob at dahil din sa pananalakay ng mga tribong hindi kabilang sa liping Han at kaalyado ng Dinastiyang Tang, si Huang ay napilitang lumisan sa Changan at umurong sa kanyang bayang tinubuan at doo’y nagpatiwakal siya. Ang sampung taong digmaan na kanyang pinamunuan ay isa sa pinakabantog na digmaang pangmagsasaka sa kasaysayan ng Tsina. Ayon sa tala ng mga mananalaysay ng mga dinastiya, “ang lahat ng taong pinahihirapan ng mataas na buwis at pataw ay sumama sa kanya”. Subalit dahil sa pakikidigmang lagalag lamang ang kanyang isinagawa at hindi siya nagtatag ng mga matibay-tibay na baseng purok, ang kanyang mga puwersa ay binansagang “pangkat ng mga rebeldeng lagalag”.
5 Si Li Chuang, palayaw ni Li Tzu-cheng ang Haring Chuang (Ang Haring Humamon sa Lahat), tubo sa Michih ng hilagang Shensi, ay pinuno ng isang himagsikan ng mga magsasaka na nagpabagsak sa Dinastiyang Ming. Nagsimula ang himagsikan sa hilagang Shensi noong 1628. Sumanib si Li sa puwersang pinamumunuan ni Kao Ying-hsiang at kumilos sa Honan at Anhwei, at saka nagbalik sa Shensi. Pagkamatay ni Kao noong 1636, si Li ang humalili sa kanya at naging Haring Chuang. Kumilos si Li sa loob at labas ng mga lalawigang Shensi, Szechuan, Honan at Hupeh. Sa wakas ay nakuha niya ang Peking na kabisera ng emperyo noong 1644, at kapagkuwa’y nagpakamatay ang kahuli-hulihang emperador ng Dinastiyang Ming. Ang pangunahing islogang pinalaganap niya sa masa ay “Katigan ang Haring Chuang at huwag nang magbayad ng buwis na ani”. Ayon naman sa isa pang islogang ginamit niya upang ipatupad ang disiplina sa kanyang mga tauhan: “Anumang pamamaslang ay pagpatay sa aking ama at anumang panggagahasa ay paghalay sa aking ina”. Sa gayo’y kinatigan niya ang masa at ang kanyang kilusan ay naging pangunahing agos ng mga pagbabangon ng mga magsasaka na nagliyab sa buong bayan. Palibhasa’y naglagalag din siya at hindi man lamang nagtayo ng mga matibay-tibay na base, siya ay tuluyang natalo ni Wu San-kuei, isang taksil na heneral ng Dinastiyang Ming na nakipagsabwatan sa mga tropa ng Dinastiyang Ching upang sama-samang salakayin si Li.
H H H H H
1. Bakit pinakamahalaga at susing usapin para sa bawat
rebolusyonaryo ang tanong na “
Nagmula tayo sa iba’t ibang sulok ng bayan at nagbuklud-buklod para sa iisang layuning rebolusyonaryo. Ano ang layuning ito? Walang iba kundi ang palayain ang sambayanan mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Mulat ang bawat isa sa atin sa tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino. Sumapi tayo sa rebolusyonaryong organisasyon at lumalahok sa rebolusyonaryong kilusan para mag-ambag sa pagkakamit ng sambayanan ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.
Ang tanong na “Para kanino?” ay usapin ng saligang rebolusyonaryong paninindigan. Tayo ba ay para sa malawak na masa, ang mahigit pitumpung milyong Pilipino na naghihirap at inaapi? O para sa iilang dayuhang imperyalista, lokal na komprador burges at panginoong maylupang nagsasamantala at nang-aapi? Kapag malinaw nang nasagot ang katanungan na “Para kanino”, ang lahat ng mga pagsisikap, pag-iisip at paggawa ay maitutuon na para sa paglilingkod sa sambayanan at sa kabuuang pagsisikap para mapahina at maibagsak ang mga kaaway.
Bilang mga rebolusyonaryo, ang ating isip, damdamin at gawa ay lubos nating inuukol sa pagkakamit ng tunay na kalayaan ng bayan at demokrasya para sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Sa bawat pagkakataon, sa bawat kilos, ang tugon ng rebolusyonaryo sa tanong na “Para kanino?” ay iisa lamang: para sa masang api at pinagsasamantalahan. Ito ang pinakaubod ng rebolusyonaryong paninindigan.
2. Bakit ang palaging pagsasaalang-alang sa interes at kapakanan ng sambayanan ay buung-pusong paglilingkod sa kanila?
Buong-puso nating mapaglilingkuran ang sambayanan kapag lagi nating isinasaalang-alang ang kapakanan ng sambayanan at ang paghihirap ng lubos na nakararami at itinatanim sa dibdib ang malalim na pagkamuhi sa mga kaaway. Ang paninindigan sa mga saligang usapin at mga pagkilos ay dapat pagsikapan na magsulong sa interes ng mamamayan at magpahina sa kaaway sa lahat ng panahon. Dapat maging masigasig sa pag-alam sa mga suliranin at kalagayan ng masa at mahigpit na makisalamuha at makipagkaisa sa kanila para maitaas ang kanilang kamulatan at maisulong ang pagbubuo ng kanilang lakas at organisasyon at maipagtagumpay ang kanilang mga pakikibaka.
Ang buong-pusong paglilingkod sa sambayanan ay nangangahulugan din ito pagwawaksi ng pagkamakasarili, ang pagwawaksi sa pagpapangibabaw sa makitid na pansariling interes sa halip na pangkalahatang interes o interes ng nakararami. Kapag nangingibabaw ang pagkamakasarili, inuuna ng isang tao ang pakinabang, kagustuhan at interes ng sarili o maliit na grupo at isinasantabi o ipinapailalim dito ang interes ng nakararami. Kaya kung tutuusin, nagsisilbi ang pagkamakasarili hindi lamang sa sariling makitid na interes kundi sa interes ng mga reaksyunaryong nagpapanatili at nagpapasasa sa mapagsamantala at mapang-aping sistema.
3. Bakit dapat linangin ng bawat rebolusyonaryo ang aktitud ng walang humpay at ubos-kayang pagpupunyagi sa wastong linya ng demokratikong rebolusyong bayan?
Mga bundok na pinapasan ng masa ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ginagamit ng naghaharing mga uri ang buong kapangyarihan nila para manatili sa poder at lalong mapatindi ang pagsasamantala at pang-aapi nila sa mamamayan. Tanging sa isang rebolusyon mapapalaya ng malawak na masa ng mamamayan ang sarili nila sa tatlong salot ng lipunan.
Ipinapakita ng kasaysayan na ang masa ang tunay na bayani. Ang rebolusyon ay dili iba’t isang marahas na dambuhalang pagkilos ng masa kung saan nag-aalsa sila para ibagsak ang paghahari ng mga uring mapagsamantala at mapang-api, at para itatag ang kanilang kapangyarihan. Wala pang nagaganap na rebolusyon sa lipunang hindi ang masa ang pangunahing pwersang kumikilos para ibagsak ang naghaharing mga uri. At sa kanilang lakas at talino naitatayo ang bagong lipunan. Sila ang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan.
Kailangang pukawin ang masa at itaas ang kanilang kamulatang
pampulitika. Kailangang maipaunawa sa
masa na ang tatlong salot ang tunay na ugat ng kanilang paghihirap, at nasa
nagkakaisang pagkilos nila ang kanilang paglaya. Kailangang matiyagang
maipaliwanag sa kanila ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at
organisahin ang kanilang hanay. Kung
hindi mapupukaw ang masa na kumilos para sa rebolusyon, wala itong mapagkukunan
ng lakas, madali itong madudurog at magagapi ng reaksyon.
Sa pamamagitan ng pagpapalaganap at pagpupunyagi sa linyang ito, nabubuo ang kumpiyansa ng mamamayan sa katumpakan at sa tiyak na tagumpay ng rebolusyon. Sa gayon mapupukaw silang lumahok at makiisa rito, at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para umambag sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa tatlong salot.
Gaano man kalaki at kalakas ang mga kalaban sa ngayon ay tiyak na magagapi ng higit na makapangyarihang nagkakaisang mamamayan. Dapat walang tigil na magpunyagi ang mga rebolusyonaryo sa demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay. Ito ang susing mensahe sa artikulong “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng Bundok”.
4. Bakit kailangan
nating magpanibagong-hubog bilang mga rebolusyonaryo?
Bilang mga rebolusyonaryo, tungkulin nating iayon ang ating isip,damdamin at gawa sa tunay na saligang interes ng sambayanang Pilipino. Pero taglay pa ng bawat isa sa atin ang mga kaisipan, ugali at gawi na laganap sa kasalukuyang bulok na lipunan. Lumaki tayo sa lipunang ito na pinaghaharian ng mga uring mapang-api’t mapagsamantala. Hanggang ngayon, patuloy tayong naiimpluwensiyahan ng mga bulok na kaisipan ng kasalukuyang lipunan. Kaya importanteng tungkulin ng bawat rebolusyonaryo ang pagpapanibagong-hubog sa sarili.
Binabago natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng aktibong rebolusyonaryong pagkilos at mulat na pagbaka sa mga maling kaisipan, ugali at gawi. Kung patuloy tayong gumagampan ng mga gawain sa rebolusyon at mapagbantay sa mga kahinaan at kamalian, napapanday natin ang sarili sa gitna ng unos ng pakikibaka laban sa mga kaaway ng sambayanang Pilipino. Higit tayong tatatag at huhusay sa pagrerebolusyon.
Ang pagbabago natin ng sarili ay hindi matatapos sa loob lamang ng ilang oras o ilang araw. Ito’y mahaba at masalimuot na pakikibaka. Kaya kailangan ang patuloy na pagbaka at pagwaksi sa mga nalalabing impluwensya ng bulok na lipunan. Sa gayon, napahuhusay ang rebolusyonaryong paggawa at napatatatag ang ating determinasyong magpursigi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa tagumpay.
Binabago natin ang ating mga sarili para malinang ang mga saligang rebolusyonaryong aktitud upang mahusay na makapaglingkod sa masa at mabungang makapag-ambag nang ubos-kaya sa rebolusyon. Ang bawat rebolusyonaryo ay dapat maging
· buong-pusong tagapaglingkod ng masa at laging malapit sa masa
· laging handa at walang-takot sa mga sakripisyo’t kamatayan
· seryoso, masinop at masigasig sa pag-aaral at pagtupad ng mga tungkulin
· mapagkaisa at mainit sa pakikitungo sa kapwa rebolusyonaryo
· bukas sa pagtanggap ng mga puna at handang magwasto ng mga kahinaa’t pagkakamali
· internasyunalista
5. Paano pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang mga gawain at tungkulin sa rebolusyon?
Lubos na pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang kanyang mga gawain at tungkulin sa rebolusyon. Alam niyang ang mga rebolusyonaryong gawain at tungkulin ay bahagi ng dakilang misyon para mapalaya ang sambayanan mula sa mga kuko ng pagsasamantala at pang-aapi. Ang lubos na pagpapahalaga sa mga gawain at tungkulin ay pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa interes ng sambayanang Pilipino.
Ano ang palatandaan ng lubos na pagpapahalaga ng rebolusyonaryo sa kanyang mga gawain at tungkulin? Siya ay seryoso at masinop sa pag-aatupag ng kanyang mga gawain. Taglay niya ang ibayong sigla at sigasig sa pagkilos. Lagi siyang handang tumanggap ng anumang gawaing kailangan para isulong ang rebolusyon.
Ang rebolusyonaryo ay seryoso sa kanyang gawain. Para sa kanya, laging nasa unahan at pangunahin ang pag-atupag ng mga rebolusyonaryong gawain at tungkulin. Ang habol niya ay masinop at maayos na trabaho, hindi iyong pabaya at padaskul-daskol na pagkilos. Lagi siyang nag-aaral at naghahanap ng paraan para lutasin ang mga problema at tupdin ang kanyang mga gawain sa pinakamahusay na paraan.
Ang rebolusyonaryo ay masigla at masigasig kung kumilos. Palaging pasulong ang isip at kilos ng rebolusyonaryo dahil ang bawat kilos at hakbang ay ambag sa ating maaliwalas na bukas. Hindi siya nananamlay, nanlulumo o nawawalan ng loob sa harap ng mga problema at kahirapan sa pagkilos. Laging mataas ang diwang militante at palaban, sinusunggaban niya ang lahat ng panahon at pagkakataon sa pagkilos. Kaya naman ang inisyatiba ay tatak ng rebolusyonaryo. May sarili siyang pagkukusa, hindi lamang sa pagtupad ng kanyang mga gawain at tungkulin, kundi maging sa iba pang gawaing nakikita niyang kailangang kagyat na balikatin.
Ang rebolusyonaryo ay laging handang gumampan ng mga gawain at tungkulin. Tinatanggap niya ang bawat gawaing iniaatas sa kanya nang di kinukwenta ang halaga at bigat nito, o ang hirap at sakripisyong kailangan sa paggampan sa mga ito. Hindi siya namimili ng gawain dahil hindi naman niya hanap ang katanyagan o kaluwagan para sa sarili.
6. Ano ang wastong pagtingin sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan?
Kinikilala ng rebolusyonaryo na ang kahirapan, sakripisyo at kamatayan ay di maiiwasang bahagi ng pagpapalaya ng sambayanan. Natural ito sa marahas na labanan ng mga mamamayan at mga naghaharing uri. Natural ito sa isang rebolusyon kung saan ibinabagsak ang kapangyarihan ng imperyalismong E.U., pyudalismo at burukratang kapitalismo. At di lamang natural, ang mga ito’y kailangan para ipaglaban at pangalagaan ang interes ng sambayanan at ng rebolusyon. Puhunan itong kailangan para pawiin ang pang-aapi at pagsasamantala, at itayo ang lipunang tunay na demokratiko at malaya.
Ang rebolusyonaryo ay handa sa kahirapan, mga sakripisyo at maging kamatayan alang-alang sa pakikibaka. Makabuluhan ang pagpapakasakit ng rebolusyonaryo dahil ito’y para sa tagumpay ng rebolusyon. Alam niyang sa kalauna’y babanaag din ang kalayaang malaon na nating minimithi. Sa harap ng panganib at kagipitan, ang kahandaan sa sakripisyo’t kamatayan ay nagbibigay ng tatag at tapang sa rebolusyonaryo na pangalagaan at ipaglaban ang interes ng sambayanan at ng rebolusyon.
Sa panahon ng mga kahirapan at kagipitan hindi kinakalimutan ng mga rebolusyonaryo ang maaliwalas na kinabukasang pinag-uukulan ng mga kahirapan at sakripisyo. Hindi ipagdidilim ng pananaw at ipanghihina ng loob ang mga kagipitan at kahirapan sapagkat ang mga ito ay hagdan patungo sa tunay na kalayaan at demokrasya para sa sambayanan.
Mulat ang katapangan ng rebolusyonaryo. Iniiwasan niya ang di kinakailangang sakripisyo at kamatayan. Hindi siya basta na lamang sumusuong sa panganib sa simpleng dahilang handa naman siyang mamamatay. Pinag-iingatan niya ang buhay at kaligtasan ng masa, ng kapwa rebolusyonaryo at ng sarili.
7. Bakit ang
mamatay na naglilingkod sa sambayanan ay mas mabigat pa sa isang bundok at ang
mamatay na naglilingkod sa mga kaaway ay mas magaan pa sa isang balahibo?
Ang kamatayan ng isang rebolusyonaryo ay isang marangal na kamatayan. Maaaring mamatay ang isang rebolusyonaryo sa iba’t ibang paraan—sa labanan, sa sakit, sa aksidente, sa katandaan. Subalit hindi ang paraan ng kamatayan ang mapagpasya sa katangian ng kanyang kamatayan. Higit sa anupaman, ang bigat ng kanyang kamatayan ay sinusukat ng kanyang buong-pusong pag-aalay ng sarili para sa sambayanan, ng kanyang walang kapagurang paglilingkod sa masa at pagsusulong sa rebolusyon.
Sa kabilang banda, ang kamatayan ng isang naglilingkod sa mga kaaway ay walang karangalan. Ito ay mas magaan pa sa isang balahibo. Sapagkat ang kanyang buhay ay inialay para sa mga nagsasamantala at nang-aapi ay pinatay na rin niya ang kanyang pagkatao at itinapon ang dangal. Para sa masang pinagsasamantalahan at inaapi ang ganitong klaseng kamatayan ay ikinatutuwa at inaalipusta.
8. Ano ang wastong
aktitud sa harap ng mga tagumpay?
Sa harap ng mga tagumpay, dapat matyagan ang kayabangan at arogansya. Dapat maging mapagkumbaba at huwag magpakalasing sa tagumpay. Dapat laging alalahanin ang mahabang landas na lalakbayin at iwasan ang pagkakampante, pagmamadali o pagluluwag.
9. Ano ang wastong pagtingin sa masa?
Ang masa ang sandigan para makamit ang anumang layuning rebolusyonaryo. Sa kanilang angking talino at lakas sumusulong at umuunlad ang lipunan. Ang masa ay balon ng kapangyarihang di magagapi ng anumang pwersang sumasagka sa pagbabago. Para makamit ang kalayaan, demokrasya at kaunlaran, kailangang sumalig at magtiwala sa masa.
Ang rebolusyonaryo ay kumikilala at bumabalikat ng malaking pananagutan sa masa. Tungkulin niyang itaguyod ang interes ng masa, buuin ang mahigpit na pagkakaisa sa masa at himukin sila sa landas ng rebolusyon para mapamalas ang kanilang talino, lakas at kapangyarihan sa rebolusyonaryong pagbabago ng bayan.
Ang pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa pambansa-demokratikong interes ng masa ay nakikita sa kanyang masigasig at responsableng pagkilos sa hanay ng masa. Matiyaga siya sa pagpapaliwanag at pagmumulat sa masa. Walang pagod siya sa pagtulong sa masa na mag-organisa at kumilos para lutasin ang kanilang mga problema at labanan ang kanilang mga kaaway. Ang rebolusyonaryo’y kilalang tunay na lingkod at kaisa sa masa. Maging ang maliliit na pang araw-araw na pangangailangan at problema ng masa ay pinahahalagahan din niya.
Ang pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa pambansa-demokratikong interes ng masa ay matatag na batayan para mabuo ang mahigpit na pagkakaisa ng rebolusyonaryong naglilingkod at ng masang pinaglilingkuran. Pinahahalagahan at itinatangi ng rebolusyonaryo ang pagkakaisang ito. Mapagkaisa at malapit siya sa masa. Ginagamit niya ang lahat ng pagkakataon para tumungo sa hanay ng masa, kumilos at matuto mula sa kanila. Mahigpit niyang iniiwasan ang anumang bagay na labag sa interes ng masa o ang anumang pag-aabuso sa kanilang kabutihan. Nakasisira ito sa pagkakaisa at mahihiwalay ang rebolusyon sa masa.
10. Paano itinuturing ng rebolusyonaryo ang kapwa rebolusyonaryo?
Ang rebolusyonaryo ay mapagkaisa sa kanyang kapwa rebolusyonaryo. Mapagmahal at maaalalahanin siya sa mga kasama. Ang mapagkaisa at mapagmahal na pagtuturingan ng mga rebolusyonaryo ay mahalaga sa pagbubuo at pagpapatatag ng pagkakaisa at lakas ng rebolusyonaryong hanay.
Katangi-tangi ang mapagkaisang pagtuturingan ng mga rebolusyonaryo. Mapagkaisa ang rebolusyonaryo sa kanyang mga kasama, maging yaong hindi pa niya masyadong kilala, yaong hindi pa niya kapalagay o kaopinyon, o yaong nakagawa ng pagkakamali at gusto namang magbago. Madaling naiisasantabi o naaalpasan ang maliliit na di pagkakaunawaan dahil pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang pagkakaisa. Ang pag-unawa sa kalagayan ng kanyang kasama at pagsisikap nitong kumilos at maging mahusay na rebolusyonaryo ang inuuna niya.
Maalalahanin at mapagmahal ang rebolusyonaryo sa kanyang mga kasama. Tinutulungan niya ang bawat kasama sa paggampan ng tungkulin at gawain, at sa paglutas ng kanilang mga problema sa pagkilos o sa personal na buhay man. Tinutulungan at binibigyan niya ng suporta ang kanyang kasama na magpanday ng sarili sa gitna ng pakikibaka. Ang kaligayahan at paghihirap ng kanyang kasama ay kaligayahan at paghihirap din ng isang rebolusyonaryo.
11. Ano ang wastong pagtingin sa punahan at pagpuna sa sarili?
Ang mga kahinaan at kamalian ay karaniwang pangyayari sa takbo ng pagkilos ng rebolusyonaryo. Kadalasa’y resulta pa ito ng kakulangan sa karanasan o produkto ito ng maling mga kaisipan at di mahuhusay na ugali na nalalabi pa sa atin. Ngunit handa lagi ang rebolusyonaryo na pangibabawan ang mga ito para mas matatag pa niyang maitaguyod ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanan.
Ang rebolusyonaryo ay handa lagi na punahin ang kanyang mga kahinaan at kamalian. Bukas siya sa mga puna at lagi niyang ipinangingibabaw ang wasto at mabuti para sa sambayanan. Hindi siya tumatanggi o nag-aatubiling magwasto ng mga kahinaan at kamalian. Lagi siyang handang magbago ng sarili para patuloy na mapaglingkuran ang sambayanan.
Ang punahan at pagpuna sa sarili ay isang mabisang paraang kailangan para iwasto ang mga kamalian at pangibabawan ang mga kahinaan. Kailangan ito para patibayin ang pagkakaisa sa loob ng rebolusyonaryong hanay at sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at ng masa. Sa punahan natutukoy at nauugat ang mga kahinaa’t kamalian. Sa gayon, natututo tayo mula sa ating mga kamalian para maiwasan ang mga ito sa hinaharap.
Dapat maging mapagkasama ang pagpupunahan at alinsunod sa diwa ng “gamutin ang pasyente para mailigtas ang maysakit”. Hindi dapat gawing okasyon ang punahan para sa personal na pag-atake o pagganti. Dapat ituon ang punahan sa mga pinakamahahalagang usapin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Kailangan ang regular at palagiang pagdaraos ng punahan at pagpuna sa sarili. Tinitiyak nitong laging nasusuri ang ating pagkilos, patuloy na mapapahusay ang paggawa, mapananatili at mapahihigpit pa ang ating pagkakaisa, at lagi tayong kaisa at malapit sa masa.
12. Ano ang internasyunalismo?
Sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo, dumaranas ng di-mabatang pang-aapi at pagsasamantala ang mamamayan ng iba’t ibang bayan sa buong daigdig sa kamay ng imperyalismo. Mahalaga, kung gayon, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mamamayan ng iba’t ibang bayan sa pakikibaka laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon. Ito ang internasyunalismo.
Tungkulin nating mga rebolusyonaryong Pilipino ang palayain ang bayan mula sa imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino, at lalo na sa pagtatagumpay nito, kaalinsabay na napapahina ang imperyalismo sa buong mundo, kaya’t nakakaambag ito sa pagsulong ng pakikibaka ng mamamayan sa ibang bayan. Gayundin, natutulungan tayo ng mamamayan ng ibang bayan na nakikibaka rin sa imperyalismo at iba pang reaksyunaryo.
Laging isinasaisip ng isang rebolusyonaryo na ang pagtupad niya sa mga gawain sa rebolusyon ay hindi lamang para sa sariling bayan kundi para rin sa bilyun-bilyong masang pinagsasamantalahan at inaapi sa buong daigdig. Sa ganitong pagtingin, ang patriotismo at nasyunalismo—ang pagmamahal sa sariling bayan at bansa—ay tamang naikakawing sa internasyunalismo. Naiiba ito sa makitid na patriotismo o makitid na nasyunalismo, na nagpapahalaga lamang sa interes ng sariling bayan o bansa, at tumitingin sa ibang bayan at ibang mamamayan sa punto de bista lamang ng sariling pakinabang at bentahe.
Internasyunalistang tungkulin natin ang pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyong Pilipino. Ang pagwasak sa kapangyarihan ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri sa Pilipinas ang pinakamahalagang maiaambag natin sa pagpapabagsak sa paghahari ng imperyalismo at iba pang mapagsamantala at mapang-aping uri sa buong mundo.
Hindi natatapos ang internasyunalistang tungkulin natin pagkatagumpay ng demokratikong rebolusyon. Pagkaagaw ng kapangyarihang pulitikal, internasyunalistang tungkulin natin ang pagkonsolida nito, pagtatayo ng demokratikong estado ng bayan, at paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon. Kailangan ding pahigpitin ang pagkakaisa sa mamamayan ng ibang bayan at patuloy na makipagtulungan sa rebolusyonaryo at anti-imperyalistang mga kilusan at organisasyon sa ibang bayan.
13. Anu-ano ang maling mga kaisipan at gawi na nakapipinsala sa interes ng rebolusyon at masa? Paano babaguhin ang mga ito?
(Sa bahaging ito, basahin at talakayin ang bawat bahagi ng artikulong “Bakahin ang Liberalismo” at “Iwasto ang Maling mga Kaisipan sa Loob ng Partido”.)
a. Ano ang liberalismo at bakit kailangang bakahin ito?
Liberalismo ang pag-ayaw o pag-iwas sa aktibong tunggalian sa ideolohiya. Pag-ayaw o pag-iwas ito sa malinaw na pagtukoy kung alin ang tama at rebolusyonaryong mga ideya, patakaran at pagkilos, at alin naman ang mali at di-rebolusyonaryo. Pag-ayaw o pag-iwas ito na itaguyod ang tama at iwaksi ang mali. Dapat bakahin ang liberalismo dahil taliwas ito at inuuk-ok ang prinsipyadong pagkakaisa sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Sa halip, itinataguyod nito ang di-prinsipyadong kapayapaan, ang pag-iral at paglaganap ng mali at di-rebolusyonaryong ng mga ideya, patakaran at kilos.
Sa pangkalahatan, matatag ang pagkakaisa sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mga saligang prinsipyo ng rebolusyon. Gayunman, sa iba’t ibang pagkakataon, at laluna kaugnay ng mga partikular na patakaran at sa pang-araw-araw na pagkilos, lumilitaw ang maling mga kaisipan at kilos. Repleksyon lamang ito ng pag-iral ng tunggalian ng linya, ng tama at mali, at ng pagkakaroon ng mga limitasyon at kahinaan sa hanay ng mga rebolusyonaryo.
Dapat maging mapagmatyag ang bawat rebolusyonaryo sa mga kahinaan at kamaliang ito. Tungkulin ng bawat rebolusyonaryo na laging itaguyod at pagpunyagian ang tama, makipagtunggali sa maling mga ideya at punahin para maiwasto ang maling mga kilos. Ito ang tinatawag nating “aktibong tunggalian sa ideolohiya”. Sa ganitong paraan lamang mapapataas at mapapatibay ang prinsipyadong pagkakaisa sa ating hanay.
b. Anu-ano ang mga anyo ng liberalismo?
Ang liberalismo ay makikita sa sumusunod na tampok na mga kaisipan at gawi:
a). pagpapalampas sa mga kamalian, pag-iwas sa prinsipyadong pangangatwiran dahil malapit sa kasamang nagkamali, o pagbanggit sa usapin nang pahapyaw lamang sa halip na talakayin ito nang lubusan, alang-alang sa kapayapaan o para mapanatili ang mabuting samahan
b). pagpakalulong sa iresponsableng indibidwal na pagpuna sa halip na masiglang iharap ang mga mungkahi sa organisasyon; tumahimik sa harap ng tao pero magtsismis sa kanyang likuran; tahimik sa pulong pero madaldal pagkatapos; sumunod sa sariling hilig sa halip na igalang ang simulain ng kolektibong pamumuhay
k). palampasin ang mga bagay-bagay kung hindi sangkot ang sarili; magsalita nang babahagya hanggat maaari gayong tiyak na nalalaman kung ano ang pagkakamali, magpakatuso at maniguro at umiwas lamang na mabagsakan ng sisi
d). sumuway sa mga utos at sa halip ay ipagmalaki ang sariling palagay; humingi ng ispesyal ng konsiderasyon ng organisasyon ngunit tumanggi sa disiplina nito
e). magpakasasa sa atakeng personal, maghanap ng away, magbulalas ng sariling galit o maghiganti sa halip na makipangatwiran at makitunggali laban sa mga maling palagay alang-alang sa pagkakaisa o pagpapaunlad o maayos na pagsasakatuparan ng gawain
g). makarinig ng mga maling palagay nang hindi sinasagot ang mga ito at makarinig pa ng mga kontra-rebolusyonaryong pahayag nang hindi iniuulat ang mga ito, at sa halip ay pakinggan ang mga ito nang buong panatag na parang walang anumang nangyari
h). kaligtaang magsagawa ng propaganda at ahitasyon sa masa o kaya’y magsalita sa mga pulong o gumawa ng pagsisiyasat at pagtatanong sa kanila, at sa halip ay ipagwalang-bahala sila at magpakitang walang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, at makalimot na ang sarili ay isang Komunista at kumilos na parang karaniwang di-Komunista
i). makitang inilalagay ng isang tao sa panganib ang kapakanan ng masa at hindi pa makaramdam ng pagngingitngit, o kaya’y pagpayuhan o pigilin siya o makipagpaliwanagan sa kanya, at sa halip ay pabayaan siyang magpatuloy
l). gumawa nang matamlay at walang tiyak na balak, o patutunguhan; gumawa nang pawalang-bahala at magpabasta-basta—“Hanggat monghe ka’y patugtog ka na lang nang patugtog ng kampana.”
m). ipalagay na ang sarili’y nakapaglingkod na nang malaki sa rebolusyon, magmalaki sa pagiging isang beterano, mamuhi sa maliliit na gawain samantalang hindi naman kaya ang malalaking tungkulin, at maging padaskul-daskol sa gawain at tamad sa pag-aaral
n). mabatid ang sariling mga kamalian ngunit hindi magpunyaging iwasto ang mga iyon at maging liberal sa sarili
k. Paano mababaka ang liberalismo?
Tulad ng kalawang, kailangang kayurin ang liberalismo mula sa pinaka-kailaliman nito. O tulad ng masamang damo, mababaka lamang ang liberalismo sa pamamagitan ng pagbunot ng mga ugat nito.
Nakaugat ang liberalismo sa pagka-makasarili, sa paglalagay sa sarili sa ibabaw ng kapakanan ng rebolusyon at ng interes ng nakararami. Ito ang ugat ng pag-ayaw sa tunggaliang pang-ideolohiya. Tulad ng ipinakita sa mga halimbawa ng liberalismo, ang pag-ayaw sa tunggalian ay bunga ng pagnanasang mapanatili ang “kapayapaan” kahit hindi ito prinsipyado. Kadalasan, ang pagnanasang ito ay hindi lamang dahil sa pag-ayaw na masaktan ang iba. Kundi, pag-iwas ito na masaktan ang sariling interes: “Hindi kita pupunahin, huwag mo rin akong pakialaman.”
Para puspusang mababaka ang liberalismo, kailangang iwaksi ang pagka-makasarili at itaguyod ang interes ng rebolusyon o ng nakararaming masang pinagsasamantalahan at inaapi. Kailangang manindigan para sa mga prinsipyo ng rebolusyon at aktibong labanan ang lahat ng maling kaisipan, kilos at tendensya. Kailangang linangin at itaguyod ang diwa ng pagka-dimakasarili ng bawat rebolusyonaryo. Kailangang palawakin ang isip para makita at mayakap ang mas malawak na interes ng sambayanan, at hindi lamang ang sariling interes. Sa gayon walang pangingimi at pag-aatubiling maitataguyod ang mga tunggaliang pang-ideolohiya at mabubuo ang pinakamatibay na prinsipyadong pagkakaia sa ating hanay.
d. Ano ang pananaw na lantay-militar, saan nagmumula ito, at paano ito
maiwawasto?
Lantay-militar ang pananaw na magkahiwalay at magkabangga ang pulitika at militar, at tumatangging ipailalim at pagsilbihin sa pulitika ang mga usapin at gawaing militar. Itinuturing nitong tanging tungkulin ng hukbong bayan ang paglaban, at itinatangging tungkulin nito ang pagsasagawa ng propaganda sa masa at produksyon para sa rebolusyon. Nakakaligtaan nito na sa katunayan, ang hukbong bayan ang pangunahing kasangkapan sa pagkakamit ng pampulitikang layunin ng rebolusyon.
Nagmumula ang lantay pananaw-militar sa kakulangang maunawaan ang halaga ng pulitikal na pamumuno sa hukbong bayan, at sa kakulangan ng pag-unawa na sa esensya, ang nag-iiba sa hukbong bayan sa reaksyunaryong hukbo ay ang magkaibang pinagsisilbihang pulitika ng mga ito.
Kung gayon, maiwawasto ang lantay na pananaw-militar sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamulatan sa ideolohiya at pulitika ng rebolusyonaryong pwersa. Magagawa ito sa mga teoretikal at pulitikal na edukasyon, mga punahan at pagpuna sa sarili, at mga talakayan hinggil sa mga usaping militar kung saan naipakikita ang tamang ugnayan nito sa pulitika.
e. Ano ang ultra-demokrasya at pagsuway sa disiplina sa
organisasyon, at paano maiwawasto ang
mga ito?
Ultra-demokrasya ang labis na pagpapahalaga o paggigiit sa demokraksya nang lumalabas o hindi nagagabayan ng mga prinsipyo ng organisasyon. Ibig sabihin, hindi isinasaalang-alang, bantulot sa pagpapatupad, kundi man tahasang nilalabag, ang mga prinsipyo, patakaran, tuntunin o mga desisyon ng organisasyon. Mga halimbawa ng kaisipang ultra-demokratiko ang “demokratikong sentralismo mula sa ibaba pataas” at “talakayin muna sa nakabababang antas ang lahat ng usapin bago pagpasyahan ng nakatataas na antas”.
Makikita naman ang pagsuway sa disiplinang organisasyon sa sumusunod:
a. Pagtanggi ng minorya na sumunod sa mayorya. Ang di pagsunod sa mayorya ay maaaring nasa anyo ng di-seryoso o di-lubos na pagpapatupad sa desisyon ng kolektiba o organisasyon; o di kaya ay tahasang pagtanggi na ipatupad ito.
b. Pagpuna nang walang pagsasaalang-alang sa disiplina sa organisasyon. Maaaring magkaanyo ito sa mga personal o di-prinsipyadong pagpuna o atake. O di kaya, ginagawa ang pagpuna sa labas ng pulong o sa labas ng organisasyon.
Nakakasira sa pagkakaisa at nakakapagpahina ng organisasyon ang ultra-demokrasya at pagsuway sa disiplina ng organisasyon. Kapwa nakaugat ang mga ito sa petiburges na pagkamakasarili o indibidwalismo at pag-ayaw sa disiplina. Bukod dito, kapag mahina ang pamumuno at maluwag ang disiplina ng organisasyon, nagkakaroon ng mga kundisyon para sa pag-usbong ng ultra-demokrasya at pagsuway sa disiplina.
Para maiwasto, kailangang mabunot ang ugat na petiburges na pagkamakasarili o indibidwalismo at ang pag-ayaw sa disiplina ng organisasyon. Magagawa ito sa pamamagitan ng edukasyon at tunggaliang pang-ideolohiya. Kailangang pairalin ang diwa ng pagka-dimakasarili at pagpapailalim ng sariling interes sa interes ng kabuuan. Dapat mailinaw sa kasapian ang halaga ng organisasyon at ng disiplina sa loob nito. Mahalaga ring mailinaw ang kung paanong ginagabayan ng sentralismo ang demokrasya sa organisasyon, at paanong nakabatay ang sentralismo sa demokrasya.
Sa larangan ng organisasyon, kailangang gawing mas mabisa ang pamumuno at palakasin ang demokratikong sentralismo. Dapat tiyakin ng pamunuan na mahigpit ang ugnayan nito sa mga nakabababang antas at sa kasapian ng organisasyon, naisasaalang-alang ang kalagayan at mga ideya nila, at maayos ang daloy ng komunikasyon sa pagitan nila. Sa anumang antas, ang bawat desisyon ay dapat resulta ng masusing pag-aaral at malayang talakayan.
g. Ano ang indibidwalismo at paano ito maiwawasto?
Indibidwalismo ang labis ng pagpapahalaga sa sariling kapakanan samantalang ipinapailalim dito o isinasantabi ang kapakanan ng organisasyon at ng rebolusyon. Bukod sa ultra-demokrasya at pagsuway sa disiplina sa organisasyon, nakikita ang tunguhing indibidwalismo sa sumusunod na mga anyo:
1). pagganti
2). pag-iisip na “maliit na grupo”
3). kaisipang empleyado
4). paghahanap ng aliw
5). pananamlay o kawalang-sigasig
6). pagnanais na “bumaba” o “magpahinga”
7). kanya-kanyang kaharian
Dahil sinasalamin ng indibidwalismo ang petiburges at burges na mga kaisipan sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, edukasyon sa ideolohiya ang pangunahing paraan ng pagwawasto. Kailangang masapol ng bawat isa na ang mga di-proletaryong ideya at gawi ay salungat sa pagtupad sa mga tungkulin sa rebolusyon at sa interes ng malawak na masa ng sambayanan. Kaalinsabay, mahalagang isagawa ang mga usapin, pag-aatas at pagpapairal ng disiplina sa akmang paraan, at mapahusay ang pagtugon sa mga mga pangangailangan ng pwersa.
h. Ano ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay at paano ito
maiwawasto?
Kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ang hindi pagkilala sa magkakaibang kalagayan at pangangailangan ng iba’t ibang indibidwal at grupo sa loob ng organisasyon. Kaya’t iginigiit nito ang pagkakapantay-pantay sa gawain, rasyon, at iba pang bagay para sa lahat. Dahil hindi ito umaayon sa kongretong kalagayan at mga pangangailangan, nakakasagka ang ganitong kaisipan sa pagtupad ng gawain at sa pagsulong ng rebolusyon.
Nagmumula ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay sa ideyalistang kaisipan ng petiburges (maliit na nagmamay-ari) at magsasaka. Bagamat sa unang tingin ang hangarin ay magkaroon ang lahat, nasa ilalim nito ang makasariling pangamba na baka malamangan ng iba.
Para maiwasto ito, kailangang ilinaw na sa rebolusyonaryong hanay, ang pamamahagi ng materyal na mga bagay at gawain ay pangunahing itinatakda ng kongkretong mga pangangailangan sa pakikibaka. Sa larangan ng ideolohiya, kailangang ipaunawa na imposibleng magkaroon ng absolutong pagkakapantay-pantay. Totoo ito hindi lang sa ilalim ng sistemang kapitalista at sa malapyudal na sistema kundi maging sa ilalim ng sosyalismo.
i. Ano ang suhetibismo at paano ito maiwawasto?
Suhetibismo ang maling pagtingin o pagsusuri sa kalagayan, gawain, at maging sa mga kasama. Ibig sabihin, hindi ito umaayon sa obhetibong katotohanan. Kaugnay nito ang pagiging makaisang panig, tulad ng pagbabalewala sa mahahalagang usapin at labis namang pagpapalaki sa mga di kasinghalagang mga usapin. Halimbawa nito ang labis na pagpapalaki sa mga personal na kahinaan nang hindi nailulugar o naiuugnay sa gawain sa pulitika at organisasyon.
Mauugat ang suhetibismo sa di-proletaryo at di-siyentipikong pananaw at paraan ng pag-iisip. Nakakapinsala ito sa organisasyon dahil nagbubunga ng maling mga patakaran at desisyon, at naglilikha ng di-prinsipyadong mga tunggaliang nagpapahina sa organisasyon.
Para maiwasto ito, kailangang ipalaganap at itaguyod ang proletaryo at siyentipikong paninindigan, pananaw at paraan ng pagsusuri sa mga bagay-bagay. Kailangang magpakahusay ang bawat isa sa pag-aaral, pagsisiyasat at pagsusuri, laluna sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri-sa-uri.
l. Ano ang labi ng putsismo at ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng
lagalag at paano ito maiwawasto?
Ang labi ng putsismo at ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag ay kapwa mga di-proletaryong kaisipan na nagbubunsod ng kawalan ng disiplina, katamaran sa gawain sa pulitika at produksyon, at bulagsak na kilos sa loob ng hukbong bayan. Ang labi ng putsismo sa partikular ay nagbubunsod ng labis na mapusok at mapaminsalang mga kilos sa loob ng hukbong bayan. Kapwa nakakasira ang mga ito sa pagkakaisa sa loob ng hukbong bayan at sa pagitan ng hukbong bayan at ng mamamayan.
Nakikita ang mga labi ng putsismo sa pabulagsak na pagkilos, maluwag na disiplina, mga kalabisan tulad ng panununog ng bahay, pananakit sa masa at mga kasama, at pagpapahirap sa mga bihag.
Nakikita naman ang ideolohiya ng rebeldeng lagalag sa maluwag na disiplina, pag-iwas sa masikhay na gawaing masa, at paghahanap lamang ng kaluwagan at kasayahan. Halimbawa, sa halip na magpropaganda at tumulong sa maralitang magsasaka, mas pipiliin nilang tumungo sa mayamang magsasaka o sa kabayanan para makisalo sa masarap na pagkain.
Nakaugat ang mga labi ng putsismo sa ideolohiya ng lumpen-proletaryo at petiburges. Ang ideolohiya ng pangkat ng rebeldeng lagalag naman ay nagmumula sa kaisipan ng mga malaproletaryo at lumpen-proletaryong mga lagalag o palaboy (bagamundo).
m. Anu-ano ang iba pang maling kaisipan na makikita sa ating karanasan,
at paano binabaka ang mga ito?