Ang Pagong
Nicanor Tiongson

Ang Pagong
ay di dapat
alipustahin
ninuman-
ng unggoy na puti,
matsing na dilaw, o
itim na tsonggong may maskarang puti-
dahil sa siya'y mabagal,
maitim at tila
walang kahihinatnan.
pagkat,
sin bagal man siya ng bumabangong araw,
sin itim man siya ng kinainging lupa,
di na maglalao't
aahon ang pagong mula sa lunggang pinagtaguan,
bababa ang pagong mula sa mga gulagod ng kabundukan,
bababa ang pagong mula sa batis, ilog, dagat at kalookan,
dadagsa ang pagong mula sa ugnayan ng langit at sang kalupaan.

Huwag
laitin
ang pagong,
ang dalawang pagong,
ang tatlong pagong,
ang laksa-laksang pagong ng ating kanayunan
na susunod sa maitim, malakas
at dakilang pagong ng kalunsuran,
upang
kumpol-kumpol,
hanay-hanay,
kawing-kawing
nilang paligiran, paglalangan
ang mga tusong matsing ng ating bansa,
upang
kanilang ngatngatin ang saging
na emperyo ng mga
puti-dilaw-puti putiang unggoy
na mahilig
lumamon
ng tubo-pinya-saging-tabako
at malapit
ng lumagapak
sa bundat na kahinogan.

Purihin nawa
ang walang-pagod na pagong,
ang walang pagod - tugod na pagong,
ang walang- ingay - ungol - angal na pagong
na pupuksa
sa lahat ng unggoy, matsing, tsonggo sa mundo
at siyang magtatayo
ng
matatag
at busilak
na pagkakapatiran
ng sangkapagungan.

 

Sabayang Pagbigkas School Year: 1998-1999 Juniors

[ main ]   [ profiles ]   [ pixie pix ]   [ the jest ]   [ linx ]

� 4-2 Online

1